Add parallel Print Page Options

Dumating ang Banal na Espiritu ng Araw ng Pentecostes

Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa.

Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin.

Sa Jerusalem ay may mga Judiong naninirahan ng mga panahong iyon. Sila ay mga lalaking palasamba sa Diyos na mula sa bawat bansa sa ilalim ng langit. Nang marinig nila ang usap-usapan ng kanilang pagsasalita, maraming tao ang sama-samang pumunta at sila ay nabalisa sapagkat narinig nila ang mga apostol na nagsasalita sa sariling wika ng mga nakikinig. Ang lahat ay namangha at nagtaka. Sinabi nila sa isa’t isa: Narito, hindi ba ang lahat ng mga nagsasalitang ito ay mga taga-Galilea? Papaanong nangyari na naririnig natin ang bawat isa sa kanila na nagsasalita ng sarili nating wika na ating kinagisnan? Tayo ay taga-Partia, taga-Media at taga-Elam. May mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocea. May mga naninirihan sa Pontus at sa Asya. 10 May mga naninirahan sa Frigia, sa Pamfilia, sa Egipto at sa mga bahagi ng Libya na nasa palibot ng Cerene. May mga dumalaw na mula sa Roma, kapwa mga Judio at mga naging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabya. Sa sarili nating mga wika ay naririnig natin silang nagsasalita ng mga dakilang bagay ng Diyos. 12 Lahat ay namangha at nalito. Sinabi nila sa isa’t isa: Ano kaya ang ibig sabihin nito?

13 Ang iba ay nangungutyang nagsabi: Sila ay mga lango sa bagong alak.

Nagsalita si Pedro sa Maraming Tao

14 Ngunit si Pedro ay tumayo kasama ng labing-isa. Nilakasan niya ang kaniyang tinig at nagsalita siya sa kanila: Mga lalaking taga-Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, alamin ninyo ito at makinig sa aking mga salita.

15 Sila ay hindi mga lasing tulad ng inaakala ninyo sapagkat ika-tatlo pa lamang ang oras ngayon. 16 Subalit ito ang sinabi ng propetang si Joel:

17 Mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos: Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng mga tao. Ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay maghahayag ng salita ng Diyos. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain. Ang inyong mga matandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. 18 Sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae. At sila ay maghahayag ng salita ng Diyos. 19 Magpapa­kita ako ng mga kamangha-manghang gawa sa langit na nasa itaas at mga tanda sa lupa na nasa ibaba. Ang mga tanda na ito ay ang dugo, apoy at sumisingaw na usok. 20 Ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay magiging dugo. Ito ay mangyayari bago dumating ang dakila at hayag na araw ng Panginoon. 21 Mang­yayari na ang bawat isang tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.

22 Mga lalaking taga-Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret ay isang lalaking pinagtibay ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa at mga tanda. Ang mga ito ay ginawa ng Diyos sa inyong kalagitnaan sa pamamagitan niya, katulad ng inyong pagkaalam. 23 Siya rin na ibinigay ng napagpasiyahang-layunin at kaalamang una ng Diyos ay inyong dinakip. Sa pamamagitan ng iyong mga kamay na walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ipinako ninyo siya sa krus at pinatay. 24 Siya ang ibinangon ng Diyos sa pagkakalag ng matinding hirap ng kamatayan sapagkat hindi siya maaring pigilin ng kamatayan. 25 Ito ay sapagkat si David nga ay nagsabi ng patungkol sa kaniya:

Nakita ko nang una ang Panginoon sa harapan ko sa lahat ng panahon. Dahil siya ay nasa aking kanang kamay, hindi ako makilos.

26 Kaya nga, ang puso ko ay nasiyahan at ang dila ko ay lubhang nagalak. Gayundin ang aking katawan ay magpapahingalay sa pag-asa. 27 Ito ay sapagkat hindi mo iiwanan ang aking kaluluwa sa Hades. Hindi mo rin pahihintu­lutan naang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. 28 Ipinakita mo sa akin ang mga landas ng buhay. Pupunuin mo ako ng kagalakan sa pamamagitan ng anyo ng iyong mukha.

29 Mga kapatid, hayaan ninyo akong magsalita ng malaya patungkol sa ating dakilang ninunong si David. Siya ay namatay at inilibing at hanggang sa araw na ito, ang kaniyang libingan ay narito sa atin. 30 Siya nga ay isang propeta at alam niya ang sinumpaang pangako ng Diyos sa kaniya. Ipinangako sa kaniya na mula sa bunga ng kaniyang katawan ayon sa laman ay ititindig niya ang Mesiyas upang iluklok sa kaniyang trono. 31 Dahil nakita na niya ito nang una pa kaya nagsalita siya patungkol sa pagkabuhay muli ng Mesiyas. Sinabi niya na ang kaniyang kaluluwa ay hindi pinabayaan sa Hades ni nakakita ng kabulukan ang kaniyang katawan. 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at kaming lahat ay mga saksi. 33 Siya ay itinaas upang mapasa kanang kamay ng Diyos. Sa pagtanggap niya mula sa Ama ng pangako ng Banal na Espiritu, ito na ngayon ay inyong nakikita at naririnig ay kaniyang ibinuhos. 34 Ito ay sapagkat si David nga ay hindi umakyat sa langit ngunit siya ang nagsabi:

Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa kanang bahagi ko.

35 Maupo ka riyan hanggang sa ang mga kaaway mo ay mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa tulad ng isang tuntungan.

36 Alamin ngang may katiyakan ng lahat ng sambahayan ni Israel na ginawa ng Diyos, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus, na Panginoon at Mesiyas.

37 Nang marinig nga nila ito, nabagabag ang kanilang mga puso. Sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol: Mga kapatid, ano ang gagawin namin?

38 Sinabi ni Pedro sa kanila: Magsisi kayo at magpa­bawtismo sa pangalan ni Jesucristo patungkol sa pagpapatawad ng inyong mga kasalanan. At tatanggapin ninyo ang kaloob na Banal na Espiritu. 39 Ito ay sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo at sa inyong mga anak at sa lahat ng nasa malayo gaano man karami ang tawagin ng ating Panginoon Diyos.

40 Siya ay nagpatotoo at nangaral pa sa kanila sa pamamagitan ng marami pang ibang mga salita. Sinabi niya sa kanila: Iligtas ninyo ang inyong mga sarili sa likong lahing ito. 41 Kaya ang mga tumanggap ng kaniyang salita na may kasiyahan ay nabawtismuhan. At sa araw na iyon, nadagdag sa kanila ang may tatlong libong kaluluwa.

Ang Pagsasama-sama ng mga Mananampalataya

42 Sila ay matatag na nagpatuloy sa turo ng mga apostol, sa pagkikipag-isa, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa mga pananalangin.

43 Nagkaroon ng takot sa bawat kaluluwa. At maraming mga kamangha-manghang gawa at mga tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol. 44 Ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at nagbabahaginan sa lahat ng mga bagay. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa sinumang may panganga­ilangan. 46 Sila ay matatag na nagpatuloy sa templo araw-araw na nagkakaisa. Sila ay nagpuputul-putol ng tinapay sa kanilang mga bahay at tumatanggap ng pagkain na may kasiyahanat kababaang-loob. 47 Sila ay nagpupuri sa Diyos at kina­luluguran ng lahat ng mga tao. Idinagdag ng Panginoon sa kapulungan araw-araw ang mga naliligtas.

Pinagaling ni Pedro ang Pulubing Lumpo

Sina Pedro at Juan ay magkasamang umahon sa templo sa oras ng pananalangin. Ang oras ay ika-siyam.

Mayroong isang lalaking lumpo mula pa sa sinapupunan ng kaniyang ina. Araw-araw siya ay dinadala at inilalagay sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda. Dinadala siya roon upang humingi ng kaloob sa mga kahabag-habag mula sa mga pumupunta sa templo. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok na sa templo, humingi siya ng kaloob sa mga kahabag-habag. Si Pedro at Juan ay tumitig sa kaniya. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Tingnan mo kami. Pinagmasdan niya sila dahil umaasa siyang makakatanggap ng isang bagay mula sa kanila.

Sinabi ni Pedro: Wala akong pilak at ginto, ngunit anuman ang nasa akin, ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret, tumindig ka at lumakad ka. Pagkahawak sa kaniyang kamay, itinindig niya siya. Pagdaka, ang kaniyang mga paa at bukong-bukong ay lumakas. Lumukso siya at tumayo at lumakad. At habang pumapasok siya sa templo na kasama nila, siya ay lumalakad at lumulukso na nagpupuri sa Diyos. Ang lahat ng tao ay nakakita na siya ay lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nakilala nila siya na siya iyong umuupo sa pintuang Maganda ng templo, upang manghingi ng kaloob sa kahabag-habag. Sila ay lubos na namangha at labis na nagtaka sa nangyari sa kaniya.

Nagsalita si Pedro sa mga Nanonood

11 Habang ang lalaking lumpo na pinagaling ay nakahawak kay Pedro at Juan, ang mga tao ay sama-samang tumakbo patungo sa kanila na lubos na namangha. Sila ay nasa portiko na tinatawag na portiko ni Solomon.

12 Nang makita ito ni Pedro, sumagot siya sa mga tao: Mga lalaking taga-Israel, bakit kayo namamangha sa bagay na ito? Bakit ninyo kami tinititigan na parang nakalakad ang lalaking ito sa pamamagitan ng sarili naming kapangyarihan o ng aming pagkamaka-Diyos? 13 Ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, ang Diyos ng mga ninuno natin ay lumuwalhati kay Jesus na kaniyang lingkod. Siya ang inyong ibinigay at inyong ipinagkaila sa harapan ni Pilato na pinasyahan niyang palayain. 14 Ipinagkaila ninyo ang Banal at Matuwid. At hiniling ninyo na ibigay sa inyo ang isang lalaking mamamatay-tao. 15 Ngunit pinatay ninyo ang pinagmulan ng buhay, na siyang ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. Kami ay nagpapatotoo patungkol sa pangyayaring ito. 16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan, ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala ay pinalakas sa kaniyang pangalan. Ang pananampalataya sa pamamagitan niya ang nagbigay sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.

