Add parallel Print Page Options

Ang mga Huling Araw

Unawain mo ito: Magkakaroon ng mga panahon ng kapighatian sa mga huling araw. Ang mga tao'y magiging makasarili, sakim sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagmalabis, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging malupit, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, at namumuhi sa mabuti. Sila'y magiging taksil, pabaya, mapusok, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit tinatanggihan naman ang kapangyarihan nito. Layuan mo ang ganitong uri ng mga tao. May ilan sa kanila ang gumagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga tahanan at makabihag ng mga mahihinang kababaihan, mga kababaihang pinahihirapan ng kasalanan at ng iba't ibang uri ng pagnanasa. Sila'y laging tinuturuan, ngunit hindi nila natututuhan ang katotohanan. Kung (A) paanong sinalungat nina Janes at Jambres si Moises, kalaban din ng katotohanan ang mga taong ito, mga taong masasama ang pag-iisip at hindi tunay ang pananampalataya. Ngunit hindi magtatagal ang kanilang kasamaan, sapagkat mahahayag sa lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Habilin

10 Sinunod mong mabuti ang aking itinuro sa iyo, ang aking pamumuhay at layunin. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis. 11 Nasaksihan (B) mo ang mga pag-uusig at pagdurusang dinanas ko sa Antioquia, Iconio, at Listra. Ganoon na lang ang mga pag-uusig na tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Totoo ngang ang lahat ng ibig mabuhay bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Samantalang ang masasama at mandaraya ay lalong magpapakasama; sila'y manlilinlang at malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutuhan mo at matibay mong pinaniwalaan, yamang kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa iyong pagkabata ay alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nagbigay sa iyo ng karunungan upang matutuhan ang kaligtasang makakamit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng mga kasulatan ay ihininga ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging karapat-dapat at lubusang maihanda sa lahat ng mabubuting gawa.

Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay sa kanyang pagdating bilang hari, itinatagubilin ko ito sa iyo: ipangaral mo ang salita; pagsikapan mo iyan umaayon man ang panahon o hindi. Ituwid mo ang mga tao, sawayin sila, palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng iyong matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na hindi makikinig ang mga tao sa wastong aral. Sa halip, upang masunod ang kanilang kagustuhan, maghahanap sila ng mga gurong magtuturo sa kanila ng mga gusto nilang marinig. Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan at babaling sa pakikinig ng mga alamat. Kaya magpakahinahon ka, tiisin mo ang mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, at pagbutihin mo ang iyong paglilingkod.

Dumating na ang panahon ng aking pagpanaw. Ibinuhos na ang aking buhay tulad ng isang inuming-handog. Nakipaglaban ako nang mabuti, natapos ko na ang aking takbuhin, nanatili ako sa pananampalataya. Ngayon ay nakalaan na sa akin ang koronang inilaan sa mga matuwid, na sa araw na iyon ay igagawad sa akin ng Panginoon, ang makatarungang hukom. Ngunit ito'y hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang muling pagdating.

Mga Personal na Tagubilin

Sikapin mong makapunta rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan (C) na ako ni Demas, dahil sa kanyang pag-ibig sa kasalukuyang buhay. Pumunta siya sa Tesalonica. Si Crescente nama'y nagtungo sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia. 11 Si (D) Lucas na lamang ang kasama ko. Himukin mong sumama sa iyo si Marcos papunta rito, sapagkat malaking tulong siya sa aking gawain. 12 Pinapunta (E) ko si Tiquico sa Efeso. 13 Dalhin (F) mo rito ang aking balabal na iniwan ko kay Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang aking mga aklat, lalo na iyong mga yari sa balat. 14 Napakasama (G) ng ginawa sa akin ng panday-tansong si Alejandro. Ang Panginoon na ang bahalang gumanti sa kanyang ginawa. 15 Mahigpit ang pagtutol niya sa ating ipinapangaral, kaya mag-ingat ka sa kanya. 16 Sa unang paglilitis ay walang sumama sa akin; pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang ng Panginoon laban sa kanila. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon! Sinamahan niya ako at binigyan ng lakas upang maipahayag ang mensahe at mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. At gaya ng pagkaligtas mula sa bibig ng leon, ako'y naligtas mula sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa bawat masamang gawa at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Huling Pagbati at Basbas

19 Ikumusta (H) mo ako kina Priscila at Aquila at sa sambahayan ni Onesiforo. 20 Nanatili (I) si Erasto sa Corinto, si Trofimo naman ay iniwan kong maysakit sa Mileto. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig. Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia, at ng lahat ng mga kapatid. 22 Sumaiyo nawa ang Panginoon.[a] Sumainyo ang lahat ng biyaya ng Diyos.[b]

Footnotes

  1. 2 Timoteo 4:22 Sa Griyego, sumaiyong Espiritu.
  2. 2 Timoteo 4:22 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.