Add parallel Print Page Options

Mga Kaloob na Espirituwal

12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko ibig na kayo ay walang nalalaman patungkol sa mga kaloob na espirituwal.

Alam ninyo na kayong mga Gentil ay inakay patungo sa mga diyos-diyosang hindi nakakapagsalita. Kaya nga, nais kong malaman ninyo ito. Walang sinumang tao na nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ang nagsasabi: Sumpain si Jesus. Wala ring makakapagsabing si Jesus ay Panginoon maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

May iba’t ibang uri ng kaloob ngunit iisa ang Espiritu. May iba’t ibang uri ng paglilingkod ngunit iisa ang Pangi­noon. May iba’t ibang uri ng gawain ngunit iisa ang Diyos na sa lahat ay gumagawa sa lahat ng bagay.

Ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan. Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa isa ay ibinigay ang salita ng karunungan. Sa isa ay ibinigay ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. Sa iba ay ibinigay ang pananampalataya at sa iba ay kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Sa isa naman ay ibinigay ang paggawa ng mga himala at sa isa ay ang pagpapahayag. Sa isa ay ibinigay ang pagkilala sa mga espiritu at sa iba naman ay iba’t ibang uri ng wika. Sa iba naman ay ang pagpapaliwanag sa mga wika. 11 Gayunman, ang isa at siya ring Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga bagay na ito. Ibinabahaginiya ito sa bawat isa ayon sa kaniyang kalooban.

Isang Katawan, Maraming Bahagi

12 Ang katawan ay iisa ngunit maraming bahagi. Ang lahat ng bahagi ng isang katawan bagamat marami ay iisang katawan. Si Cristo ay gayundin.

13 Ito ay sapagkat sa pamama­gitan ng iisang Espiritu, tayo rin ngang lahat ay binawtismuhan sa iisang katawan kahit tayo ay Judio o Griyego, alipin o malaya. At tayo rin ay pinainom sa iisang Espiritu.

14 Ito ay sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi kundi marami. 15 Ang paa ba ay hindi bahagi ng katawan kapag sinabi niya: Dahil hindi ako kamay, hindi ako kasama sa katawan. 16 Ang tainga ba ay hindi bahagi ng katawan kapag sinabi niya: Dahil hindi ako mata, hindi ako kasama sa katawan. 17 Kung ang buong katawan ay mata, paano ito makakarinig? Kung ang buong katawan ay pandinig, paano ito makakaamoy? 18 Ngunit ngayon, inilagay ng Diyos sa katawan ang bawat isang bahagi ayon sa kalooban niya. 19 Kapag ang lahat ng bahagi ay iisa lang, nasaan ang katawan? 20 Ngunit ngayon, marami ang bahagi ngunit iisa ang katawan.

21 Ang mata ay hindi makakapagsabi sa kamay: Hindi kita kailangan. Maging ang ulo ay hindi makakapagsabi sa paa: Hindi kita kailangan. 22 Subalit ang mga bahagi pa nga ng katawan na inaakalang mahihina ay siyang kinakailangan. 23 Binibigyan natin ng malaking karangalan ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong marangal. Ang mga hindi magagandang bahagi ay higit nating pinagaganda. 24 Ngunit ang magagandang bahagi ay hindi na kinakailangang pagandahin. Subalit maayos na pinagsama-sama ng Diyos ang katawan. Ang mga bahaging may kakulangan ay binigyan niya ng higit na karangalan. 25 Ito ay upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan at sa halip ay magmalasakitan sa isa’t isa ang lahat na bahagi. 26 Kaya nga, kung ang isang bahagi ay maghihirap, kasama niyang maghihirap ang lahat ng bahagi. Kung ang isang bahagi ay pararangalan, kasama niyang magagalak ang lahat ng bahagi.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo at ang bawat isa ay bahagi nito. 28 At itinalaga ng Diyos ang ilan sa iglesiya. Una ay ang mga apostol, pangalawaang mga propeta at pangatlo ang mga guro. Kasunod nito ang mga gumagawa ng himala, pagkatapos ay ang mga kaloob ng pagpapagaling at saka ang pagtulong. Inilagay din ang pamamahala at iba’t ibang uri ng wika. 29 Ang lahat ba ay mga apostol? Lahat ba ay mga propeta? Lahat ba ay mga guro? Ang lahat ba ay gumagawa ng mga himala? 30 Lahat ba ay may kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba ay nagsasalita ng mga wika? Lahat ba ay nagpapa­liwanag ng mga wika? 31 Ngunit higit ninyong hangarin ang pinakamabuting kaloob.