17 Ngayon, mga kapatid na lalaki, alam kong kayo ay gumawa sa kawalang-kaalaman tulad din ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan tinupad ng Diyos ang inihayag noon sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng kaniyang mga propeta. Inihayag nila na ang Mesiyas ay dapat maghirap. At ito ay tinupad niya. 19 Magsisi nga kayo at magbalik-loob para sa pagpawi ng inyong mga kasalanan. Ito ay upang dumating ang mga panahon ng pananariwa mula sa harapan ng Panginoon. 20 Ito rin ay upang isugo niya si Jesucristo na ipinangaral noon sa inyo. 21 Si Jesucristo ang tunay na dapat manatili sa langit hanggang sa panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong unang panahon. 22 Ito ay sapagkat tunay na sinabi ni Moises sa ating mga ninuno:

Ang Panginoon ninyong Diyos ay magtitindig sa inyo ng isang propeta na tulad ko. Siya ay magmumula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakikinggan sa lahat ng bagay anuman ang sabihin niya sa inyo.

23 Mangyayari na ang bawat kaluluwa na hindi makikinig sa propetang iyon ay malilipol mula sa mga tao.

24 Tunay na ang lahat ng mga propeta mula kay Samuel at ang mga sumunod ay naghayag. Ang mga araw na ito ay inihayag na noon ng lahat ng mga nagsalita. 25 Kayo ang mga anak na lalaki ng mga propeta at ng tipan na ipinakipagtipan ng Diyos sa ating mga ninuno. Sinabi niya kay Abraham:

Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng sambahayan sa lupa.

26 Nang itindig ng Diyos ang kaniyang lingkod na si Jesus, siya ay isinugo muna sa inyo upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.

Si Pedro at Juan sa Harapan ng Sanhedrin

Habang sila ay nagsasalita sa mga tao, dumating ang mga saserdote, ang pinunong kawal ng templo at ang mga Saduseo.

Ang mga ito ay nababahala sapagkat tinuturuan nila ang mga tao at inihayag nila na ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay sa pamamagitan ni Jesus. Dinakip sila ng mga tao at ibinilanggo hanggang kinabukasan dahil noon ay gabi na. Gayunman, marami sa nakarinig ng salita ang sumam­palataya. Ang kabuuang bilang ng mga lalaki ay umabot na nang halos limang libo.

Nangyari, kinabukasan, na nagtipun-tipon sa Jerusalemang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga guro ng kautusan. Kasama dito sila Anas na pinakapunong-saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alexandro, at ang lahat ng mga angkan ng mga pinunong-saserdote. Pagkalagay nila sa kanila sa kalagitnaan, tinanong nila sila: Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?

Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay nagsabi sa kanila: Mga pinuno ng mga tao at mga matanda ng Israel, sa araw na ito ay sinisiyasat ninyo kami sa mabuting gawa na ginawa sa lalaking lumpo, kung papaano siya gumaling. 10 Alamin ninyong lahat ito at ng lahat ng mga tao sa Israel: Ang lalaking ito ay nakatayo sa inyong harapan na magaling. Siya ay gumaling sa pamamagitan ng pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret na inyong ipinako sa krus, na ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. 11 Siya ang:

Bato na hinamak ninyo na mga tagapagtayo. Siya ang naging batong-panulok.

12 Wala nang ibang kaligtasan sa kanino man sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.

13 Kanilang nakita ang katapangan nina Pedro at Juan at nalaman nilang sila ay mga lalaking hindi nakapag-aral at hindi naturuan. Nang makita nila ito, sila ay namangha at nakilala nilang sila ay nakasama ni Jesus. 14 Ngunit nang makita nilang nakatayong kasama nila ang lalaking pinagaling, wala silang masabing laban dito. 15 At inutusan nila silang lumabas sa Sanhedrin, sila ay nagsanggunian sa isa’t isa. 16 Kanilang sinabi: Anong gagawin natin sa mga lalaking ito? Ito ay sapagkat tunay na ang tanyag na tanda na nangyari sa pamamagitan ng mga lalaking ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang hindi na ito kumalat pa sa mga tao, bantaan natin sila na mula ngayon ay huwag nang magsalita sa kaninuman sa pangalang ito.

18 Tinawag nila sila at inutusang huwag nang magsasalita ni magtuturo sa pangalan ni Jesus kailanman. 19 Ngunit sina Pedro at Juan ay sumagot at sinabi sa kanila: Kung magiging matuwid sa harapan ng Diyos na pakinggan namin kayo nang higit kaysa Diyos, kayo ang hahatol. 20 Ito ay sapagkat hindi namin mapigilang sabihin ang patungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.

21 Nang mabantaan nila silang muli, sila ay pinalaya nila. Wala silang masumpungang paraan kung papaano nila sila maaaring parusahan dahil sa mga tao sapagkat niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Diyos dahil sa nangyari. 22 Ito ay sapagkat ang lalaking ginawan ng tanda ng pagpapagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.

Ang Panalangin ng mga Mananampalataya

23 Nang sila ay pinalaya, pumunta sila sa mga kasamahan nila at kanilang iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda.

24 Nang marinig nila iyon, nagkaisa silang tumawag nang malakas sa Diyos at kanilang sinabi: Ikaw na May-ari ng lahat, ikaw ang Diyos na gumawa ng langit at lupa at ng dagat at ng lahat ng mga naroroon. 25 Sa pamamagitan ng bibig ng iyong lingkod na si David ay sinabi mo:

Bakit sumisigaw sa poot ang mga bansa. Bakit nag-iisip ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?

26 Ang mga hari ng lupa ay tumayo at ang mga pinuno ay nagtipun-tipon laban sa Panginoon at laban sa kaniyang Mesiyas.

27 Ito ay sapagkat totoong nagtipun-tipon sina Herodes at Pontio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga tao sa Israel. Ito ay upang labanan ang iyong Banal na Anak na si Jesus na iyong Mesiyas. 28 Nagtipun-tipon sila upang kanilang gawin ang itinakda ng iyong mga kamay nang una pa at ng iyong kalooban na dapat mangyari. 29 Ngayon Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga pagbabanta. Ipagkaloob mo sa amin na iyong mga alipin, na sa buong katapangan ay makapagsalita kami ng iyong salita. 30 Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling at ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ay mangyari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Anak na si Jesus.

31 Nang sila ay makapanalangin na, ang dakong pinagtiti­punan nila ay nauga at sila ay napuspos ng Banal na Espiritu at sinalita nilang may katapangan ang salita ng Diyos.

Nagbahaginan Ang mga Mananampalataya ng Kanilang mga Pag-aari

32 Ang malaking bilang ng mga sumampalataya ay nagkakaisa sa puso at sa kaluluwa. Walang sinuman sa kanila ang nagsabing ang mga bagay na tinatangkilik nila ay kanilang pag-aari. Sila ay nagbabahaginan sa lahat ng bagay.

33 Ang mga apostol ay nagpatotoo sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus na may dakilang kapangyarihan at ang dakilang biyaya ang sumakanilang lahat. 34 Walang sinuman sa kanila ang nangailangan sapagkat ipinagbili ng lahat na may mga tina­tangkilik na mga lupa o mga bahay ang kanilang pag-aari. Kanilang dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili. 35 Inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ang pamamahagi ay ginawa sa bawat tao ayon sa kaniyang pangangailangan.

36 Si Jose ay tinawag na Barnabas ng mga apostol. Ang ibig sabihin ng Barnabas ay ang anak ng kaaliwan. Siya ay mula sa angkan ni Levi at ipinanganak sa isla ng Cyprus. 37 Siya ay may lupain na nang kaniyang maipagbili, ay dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Si Ananias at Safira

Ngunit isang lalaking nagngangalang Ananias, kasama ang kaniyang asawang si Safira ang nagbili ng isang tinatangkilik.

Itinabi niya ang bahagi ng halaga para sa kaniyang sarili. Ito ay alam din ng kaniyang asawa. Dinala niya ang ilang bahagi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Ngunit sinabi ni Pedro: Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling ka sa Banal na Espiritu at magtabi ng bahagi ng halaga ng lupa para sa iyong sarili? Nang ito ay nananatili pa sa iyo, hindi ba ito ay sa iyo? Nang ito ay ipagbili, hindi ba ito ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan? Bakit binalak mo ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao kundi sa Diyos.

Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay natumba at namatay. Nagkaroon ng malaking takot ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito. Ang mga kabataang lalaki ay tumindig at binalot siya at kanilang binuhat palabas at inilibing.

Pagkalipas ng halos tatlong oras ay dumating ang kaniyang asawa. Pumasok ito na hindi nalalaman ang nangyari. At sinabi ni Pedro sa kaniya: Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ang lupa sa ganitong kalaking halaga.

Siya ay sumagot: Oo, sa ganitong kalaking halaga.

Sinabi ni Pedro sa kaniya: Bakit kayo nagkasundo na tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? Narito, ang mga paa ng naglibing sa iyong asawa ay nasa pinto at dadalhin ka nila sa labas.

10 Agad na bumagsak ang babae sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nasumpungan nila siyang patay. Dinala nila siya at inilibing sa tabi ng kaniyang asawa. 11 At nagkaroon ng malaking takot sa buong kapu­lungan at sa lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.

Nagpagaling ng Maraming Tao ang mga Apostol

12 Sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay nangyari ang maraming tanda at mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng mga tao. Lahat sila ay nagkakaisang naroroon sa portiko ni Solomon.

13 Walang sinuman sa mga iba ang naglakas-loob na sumama sa kanila subalit dinakila sila ng mga tao. 14 At maraming pang mga mananampalataya sa Pangi­noon, kapwa lalaki at babae ay nadagdag sa kanila. 15 Kaya nga, inilabas ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at mga banig. Ginawa nila ito upang maliliman man lamang ng anino ni Pedro ang ilan sa kanila sa pagdaan niya. 16 May dumating din na napakaraming tao na mula sa mga lungsod sa palibot ng Jerusalem. Dala nila ang mga maysakit at ang mga pinahihi­rapan ng mga karumal-dumal na espiritu. Silang lahat ay pinagaling.

