Add parallel Print Page Options

Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal

12 Ngayon naman, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang tungkol sa mga kaloob na espirituwal. Alam ninyo na noong mga pagano pa kayo, iniligaw kayo sa mga piping diyus-diyosan. Nais ko ngang maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa patnubay ng Banal na Espiritu.

May (A) iba't ibang uri ng mga kaloob, ngunit mula sa iisang Espiritu. At may iba't ibang uri ng paglilingkod, ngunit mula sa iisang Panginoon. May iba't ibang uri ng gawain, ngunit mula sa iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa lahat. Ngunit ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan ng lahat. May binigyan ng salita ng karunungan sa pamamagitan ng Espiritu, at ang iba nama'y binigyan ng salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu; ang iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at ang iba'y mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Ang iba'y binigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, ang iba'y propesiya, ang iba'y kakayahang kumilala ng mga espiritu, ang iba'y kakayahang magsalita ng iba't ibang wika, at ang iba nama'y pagpapaliwanag ng mga wika. 11 Ngunit ang lahat ng ito ay pinakikilos ng iisa at parehong Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa ninanais ng Espiritu.

Iisang Katawan, Maraming Bahagi

12 Sapagkat (B) kung paanong iisa ang katawan at marami ang mga bahagi, at ang lahat ng bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin naman kay Cristo. 13 Sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa iisang katawan, maging Judio o Griyego, alipin o malaya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. 14 Sapagkat ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi, kundi ng marami. 15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy? 18 Inilagay ng Diyos ang mga bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang kagustuhan. 19 At kung ang lahat ay isang bahagi, nasaan pa ang katawan? 20 Maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. 21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay mahihina ay silang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay walang karangalan, ay pinag-uukulan natin ng ibayong karangalan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ang lalong pinararangalan— 24 na hindi naman kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit ang Diyos ang bumuo ng katawan sa paraang mabibigyan ng ibayong kapurihan ang bahaging may kakulangan. 25 Ito'y upang huwag magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng parehong pagmamalasakit sa isa't isa. 26 Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang natutuwa ang mga bahagi.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at ang bawat isa'y bahagi nito. 28 At (C) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una, ng mga apostol, ikalawa, ng mga propeta, ikatlo, ng mga guro, at ng mga himala, at mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga kakayahan sa pamumuno, at iba't ibang uri ng wika. 29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? 30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng iba't ibang wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? 31 Ngunit pakamithiin ninyo ang mga mas dakilang kaloob.

At ngayon ay ipapakita ko sa inyo ang walang kapantay na daan.

Ang Pag-ibig

13 Kung makapagsalita man ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, wala naman akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw. Kung mayroon man akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at taglayin ko man ang lahat ng pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. Kahit ipamigay ko pa ang lahat ng aking ari-arian, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin.

Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian. Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat.

Ang pag-ibig ay walang katapusan. Ngunit maging ang mga propesiya ay matatapos; maging ang iba't ibang wika ay titigil; maging ang kaalaman ay lilipas. Sapagkat bahagi lamang ang ating nalalaman at bahagi lamang ang ipinahahayag nating propesiya; 10 ngunit kapag ang lubusan ay dumating na, lilipas na ang bahagi lamang. 11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita ako tulad ng isang bata, nag-iisip ako tulad ng isang bata, nangangatwiran ako tulad ng isang bata. Nang sumapit na ako sa hustong gulang ay tinalikuran ko na ang mga bagay ng pagkabata. 12 Sapagkat malabo pa ang ating nakikita sa salamin, ngunit pagkatapos nito ay makakakita tayo nang mukhaan. Ang nalalaman ko ngayon ay bahagi lamang, ngunit pagkatapos ay lubos akong makauunawa kung paanong ako ay lubos na nauunawaan. 13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Propesiya at Pagsasalita ng Iba't ibang Wika

14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at naisin ninyong magkaroon ng mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapagpahayag ng propesiya. Sapagkat ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa taong iyon, yamang sa Espiritu ay nagsasalita siya ng mga hiwaga. Ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay sa mga tao nagsasalita upang sila'y maging matatag, masigla at mabigyang-kaaliwan. Ang nagsasalita sa ibang wika ay nagpapatibay lamang ng sarili, ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay nagpapatibay ng iglesya. Nais ko rin naman sanang kayong lahat ay magsalita sa iba't ibang wika, ngunit mas nais ko na kayo ay magpahayag ng propesiya. Ang nagpapahayag ng propesiya ay higit kaysa nagsasalita ng iba't ibang wika, malibang may nagpapaliwanag nito upang mapatatag ang iglesya.