Ipakikita ko sa inyo ang lalo pang higit na paraan.

Pag-ibig

13 Kung magsalita ako ng mga wika ng mga tao o ng mga anghel at wala akong pag-ibig, ako ay parang tansong tumutunog o kumakalansing na pompiyang.

Kahit na may kaloob ako ng paghahayag, at ng pagkaalam sa lahat ng mga hiwaga at nasa akin ang lahat ng kaalaman, wala akong halaga kung wala akong pag-ibig. Kahit na may matibay akong pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, kung wala akong pag-ibig, wala akong halaga. Kahit ipamigay ko ang lahat kong tinatangkilik upang mapakain ang mga mahihirap, kahit ibigay ko ang aking katawan para sunugin, kung wala akong pag-ibig, wala akong mapapakinabang.

Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sarilingkapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata sa lahat ng bagay.

Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroong paghahayag, ang mga ito ay lilipas. Kung may pagsasalita ng mga wika, sila ay titigil.Kung may kaalaman, ito ay lilipas. Ito ay sapagkat alam namin ang ilang bahagi, at naghahayag kami ng ilang bahagi. 10 Ngunit kapag yaong ganap ay darating, ang ilang bahagi na iyon ay lilipas. 11 Nang ako ay bata pa, nagsalita ako tulad ng bata, nag-isip ako tulad ng bata, nangatwiran ako tulad ng bata. Nang ako ay malaki na, iniwan ko na ang mga bagay na pambata. 12 Ito ay sapagkat sa ngayon ay malabo tayong makakakita sa pamamagitan ng salamin, ngunit darating ang panahon na tayo ay magkikita-kita nang harapan. Sa ngayon ang alam ko ay ilang bahagi lamang ngunit darating ang panahon na makakaalam ako tulad ng naging pagkaalam sa akin.

13 Ngayon ang tatlong ito ay mananatili, ang pananam­palataya, ang pag-asa at ang pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa tatlong ito ay ang pag-ibig.

Ang Kaloob ng Paghahayag at Pagsasalita ng mga Wika

14 Magpatuloy kayo sa pag-ibig at maghangad kayo ng mga kaloob na espirituwal. Ngunit lalo ninyong hangarin na kayo ay makapaghayag.

Ito ay sapagkat siya na nagsasalita ng ibang wika ay nagsasalita hindi sa mga tao kundi sa Diyos, dahil walang nakakaunawa sa kaniya. Ngunit sa espiritu, siya ay nakakapagsalita ng mga hiwaga. Ngunit ang naghahayag ay nagsasalita sa tao upang sila ay patatagin, palakasin ang kanilang loob at bigyan sila ng kaaliwan. Ang nagsasalita ng ibang wika ay nagpapatatag sa sarili niya. Ngunit ang naghahayag ay nagpapatatag sa iglesiya. Ibig ko na lahat kayo ay makapagsalita ng ibang wika ngunit higit kong ninanais na kayo ay makapagha­hayag. Ito ay sapagkat ang naghahayag ay higit na dakila kaysa sa nagsasalita ng ibang wika, maliban na lang kung ipaliliwanag niya. Sa ganoon ang iglesiya ay makakatanggap ng katatagan.

At ngayon mga kapatid, kung ako ay pumunta sa inyo na nagsasalita sa ibang wika, may mapapakinabangan ba kayo sa akin? Wala kayong mapapakinabangan sa akin maliban na lang kung ako ay magsasalita sa pamamagitan ng pahayag o sa kaalaman, o sa paghahayag, o sa pagtuturo. Ang mga walang buhay na bagay ay nagbibigay ng tunog, maging plawta man o alpa. Papaano nga malaman kung ang tinutugtog ay plawta o alpa kung hindi ito magbigay ng malinaw na tunog? Maging ang trumpeta, kung ito ay magbigay ng hindi malinaw na tunog, sino ang maghahanda sa pakikidigma? Ganoon din sa inyo. Malibang gumamit kayo ng mga salitang madaling maunawaan, papaano mauunawaan ang mga sinasabi ninyo? Ito ay sapagkat sa hangin kayo nagsasalita. 10 Maaaring sa sanlibutan ay napakaraming uri ng tunog, wala isa man sa kanila ang walang kabuluhan. 11 Kaya nga, kung hindi ko naiintindihan ang kahulugan ng wikang iyon, ako ay tulad ng isang banyaga sa kaniya na nagsasalita. Siya rin naman na nagsasalita ay tulad ng isang banyaga sa akin. 12 Ganoon din sa inyo. Yamang naghahangad kayo ng mga espirituwal na kaloob. Hangarin ninyo na kayo ay sumagana para sa ikatatatag ng iglesiya.

