Add parallel Print Page Options

Binuhay ni Elias ang Anak ng Biyuda

17 Hindi nagtagal at nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito'y mamatay. 18 Kaya't sinabi ng babae kay Elias, “Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako'y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”

19 “Akin na ang bata,” sabi ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan 20 at nanalangin, “Yahweh, aking Diyos, ito ba ang inyong igaganti sa babaing nagmagandang-loob sa akin?” 21 Tatlong(A) beses siyang dumapa sa bata at nanalangin ng ganito: “Yahweh, aking Diyos, hinihiling ko pong muli ninyong buhayin ang batang ito.” 22 Dininig ni Yahweh ang dalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.

23 Inakay ni Elias ang bata, at ibinalik sa kanyang ina saka sinabing, “Narito ang anak mo, buháy na siya.”

24 At sumagot ang babae, “Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo.”

Read full chapter

25 At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo.

Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. 26 Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.”

Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” 27 Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.

Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”

28 Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”

29 Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”

30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.

31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”

32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan(A) niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.

Read full chapter

Footnotes

  1. 30 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .

Naging Martir si Eleazar

18 Noong(A) panahong iyon ay may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang pakainin siya ng baboy, kaya't pinilit nilang ibuka ang bibig nito. 19 Sa pag-iwas niyang madumihan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya't ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya. 20 Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa Kautusan, kahit ito'y mangahulugan ng kanyang kamatayan.

21 Ang mga napag-utusang magbigay kay Eleazar ng pagkaing labag sa Kautusan ay dati na niyang mga kakilala. Kaya't dahil sa pagmamalasakit nila kay Eleazar, kinausap nila siya nang lihim. Pinapaghanda nila siya ng karneng hindi ipinagbabawal, at ipinayo na magkunwari siyang ang karneng baboy na ibibigay sa kanya ang kakainin niya, ngunit ang totoo, ang dala niya ang kanyang kakainin. 22 Sa paraang ito, maliligtas siya sa kamatayan.

23 Subalit ang kagandahang-loob na ito ay magalang niyang tinanggihan. Buo na ang kanyang pasya. Matanda na siya at maputi na ang kanyang buhok. Naalala niyang sapul pagkabata'y naging tapat siya sa Kautusan ng Diyos. Kaya't sumagot siya, “Patayin na ninyo ako ngayon din. 24 Sa gulang kong ito'y hindi na dapat magkunwari pa. Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan kung hindi ako mananatiling tapat? Hindi ba sasabihin nila na kung kailan ko inabot ang siyamnapung taon ay saka ko pa tinalikuran ang aking relihiyon! 25 Kung ako'y magtataksil para lamang madugtungan ng kaunti ang aking buhay, para ko na ring iniligaw ang mga kabataan at binigyang-kahihiyan ang aking katandaan. 26 Maaaring maiwasan ko ang parusa ng tao, ngunit sa mabuhay ako o mamatay, hindi ako makakaiwas sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat. 27 Kaya't tatanggapin ko na ngayon ang marangal na kamatayan na siyang magiging putong ng aking katandaan. 28 Sa gayon, mag-iiwan ako ng isang dakilang halimbawa sa mga kabataan—ang marangal at buong pusong paghahandog ng buhay alang-alang sa banal na utos ng Diyos.”

Matapos niyang sabihin ito, pumunta agad siya[a] sa inihandang pagpapatayan sa kanya. 29 Ang mga kaibigang nagmalasakit sa kanya ay nainis na rin; para sa kanila'y kaululan lamang ang mga sinabi niya. 30 Kaya't ginulpi nila siya hanggang sa mamatay. Ngunit bago nalagutan ng hininga, sinabi ni Eleazar, “Ang Panginoon ang nakababatid ng lahat. Alam niya ang katakut-takot na hirap na tiniis ko sa pagpaparusang ito, kahit ito'y maaaring maiwasan ko. Alam din niyang maligaya kong tiniis itong hirap dahil sa aking paggalang sa kanya.”

31 Namatay nga si Eleazar, ngunit siya'y nag-iwan ng isang halimbawa ng pagiging uliran sa katapangan at di malilimutang katangian ng pag-uugali, hindi lamang para sa mga kabataan kundi para rin sa buong bansa.

