Add parallel Print Page Options

Akong si Pablo na kasama si Silvano at Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesucristo.

Sumainyo ang biyaya at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat Dahil sa Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos patungkol sa inyong lahat. Kapag nananalangin kami, binabanggit namin kayong lagi.

Inaala-ala naming walang patid sa harapan ng ating Diyos Ama ang inyong gawa na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagpapagal na may pag-ibig at pagtitiis na may pag-asa sa ating Panginoong Jesucristo.

Alam namin, mga minamahal na kapatid, na kayo ay hinirang ng Diyos. Ito ay sapagkat ang aming ebanghelyoay hindi dumating sa inyo sa salita lamang. Subalit ito ay dumating sa kapangyarihan din naman at sa Banal na Espiritu at sa lubos na katiyakan. Alam din ninyo kung anong uri ng mga tao kami sa inyong kalagitnaan para sa inyong kapakanan. Yamang tinanggap ninyo ang salita sa matinding paghihirap na may kagalakang mula sa Banal na Espiritu, tinularan ninyo kami at ang Panginoon. Dahil dito naging huwaran kayo sa lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya. Ito ay sapagkat mula sa inyo ang salita ng Panginoon ay narinig sa lahat ng dako hindi lamang sa Macedonia at Acaya subalit maging sa lahat ng dako, at ang inyong pananampalataya sa Diyos ay lumaganap sa bawat dako, anupa’t hindi na namin kailangang magsalita pa ng anuman. Ito ay sapagkat sila na rin ang nagpahayag patungkol sa paraan nang pagpasok namin sa inyo, at kung papaano ninyo tinalikdan ang mga diyos-diyosan upang paglingkuran ang buhay at totoong Diyos. 10 Ito rin ay upang inyong hintayin ang kaniyang Anak mula sa kalangitan na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. Siya ay si Jesus na nagligtas sa atin mula sa poot na darating.

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

Mga kapatid, kayo ang siyang nakakaalam na ang aming pagpasok sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.

Subalit kami ay naghirap nang una pa man at inalipusta sa Filipos tulad ng inyong nalalaman. Magkagayunman, naging malakas ang loob namin, sa tulong ng Diyos na sabihin sa inyo ang ebanghelyo sa gitna ng matinding pakikipagbaka. Ito ay sapagkat ang aming tapat na panghihikayat sa inyo ay hindi mula sa kamalian, at karumihan ni sa pandaraya. Subalit kung papaano kaming ginawang katanggap-tanggap ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay sinasabi namin ang gayon. Sinasabi namin ang gayon hindi upang bigyang-lugod ang mga tao kundi ang Diyos na siyang sumusubok ng ating mga puso. Ito ay sapagkat alam ninyo na nang kami ay kasama ninyo, kailanman ay hindi kami gumamit ng salita na pakunwaring papuri, ni pagbabalatkayo upang itago ang kasakiman. Ang Diyos ang saksi.

Alam rin ninyo na hindi kami naghahanap ng papuri mula sa mga tao, ni sa inyo, ni sa iba man, bagaman bilang mga apostol ni Cristo mayroon kaming karapatang humiling sa inyo. Kami ay naging malumanay sa inyong kalagitnaan katulad ng isang ina na nangangalaga sa kaniyang mga sariling anak. Sa ganitong pananabik ay nalugod kaming ibahagi sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming sariling buhay sapagkat napamahal na kayo sa amin. Ito ay sapagkat naala-ala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagpapakapagod sa mga gawain dahil araw at gabi ay gumagawa kami upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo, sa aming pagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos.

10 Kayo ay mga saksi at ganoon din ang Diyos kung papaano kami namuhay kasama ninyo na mga sumasampala­taya. Namuhay kaming banal at matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyo kung paano namin pinalakas ang loob, inaliw at binigyang patotoo ang bawat isa sa inyo tulad ng isang ama sa sarili niyang mga anak. 12 Ito ay upang mamuhay kayo ng karapat-dapat sa Diyos na tumawag sa inyo sa kaniyang sariling paghahari at kaluwalhatian.

13 Dahil dito, kami rin ay walang patid na nagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang tinanggap ninyo mula sa amin ang salitang inyong narinig na nanggaling sa Diyos, tinanggap ninyo ito hindi bilang salita ng mga tao. Subalit tinanggap ninyo ito, na ito nga ang salita ng Diyos na siya ring gumagawa sa inyo na sumasampalataya. 14 Ito ay sapagkat, kayo mga kapatid ay tumulad sa mga iglesiya ng Diyos sa Judea na na kay Cristo Jesus dahil kayo rin ay naghirap ng gayunding mga bagay mula sa inyong mga sariling kababayan tulad din nila na naghirap mula sa mga Judio. 15 Ang mga ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at gayundin sa kanilang mga sariling propeta. Sila rin ang nagpalayas sa inyo, at hindi nila binigyang-lugod ang Diyos at sila ay laban sa lahat ng tao. 16 Pinagbawalan nila kaming magsalita sa mga Gentil upang hindi maligtas ang mga ito. Sa gayon ay umabot na sa hang­ganan ang kanilang kasalanan, kaya ang poot ng Diyos ay dumating na sa kanila sa kasukdulan.