Subalit ngayon, mga kapatid, kung dumating ako sa inyo at nagsasalita sa iba't ibang wika, ano'ng pakinabang ninyo sa akin? Wala nga, malibang ako'y may dalang pahayag, o kaalaman, propesiya, o isang aral. Maging ang mga instrumentong walang buhay katulad ng plauta o alpa, kung hindi magbigay ng malinaw na tunog, di ba't hindi malalaman ng sinuman kung ano ang tinutugtog? Sapagkat kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda para sa digmaan? Gayundin naman sa inyo. Kung sa pagsasalita ninyo sa isang wika ay gumagamit kayo ng mga salitang hindi nauunawaan, paano malalaman ng mga tao ang ibig ninyong sabihin? Kung gayon, sa hangin lamang kayo magsasalita. 10 Sadyang napakaraming uri ng mga wika sa daigdig, at lahat ng mga ito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko alam ang kahulugan ng wikang ginagamit, ako ay magiging banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging banyaga sa akin. 12 Gayundin naman sa inyo. Yamang nagnanais kayong magkaroon ng mga espirituwal na kaloob, maging masagana sana kayo sa mga kaloob na makapagpapatatag sa iglesya. 13 Kaya't ang nakapagsasalita sa ibang wika ay dapat manalangin na magkaroon din siya ng kakayahang makapagpaliwanag. 14 Sapagkat kung ako'y nananalangin sa ibang wika, nananalangin ang aking espiritu, ngunit wala namang ibinabahagi ang aking pag-iisip. 15 Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at mananalangin din ako sa aking pag-iisip. Aawit ako sa espiritu, at aawit din ako sa aking pag-iisip. 16 Kung hindi gayon, kapag nagpupuri ka sa pamamagitan ng espiritu, paano makapagsasabi ng “Amen” sa iyong pagpapasalamat ang isang taong walang kaalaman, kung hindi naman niya nauunawaan ang sinasabi mo? 17 Maaaring ikaw ay lubos na nakapagpapasalamat, ngunit ang iba naman ay hindi napapalakas. 18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagsasalita ako sa mga wika nang higit kaysa inyong lahat. 19 Ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang bumigkas ng limang salita na nauunawaan, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.

20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip na parang mga bata. Tungkol sa kasamaan ay maging musmos kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging tulad kayo ng mga taong nasa hustong gulang. 21 Sa (D) Kautusan ay nasusulat,

“Sa pamamagitan ng mga taong may kakaibang wika,
    at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga
ay magsasalita ako sa bayang ito,
    subalit hindi nila ako pakikinggan,”

sabi ng Panginoon. 22 Kaya nga, ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay tanda hindi para sa mga sumasampalataya kundi sa mga hindi sumasampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng propesiya ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya, kundi sa mga sumasampalataya. 23 Kaya't kung nagkakatipon ang buong iglesya at ang lahat ay nagsasalita sa iba't ibang wika, at pumasok ang mga walang kaalaman o mga di-nanampalataya, hindi kaya nila sabihing kayo'y nababaliw? 24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at may pumasok na di-mananampalataya, o isang walang kaalaman, siya ay mahihikayat ng lahat na siya'y isang makasalanan. Siya ay pananagutin ng lahat, 25 yamang nailantad ang mga lihim ng kanyang puso, at ang taong iyon ay yuyukod,[b] at kanyang sasambahin ang Diyos, at siya'y magpapahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”