Inusig Nila ang mga Apostol

17 Tumindig ang pinakapunong-saserdote at lahat ng kasama niya na sekta ng mga Saduseo. Sila ay napuno ng inggit.

18 Dinakip ng mga ito ang mga apostol at ibinilango. 19 Gayunman nang gabi na ay binuksan ng anghel ng Pangi­noon ang mga pinto ng bilangguan. Inilabas ng anghel ang mga apostol at nagsabi: 20 Humayo kayo at tumayo kayo sa templo at sabihin sa mga tao ang lahat ng salitang patungkol sa buhay na ito.

21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway at sila ay nagturo.

Dumating ang pinakapunong-saserdote at mga kasama nito. Sa pagdating nila, pinulong nila ang Sanhedrin at lahat ng matanda sa mga anak ng Israel. Nagsugo sila sa bilangguan upang kunin ang mga apostol.

22 Ngunit nang dumating sa bilang­­guan ang opisyales sa templo, hindi nila sila nakita roon. Sa pagbalik nila, sila ay nag-ulat. 23 Sinabi nila: Natagpuan namin ang bilangguan na nakapinid na mabuti. At ang mga bantay ay nakatayo sa labas ng mga pinto ngunit nang aming buksan ang mga pinto, wala kaming nakitang sinuman sa loob kahit isa. 24 Nang ang mga salitang ito ay narinig kapwa ng mga saserdote at kapitan ng templo at mga pinunong-saserdote, sila ay nalito patungkol sa kanila at kung magiging ano kaya ito.

25 May isang lalaking dumating at nag-ulat sa kanila. Sinabi nito: Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nasa templo. Sila ay nakatayo at nagtuturo sa mga tao. 26 Pumunta ang kapitan sa templo kasama ang mga opisyales at dinala ang mga apostol ng walang dahas dahil natakot sila sa mga tao at baka batuhin sila.

27 Nang madala nila ang mga apostol, iniharap nila ang mga ito sa Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong-saserdote. 28 Sinabi niya: Hindi ba inutusan namin kayong huwag magturo sa pangalang ito? Narito, napuno ninyo ng inyong turo ang Jerusalem. Ibig ninyong papanagutin kami sa dugo ng taong ito.

29 Si Pedro at ang mga apostol ay sumagot at sinabi: Kinakailangan naming sundin ang Diyos kaysa ang mga tao. 30 Ang Diyos ng aming mga ninuno ang nagbangon kay Jesus na inyong pinatay sa pagbitin ninyo sa kaniya sa puno. 31 Siya ay itinaas ng Diyos sa kaniyang kanang bahagi upang maging Pinakapinuno at Tagapagligtas. Ito ay upang ang Israel ay pagkalooban ng pagsisisi at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 32 Kami ay mga saksi niya patungkol sa mga bagay na ito. Saksi rin ang Banal na Espiritu na siyang ibinigay ng Diyos sa kanila na sumusunod sa kaniya.

33 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at binalak nilang patayin sila. 34 Ngunit tumayo ang isang nasa Sanhedrin, siya ay isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya ay isang guro ng kautusan na iginagalang ng lahat ng mga tao. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi ni Gamaliel sa kanila: Mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa iniisip ninyong gawin patungkol sa mga lalaking ito. 36 Ito ay sapagkat bago pa sa mga araw na ito ay tumindig si Teudas na nagsasabing siya ay isang kilalang tao. Sumama sa kaniya ang isang pangkat ng mga lalaki na halos apatnaraan. Nang siya ay napatay, ang lahat ng nahikayat niya ay nagkahiwa-hiwalay at ang lahat ay naging walang kabuluhan. 37 Pagka­tapos ng isang ito, sa mga araw ng pagpapatala, tumindig si Judas na taga-Galilea. Siya ay nakahikayat ng maraming tao. Nang siya ay namatay ang lahat ng nahikayat niya ay nangalat. 38 Sinasabi ko sa inyo ngayon: Layuan ninyo ang mga lalaking ito at pabayaan sila sapagkat kung ang layunin o gawaing ito ay mula sa tao, mawawalan ito ng saysay. 39 Ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo ito maigugupo. At baka kayo ay masumpungang lumalaban sa Diyos.

40 Sila ay nahimok ni Gamaliel. Tinawag nila ang mga apostol. Pagkapalo nila sa mga apostol, inutusan nila ang mga ito na huwag magsalita sa pangalan ni Jesus. Pagkatapos, pinalaya nila sila.

41 Nagagalak na nilisan nga ng mga apostol ang Sanhedrin sapagkat sila ay ibinilang na karapat-dapat na dumanas ng kahihiyan dahil sa pangalan niya. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay, sila ay hindi tumitigil sa pagtuturo at paghahayag ng ebanghelyo na si Jesus ang Mesiyas.

Pumili Sila ng Pito

Sa mga araw na iyon na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng bulung-bulungan ang mga Judio, na ang wika ay Griyego, laban sa mga Hebreo sapagkat ang kanilang mga babaeng balo ay nakakaligtaan sa araw-araw na paglilingkod.

Kaya tinawag ng labindalawa ang napaka­raming alagad. Sinabi nila: Hindi nararapat na iwanan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa hapag. Kaya nga, mga kapatid, humanap kayo mula sa inyong mga sarili ng pitong lalaki na may magandang patotoo, puspos ng Banal na Espiritu at karunungan na itatalaga natin sa gawaing ito. Kami ay matatag na magpapatuloy sa pananalangin at paglilingkod para sa salita.

Ang sinabing ito ay nakalugod sa buong karamihan. Pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas at Nicolas na taga-Antioquia na naging Judio. Iniharap nila ang mga ito sa mga apostol. Pagkatapos manalangin, ipinatong ng mga apostol ang kanilang mga kamay sa kanila.

Lumago ang salita ng Diyos at lubhang dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem. Malaking karamihan ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya.

Hinuli Nila si Esteban

Si Esteban ay puspos ng pananampalataya at kapang­yarihan. Siya ay gumawa ng mga dakilang kamangha-manghang gawa at dakilang mga tanda sa kalagitnaan ng mga tao.

Ngunit may mga tumindig na mga nasa bahay sambahan na tinatawag na mga Malaya. Tumindig din ang mga taga-Cerene, ang mga taga-Alexandria at ang mga mula sa Cilicia at Asya. Sila ay nakikipagtalo kay Esteban. 10 Hindi sila makatanggi sa karunungan at sa espiritu na kung saan si Esteban ay nangungusap.

11 Nagsuhol sila ng mga lalaki at ang mga ito ay nagsabi: Narinig namin silang nagsasalita ng mga panunungayaw laban kay Moises at laban sa Diyos.

12 Ginulo nila ang mga tao at ang mga matanda at ang mga guro ng kautusan. Dinaluhong nila at sinunggaban si Esteban at dinala sa Sanhedrin. 13 Iniharap nila ang mga saksing sinu­ngaling. Ang mga ito ay nagsabi: Ang taong ito ay hindi tumigil sa pagsasalita ng pamumusong laban sa banal na dakong itoat sa kautusan. 14 Ito ay sapagkat narinig namin siyang nagsasabing ang dakong ito ay wawasakin ni Jesus na taga-Nazaret. Sinabi rin niya na babaguhin ni Jesus ang mga kaugaliang ibinigay ni Moises sa atin.

15 Ang lahat ng nakaupo sa Sanhedrin ay nakatitig kay Esteban. Nakita ng mga ito ang mukha niya na parang mukha ng anghel.

Ang Pagharap ni Esteban sa Sanhedrin

Sinabi ng pinakapunong-saserdote: Totoo ba ang mga bagay na ito?

Sinabi niya: Mga kapatid, at mga ama, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating amang si Abraham nang siya ay nasa Mesopotamia. Siya ay nagpakita sa kaniya bago siya manirahan sa Haran. Sinabi niya sa kaniya: Umalis ka sa iyong bayan at sa iyong kamag-anakan. Pumunta ka sa bayang ipakikita ko sa iyo.

Nang magkagayon, siya ay umalis mula sa bayan ng Caldea at nanirahan sa Haran. Mula roon, nang mamatay ang kaniyang ama, siya ay dinala sa bayang ito kung saan kayo ay nananahan ngayon. Hindi siya nagbigay sa kaniya ng pamana roon, kahit na maliit na mayayapakan. Ngunit ito ay ipina­ngakong ibibigay upang maging kaniyang pag-aari, at sa kaniyang lahi pagkatapos niya, kahit siya ay walang anak. Sa ganito nagsalita ang Diyos: Ang kaniyang binhi ay maninirahan bilang isang dayuhan sa ibang bayan. Sila ay aalipinin at pagmamalupitan sa loob ng apatnaraang taon. Hahatulan ko ang bansa na aalipin sa kanila, sabi ng Diyos. Pagkatapos ng mga bagay na ito, sila ay lalabas at maglilingkod sa akin sa dakong ito. Ibinigay niya sa kaniya ang tipan ng pagtutuli. Sa ganito ay naging anak ni Abraham si Isaac at siya ay tinuli sa ikawalong araw.Naging anak ni Isaac si Jacob. Naging anak ni Jacob ang labingdalawang patriarka.

Dahil sa udyok ng pagka-inggit, si Jose ay ipinagbili ng mga patriarka sa Egipto. Gayunman, ang Diyos ay sumasa­kaniya. 10 At siya ay iniligtas ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga paghihirap. Siya ay kinalugdan ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harap ni Faraon na hari ng Egipto. Itinalaga siyang gobernador ni Faraon sa buong Egipto at sa kaniyang buong sambahayan.

11 Ngunit dumating ang taggutom sa buong bayan ng Egipto at Canaan. Nagkaroon ng malaking kahirapan at walang nasum­pungang pagkain ang ating mga ninuno. 12 Ngunit nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, isinugo niya ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa ikalawa nilang pagparoon ay nagpakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid. Nahayag kay Faraon ang angkan ni Jose. 14 Isinugo niya si Jose at ipinatawag ni Jose ang kaniyang amang si Jacob at ang lahat ng kaniyang kamag-anakan na pitumpu’t limang katao. 15 Lumusong si Jacob sa Egipto. Doon na siya namatay at gayundin ang ating mga ninuno. 16 Sila ay inilipat sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham ng isang halaga ng salapi sa mga anak ni Hamor sa Shekem.

