Add parallel Print Page Options

Ang Salita ng Buhay

Siya na buhat pa nang pasimula ay aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming namasdan at nahawakanng aming mga kamay. Siya ang Salita ng buhay.

Ang buhay ay nahayag at nakita namin ito at aming pinatotohanan. Isinasalaysay namin sa inyo ang buhay na walang hanggan na iyon na kasama ng Ama na nahayag sa amin. Siya na aming nakita at narinig ay isinasalaysay namin sa inyo upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikipag-isa sa amin. Tunay na ang pakikipag-isa ay sa Ama at sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Sinusulat namin ang mga bagay na ito sa inyo upang malubos ang ating kagalakan.

Pamumuhay sa Liwanag

Ito nga ang pangaral na narinig namin sa kaniya at ipinahahayag namin sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kaniya ay walang anumang kadiliman.

Kung sinasabi nating tayo ay may pakikipag-isa sa kaniya ngunit lumalakad naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan. Ngunit kung lumalakad tayo sa liwanag, tulad niyang nasa liwanag, may pakikipag-isa tayo sa isa’t isa. Ang dugo ni Jesucristo na kaniyang anak ang naglilinis sa lahat ng kasalanan.

Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na magpapatawad at maglilinis sa atin sa lahat ng ating kalikuan. 10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang salita niya ay wala sa atin.

Munti kong mga anak, sinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Ngunit kapag nagkasala ang sinuman, mayroon tayong isang Tagapagtanggol sa Ama, si Jesucristo, ang matuwid. Siya ang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. Hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para rin naman sa mga kasalanan ng buong sanlibutan.

Sa ganitong paraan, nalalaman natin na nakikilala natin siya kapag sinusunod natin ang kaniyang mga utos. Ang nagsasabing: Nakikilala ko siya, ngunit hindi sinusunod ang kaniyang mga utos ay isang sinungaling at wala sa kaniya ang katotohanan. Ang sinumang sumusunod sa kaniyang mga salita, totoong naganap sa kaniya ang pag-ibig ng Diyos. Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nasa kaniya. Ang sinumang nagsasabing siya ay nananatili sa kaniya, ay nararapat din namang lumakad kung papaano lumakad si Jesus.

Mga kapatid, hindi ako sumusulat ng bagong utos sa inyo kundi ang dating utos na inyong tinanggap mula pa noong una. Ang dating utos ay ang salita na inyong narinig buhat pa sa pasimula. Muli, isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo na totoo sa kaniya at sa inyo sapagkat ang kadiliman ay napapawi na at ang tunay na liwanag ay sumisikat na.

Ang nagsasabing siya ay nasa liwanag ngunit napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon. 10 Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananatili sa liwanag at walang anumang bagay ang sa kaniya na magiging katitisuran. 11 Ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya malaman kung saan siya patutungo sapagkat ang kadilimang iyon ang bumulag sa kaniyang mga mata.

12 Munti kong mga anak, sinusulatan ko kayo sapagkat ang inyong mga kasalanan ay pinatawad na, alang-alang sa kaniyang pangalan.

13 Mga ama, sumusulat ako sa inyo sapagkat nakilala na ninyo siya, na buhat pa sa pasimula. Mga kabataang lalaki, sumusulat ako sa inyo sapagkat nalupig ninyo siya na masama. Mga munti kong anak, sumusulat ako sa inyo sapagkat nakilala ninyo ang Ama. 14 Mga ama, sinulatan ko kayo sapagkat nakilala na ninyo siya na buhat pa sa pasimula. Mga kabataang lalaki, sinulatan ko kayo sapagkat kayo ay malakas at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo at nalupig ninyo ang masama.

Huwag Ibigin ang Sanlibutan

15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, maging ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama.

16 Ito ay sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang pagnanasa ng laman, ang masasamang pagnanasa ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay. Ang mga ito ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.

17 Lumilipas ang sanlibutan at ang masasamang pagnanasa nito ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

Babala Laban sa mga Anticristo

18 Munting mga anak, ito na ang huling oras. Gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo. Kahit ngayon ay marami nang anticristo kaya nalalaman natin na ito na ang huling oras.