Ang Mag-iinang Naging Martir

Sa isa namang pagkakataon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila'y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Kautusan. Isa sa mga anak ang nangahas tumayo at nagsalita, “Ano ba ang nais ninyong mangyari sa pagpapahirap sa amin? Matamis pa sa amin ang mamatay kaysa lumabag sa mga kautusan ng aming mga ninuno!”

Nag-alab ang galit ng hari at iniutos na painitin agad ang mga kawa. Samantalang pinaiinit ang mga ito, iniutos niya sa mga berdugo na putulin ang dila ng pangahas na nagsalita, tanggalin ang anit nito at putulin din ang kanyang mga kamay at mga paa sa harapan ng kanyang ina at mga kapatid. Lahat ng iniutos na pagpaparusa ay nagawa na ngunit buháy pa rin siya, kaya't ipinalitson siya ng hari. Nang ang biktima'y inihagis na sa kawa, kumalat ang makapal na usok. Ang ina at ang magkakapatid ay nag-usap-usap para palakasin ang loob ng isa't isa, “Nakatunghay sa atin ang ating Diyos na Panginoon, at kahahabagan niya tayo. Hindi ba't noong si Moises ay nangangaral laban sa mga suwail na tao, kanyang sinabi sa kanyang awit, ‘Kahahabagan ng Panginoon ang kanyang mga lingkod.’”

Nang mamatay ang unang kapatid, binalingan naman ng mga kawal ang ikalawang kapatid para paglaruan. Tinanggal ang buhok at anit nito sa ulo. Pagkatapos, siya ay tinanong, “Alin ang pipiliin mo, kumain ng karneng baboy o isa-isang putulin ang iyong mga paa't kamay?”

Sumagot ito sa wika ng kanyang mga ninuno, “Hindi ko iyan kakainin anuman ang mangyari!” Kaya't gaya ng una, siya'y pinahirapan hanggang sa mamatay. Ngunit bago namatay, sinabi niya nang malakas sa hari, “Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos.”

10 Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya'y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay. 11 Ganito ang sinabi niya, “Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko.” 12 Pati ang hari at mga tauhan niya'y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila.

13 Namatay rin ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan. 14 Nang mamamatay na, sinabi nito, “Ako'y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako'y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli.”

15 Ang sumunod na pinarusahan ay ang ikalimang kapatid. 16 Mula sa pook ng parusahan, tumingin siya sa hari at sinabi, “Maaari mong gawin sa amin ang gusto mo, bagaman tao ka ring may kamatayan. Ngunit huwag mong aakalain na pinabayaan na ng Diyos ang kanyang bansa. 17 Maghintay kayo ng kaunti pang panahon. Ang kapangyarihan ng Diyos ang uusig sa inyo at sa inyong lahi.”

18 Ang ikaanim na kapatid ang siya namang iniharap sa mga berdugo, at gayon din ang ginawang pagpaparusa. Bago ito namatay, sinabi naman niya ang ganito: “Huwag na kayong mangarap nang walang kabuluhan. Sinapit namin ang ganito sapagkat nagkasala kami sa aming Diyos, kaya naman nangyayari ang mga paghihirap na ito. 19 Ngunit tandaan ninyong paparusahan kayo sa paglaban ninyo sa Diyos.”

20 Ang di malilimot at higit na kahanga-hanga ay ang ina. Nasaksihan nito ang sunud-sunod na pagpaparusang ginawa sa kanyang pitong anak hanggang sa ang mga ito'y mamatay sa loob lamang ng isang araw. Ngunit hindi nasira ang kanyang loob dahil nananalig siya sa Panginoon. 21 Malakas ang kanyang loob kahit na siya'y babae; kasintapang siya ng lalaki. Sa wika ng kanyang mga ninuno, isa-isa niyang pinalakas ang loob ng kanyang mga anak. Ganito ang sabi niya: 22 “Hindi ko alam kung paano kayo naging tao sa aking sinapupunan. Hindi ako ang naglagay ng iba't ibang sangkap ng inyong katawan at nagbigay sa inyo ng buhay. 23 Ang lumikha ng buong sansinukob ang siya ring lumikha ng tao at lahat ng bagay. Dahil sa kanyang kagandahang-loob ay ibabalik niyang muli ang inyong hininga at buhay, sapagkat hindi ninyo inaalintana ang sariling buhay dahil sa kanyang Kautusan.”