17 Ngunit nang malapit na ang panahon upang matupad ang pangako ng Diyos kay Abraham, dumami nang dumami ang mga tao sa Egipto. 18 Dumami sila hanggang sa naghari ang isang hari na hindi nakakilala kay Jose. 19 Siya ang nagsa­mantala at nagmalupit sa ating mga ninuno upang kanilang pabayaan sa labas ang kanilang mga sanggol nang sa gayon ang mga ito ay mamatay.

20 Nang panahong iyon ipinanganak si Moises. Siya ay totoong may magandang anyo sa harap ng Diyos. Siya ay tatlong buwang inalagaan sa bahay ng kaniyang ama. 21 Nang siya ay pinabayaan sa labas, kinuha siya ng anak na babae ni Faraon. Siya ay pinalaking parang kaniyang sariling anak. 22 Si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga taga-Egipto. Siya ay makapangyarihan sa salita at sa gawa.

23 Nang apatnapung taong gulang na si Moises, pinasiyahan niyang dalawin ang kaniyang mga kapatiran, ang mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya ang isa na ginagawan ng hindi tama, ipinagtanggol niya ito. Pinatay niya ang taga-Egipto at ipinaghiganti niya ang inaapi. 25 Ginawa niya ito dahil inaakala niyang mauunawaan ng kaniyang mga kapatid ay ililigtas ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, nakita siya ng mga nag-aaway at sinikap niyang pagkasunduin sila at sinabi: Mga ginoo, kayo ay magkapatid, bakit kayo gumagawa ng hindi tama sa isa’t isa?

27 Ngunit itinulak si Moises ng taong gumagawa ng hindi tama sa kaniyang kapatid. Sinabi sa kaniya: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom sa amin? 28 Ibig mo ba akong patayin tulad ng pagpatay mo kahapon sa taga-Egipto? 29 Tumakas si Moises nang marinig ang pananalitang ito. Siya ay nanirahan bilang isang dayuhan sa lupain ng Midian at doon nagkaanak siya ng dalawang anak na lalaki.

30 Pagkalipas ng apatnapung taon, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa ilang na bundok ng Sinai sa pamamagitan ng ningas ng apoy sa isang mababang palumpong. 31 Nang makita ito ni Moises namangha siya sa nakita niya. At nang siya ay lumapit upang pagmasdan iyon, dumating sa kaniya ang tinig ng Panginoon. 32 Sinabi niya: Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno. Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob. At nanginig si Moises at hindi naglakas-loob na tumingin.

33 Sinabi sa kaniya ng Panginoon: Alisin mo ang mga panyapak mo sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinata­tayuan mo ay lupang banal. 34 Totoong nakita ko ang labis na pagmamalupit ng mga taga-Egipto sa aking mga tao. Narinig ko ang kanilang hinagpis. Ako ay bumaba upang sila ay ilabas mula sa Egipto. Halika ngayon, susuguin kita sa Egipto.

35 Ito ang Moises na kanilang tinanggihan nang kanilang sabihin: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom? Sa pamamagitan ng kamay ng anghel na nagpakita sa kaniya sa mababang palumpong, isinugo ng Diyos si Moises na maging tagapamahala at tagapagpalaya. 36 Siya ay nanguna sa kanila papalabas sa Egipto. Siya ay gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa lupain ng Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.

37 Siya iyong Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: Magtitindig ang Panginoong Diyos sa inyo ng isang propeta na tulad ko, mula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakinggan. 38 Siya iyong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. Kasama niya ang ating mga ninuno. Siya ang tumanggap ng mga buhay na katuruan upang ibigay sa atin.

39 Ang ating mga ninuno ay ayaw magpasakop sa kaniya. Sa halip ay itinulak nila siya at ang kanilang mga puso ay bumabalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron: Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin sapagkat hindi namin nalalaman kung ano na ang nangyari kay Moises na siyang naglabas sa amin sa bayan ng Egipto. 41 Nang mga araw na iyon ay gumawa sila ng isang guyang baka at naghandog ng hain sa diyos-diyosang iyon. Sila ay natuwa sa mga nagawa ng kanilang mga kamay. 42 Tumalikod ang Diyos sa kanila at hinayaan silang sumamba sa mga bituin sa langit. Gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:

O, angkan ng Israel, hindi ba naghandog kayo ng mga hayop na pinatay at mga hain sa loob ng apatnapung taon na kayo ay nasa ilang? Ngunit hindi ninyo ito inihandog sa akin.

43 Lagi ninyong dala ang tolda ni Moloc at ang bituin ng inyong diyos na si Refan. Lagi ninyong dala ang mga diyos-diyosang ginawa ninyo upang inyong sambahin. Dadalhin ko kayo sa dakong lagpas pa sa Babilonia.

44 Ang tolda ng patotoo ay nasa ating mga ninuno sa ilang, ayon sa iniutos nang siya ay nagsalita kay Moises. Sinabi niya kay Moises na gawin iyon ayon sa huwarang nakita niya. 45 Tinanggap ito ng ating mga ninuno. Dala nila ito nang sila ay nasa ilalim ng pamumuno ni Josue nang makapasok sila sa lupain ng mga Gentil. Ang mga Gentil ay pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ang tolda ay nanatili roon hanggang sa araw ni David. 46 Si David ay naging kaluguran sa paningin ng Diyos. Hiniling niyang siya ay makapagpatayo ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob. 47 Ngunit si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kaniya.

48 Subalit ang Kataas-taasan ay hindi tumitira sa mga banal na dakong gawa ng mga kamay, tulad sa sinasabi ng propeta:

49 Ang langit ay aking trono. Ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Sabi ng Panginoon: Anong bahay ang itatayo ninyo sa akin? O, anong dako ang pagpapahingahan ko? 50 Hindi ba ang lahat ng ito ay ginawa ng aking kamay?

51 Kayong mga matitigas ang ulo at hindi tuli ang mga puso at tainga! Lagi ninyong sinasalungat ang Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno ay gayundin naman ang gingawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay pa nila ang mga nagpahayag na nang una pa, ng pagdating ng Matuwid. Kayo ngayon ang pumatay at nagkanulo sa kaniya. 53 Kayo ang mga tumanggap ng kautusan na atas ng mga anghel at hindi naman ninyo ito sinunod.

Binato Nila si Esteban

54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, nagsiklab ang kanilang galit. Nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.

55 Ngunit siya, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumingalang nakatuon sa langit. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos. 56 Sinabi niya: Narito, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos.

57 Kaya sila ay sumigaw ng malakas na tinig at tinakpan nila ang kanilang mga tainga. Nagkakaisa nilang dinaluhong si Esteban. 58 Itinapon nila siya sa labas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na Saulo ang pangalan.

59 Habang pinagbabato nila si Esteban tumawag siya sa Diyos at nagsabi: Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu. 60 Pagkatapos, siya ay lumuhod at siya ay sumigawng malakas: Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito. Pagkasabi niya nito, siya ay natulog.

Inusig ang Iglesiya at Ito ay Nangalat

Si Saulo ay sumang-ayon sa kamatayan ni Esteban. Sa araw na iyon, nagsimula ang isang malaking pag-uusig laban sa iglesiya na nasa Jerusalem. Silang lahat ay nangalat sa lahat ng mga dako sa Judea at Samaria maliban sa mga apostol.

Inilibing si Esteban ng mga taong palasamba sa Diyos at sa kaniya ay nanaghoy sila nang gayon na lamang. Pinipinsala ni Saulo ang iglesiya na pinapasok ang mga bahay-bahay. Kinakaladkad niya ang mga lalaki at mga babae at ibinibilanggo sila.

Si Felipe sa Samaria

Kaya nga, ang nangalat na mga mananampalataya ay naglakbay na ipinangangaral ang ebanghelyo.

Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria. Ipinangaral niya sa kanila ang Mesiyas. Ang maraming tao ay nagkaisang nakinig sa mga bagay na sinalita ni Felipe, nang kanilang marinig at makita ang mga tanda na ginawa niya. Ito ay sapagkat marami sa mga inaalihan ng mga karumal-dumal na espiritu ay iniwan ng mga espiritung ito na sumisigaw nang malakas. Maraming lumpo at pilay ang gumaling. Nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Si Simon na Manggagaway

May isang tao na nagngangalang Simon na nang unang panahon ay gumagawa ng panggagaway sa lungsod. At lubos niyang pinamangha ang mga tao sa Samaria. Sinasabi niyang siya ay dakila.

10 Siya ay pinakikinggan nilang lahat, buhat sa pinakamaliit hanggang sa pinakadakila. Sinasabi nila: Ang lalaking ito ang siyang dakilang kapangyarihan ng Diyos. 11 Siya ay pinakinggan nila sapagkat sila ay lubos niyang pinamangha sa mahabang panahon ng kaniyang mga panggagaway. 12 Ngunit nang sila ay maniwala kay Felipe na nangangaral ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos at patungkol sa pangalan ni Jesucristo. Sila ay nabawtismuhan, mga lalaki at babae. 13 Si Simon ay naniwala rin. Nang mabawtismuhan na siya, matatag siyang nagpatuloy kasama ni Felipe. Si Simon ay lubos na namangha nang makakita siya ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Nang sila ay makalusong, nanalangin sila para sa kanila upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Ito ay sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi pa bumababa sa kaninuman sa kanila. Ngunit sila lamang ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu.

18 Nakita ni Simon na sa pagpapatong ng kamay ng mga apostol ang Banal na Espiritu ay ibinibigay. Inalok nga niya sila ng kayamanan. 19 Sinabi niya: Ibigay rin ninyo sa akin ang kapangyarihang ito. Sa ganoon, sinumang patungan ko ng kamay ay tatanggap ng Banal na Espiritu.

20 Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya: Ang salapi mo ay mapapahamak na kasama mo sapagkat iniisip mong tamuhin ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng kayamanan. 21 Wala kang bahagi ni dako man sa bagay na ito sapagkat ang puso mo ay hindi matuwid sa harap ng Diyos. 22 Kaya nga, magsisi ka sa kasamaan mong ito. Humiling ka sa Diyos, baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso. 23 Ito ay sapagkat nakikita kong ikaw ay puno ng kapaitan tulad ng apdo at natatanikalaan ng kalikuan.