Ninanais na Makita ni Pablo ang mga Taga-Tesalonica

17 Mga kapatid, kami ay nangulila sa inyo nang sandaling panahon, na bagaman hindi namin kayo nakikita, kayo ay nasa aming puso. Dahil dito lalo naming pinagsikapang makita kayo ng mukhaan na may masidhing pagnanais.

18 Kaya naman ibig namin na mapuntahan kayo, maging ako, na si Pablo ay gayundin ang pagnanais minsan at muli. Subalit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sapagkat ano nga ba ang aming pag-asa, o kagalakan o putong ng kagalakan? Hindi ba kayo sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagbabalik? 20 Ito ay sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.

Kaya nga, nang hindi na nga namin ito matiis, inisip namin na mabuti pang maiwan na lamang kami sa Atenas. Sinugo namin si Timoteo na ating kapatid at tagapaglingkod ng Diyos at aming kamanggagawa sa ebanghelyo ni Cristo upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob patungkol sa inyong pananampalataya. Ito ay upang walang sinuman sa inyo ang matinag ng mga paghihirap na ito dahil kayo ang siyang nakakaalam na kami ay itinalaga sa mga bagay na ito. Ito ay sapagkat nang kasama ninyo kami, sinabi na namin sa inyo nang una pa, na kami ay magbabata na ng kahirapan. At nalaman ninyo na gayon nga ang nangyari. Nang hindi na ako makatiis ay nagsugo ako upang malaman ang patungkol sa inyong pananampalataya, dahil sa aking pangambang baka kayo ay natukso na ng manunukso at mawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

Nagpalakas ng Loob ang Pagbabalita ni Timoteo

Ngunit ngayon, si Timoteo ay bumalik na sa amin mula sa inyo. Ibinalita niya sa amin ang patungkol sa inyong pananam­palataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at lubha ninyo kaming pinananabikang makita tulad din naman namin sa inyo.

Dahil dito, mga kapatid, lumakas ang aming loob patungkol sa inyo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa kabila ng lahat naming paghihirap at pangangailangan. Sa ngayon kami ay nabubuhay kung matibay kayong tumatayo sa Panginoon. Sapagkat anong pasasalamat ang ibibigay namin sa Diyos patungkol sa inyo? Paano namin pasasalamatan ang lahat ng kagalakang ikina­gagalak namin alang-alang sa inyo sa harap ng ating Diyos? 10 Gabi at araw ay maningas naming ipinananalangin na makita ang inyong mga mukha at lubos na mapunan ang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Ngunit ang Diyos nawa at ating Ama at ang Panginoong Jesucristo ang siyang pumatnubay sa aming daan papunta sa inyo. 12 Palaguin at pag-apawin nawa kayo ng Diyos sa pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat tulad din naman namin sa inyo. 13 Ito ay upang palakasin ang inyong mga puso na walang kapintasan sa kabanalan sa harapan ng ating Diyos at Ama sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesucristo kasama ang lahat niyang mga banal.

Mamuhay nang Kalugud-lugod sa Diyos

Sa katapus-tapusan, mga kapatid, aming hinihiling at matapat na hinihikayat kayo sa Panginoong Jesus na sumagana kayo nang higit pa sa natutunan ninyo mula sa amin, kung paano kayo dapat mamuhay at magbigay-lugod sa Diyos.

Ito ay sapagkat alam ninyo ang mga tagubiling ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo.

Ito ay sapagkat ang kalooban ng Diyos ay ang inyong kabanalan, na inyong iwasan ang pakikiapid. Ang bawat isa sa inyo ay dapat nakakaalam kung papaano niya mapigil ang kaniyang katawan para sa kabanalan at karangalan. Ito ay hindi dapat sa masasamang nasa ng laman kagaya ng mga Gentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Gayundin, ang sinuman ay hindi dapat magmalabis at magsamantala sa kaniyang kapatid sa anumang bagay sapagkat ang Panginoon ang tagapaghiganti patungkol sa lahat ng mga bagay na ito. Ito ay tulad ng sinabi namin sa inyo nang una pa man at aming pinatotohanang lubos. Ito ay sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan kundi sa kabanalan. Kaya nga, ang nagtatakwil sa mga katuruang ito ay hindi nagtatakwil sa tao kundi sa Diyos na siya ring nagbigay sa atin ng kaniyang Banal na Espiritu.