Kaayusan sa Pagsamba

26 Kaya ano'ng ibig kong sabihin, mga kapatid? Sa inyong pagkakatipon, bawat isa ay may awit, may aral, may pahayag, may wika, o kaya'y may pagpapaliwanag. Dapat isagawa ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay ng iglesya. 27 Kung mayroong nagsasalita ng ibang wika, dapat ay dalawa o pinakamarami na ang tatlo, at isa-isa silang magsasalita. Kailangang may magpaliwanag ng mga sinabi. 28 Ngunit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik na lamang sa iglesya ang tagapagsalita at makipag-usap sa kanyang sarili, at sa Diyos. 29 Hayaang magpahayag ng propesiya ang dalawa o tatlong tao, habang inuunawa naman ng iba ang ipinapahayag. 30 Kung may dumating na pahayag sa isang nakaupo, dapat munang tumahimik ang nauna. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring magpahayag ng propesiya, nang sunud-sunod, upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla. 32 Ang mga espiritu ng mga propeta ay nasa pamamahala ng mga propeta, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.

Gaya sa lahat ng mga kapulungan ng mga banal, 34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita, sa halip ay magpasakop, alinsunod sa sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kani-kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat hindi naaangkop para sa isang babae ang magsalita sa iglesya. 36 Sa inyo ba nanggaling ang salita ng Diyos? O dumating lamang ito sa inyo?

37 Kung inaakala ng sinuman na siya'y isang propeta, o may kaloob na espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang mga isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang hindi kumilala nito ay hindi rin dapat kilalanin. 39 Kaya, mga kapatid, naisin ninyong mabuti ang makapagpahayag ng propesiya, ngunit huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Gayunma'y dapat isagawa ang lahat ng mga bagay sa karapat-dapat at maayos na paraan.

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

15 Ngayon ay ipinapaalala ko sa inyo, mga kapatid, ang tungkol sa ebanghelyo[c] na ipinangaral ko sa inyo, na inyong tinanggap, na siya naman ninyong kinatatayuan. Sa pamamagitan nito ay naliligtas kayo, kung panghahawakan ninyo itong mabuti. Kung hindi, kayo'y sumampalataya nang walang kabuluhan. Sapagkat (E) ibinigay ko sa inyo bilang pangunahin sa lahat ang akin din namang tinanggap: na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa kasulatan, at (F) siya'y inilibing; at muling binuhay pagsapit ng ikatlong araw ayon sa mga kasulatan, at (G) siya'y nagpakita kay Pedro,[d] at pagkatapos ay sa labindalawa. Pagkatapos ay nagpakita siyang minsanan sa mahigit na limang daang kapatid na ang karamihan sa mga ito ay nabubuhay pa hanggang ngayon, bagaman ang mga iba'y namayapa na. Pagkatapos ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol, at (H) sa kahuli-hulihan na parang ipinanganak nang wala sa panahon, ay nagpakita rin siya sa akin. Sapagkat (I) ako ang pinakahamak sa mga apostol, ni hindi ako karapat-dapat na tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit kung ano ako ngayon, ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, at ang kanyang biyaya para sa akin ay hindi nawawalan ng saysay. Sa halip, ako'y nagsikap nang higit kaysa kanilang lahat, gayunma'y hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya't maging ako o sila, ganito ang ipinangangaral namin, at ito ang sinasampalatayanan ninyo.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 At kung ipinapangaral na si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, paanong nasasabi ng ilan sa inyo na hindi muling mabubuhay ang mga patay? 13 Kung hindi muling mabubuhay ang mga patay, kahit si Cristo ay hindi sana muling binuhay. 14 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring kabuluhan ang inyong pananampalataya. 15 Bukod dito, matatagpuan pa kaming mga sinungaling na saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatotoo tungkol sa Diyos, na muli niyang binuhay si Cristo, na hindi naman niya pala muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay. 16 Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, kahit si Cristo ay hindi muling binuhay. 17 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya, nananatili pa rin kayo sa inyong mga kasalanan. 18 Kung gayon, ang mga namayapa na kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng mga tao.