13 Kaya nga, ang nagsasalita sa ibang wika ay manalangin namaipaliwanag niya ang sinasabi niya. 14 Ito ay sapagkat kung ako ay nananalangin sa ibang wika, ang espiritu ko ay nananalangin ngunit ang aking pang-unawa ay walang bunga. 15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu at mananalangin din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. Magpupuri ako sa espiritu at magpupuri din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. 16 Kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, sa iyong pagbibigay ng pasasalamat, paano makakapagsabi ng siya nawa ang taong hindi naturuan. Ang sinasabi mo ay hindi niya nalalaman. 17 Ito ay sapagkat makakapagpasalamat ka nga ng mabuti ngunit ang iba ay hindi nagiging matibay.

18 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos na ako ay nakapag­sasalita ng ibang wika nang higit sa inyong lahat. 19 Subalit iibigin ko pang magsalita sa iglesiya ng limang salita na nauunawaan ko kaysa sampung libong salita sa ibang wika. Ito ay upang makapagturo ako sa iba.

20 Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa pag-iisip. Subalit maging mga sanggol kayo sa masamang hangarin, ngunit sa pag-iisip ay maging mga lalaking may sapat na gulang na. 21 Nakasulat sa kautusan:

Sinabi ng Panginoon: Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamama­gitan ng ibang mga wika at magsasalita ako sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga. Kahit na maging gayonhindi nila ako pakikinggan.

Mga Wika Bilang Tanda

22 Kaya nga, ang mga wika ay bilang tanda, hindi para sa mga sumasampalataya kundi para sa kanila na hindi sumasam­palataya. Ngunit ang paghahayag ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya kundi para sa mga sumasampalataya.

23 Kaya nga, kung ang buong iglesiya ay magtitipun-tipon sa isang lugar at bawat isa ay mag-salita sa iba’t ibang wika, at sa pagpasok ng mga hindi tinuruan at hindi mananampalataya ay narinig kayo, hindi kaya nila isiping kayo ay nababaliw? 24 Kapag ang lahat ay naghahayag, sa pagpasok ng hindi mananampalataya at hindi nataruan, siya ay susumbatan ng lahat, siya ay hahatulan ng lahat. 25 At sa ganoong paraan ang mga lihim ng kaniyang puso ay mahahayag. Siya ay magpapatirapa at sasamba sa Diyos at iuulat niyang ang Diyos ay tunay na sumasainyo.

Maayos na Pananambahan

26 Ano ngayon ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag kayo ay nagtitipun-tipon ang bawat isa sa inyo ay may awit, may katuruan, may ibang wika, may kapahayagan, may pagpapa­liwanag na mga wika. Ang lahat ng ito ay gawin ninyo nawa sa ikatitibay.

27 Kapag ang sinuman ay magsasalita sa ibang wika, gawin ito ng dalawa hanggang sa tatlo lang at dapat sunod-sunod at kinakailangang may nagpapaliwanag. 28 Kung walang magpapaliwanag, tumahimik siya sa iglesiya at magsalita na lang siya sa kaniyang sarili at sa Diyos.

29 Papagsalitain ang dalawa o tatlong propeta at hayaan silang hatulan ng iba. 30 Ngunit kung ang isa na nakaupo ay may kapahayagan, tumahimik muna ang nauna. 31 Ito ay sapagkat lahat kayo ay maaaring isa-isang makapaghahayag upang ang lahat ay matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang espiritu ng mga propeta ay nagpapasakop sa mga propeta. 33 Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan, tulad ng sa lahat ng iglesiya ng mga banal.

34 Ang kababaihan ay tumahimik sa iglesiya, dahil hindi silapinahihintulutang magsalita. Sa halip sila ay dapat magpasakop ayon na rin sa nakasulat sa kautusan. 35 Kung ibig nilang matuto ng anumang bagay, magtanong sila sa sarili nilang mga asawa sa kanilang bahay sapagkat nakakahiya para sa babae ang magsalita sa iglesiya.