19 Humiwalay sila sa atin subalit hindi sila kabilang sa atin sapagkat kung talagang kabilang sila sa atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang mahayag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.

20 Ngunit kayo ay pinagkalooban niyaong Banal at nalalaman ninyo ang lahat ng bagay. 21 Sinulatan ko kayo hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam na ninyo ito. Alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan. 22 Sino ang sinungaling? Siya na tumatangging si Jesus ang Mesiyas. Ang tumatanggi sa Ama at sa Anak, siya ay anticristo. 23 Ang bawat isang tumatanggi sa Anak ay wala rin naman sa kaniya ang Ama. 24 Kaya nga, ang mga bagay na inyong narinig buhat pa sa pasimula ay manatili nga sa inyo. Kung ang inyong narinig buhat pa sa pasimula ay nananatili sa inyo ay mananatili rin kayo sa Anak at sa Ama.

25 Ang pangakong ipinangako niya sa atin ay ito, ang buhay na walang hanggan. 26 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo patungkol sa kanila na ibig na kayo ay mailigaw. 27 Ang pagkakaloob sa inyo na inyong tinanggap mula sa kaniya ay nananatili sa inyo at hindi na kayo kailangang turuan ninuman. Ito ring pagkakaloob na ito ang siyang nagtuturo sa inyo patungkol sa lahat ng bagay. Ito ay totoo at hindi ito kasinungalingan. At kung papaanong tinuruan kayo nito, manatili kayo sa kaniya.

Mga Anak ng Diyos

28 Ngayon, munting mga anak, manatili kayo sa kaniya. Sa gayon, kapag mahahayag siya, magkakaroon tayo ng kapanatagan at hindi tayo mahihiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito.

29 Kung inyong nalalaman na siya ay matuwid, inyong nalalaman na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak mula sa Diyos.

Narito, kung gaano kalaki ang pag-ibig ng Ama na ipinagkaloob sa atin upang tawagin tayong mga anak ng Diyos. Ang dahilan kaya hindi tayo kilala ng sanlibutan ay sapagkat hindi ito nakakakilala sa kaniya. Mga minamahal, ngayon ay mga anak na tayo ng Diyos bagaman hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Ngunit alam natin na kapag mahahayag siya, tayo ay magiging katulad niya sapagkat makikita natin siya kung ano ang anyo niya. Sinumang nagtataglay ng ganitong pag-asa sa kaniya ay dumadalisay sa kaniyang sarili, gaya naman niyang dalisay.

Sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din sa kautusan at ang kasalanan ay ang hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.

Nalalaman ninyo na siya ay nahayag upang alisin ang ating mga kasalanan at sa kaniya ay walang kasalanan. Sinumang nananatili sa kaniya ay hindi nagkakasala. Ang sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kaniya o nakakilala sa kaniya.

Mga anak, huwag ninyong hayaang iligaw kayo ninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid na gaya niyang matuwid. Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo sapagkat ang diyablo ay nagkakasala na buhat pa sa pasimula. Ang Anak ng Diyos ay nahayag sa dahilang ito upang wasakin niya ang mga gawa ng diyablo. Ang sinumang ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan sapagkat ang kaniyang binhi ay nananatili sa kaniya. At hindi siya maaaring magkasala sapagkat ang kaniyang kapanganakan ay mula sa Diyos. 10 Sa ganitong paraan nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo. Ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay hindi sa Diyos.

Mag-ibigan sa Isa’t isa

11 Ito ang pangaral na inyong narinig buhat pa sa pasimula, na dapat tayong mag-ibigan sa isa’t isa.

12 Huwag nating tularan si Cain na galing sa kaniya na masama. At malupit niyang pinatay ang kaniyang kapatid. Bakit malupit niyang pinatay ang kaniyang kapatid? Ito ay sapagkat masasama ang kaniyang mga gawa at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid. 13 Mga kapatid ko, huwag kayong magtaka kapag kinapopootan kayo ng sangkatauhan. 14 Nalalaman natin na lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay nananatili sa kamatayan. 15 Sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay isang mamamatay-tao. Alam ninyong ang mamamatay-tao ay walang buhay na walang hanggan sa kaniya.