24 Sumagot si Simon at sinabi:Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang huwag mangyari sa akin ang alinman sa mga bagay na sinasabi ninyo.

25 Nang makapagpatotoo na sila at maipangaral ang Salita ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. Ipinangaral nila ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga taga-Samaria.

Si Felipe at ang Taga-Etiopia

26 Ang anghel ng Panginoon ay nagsalita kay Felipe na sinasabi: Tumindig ka. Pumaroon ka sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza. Ito ay ilang na dako.

27 Siya ay tumindig at pumaroon. At narito, isang lalaking taga-Etiopia ang naroon. Siya ay isang kapon na may dakilang kapangyarihan na sakop ni Candace, reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala sa lahat niyang nakaimbak na kayamanan. Siya ay naparoon sa Jerusalem upang sumamba. 28 Siya ay pabalik na at nakaupo sa kaniyang karuwahe. Binabasa niya ang aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe: Lumapit ka at manatili sa tabi ng karuwaheng ito.

30 Tumakbo si Felipe palapit at narinig niyang binabasa niya ang aklat ni Isaias na propeta. Sinabi niya:Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?

31 Papaano ko ito mauunawaan maliban na lamang kung may isang gagabay sa akin? Pinakiusapan niya si Felipe na sumampa at maupong kasama niya.

32 Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:

Siya ay gaya ng tupa na dinala upang katayin. Tulad siya ng kordero na hindi umimik sa harap ng kaniyang manggugupit. Sa ganoong paraan ay hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig.

33 Sa kaniyang pagpapakumbaba ay inalis nila ang karapatan niyang mahatulan ng nararapat. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi sapagkat ang kaniyang buhay ay inalis sa ibabaw ng lupa?

34 Sumagot ang kapon kay Felipe at sinabi: Isinasamo ko sa iyo, sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy dito ng propeta? Ang kaniya bang sarili o ibang tao? 35 Nagsi­mulang magsalita si Felipe at mula sa kasulatang ito, ipinangaral niya sa kaniya si Jesus.

36 Sa pagpapatuloy nila sa paglalakbay, nakarating silasa isang dako na may tubig. Sinabi ng kapon: Narito, may tubig dito. Ano ang makakahadlang upang ako ay hindi mabawtis­muhan? 37 Sinabi ni Felipe: Kung sumasam­palataya ka nang buong puso ay maaari kang bawtismuhan. Ang lalaki ay sumagot at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos. 38 Iniutos niyang itigil ang karwahe. Sila ay kapwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang lalaki. Binawtismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, si Felipe ay inagaw ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng lalaking kapon. Gayunman, siya ay nagpatuloy sa kaniyang paglalakbay na nagagalak. 40 Si Felipe ay nasum­pungan sa Azoto. Sa kaniyang pagdaraan, ipinangangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga lungsod hanggang sa dumating siya sa Cesarea.

Ang Pagbabago ni Saulo

Samantala, si Saulo ay namumuhay sa pagbabanta at pagpatay sa mga alagad ng Panginoon. Siya ay pumaroon sa pinakapunong-saserdote.

Humingi siya ng mga sulat para sa mga sinagoga ng Damasco. Sa ganoon, ang sinumang masumpungang niyang nasa Daan, maging mga lalaki o mga babae ay madala niyang nakagapos patungo sa Jerusalem. Sa kaniyang paglalakbay, nang malapit na siya sa Damasco, biglang nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit na tulad sa kidlat. Siya ay nadapa sa lupa at nakarinig siya ng isang tinig na nagsasabi sa kaniya: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

Sinabi niya: Sino ka ba Panginoon?

Sinabi ng Panginoon: Ako si Jesus na iyong pinag-uusig. Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pantaboy na patpat.

Nanginginig at nagtatakang sinabi niya: Panginoon, ano ang ibig mong gawin ko? Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumunta sa lungsod at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.

Ang mga taong kasama niya sa paglalakbay ay nakatayo na hindi makapagsalita. Narinig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. Tumayo si Saulo at ng siya ay dumilat, wala siyang nakitang sinuman. Siya ay inakay nila at dinala sa Damasco. Siya ay tatlong araw na bulag at hindi siya kumain ni uminom man.

10 May isang alagad sa Damasco na nagngangalang Ananias. Sa isang pangitain, sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ananias.

Sinabi niya: Narito ako, Panginoon.

11 Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumaroon sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang nagngangalang Saulo na taga-Tarso sapagkat nananalangin siya ngayon. 12 Sa pangitain nakita ni Saulo ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na lumapit sa kaniya. At ipinatong ni Ananias ang kaniyang kamay kay Saulo upang siya ay makakita.

13 Sumagot si Ananias: Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang patungkol sa lalaking ito kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. 14 Dito ay may kapahintulutan siya mula sa mga pinunong-saserdote na ibilanggo ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.

15 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya: Pumaroon ka. Ito ay sapagkat siya ay sisidlang hirang sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil, sa harapan ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ito ay sapagkat ipakikita ko sa kaniya kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang batahin dahil sa aking pangalan.

17 Lumakad nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay upang ipatong kay Saulo ang kaniyang mga kamay na sinabi: Kapatid na Saulo, ang Panginoon, ang nagsugo sa akin. Siya ay si Jesus na nagpakita sa iyo sa daang iyong pinanggalingan. Sinugo niya ako upang tanggapin mo ang iyong paningin at mapuspos ka ng Banal na Espiritu. 18 Agad-agad na nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis. Natanggap niya kaagad ang kaniyang mga paningin. Siya ay tumayo at binawtismuhan. 19 Siya ay kumain at lumakas.

Si Saulo sa Damasco at Jerusalem

Si Saulo ay nakisama ng ilang araw sa mga alagad na taga-Damasco.

20 Pagkatapos ay ipinangaral niya kaagad ang Mesiyas sa mga bahay-sambahan, na siya ang Anak ng Diyos. 21 Ang lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha at nagsabi: Hindi ba ito ang nagwawasak sa mga taong tumatawag sa pangalan ni Jesus doon sa Jerusalem? Siya ay naparito sa pagnanasang sila ay dalhing bihag sa harap ng mga pinunong-saserdote. 22 Ngunit lalong naging makapangyarihan si Saulo at lalong nalito ang mga Judio na nasa Damasco. Kaniyang pinatunayan na ito nga ang Mesiyas.

23 Makalipas ang maraming araw, binalak ng mga Judio na ipapatay siya. 24 Ngunit nalaman ni Saulo ang kanilang balak. Araw at gabi ay binabantayan nila ang mga pintuang-bayan upang patayin siya. 25 Ngunit kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad. Siya ay ibinabang palagos mula sa mataas na pader at siya ay inihugos sa isang tiklis.

26 Nang dumating si Saulo sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisanib sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kaniya. Hindi sila naniniwala na siya ay isang alagad. 27 Ngunit kinuha siya ni Bernabe at siya ay dinala sa mga apostol. Isinaysay niya sa kanila kung paanong nakita ni Saulo ang Panginoon sa daan at kinausap siya. Isinaysay niya kung paanong sa Damasco ay nangaral siyang may kata­pangan sa pangalan ni Jesus. 28 Siya ay kasama nila sa pagpasok at paglabas sa Jerusalem. Siya ay kasama nila na nangangaral nang may katapangan sa pangalan ng Pangi­noong Jesus. 29 Siya ay nagsalita at nakipagtalo sa mga Judio na ang wika ay Griyego. Kaya binalak nilang patayin siya. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, siya ay dinala nila pababa sa Cesarea at siya ay pinaalis nila patungong Tarso.

31 Sa panahong iyon ay nagkaroon ng kapayapaan ang mga iglesiya sa buong Judea at Galilea at Samaria. Sila ay naging matibay at nagpapatuloy na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Banal na Espiritu at sila ay dumami.

Si Dorcas at Eneas

32 Nangyari, na sa paglalakbay ni Pedro sa lahat ng dako, siya ay naparoon din naman sa mga banal na naninirahansa Lida.

33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking nagnga­ngalang Eneas. Siya ay walong taon nang nakaratay sa banig sapagkat siya ay paralitiko. 34 Sinabi sa kaniya ni Pedro: Eneas, pinagaling ka ni Jesus, na siya ang Mesiyas. Tumindig ka at iligpit mo ang iyong higaan. Tumayo kaagad si Eneas. 35 Siya ay nakita ng lahat ng mga nakatira sa Lida at sa Sarona at sila ay nanumbalik sa Panginoon.

36 At sa Jope ay may isang alagad na nagngangalang Tabita. Ang kahulugan ng Tabita ay Dorcas.[a] Siya ay lipos ng mabubuting gawa at gawaing pamamahagi sa mga kahabag-habag. 37 Nangyari nang mga araw na iyon na nagkasakit siya at namatay. Nang siya ay mahugasan nila, inilagay nila siya sa isang silid sa itaas. 38 Ang Lida ay malapit sa Jope. Kaya nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo ng dalawang tao sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag niyang patagalin ang pagpunta sa kanila.

39 Tumindig si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, siya ay dinala nila sa silid sa itaas. Ang mga babaeng balo ay nakatayo malapit kay Pedro. Sila ay tumatangis. Ipinakita nila sa kaniya ang mga balabal at mga damit na ginawa ni Dorcas. Ginawa niya ito nang siya ay kasama pa nila.

40 Ngunit pinalabas silang lahat ni Pedro. Lumuhod siya at nanalangin. Pagharap niya sa katawan, sinabi niya: Tabita, bumangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata. Nang makita niya si Pedro, umupo siya. 41 Hinawakan ni Pedro ang kaniyang mga kamay at siya ay itinindig. Tinawag niya ang mga banal at ang mga babaeng balo. Siya ay iniharap niyang buhay sa kanila. 42 Ito ay nalaman sa buong Jope at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 At siya ay nanahan sa Jope ng maraming araw. Kasama siya ni Simon na mangungulti ng balat ng hayop.

Ipinatawag ni Cornelio si Pedro

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio. Siya ay kapitan ng tinatawag na balangay ng mga taga-Italia.