36 Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo, o dumating lang ito sa inyo? 37 Kung ang sinuman ay magisip na siya ay propeta o kaya ay espirituwal na tao, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay mga utos mula sa Panginoon. 38 Kapag ito ay hindi pahalagahan ng sinuman, hayaan ng ito ay hindi niya pahalagahan.

39 Kaya nga, mga kapatid, magsumigasig kayo, na kayo ay makapaghahayag at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika. 40 Ang lahat ay gawin ninyo nang nararapat at may kaayusan.

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

15 Mga kapatid, ipinaalam ko sa inyo ang ebanghelyo na ipinangaral ko sa inyo na inyo ring tinanggap at inyong pinaninindigan.

Sa pamamagitan din nito kayo ay ligtas, kapag nanghahawakan kayong matatag sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na lamang kung sumam­palataya kayo nang walang kabuluhan.

Ito ay sapagkat ibinigay ko na nga sa inyo nang una pa lamang ang akin ding tinanggap, na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan. Siya rin ay inilibing at siya ay ibinangon sa ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. Siya ay nagpakita kay Cefas at gayundin sa labindalawang alagad. Pagkatapos nito sa isang pagkakataon, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatiran. Ang nakakaraming bahagi nito ay nananatili hanggang ngayon at ang ilan ay natulog na. Pagkatapos siya ay nagpakita kay Santiago at saka sa lahat ng mga apostol. Sa kahuli-hulilan, nagpakita siya sa akin, ako na tulad ng isang sanggol na ipinanganak ng wala sa panahon.

Ito ay sapagkat ako ang pinakamababa sa lahat ng mga apostol, na hindi nararapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesiya ng Diyos. 10 Dahil sa biyaya ng Diyos ako ay naging ako at ang biyaya niya na para sa akin ay hindinaging walang kabuluhan. Ako ay nagpagal nang higit pa sa kanilang lahat, ngunit hindi ako kundi ang biyaya ng Diyos na sumasaakin. 11 Kaya nga, maging ako man o sila, ito ang ipinangaral namin at kayo ay sumampalataya.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 Si Cristo ay ipinangangaral na ibinangon mula sa mga patay. Yamang gayon nga, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay mula sa mga patay?

13 Kung wala ngang muling pagkabuhay mula sa mga patay, kahit na si Cristo ay hindi ibinangon. 14 Kung si Cristo ay hindi naibangon, ang aming pagpapahahayag ay walang kabuluhan at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan. 15 Kami rin naman ay masusumpungang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat nagpatotoo kami patungkol sa Diyos na ibinangon niya si Cristo. Hindi na sana niya ibinangon si Cristo kung hindi rin lang ibabangon ang mga patay. 16 Ito ay sapagkat kunghindi ibabangon ang patay, maging si Cristo ay hindi nagbangon. 17 Kung si Cristo ay hindi nagbangon, ang inyong pananampala­taya ay walang kabuluhan, kayo ay nasa inyong mga kasalanan pa. 18 Kung magkaganito, sila na mga namatay kay Cristo ay napahamak. 19 Kung sa buhay lamang na ito tayo ay umaasa kay Cristo, tayo na ang higit na kahabag-habag sa lahat ng mga tao.

20 Ngayon, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Siya ang naging unang bunga nila na mga namatay. 21 Yaman ngang sa pamamagitan ng tao ang kamatayan ay dumating, sa pamamagitan din naman ng isang tao ay dumating ang muling pagkabuhay sa mga patay. 22 Kung papaanong kay Adan ang lahat ay namatay, gayundin naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat tao ay may kaniya-kaniyang pagkakasunod-sunod. Si Cristo ang pinaka-unang bunga, pagkatapos sila na mga kay Cristo, sa kaniyang pagdating. 24 Pagkatapos ng mga ito ay ang katapusan, kapag naibigay na niya ang paghahari sa kaniya na Diyos at Ama. Ito ay kapag kaniyang napawalan ng kapangyarihan ang lahat ng pamumuno at lahat ng kapamahalaan at lahat ng kapangyarihan. 25 Ito ay sapagkat kinakailangan niyang maghari hanggang sa mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga paa ang lahat ng kaaway. 26 Ito ay sapagkat ang huling kaaway na pawawalan ng kapang­yarihan ay ang kamatayan. 27 Ito ay sapagkat kaniya na ngang ipinasailalim sa kaniyang mga paa ang lahat ng mga bagay. Ngunit nang sabihin niya na ang lahat ng mga bagay ay ipinasailalim niya, maliwanag na siya na magpasailalim ng lahat ng mga bagay ay hindi kasama. 28 Kapag ang lahat ng mga bagay ay mapasailalim na niya, ang Anak din naman ay mapapasailalim sa Ama na nagpasailalim ng lahat ng mga bagay sa kaniya. Ito ay upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.