20 Ngunit sa katunayan, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay. Siya ang unang bunga ng mga namatay. 21 Sapagkat yamang dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang muling pagkabuhay ng mga patay. 22 Sapagkat kung paanong dahil kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin dahil kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat isa'y ayon sa kanyang takdang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kabilang kay Cristo sa panahon ng kanyang pagdating. 24 Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibibigay na ang kaharian sa Diyos Ama, matapos niyang lipulin ang lahat ng paghahari, pamamahala at kapangyarihan. 25 Sapagkat (J) kailangang maghari siya hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa. 26 Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. 27 Sapagkat (K) “ipinasakop niya ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.” Sa pagsasabi na ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop sa kanya, maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos, na siyang nagpasakop ng lahat ng mga bagay kay Cristo. 28 At kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa Anak, ang Anak ay pasasakop din sa Ama na naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Diyos ay mangibabaw sa lahat.

29 At kung walang muling pagkabuhay, ano'ng gagawin ng mga binabautismuhan para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, bakit may mga taong binabautismuhan para sa kanila? 30 At bakit namin inilalagay sa panganib ang aming buhay sa bawat sandali? 31 Araw-araw akong humaharap sa kamatayan! Ipinapahayag ko ito, mga kapatid, dahil sa aking pagmamalaki tungkol sa inyo, na tinataglay ko kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung (L) sa makataong dahilan lamang kaya ako lumaban sa maiilap na hayop sa Efeso, ano ang mapapakinabang ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang asal.” 34 Magpakatino kayo gaya ng nararapat at huwag na kayong magkasala, sapagkat may mga taong hindi pa nakakakilala sa Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.

Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Ngunit may magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Anong uri ng katawan ang tataglayin nila?” 36 Ikaw na hangal! Dapat munang mamatay ang binhing iyong itinatanim bago ito mabuhay. 37 Kapag ikaw ay nagtatanim, hindi malaking katawan na ng halaman ang iyong itinatanim, kundi binhi lamang, maaaring ng trigo o ng ibang uri ng mga butil. 38 Subalit binibigyan ito ng Diyos ng katawang ayon sa kanyang kagustuhan, at ang bawat uri ng binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkakatulad. May isang uri ng laman ang mga tao, at ibang laman naman ang sa mga hayop, ibang laman sa mga ibon, at iba rin sa mga isda. 40 May mga katawang panlangit, at may mga katawang panlupa, ngunit may sariling kaluwalhatian ang panlangit, at iba naman ang panlupa. 41 May isang uri ng kaningningan ang araw, at iba ang kaningningan ng buwan, at iba rin ang kaningningan ng mga bituin; at ang mga bituin ay magkakaiba rin ng kaningningan.

42 Gayundin naman sa muling pagkabuhay ng mga patay. Itinatanim na may pagkabulok, muling binubuhay nang walang pagkabulok. 43 Itinatanim ito na walang karangalan, binubuhay ito na may kaluwalhatian; itinatanim na may kahinaan, binubuhay na may kapangyarihan. 44 Itinatanim ito bilang katawang pisikal, binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding espirituwal. 45 Gaya ng (M) nasusulat, “Ang unang taong si Adan ay naging buháy na nilalang.”[e] Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. 46 Ngunit hindi una ang espirituwal, kundi ang pisikal, pagkatapos ay ang espirituwal. 47 Ang unang tao ay mula sa alabok ng lupa, ang pangalawa naman ay mula sa langit. 48 Silang mga mula sa alabok ay katulad ni Adan na mula sa alabok; at silang panlangit ay katulad niya na nagmula sa langit. 49 At kung paanong tinaglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong mula sa langit.

50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkabulok ay magmamana ng walang pagkabulok. 51 Pakinggan ninyo ang (N) sasabihin kong isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mahihimlay, ngunit tayong lahat ay babaguhin— 52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at ang mga patay ay bubuhaying muli na walang pagkasira at tayo'y babaguhin. 53 Sapagkat ang may pagkabulok ay kailangang magbihis ng walang pagkabulok, at itong may kamatayan ay magbihis ng kawalang kamatayan. 54 Ngunit (O) kapag itong may pagkabulok ay mabihisan ng walang pagkabulok at itong may kamatayan ay mabihisan ng kawalang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,

“Ang kamatayan ay nilamon na ng tagumpay.”
55 “Nasaan na, (P) kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan na, kamatayan, ang iyong kamandag?”