Siya ay isang taong palasamba at may takot sa Diyos kasama ng kaniyang sambahayan. Marami siyang pagkakaloob sa mga kahabag-habag at laging nana­nalanging sa Diyos para sa iba. Isang araw, nang ikasiyam pa lamang ang oras, maliwanag siyang nakakita ng isang pangitain. Nakita niya ang anghel ng Diyos na papalapit sa kaniya. Sinabi nito sa kaniya: Cornelio.

Siya ay tumitig sa kaniya at sa takot ay sinabi niya sa kaniya: Ano iyon, Panginoon?

Sinabi niya sa kaniya: Ang iyong mga pananalangin atmga pagkakaloob sa mga kahabag-habag ay pumailanglang na isang alaala sa harap ng Diyos.

Magsugo ka ng mga tao ngayon sa Jope. Ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa isang taong nagngangalang Simonna mangungulti ng balat ng hayop. Ang kaniyang bahay aynasa tabing dagat. Sasabihin ni Pedro sa iyo ang dapat mong gawin.

Nang umalis ang anghel na nagsalita kay Cornelio, tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga katulong. Tumawag din siya ng isang kawal niya na palasamba sa Diyos napatuloy na naglilingkod sa kaniya. Nang maisaysay na sa kanila ni Cornelio ang lahat ng mga bagay, sila ay isinugo niya sa Jope.

Ang Pangitain ni Pedro

Kinabukasan, habang naglalakbay sila at papalapit na sa lungsod, si Pedro ay umakyat sa bubong ng bahay upang manalangin. Noon ay ikaanim na ang oras.

10 Siya ay nagutom at ibig na niyang kumain. Ngunit samantalang sila ay naghahanda, sa kaniyang kalalagayang tulad ng nananaginip, isang pangitain ang bumaba sa kaniya. 11 Nakita niyang bukas ang langit at may isang kagamitang bumababa sa kaniya. Ito ay gaya ng isang malapad na kumot na nakabuhol ang apat na sulok na bumababa sa lupa. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa. Naroon din ang mababangis na hayop at ang mga gumagapang sa lupa. Naroon din ang mga ibon sa himpapawid. 13 Dumating sa kaniya ang isang tinig: Tumindig ka Pedro. Kumatay ka at kumain.

14 Ngunit sinabi ni Pedro: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay hindi ako kumain ng anumang bagay na pangkaraniwan at marumi.

15 Muli niyang narinig ang tinig sa ikalawang pagkakataon: Anumang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan.

16 Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak sa langit ang sisidlan.

17 Totoong nalito si Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitain na nakita niya. Narito, nang mga sandaling iyon ay naipagtanong na ng mga taong sinugo ni Cornelio kung saan ang bahay ni Simon. Sila ay tumayo sa tarangkahan. 18 Sila ay tumawag at nagtanong kung si Simon na tinatawag na Pedro ay nanunuluyan doon.

19 Samantalang iniisip ni Pedro ang patungkol sa pangitain, sinabi sa kaniya ng Espiritu: Narito, hinahanap ka ng tatlong lalaki. 20 Subalit tumindig ka at bumaba ka at sumama ka sa kanila. Huwag ka nang mag-alinlangan pa sapagkat sila ay aking sinugo.

21 Nanaog si Pedro papunta sa mga lalaki na pinadala ni Cornelio sa kaniya. Sinabi niya: Narito, ako ang hinahanap ninyo. Bakit kayo naparito?

22 Sinabi nila: Si Cornelio ay isang kapitan ng isang balangay at taong matuwid at may takot sa Diyos. Siya ay may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio. Pinagtagu­bilinan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay papuntahin sa kaniyang bahay upang siya ay makarinig ng salita mula sa iyo. 23 Kaya sila ay pinapasok at binigyan ng matutuluyan.

Si Pedro sa Tahanan ni Cornelio

Kinabukasan, umalis si Pedro na kasama nila. Sila ay sinamahan ng ilang kapatid na lalaki mula sa Jope.

24 Kina­bukasan dumating sila sa Cesarea. Sila ay hinihintay ni Cornelio. Tinipon niya ang kaniyang kamag-anakan at kani­yang mga matatalik na kaibigan. 25 Nangyari, na pagpasok ni Pedro ay sinalubong siya ni Cornelio. Nagpatirapa siya sa kaniyang paanan at siya ay sinamba. 26 Ngunit itinindig siya ni Pedro na sinasabi: Tumindig ka, ako ay tao rin naman.

27 Habang nag-uusap sila, pumasok siya at nakita niyang marami ang nagkakatipun-tipon. 28 Sinabi niya sa kanila: Alam ninyo na hindi ayon sa kautusan na ang Judio ay makisama o lumapit sa isang taga-ibang bansa. Ngunit ipina­kita sa akin ng Diyos na huwag kong tawaging pangkaraniwan o marungis ang sinuman. 29 Iyan ang dahilan kaya nang ako ay ipasundo mo, naparito akong hindi tumututol. Kaya nga, itinatanong ko sa inyo, sa anong kadahilanan ipinasundo mo ako?

30 Sinabi ni Cornelio: May apat na araw na hanggang sa oras na ito na ako ay nag-aayuno. Sa ikasiyam na oras sa aking bahay, sa aking pananalangin, at narito, isang lalaki ang tumindig sa harapan ko. Siya ay nakasuot ng maningning na damit. 31 Sinabi niya: Cornelio, dininig ang dalangin mo. Ang iyong mga pagkakaloob sa kahabag-habag ay inaalaala sa paningin ng Diyos. 32 Magsugo ka nga sa Jope, at anyayahan mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa bahay ni Simong mangungulti ng balat ng hayop. Ang bahay niya ay nasa tabing dagat. Pagdating niya ay magsasalita siya sa iyo. 33 Kaagad-agad nga ay nagpasugo ako sa iyo. Mabuti at naparito ka. Kaya nga, naririto kaming lahat sa paningin ng Diyos upang dinggin ang lahat ng bagay na ipinag-utos sa iyo ng Diyos.

34 Ibinukas ni Pedro ang kaniyang bibig at nagsabi: Totoo ngang naunawaan kong ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. 35 Subalit sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaniyang tinatanggap. 36 Alam ninyo ang salitang ipinadala ng Diyos sa mga anak ni Israel na naghahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ay Panginoon ng lahat. 37 Ang pangyayaring ito ay naganap sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bawtismo na ipinangaral ni Juan. 38 Alam ninyo kung papaanong si Jesus, na taga-Nazaret ay pinahiran ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan. Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti. Pinagaling niya ang lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo sapagkat sumasa kaniya ang Diyos.

39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Pinatay nila siya sa pamamagitan ng pagbitin sa kahoy. 40 Nang ikatlong araw siya ay muling binuhay ng Diyos at siya ay inihayag. 41 Inihayag siya hindi sa lahat ng mga tao kundi sa mga saksi na hinirang ng Diyos nang una. Ito ay sa amin na kasalo niyang kumain at uminom pagkatapos niyang bumangon mula sa mga patay. 42 Iniutos niya sa amin na mangaral sa mga tao at lubos na pinagpapatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta. Pinatotohanan nila na ang bawat sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig ng salita. 45 Ang lahat ng mga mananampalatayang nasa pagtutuli na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Banal na Espiritu. 46 Nalaman nila ito dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos.

47 Nang magkagayon ay sumagot si Pedro: Maipagbabawal ba ng sinuman ang paggamit ng tubig upang mabawtismuhan itong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na gaya naman natin? 48 Inutusan niya sila na magpabawtismo sa pangalan ng Pangi­noon. Pagkatapos nito hiniling nila sa kaniya na manatili ng mga ilang araw.

Footnotes

  1. Gawa 9:36 Sa Aramaic ay Tabita at sa Griyego ay Dorcas.

Ang Pagdating ng Banal na Espiritu

Pagsapit ng Araw ng Pentecostes,[a] nagtitipon silang lahat sa isang lugar. Biglang nagkaroon ng isang ugong mula sa langit, gaya ng isang napakalakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kanilang kinaroroonan. May nakita silang tila mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nagsalita sa iba't ibang wika, ayon sa kakayahang magpahayag na ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. Naninirahan noon sa Jerusalem ang mga Judiong masigasig sa kanilang pananampalataya. Galing pa sila sa iba't ibang mga bansa. Nang dumating ang ugong na ito, nagtipon sila at namangha sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa mga wika nilang mga nakikinig. Labis silang nagulat at namangha, kaya't sila'y nagtanong, “Pakinggan ninyo! Hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito? Paanong nangyaring naririnig ng bawat isa sa atin ang ating mga sariling wika sa kanila? Tayong mga Parto, mga Medo, mga Elamita, mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia. 10 Mayroon din sa ating taga-Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene, at mga panauhing taga-Roma, mga Judio at mga nahikayat maging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabia rin dito. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga sariling wika tungkol sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?” 12 Namangha sila at nalito, kaya sila'y nagtanungan, “Ano ang kahulugan nito?” 13 Ngunit ang iba nama'y may pangungutyang nagsabi, “Lasing ang mga iyan.” 14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ang labing-isa, at nagpahayag sa malakas na tinig, “Mga kababayan kong Judio at mga naninirahan sa Jerusalem, unawain ninyo ito at makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng akala ninyo. Ngayo'y ikasiyam pa lang ng umaga.[b] 16 Sa halip, ang pangyayaring ito'y katuparan ng sinabi ni propeta Joel:

17 ‘Ito ang mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
ibubuhos ko sa lahat ng tao ang aking Espiritu;
    magpapahayag ang inyong mga anak na lalaki at babae ng mensahe mula sa Diyos,
makakakita ng pangitain ang inyong mga kabataang lalaki,
    mananaginip ang inyong mga matatandang lalaki,
18 maging sa mga aliping lalaki at babae,
    sa mga araw na iyon ay ibubuhos ko ang aking Espiritu,
    at sila'y magpapahayag.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit,
    at ng mga tanda sa lupa;
    dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw,
    at magkukulay-dugo ang buwan,
    bago sumapit ang dakila at maningning na Araw ng Panginoon.
21 At mangyayari na sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’

22 “Pakinggan ninyo ito, mga Israelita. Itong si Jesus na taga-Nazareth ay pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat naganap ang mga ito sa gitna ninyo. 23 Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Jesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan. 24 Subalit ang Diyos ang muling bumuhay sa kanya, at nagpalaya sa kanya mula sa pagdurusa ng kamatayan, dahil wala naman itong kakayahang maghari sa kanya. 25 Gaya nga ng sinabi ni David tungkol sa kanya:

‘Noon pa'y nakita kong lagi kong kapiling ang Panginoon;
    Siya'y kasama ko[c] kaya't hindi ako matitinag.
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso at sa dila ko'y nag-umapaw ang tuwa,
    at ang aking katawan ay mabubuhay sa pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y hindi mo hahayaan sa kamatayan[d];
    o ipahihintulot man lang na ang iyong Banal ay makaranas ng kabulukan.
28 Ipinakita mo sa akin ang mga daan ng buhay,
    at sa piling mo'y mapupuno ako ng kagalakan.’