24 Sa pandinig ni Antioco, ang pangungusap na ito ng ina ay isang pagyurak sa kanya, kaya't sinikap niyang mahimok ang bunsong anak ng babae na talikuran ang kanyang relihiyon. Ipinangako niya na payayamanin ito at patatanyagin; pagkakalooban pa ng mataas na tungkulin at ituturing na isang kaibigan ng hari. 25 Subalit hindi siya inintindi ng anak, kaya't nilapitan ng hari ang ina. Sinabi niyang payuhan nito ang anak kung gusto niyang ito'y mabuhay. 26 Sa kahihimok ng hari, napahinuhod ang ina na kausapin ang anak. 27 Bilang pag-uyam sa malupit na hari, dumikit siya sa kanyang anak at pabulong na kinausap ito sa sariling wika, “Anak, mahabag ka sa iyong ina na siyam na buwang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan. Tatlong taon kitang pinasuso. Pinalaki kita at inaruga hanggang ngayon. 28 Masdan mo ang kalangitan at ang daigdig at lahat ng bagay na naroon. Alam mong ang lahat ng iyan ay hindi nilikha ng Diyos mula sa mga bagay na naririto, tulad din naman ng sangkatauhan. 29 Huwag kang matakot sa berdugong ito. Ipakita mong karapat-dapat ka sa iyong mga kapatid na nagdusa hanggang kamatayan, upang sa muling pagkabuhay ay makapiling kita kasama nila.”

30 Hindi pa man natatapos magsalita ang ina, sinabi ng anak, “Ano pang iyong hinihintay, Haring Antioco? Hindi ko susundin ang utos mo; ang susundin ko'y ang mga utos na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises! 31 Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng pagpapahirap na ito sa mga Judio! Ngunit tandaan mo: hindi ka makakatakas sa parusa ng Diyos! 32 Oo nga't naghihirap kami ngayon sapagkat kami'y makasalanan. Ipinahihintulot lamang ito ng Diyos sapagkat itinutuwid niya ang aming buhay. 33 Hindi ito magtatagal at mababalik na muli ang kanyang pagtingin sa aming lahat na mga lingkod niya. 34 Ngunit ikaw na ubod ng sama sa lahat ng tao ay huwag umasa sa wala, ni masilaw sa kinang ng katanyagan sa ginagawa mong pagpapahirap na ito sa mga anak ng Diyos! 35 Hindi ka makakaiwas sa hatol ng Makapangyarihang Diyos na nakakakita ng lahat. 36 Tiniis ng mga kapatid ko ang iyong pagpaparusa alang-alang sa tipan ng Diyos ngunit ngayo'y natamo nila ang buhay na walang hanggan. Ikaw na ubod ng yabang ay tatanggap ng parusang nauukol sa iyo. 37 Tulad ng mga kapatid ko, inihahandog ko rin ang aking sarili, ang aking buhay, alang-alang sa utos ng Diyos na sinusunod ng aming mga ninuno. Idinadalangin kong kahabagan nawa ng Diyos ang aming bansa sa lalong madaling panahon, at danasin mo naman ang kahirapan at kaparusahan niya upang kilalanin mong siya lamang ang Diyos. 38 Sa sinapit naming magkakapatid, maglubag nawa ang galit ng Makapangyarihan sa aming bansang nagtitiis ngayon alinsunod sa makatarungan niyang kalooban.”

39 Nang marinig ito ng hari, lalong nag-ibayo ang kanyang galit, at pinarusahan siya nang lalo pang mabigat kaysa sa mga nauna. 40 Namatay siyang lubos na nagtitiwala sa Diyos at hindi sumusuway sa kanyang mga utos.

41 Matapos mamatay ang pitong anak ay pinatay naman ang ina.

42 Sapat na ito tungkol sa mga Judiong pinahirapan at pinilit na kumain ng mga bituka ng inihandog na hayop.

Footnotes

  1. 28 pumunta agad siya: Sa ibang manuskrito'y kinaladkad siya .