56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. 57 Subalit salamat sa Diyos! Pinagtatagumpay niya tayo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, magpakatatag kayo; huwag kayong patitinag, kayo'y laging sumagana sa gawain ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi mawawalan ng saysay ang inyong pagpapagal para sa Panginoon.

Ang Tulong para sa mga Kapatid

16 At (Q) tungkol naman sa ambag para sa mga banal: gawin din ninyo kung ano ang itinagubilin ko sa mga iglesya sa Galacia. Tuwing unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magbukod at maglaan ng halaga ayon sa kanyang kinita, upang huwag nang magkaroon ng mga ambagan pagpunta ko. At pagdating ko riyan, ang mga taong inyong mapili ay aking isusugo na may dalang mga sulat upang maghatid ng inyong kaloob sa Jerusalem. Kung kinakailangan kong pumunta ay sasamahan nila ako.

Plano ni Pablo sa Paglalakbay

Dadalawin (R) ko kayo pagdaan ko sa Macedonia, sapagkat daraan ako roon. At maaaring tumigil muna ako riyan sa inyo o kaya'y magpalipas ng taglamig, upang ako'y maihatid ninyo, saan man ako pumunta. Ayaw kong maging sandali lang ang ating pagkikita; kung loloobin ng Panginoon, ibig kong magtagal-tagal diyan na kasama ninyo. Ngunit (S) titigil ako sa Efeso hanggang araw ng Pentecostes, sapagkat (T) nabuksan para sa akin ang isang maluwang na pintuan tungo sa makabuluhang gawain, bagama't maraming sumasalungat.

10 Pagdating (U) ni Timoteo, sikapin ninyo na wala siyang anumang dapat ipangamba sa piling ninyo, sapagkat tulad ko ay ginagampanan niya ang gawain ng Panginoon. 11 Kaya't huwag siyang hamakin ng sinuman. Mapayapa ninyo siyang ihatid sa kanyang paglalakbay upang makabalik siya sa akin, sapagkat inaasahan ko siyang kasama ng mga kapatid.

12 Tungkol naman kay kapatid na Apolos, nakiusap akong mabuti sa kanya na puntahan kayo kasama ng ibang mga kapatid. Wala pa siyang balak na pumunta riyan ngayon. Ngunit darating siya kapag nagkaroon na siya ng pagkakataon.

Pagwawakas at Pagbati

13 Magbantay kayo, manindigan kayo sa pananampalataya, magpakatapang kayo, magpakatatag kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat nang may pag-ibig.

15 Alam ninyo (V) na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang bunga ng pangangaral sa Acaia. Inilaan na nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga banal. Kaya't nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpailalim kayo sa pamumuno ng gayong uri ng mga tao at sa bawat isang nagpapagal at nakikiisa sa gawain. 17 Natutuwa ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat kanilang pinunan ang inyong kakulangan. 18 Pinaginhawa rin nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Pahalagahan ninyo ang pagkilala sa katulad nila.

19 Binabati (W) kayo ng mga iglesya sa Asia. Malugod kayong binabati sa Panginoon nina Aquila at Priscila[f] gayundin ng iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay. 20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Magbatian kayo nang may banal na halik.

21 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito sa pamamagitan ng aking sariling kamay. 22 Sumpain ang sinumang hindi nagmamahal sa Panginoon. Dumating ka nawa, Panginoon! 23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesus. 24 Sumainyo nawang lahat ang aking pag-ibig kay Cristo Jesus. Amen.

Footnotes

  1. 1 Corinto 13:3 Sa ibang manuskrito upang ako ay magmalaki.
  2. 1 Corinto 14:25 Sa Griyego isusubsob ang mukha.
  3. 1 Corinto 15:1 o magandang balita.
  4. 1 Corinto 15:5 Pedro: sa tekstong Griyego Cefas, na ang kahulugan ay bato.
  5. 1 Corinto 15:45 Sa Griyego, kaluluwa.
  6. 1 Corinto 16:19 o Prisca.