29 Mga kapatid, buong katiyakang sasabihin ko sa inyo na ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing. At ang libingan niya'y nasa atin hanggang ngayon. 30 Palibhasa'y propeta si David noong nabubuhay pa, nalalaman niya ang taimtim na pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa mula sa kanyang angkan. 31 Nakita na at ipinahayag na ni David na muling bubuhayin ng Diyos ang Cristo nang kanyang sabihin:

    ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; ni ang katawan niya'y makaranas ng kabulukan.’

32 Ngayon, kaming lahat ay mga saksi na ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos. 33 Dahil iniluklok siya sa kanan ng Diyos, at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Banal na Espiritu, nakikita at naririnig ninyo ito na ibinuhos sa amin ngayon. 34 Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, subalit sinabi niya: Ang Panginoon ang nagsabi sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa aking kanan, 35 hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.’ 36 Kaya't dapat malaman ng buong sambahayan ng Israel, na itong si Jesus na inyong ipinako sa krus ay itinalaga ng Diyos na Panginoon at Cristo.” 37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad. 42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Buhay ng Magkakapatid

43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (A) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.

Ang Pagpapagaling sa Lumpo

Isang araw, pumunta sina Pedro at Juan sa templo; ikatlo ng hapon noon,[e] ang oras ng pananalangin.[f] Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Maganda ay naroon ang isang lalaking lumpo mula pa nang isilang. Araw-araw siyang dinadala roon upang manghingi ng limos sa mga taong pumapasok. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa Templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya ni Pedro gayundin ni Juan. At sinabi ni Pedro sa lumpo, “Tumingin ka sa amin.” Tumingin nga siya sa kanila na umaasang siya'y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit kung anong mayroon ako ay siyang ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazareth, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo ito. Kaagad lumakas ang mga paa at mga bukung-bukong ng lalaki. Palukso siyang tumayo at nagsimula nang lumakad. Kasama ng dalawa, pumasok siya sa Templo, lumalakad, paluksu-lukso, at nagpupuri sa Diyos. Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo. Labis silang nagulat at nagtaka sa nangyari sa kanya.

Si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Habang nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nagtakbuhang papalapit sa kanila ang mga tao na manghang-mangha. 12 Nang makita ito ni Pedro, sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, bakit ninyo ito ipinagtataka at bakit ninyo kami tinititigan na para bang napalakad namin siya sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati ng (B) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[g] na si Jesus na inyong isinakdal at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong si Pilato ay nagpasya nang palayain siya. 14 Itinakwil ninyo (C) ang Banal at Matuwid at hiniling na palayain para sa inyo ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang May-akda ng buhay, ngunit ibinangon siya ng Diyos mula sa mga kamatayan, at kami ay mga saksi sa bagay na ito. 16 Sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, gumaling ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, gaya ng nakikita ninyong lahat. 17 Ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo naunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Ngunit sa ganito'y natupad ang sinabi ng Diyos noon pa man sa pamamagitan ng pahayag ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga magsisi na kayo at magbalik-loob sa Diyos upang mapatawad ang inyong mga kasalanan, 20 nang sa gayon ay dumating ang mga panahon ng ginhawa mula sa Panginoon; at upang kanyang maisugo si Jesus, ang Cristong itinalaga mula pa nang una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang panahong likhaing panibago ang lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos mula pa noong una sa pamamagitan ng pahayag ng kanyang mga banal na propeta. 22 Sinabi nga ni Moises, (D) ‘Ang Panginoon ninyong Diyos ay pipili mula sa inyong mga kababayan ng isang propetang gaya ko. Sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang (E) sinumang hindi makikinig sa propetang iyon ay ititiwalag sa bayan[h] ng Diyos at pupuksain.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa mga nangyayari sa mga araw na ito. 25 Kayo'y mula sa lahi ng mga propeta at kabilang sa tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ko ang lahat ng mga angkan sa daigdig.’ (F) 26 Nang muling buhayin ng Diyos ang kanyang lingkod, una siyang isinugo ng Diyos sa inyo, upang bawat isa sa inyo'y pagpalain sa pamamagitan ng paglalayo sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.”

Si Pedro at si Juan sa Harap ng Sanhedrin

Nagsasalita pa sina Pedro at Juan[i] sa taong-bayan nang lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduceo. Labis ang galit ng mga ito sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na si Jesus ay muling nabuhay, na siyang katibayan ng muling pagkabuhay ng mga patay. Kaya dinakip nila ang dalawa at ikinulong hanggang kinaumagahan sapagkat gabi na noon. Gayunma'y marami sa mga nakarinig sa kanilang ipinangaral ang sumampalataya; at umabot ang bilang nila sa may limang libong lalaki. Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namamahala sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan.

Kabilang doon si Anas, na Kataas-taasang Pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng Kataas-taasang Pari. Pinatayo nila sa gitna sina Pedro at Juan, at tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o kaninong pangalan ninyo ginagawa ito?” Kaya sumagot si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu, “Mga pinuno at matatandang namamahala sa bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon dahil sa kabutihang ginawa namin sa isang taong may kapansanan, at tinatanong ninyo kung paano siya napagaling, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambayanang Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan nang walang sakit sa pamamagitan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazareth, na inyong ipinako sa krus ngunit ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 11 Siya,

‘ang (G) batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong panulukan.’

12 Sa iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay ng Diyos sa mga tao na sa ati'y makapagliligtas.” 13 Namangha sila nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, lalo na nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwang tao lamang. Nabatid nilang sila'y nakasama ni Jesus. 14 At dahil nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama ng mga apostol ay wala silang masabing laban sa mga ito. 15 Kaya't pinalabas muna ng Sanhedrin ang dalawa bago sila nagpulong. 16 “Ano'ng gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Alam na ng buong Jerusalem ang pambihirang himalang nangyari sa pamamagitan nila. Hindi na natin ito maikakaila. 17 Ngunit upang huwag nang lalo pa itong kumalat sa bayan, pagbawalan natin silang magsalita pa kaninuman tungkol sa pangalang ito.” 18 Kaya't ipinatawag nila ang dalawa at inutusang kailanma'y huwag nang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus. 19 Subalit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kayo na ang humatol kung matuwid sa paningin ng Diyos na kayo ang aming sundin sa halip na ang Diyos. 20 Sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.” 21 Pagkatapos mahigpit na pagbantaan, pinakawalan nila ang dalawa. Wala silang makitang anumang dahilan upang parusahan sila sapagkat nagpupuri sa Diyos ang buong bayan dahil sa nangyari. 22 Mahigit apatnapung taong gulang na ang lalaking pinagaling sa pamamagitan ng himalang ito.

Ang Panalangin para sa Katapangan

23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at ibinalita ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatandang tagapamahala ng bayan. 24 Nang (H) marinig nila ito, sama-sama silang tumawag sa Diyos, “Panginoon, ikaw na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon, 25 ikaw (I) na nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na iyong lingkod,[j] nang ipahayag niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,

‘Bakit nagalit ang mga bansa,
    at nagbalak ang mga bayan ng mga walang kabuluhan?
26 Naghanda ang mga hari sa lupa upang lumaban,
    at ang mga pinuno ay nagtipon laban sa Panginoon,
    at laban sa kanyang Hinirang.’

27 Sapagkat (J) totoo ngang sa lungsod na ito nagkaisa sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng mga mamamayan ng Israel laban sa iyong Banal na Lingkod[k] na si Jesus, na iyong hinirang. 28 Nagkaisa sila upang gawin ang itinakda ng iyong kamay at ng iyong kalooban na mangyayari. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo po kung paano nila kami pinagbabantaan. Ipagkaloob mo po sa iyong mga alipin ang buong katapangan upang ipahayag ang iyong salita. 30 Iunat mo po ang iyong kamay upang magpagaling at gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Lingkod na si Jesus.” 31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang lugar na kanilang pinagtitipunan; napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu at buong tapang nilang ipinahayag ang salita ng Diyos.

Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya

32 Lahat ng mga mananampalataya ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. (K) Hindi sinarili ng sinuman ang kanyang mga ari-arian, kundi lahat ng mga bagay ay kanilang pinagsasaluhan. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, nagpatotoo ang mga apostol tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At sumakanilang lahat ang dakilang pagpapala ng Diyos. 34 Walang sinumang naghihikahos sa kanila sapagkat ipinagbibili ng lahat ang kanilang mga lupa at mga bahay at ipinapaubaya ang pinagbilhan ng mga ito 35 sa pamamahala ng mga apostol at ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 36 Ganoon nga ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus. Bernabe ang tawag sa kanya ng mga apostol, na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas-loob”. 37 Ipinagbili niya ang isang bukid na kanyang pag-aari, at ipinaubaya niya ang salapi sa pamamahala ng mga apostol.

Si Ananias at si Safira

May isang lalaki namang nagngangalang Ananias, kasama ang kanyang asawang si Safira, ang nagbili ng bahagi ng kanyang ari-arian. Itinago ni Ananias para sa sarili ang ilang bahagi ng napagbilhan at isang bahagi lamang ang ibinigay sa pamamahala ng mga apostol. Sinang-ayunan ito ng kanyang asawa. Kaya tinanong siya ni Pedro, “Ananias, bakit mo hinayaang puspusin ni Satanas ang iyong puso[l] at nagawa mong magsinungaling sa Banal na Espiritu at itago para sa sarili ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa? Hindi ba sa iyo naman ang lupa bago mo iyon ipinagbili? At nang maipagbili na, hindi ba ang napagbilhan ay nasa iyo ring pasya? Bakit naisipan mo pang gawin ang bagay na ito? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.” Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, bumagsak siya at namatay. At matinding takot ang naghari sa lahat ng mga nakarinig nito. Lumapit ang mga kabataang lalaki at siya'y binalot, inilabas at inilibing.