16 Sa ganitong paraan ay nakilala natin ang pag-ibig ng Diyos sapagkat inialay na ni Jesus ang kaniyang buhay para sa atin. Kaya dapat din naman na ialay natin ang ating mga buhay para sa mga kapatiran. 17 Kung ang sinuman ay may mga pag-aari sa sanlibutang ito at nakikita niya ang kaniyang kapatid na may pangangailangan at ipagkait sa kaniya ang habag, paano mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kaniya? 18 Munti kong mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita lamang ni ng dila lamang kundi sa pamamagitan ng gawa at sa katotohanan. 19 Sa ganitong paraan, nalalaman nating tayo ay mula sa katotohanan at ang ating mga puso ay magkakaron ng katiyakan sa harapan niya. 20 Kapag hinatulan tayo ng ating puso, ang Diyos ay lalong higit kaysa sa ating puso at alam niya ang lahat ng bagay.

21 Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating puso, may kapanatagan tayo sa harap ng Diyos. 22 At anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa kaniya sapagkat sinusunod natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na nakakalugod sa kaniyang paningin. 23 Ito ang kaniyang utos: Sumampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo. Tayo ay mag-ibigan sa isa’t isa ayon sa ibinigay niyang utos sa atin. 24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa kaniya at ang Diyos ay nananatili sa kaniya. Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na siya ay nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.

Subukin ang mga Espiritu

Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, sa halip, subukin muna ninyo ang mga espiritu kung sila ay mula sa Diyos sapagkat maraming bulaang propeta ang naririto na sa sanlibutan.

Sa ganitong paraan ninyo malalaman ang Espiritu ng Diyos: Ang bawat espiritung kumikilala na si Jesucristo ay nagkatawang tao sa kaniyang pagparito ay mula sa Diyos. Ang bawat espiritung hindi kumikilala na si Jesucristo ay nagkatawang tao sa kaniyang pagparito ay hindi mula sa Diyos. Ito ang espiritu ng anticristo na narinig ninyong darating at narito na nga sila ngayon sa sanlibutan.

Munting mga anak, kayo ay mula sa Diyos at sila ay napagtagumpayan ninyo sapagkat higit siyang dakila na nasa inyo kaysa sa kaniya na nasa sanlibutan. Sila ay mula sa sanlibutan, kaya nga, sila ay nagsasalita kung papaano ang sanlibutan ay nagsasalita at pinakikinggan sila ng sanlibutan. Tayo ay mula sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin. Ang hindi mula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa ganitong paraan ay makikilala natin ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.

Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Ating Pag-ibig

Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa’t isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sa bawat isang umiibig, ang kanilang kapanganakan ay mula sa Diyos at nakakilala sa Diyos.

Ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig. Sa ganitong paraan nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin na sinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo ay mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ang pag-ibig, hindi sapagkat inibig natin ang Diyos kundi dahil siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang iniibig tayo ng Diyos, dapat din naman tayong mag-ibigan sa isa’t isa. 12 Walang sinumang nakakita sa Diyos kahit kailan. Kapag tayo ay nag-iibigan sa isa’t isa, ang Diyos ay nananatili sa atin at ang kaniyang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin.

13 Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nananatili sa kaniya at siya sa atin sapagkat ibinigay niya sa atin ang kaniyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinatunayang sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang kumikilalang si Jesus ay Anak ng Diyos, nananatili ang Diyos sa kaniya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Alam natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin at sinampalatayanan natin ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay nananatili sa kaniya.

17 Sa ganitong paraan, naging ganap sa atin ang pag-ibig upang tayo ay magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom. Ito ay sapagkat kung ano nga siya ay gayundin tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang takot sa pag-ibig. Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot sapagkat ang takot ay kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig.

19 Iniibig natin siya sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Kung sinasabi ng isang tao: Iniibig ko ang Diyos, ngunit napopoot naman sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Ito ay sapagkat kung hindi niya iniibig ang kaniyang kapatid na kaniyang nakikita, paano niya maibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: Ang sinumang umiibig sa Diyos ay dapat din namang umibig sa kaniyang kapatid.