Ngayon, hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo patungkol sa pag-ibig sa mga kapatid sapagkat kayo ang siyang tinuruan na ng Diyos na mag-ibigan sa isa’t isa. 10 At ito nga ay inyong ginagawa sa lahat ng mga kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit matapat namin kayong hinihikayat na kayo ay lalong sumagana sa bagay na ito.

11 Matuto din naman kayong mamuhay nang tahimik, inyong gawin ang mga sarili ninyong gawain, at gumawa kayo sa pamamagitan ng inyong mga kamay katulad ng ipinag­tagubilin namin sa inyo. 12 Ito ay upang mamuhay kayong may kaayusan sa mga taga-labas at nang huwag kayong umasa sa kaninuman.

Ang Pagdating ng Panginoon

13 Ngunit, hindi ko ibig na kayo mga kapatid, ay hindi makaalam patungkol sa mga natutulog upang huwag kayong magdalamhati na tulad ng mga iba na walang pag-asa.

14 Ito ay sapagkat kung naniniwala tayo na si Jesus ay namatay at nagbangong muli, gayundin naman ang mga natutulog kay Jesus ay dadalhin ng Diyos kasama niya. 15 Ito ay sinasabi namin sa inyo ayon sa salita ng Panginoon na tayong nabubuhay at nanatili hanggang sa pagdating ng Panginoon ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog. 16 Ito ay sapagkat ang Panginoon din ang siyang bababa mula sa langit na may isinisigaw na utos, na may tinig ng pinunong-anghel at may trumpeta ng Diyos. Ang mga patay kay Cristo ay unang magbabangon. 17 Pagkatapos nito, tayong mga buhay at naririto pa ay kasama nilang aagawin sa mga alapaap upang salubungin natin ang Panginoon sa hangin. Sa gayon, makakasama natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.

Ngunit mga kapatid, hindi na kinakailangang sumulat pa kami sa inyo patungkol sa mga panahon at mga kapanahunan. Ito ay sapagkat nalalaman ninyong lubos na ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. Ito ay sapagkat kapag sinasabi nila: Kapayapaan at katiwasayan, ang biglang pagkawasak ay darating sa kanila tulad ng nararamdamang sakit ng babaeng manganganak na. At sila ay hindi makakatakas sa anumang paraan.

Ngunit kayo mga kapatid, ay wala sa kadiliman upang ang araw na iyon ay biglang dumating sa inyo tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng araw. Tayo ay hindi mga tao ng gabi o ng kadiliman. Kaya nga, hindi tayo dapat matulog katulad ng iba, subalit laging nagbabantay at may maayos na pag-iisip. Ito ay sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi at ang mga manginginom ng alak ay naglalasing sa gabi. Ngunit dahil tayo ay sa araw, dapat ay may maayos tayong pag-iisip. Ating isuot ang baluting pangdibdib ng pananampalataya at pag-ibig at bilang helmet, ang pag-asa ng kaligtasan. Ito ay sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot kundi para magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. 10 At siya ang namatay para sa atin upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay na kasama niya. 11 Kaya palakasin ninyo ang loob at patatagin ang isa’t isa tulad ng inyong ginawa.

Mga Panghuling Paala-ala

12 Ngunit ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na kilalanin ninyo ang mga nagpapagal sa inyo at nangunguna sa inyo sa Panginoon at nagbibigay babala sa inyo.

13 Inyong lubos na pahalagahan sila sa pag-ibig dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa’t isa. 14 Ngunit mga kapatid, aming ipinagtatagubilin din na bigyan ninyo ng babala ang mga tamad. Aliwin ninyo ang mga mahihina ang loob. Inyong tulungan ang mga nanghihina. Maging mapagbata kayo sa lahat. 15 Tiyakin ninyo na walang sinumang gumanti ng masama sa masama. Subalit pagsumikapan ninyong lagi na gumawa ng mabuti sa isa’t isa at gayundin sa lahat.

16 Lagi kayong magalak. 17 Manalangin kayong walang patid. 18 Magpasalamat kayo patungkol sa lahat ng bagay sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.

19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Banal na Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga paghahayag. 21 Suriin ninyo ang lahat ng mga bagay. Hawakan ninyo ang mabuti. 22 Iwasan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.

23 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan mismo nawa ang siyang magpaging-banal sa inyo nang ganap. Ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay maingatang buo na walang kapintasan hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesucristo. 24 Siya na tumatawag sa inyo ay matapat. Siya rin ang gagawa nito.

Panghuling Pagbati

25 Mga kapatid, ipanalangin ninyo kami.

26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid sa pamamagitan ng banal na halik. 27 Iniuutos ko sa inyo sa pamamagitan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga banal na kapatid.

28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo. Siya nawa!