29 Kung hindi gayon, ano pa ang gagawin nila na mga nabawtismuhan alang-alang sa mga patay kung hindi rin lang ibabangon ang mga patay? Bakit pa sila binawtismuhan alang-alang sa mga patay? 30 At bakit nasa panganib tayo bawat oras? 31 Masasabi ko, ayon sa aking pagmalalaki patungkol sa inyo na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon, na namamatay ako araw-araw. 32 Kung ayon sa paraan ng tao ako ay nakikipaglaban sa mga mababangis na hayop sa Efeso, ano ang kapakinabangan sa akin kung ang patay ay hindi ibabangon? Kumain tayo, uminom tayo, sapagkat sa kinabukasan tayo ay mamamatay. 33 Huwag kayong magpadaya. Ang masamang kasama ay sumisira sa magandang pag-uugali. 34 Gumising kayo na may katuwiran at huwag magkasala sapagkat ang iba ay hindi nakakakilala sa Diyos. Nagsasalita ako para sa inyong kahihiyan.

Ang Katawang Binuhay Muli ng Diyos

35 Subalit maaaring may magsabi: Papaano ibinabangon ang mga patay? At ano ang magiging katawan nila?

36 Ikaw na hangal, anuman ang iyong itanim, hindi ito mabubuhay maliban ito ay mamatay. 37 Anuman ang iyong itanim, hindi mo itinatanim ang magiging katawan noon. Ang itinatanim ay ang butil, ito ay maaaring butil ng trigo o anumang ibang butil. 38 Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng katawan ayon sa kaniyang kalooban, at sa bawat isang binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkatulad na laman. Iba ang laman ng tao, iba ang sa hayop, iba ang sa isda at iba naman ang sa ibon. 40 May katawan na panlangit at mayroon ding panlupa, ngunit iba ang kaluwalhatian ng panlangit at iba ang sa panlupa. 41 Iba ang karilagan ng araw at iba ang karilagan ng buwan. Iba ang karilagan ng mga bituin dahil ang karilagan ng isang bituin ay iba kaysa sa isang bituin.

42 Ganito rin nga ang pagkabuhay muli ng mga patay. Ito ay inililibing sa kabulukan, ito ay ibinabangon sa walang kabulukan. 43 Ito ay inililibing sa walang karangalan, ito ay ibinabangon sa kaluwalhatian. Ito ay inililibing sa kahinaan, ito ay ibinabangon sa kapangyarihan. 44 Ito ay inihasik na likas na katawan, ito ay babangon na espirituwal na katawan.

Mayroong likas na katawan at mayroong espirituwal na katawan.

45 Gayundin ang nasusulat: Ang unang tao na si Adan ay naging buhay na kaluluwa. Ang huling Adan ay espiritu na nagbibigay buhay. 46 Hindi una ang espirituwal kundi ang likas, pagkatapos ay ang espirituwal. 47 Ang unang tao ay mula sa lupa, gawa sa alabok. Ang ikalawang tao ay ang Panginoon na mula sa langit. 48 Kung ano siya na gawa sa alabok, gayundin sila na mga gawa sa alabok. Kung ano siya na panlangit, gayundin sila na panlangit. 49 Kung paano natin tinataglay ang anyo ng gawa sa alabok, gayundin natin tataglayin ang anyo ng nagmula sa langit.

50 Ngayon, ito ang sinasabi ko mga kapatid: Ang dugo at laman ay hindi makakapagmana ng paghahari ng Diyos. Maging ang kabulukan ay hindi makakapagmana ng walang kabulukan. 51 Narito, sinasabi ko sa inyo ang isanghiwaga: Hindi lahat sa atin ay matutulog ngunit lahat ay babaguhin. 52 Lahat ay babaguhin sa isang iglap, sa isangkisap mata, sa huling pagtunog ng trumpeta dahil ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay ibabangong walang kabulukan at tayo ay mababago. 53 Ito ay sapagkat kinakailangang ang may kabulukang ito ay maging walang kabulukan at ang may kama­tayang ito ay maging walang kamatayan. 54 Kapag ang may kabulukan ay maging walang kabulukan at ang may kamatayan ay maging walang kamatayan, matutupad ang salitang isinulat:

Ang kamatayan ay nilamon na sa tagumpay.

55 Kamatayan, nasaan ang iyong tibo? Hades, nasaan ang iyong tagumpay?

56 Ngayon, ang tibo ng kamatayan ay kasalanan at ang lakas ng kasalanan ay ang kautusan. 57 Ngunit salamat sa Panginoon na nagbigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.

58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo, hindimakilos, laging nananagana sa gawain ng Panginoon. Alam ninyo na ang inyong mga pagpapagal ay hindi walang kabuluhan sa Panginoon.

Ang Paglilikom Para sa mga Anak ng Diyos

16 Patungkol naman sa nalilikom na para sa mga banal, gawin ninyo ang tulad sa ibinilin ko sa mga taga-Galacia.

Tuwing unang araw ng sanlinggo, bawat isa sa inyo ay maglagak ayon sa naging pagpapala niya. Ito ay upang sa pagdating ko ay wala nang paglilikom na gagawin. Kapag dumating ako, sinuman ang inyong payagan sa pamamagitan ng sulat ay aking isusugo saJerusalem upang dalhin ang inyong tulong. Kung nararapat din akong pumunta, kasama nila akong pupunta.

Sariling Kahilingan

Pupunta ako sa inyo kapag nakadaan na ako sa Macedonia sapagkat sa Macedonia ako dadaan.

Maaaring tumigil ako sa inyo o maging hanggang sa taglamig upang matulungan ninyo ako saan man ako pumaroon. Ito ay sapagkat hindi ko ibig na makita ko kayo ngayon sa aking pagdaan, ngunit umaasa akong makapanatili ng ilang panahon kasama ninyo, kung pahihin­tulutan ng Panginoon. Ngunit ako ay mananatili sa Efeso hanggang sa Pentecostes. Ito ay sapagkat isang malaki at mabisang daan ang binuksan sa akin doon at marami ang humahadlang.

10 Kapag dumating diyan si Timoteo, tiyakin ninyo na makakasama ninyo siya ng walang pagkatakot sapagkat gawain ng Panginoon ang kaniyang ginagawa, tulad ng ginagawa ko. 11 Kaya nga, huwag ninyo siyang hayaang hamakin ng sinuman, sa halip, tulungan ninyo siyang makahayo nang mapayapa upang makarating siya sa akin sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.

12 Patungkol kay kapatid na Apollos, lubos kong ipina­manhik sa kaniya na pumunta sa inyo kasama ng mga kapatid. Hindi niya kaloobang pumunta sa panahong ito ngunit pupunta siya sa inyo kapag may pagkakataon siya.

13 Magbantay kayo, tumayo kayong matatag sa pananam­palataya, maging matapang kayo, magpakalakas kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay nang may pag-ibig.

15 Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid. Kilala ninyo ang sambahayan ni Estefanas. Alam ninyo na ito ang unang bunga ng Acaya at itinalaga nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga banal. 16 Ipinamamanhik ko na magpa­sakop din kayo sa kanila at sa bawat isang gumagawa at nagpa­pagal na kasama namin. 17 Ako ay nagagalak sa pagdating nina Estefanas, Fortunato at Acaico dahil ang inyong kaku­langan ay pinunan nila. 18 Ito ay sapagkat napagpanibagong-sigla nila ang aking espiritu, at ang inyong espiritu kaya kilalanin nga ninyo sila.

Panghuling Pagbati

19 Binabati kayo ng iglesiya sa Asya. Lubos kayong bina­bati nina Aquila at Priscilla kasama ang iglesiya na nasa kanilang tahanan.

20 Ang lahat ng mga kapatid ay bumabati sa inyo. Magbatian kayo sa isa’t isa ng banal na halik.

21 Ito ang pagbati ko, akong si Pablo, sa pamamagitan ng sarili kong kamay.

22 Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoong Jesucristo, sumpain siya. Maranatha![a]

23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesucristo.

24 Sumainyo ang aking pag-ibig sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Siya nawa!

Footnotes

  1. 1 Corinto 16:22 Maranatha, sa salitang Chaldea, ito ay nangangahulugang: Ang ating Panginoon ay dumating