Pagkaraan ng halos tatlong oras, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari. Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito ba ang halagang pinagbilhan ninyo sa lupa?” Sumagot siya, “Iyon nga.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkasundo kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nakatayo sa pintuan ang mga naglibing sa iyong asawa, at dadalhin ka rin nila sa labas.” 10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataan, natagpuan nilang patay na ang babae kaya't siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa. 11 Naghari ang matinding takot sa buong iglesya at sa lahat ng mga nakarinig ng mga ito.

Ang mga Himalang Ginawa ng mga Apostol

12 Sa pamamagitan ng mga apostol, maraming mga tanda at kababalaghan ang naganap sa gitna ng mga taong-bayan. Lahat ng mananampalataya ay patuloy na nagsasama-sama sa portiko ni Solomon. 13 Subalit wala nang iba pang nangahas na sumama sa kanila bagaman mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao. 14 Gayunma'y lalo pang dumarami ang mga lalaki at mga babaing sumampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilalagay sa mga higaan at mga banig upang pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Sama-sama ring pumunta ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang mga maysakit at ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. At silang lahat ay pinagaling.

Ang Pag-uusig sa mga Apostol

17 Matinding inggit ang naghari sa Kataas-taasang Pari at sa lahat ng mga kasama niya, na sekta ng mga Saduceo. Kaya kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ikinulong sa bilangguang bayan. 19 Ngunit kinagabihan, isang anghel ng Panginoon ang nagbukas sa mga pintuan ng bilangguan, at pagkatapos silang ilabas ay sinabi sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at sabihin ninyo sa mga tao ang buong balita tungkol sa buhay na ito.” 21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang madaling-araw at nagturo. Nang dumating ang Kataas-taasang Pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin, ang buong kapulungan ng mga tagapamahala ng Israel. Nagsugo sila ng mga kawal sa bilangguan upang kunin ang mga apostol. 22 Ngunit pagdating ng mga kawal sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik ang mga kawal at nag-ulat, 23 “Nadatnan naming nakakandadong mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay, ngunit nang buksan namin, wala kaming natagpuang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng pinuno ng mga kawal ng templo at ng mga pinunong pari, nabahala sila. Labis ang kanilang pagtataka kung ano ang nangyayari. 25 Siya namang pagdating ng isang taong nagsabi ng ganito, “Tingnan ninyo! Ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao!” 26 Kaya sumama ang pinuno ng mga kawal sa bantay ng templo at kinuha ang mga apostol. Ngunit hindi sila gumamit ng dahas, sa pangambang baka sila'y batuhin ng mga taong-bayan. 27 Nang kanilang madala ang mga apostol, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng Kataas-taasang Pari, 28 “Hindi (L) ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang magturo sa pangalang ito? Ngunit tingnan ninyo, pinalaganap na ninyo sa Jerusalem ang inyong aral, at nais pa ninyo kaming managot sa pagkamatay[m] ng taong ito!” 29 Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin at hindi ang mga tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang nagbangon kay Jesus, na inyong pinatay nang bitayin ninyo siya sa punongkahoy. 31 Itinaas siya ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataong magsisi ang Israel, at mapatawad ang mga kasalanan. 32 Saksi kami sa mga sinasabi naming ito, gayundin ang Banal na Espiritu na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.” 33 Nang marinig nila ito, nagngitngit sila sa galit at nagbalak na patayin ang mga apostol. 34 Ngunit tumindig ang isang kaanib ng Sanhedrin, isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya'y isang dalubhasa sa Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong Israelita, huwag kayong padalus-dalos sa inyong gagawin sa mga taong ito. 36 Sapagkat kailan lang ay lumitaw si Teudas, na nagpakilalang siya'y magaling. Sumama sa kanya ang may apatnaraang tao, ngunit nang siya'y mapatay, lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at sila'y walang kinahinatnan. 37 Pagkatapos ay lumitaw naman si Judas na taga-Galilea nang panahon ng pagpapatala, at nakaakit din siya ng mga tagasunod. Ngunit siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkahiwa-hiwalay. 38 Kaya't pinapayuhan ko kayo ngayong huwag gumawa ng anumang laban sa mga taong ito. Hayaan ninyo sila. Sapagkat kung ang balak nila, o ang gawa nilang ito ay mula sa tao, ito'y hindi magtatagumpay. 39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila kayang pabagsakin. Baka lumabas pa kayong lumalaban sa Diyos!” 40 Sila'y napapayag niya. Kaya nang maipatawag nila ang mga apostol, ipinahagupit nila ang mga ito at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at pagkatapos ay pinalaya. 41 Umalis sila sa Sanhedrin na nagagalak sapagkat sila'y naging karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, wala silang tigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.

Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod

Nang mga araw na patuloy ang pagdami ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Ito'y sa dahilang napapabayaan ang kanilang mga babaing balo sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na pabayaan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilalang may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, at itatalaga namin sila sa tungkuling ito, habang iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod para sa salita.” Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia na nahikayat sa Judaismo. Pinatayo sila sa harapan ng mga apostol at sila'y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay. Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at mabilis na dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem, kabilang ang maraming pari sa mga naging tagasunod ng pananampalataya.

Ang Pagdakip kay Esteban

Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga himala sa gitna ng mga taong-bayan. Ngunit nakipagtalo sa kanya ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at mga Cireneo, at mga Alejandrino, at mga taga-Cilicia, at taga-Asia. 10 Hindi nila kayang salungatin ang karunungan at ang Espiritu na nagkaloob sa kanya ng kanyang sinasabi. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na sabihing, “Narinig namin siyang nagsasalita ng mga kalapastanganan laban kay Moises at laban sa Diyos.” 12 Sinulsulan din nila ang taong-bayan, maging ang mga matatandang namamahala sa bayan, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Lumapit sila kay Esteban, pagkatapos ay sinunggaban siya at dinala sa Sanhedrin. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, “Walang tigil ang taong ito sa pagsasalita laban sa banal na lugar na ito at laban sa Kautusan. 14 Sapagkat narinig naming sinabi niya na gigibain nitong si Jesus na taga-Nazareth ang lugar na ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang mukha niya ay tulad ng sa isang anghel.

Nangaral si Esteban

Nagtanong ang Kataas-taasang Pari, “Totoo ba ang mga ito?” Sumagot (M) si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan po ninyo ako. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating amang si Abraham noong siya'y nasa Mesopotamia, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwan mo ang iyong lupain at ang iyong mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ipapakita ko sa iyo.’ Kaya (N) umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinalipat siya ng Diyos sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Gayunma'y hindi (O) siya binigyan dito ng anumang pamana, kahit man lamang kapirasong lupa. Subalit ipinangako na ibibigay iyon sa kanya at sa kanyang binhing kasunod niya bagaman wala pa siyang anak noon. Ganito (P) ang sinabi ng Diyos: ‘Ang iyong binhi ay maninirahan sa ibang lupain, at sila'y aalipinin at aapihin doon nang apatnaraang taon. Ngunit (Q) parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila,’ wika ng Diyos. ‘Pagkatapos ng mga ito ay lalabas sila at sasambahin nila ako sa dakong ito.’ Pagkatapos (R) ay ibinigay niya sa kanya ang tipan ng pagtutuli. At si Abraham ay naging ama ni Isaac, at ito'y tinuli nang ikawalong araw; at si Isaac ay naging ama ni Jacob, at si Jacob ng labindalawang patriyarka.

“Dahil sa inggit ng mga patriyarka kay Jose, siya'y kanilang ipinagbili sa Ehipto. (S) Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at iniligtas siya (T)sa lahat ng kanyang kapighatian. Pinagpala siya ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto. Itinalaga siyang maging tagapamahala sa Ehipto at sa buong sambahayan ng Faraon. 11 Dumating (U) noon ang taggutom at matinding paghihirap sa buong Ehipto at sa Canaan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno. 12 Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, una niyang pinapunta roon ang ating mga ninuno. 13 Sa ikalawang pagpunta nila (V) ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang sambahayan ni Jose. 14 Pagkatapos (W) ay ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao. 15 Kaya't (X) nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. 16 Ibinalik sila (Y) sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham mula sa mga anak ni Hamor. 17 “Ngunit (Z) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, lumago at dumami ang ating sambayanan sa Ehipto, 18 hanggang sa nagkaroon ng hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose. 19 Dinaya at pinagsamantalahan (AA) nito ang ating lahi, pinagmalupitan ang ating mga ninuno at pinilit na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Sa (AB) panahong iyon ay ipinanganak si Moises, isang batang kinalugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa bahay ng kanyang ama. 21 Nang (AC) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y pinalaking parang sarili niyang anak. 22 Sinanay si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya'y naging makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa. 23 “Nang (AD) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[n] tingnan ang kalagayan ng kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya na pinahihirapan ang isa sa kanila, ipinagtanggol at ipinaghiganti niya ito at pinatay ang Ehipcio. 25 Inaakala niya noon na naunawaan ng kanyang mga kababayan[o] na ililigtas sila ng Diyos sa pamamagitan niya.[p] Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, lumapit siya sa dalawang Israelitang nag-aaway. Ibig sana niyang sila'y pagkasunduin kaya sinabing, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit sinasaktan ninyo ang isa't isa?’ 27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kapwa, at nagsabing, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin? 28 Gusto mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’ 29 Nang (AE) marinig ito ni Moises, tumakas siya at nanirahan na isang dayuhan sa lupain ng Midian, at doo'y nagkaroon ng dalawang anak na lalaki.

30 “Nang (AF) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita. Nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, dumating ang tinig ng Panginoon: 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi nangahas tumingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Tanggalin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay lupang banal. 34 Kitang-kita ko ang pang-aapi sa aking bayang nasa Ehipto, narinig ko ang kanilang hinaing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayon, lumapit ka at isusugo kita sa Ehipto.’ 35 “Ang (AG) Moises na ito na kanilang itinakwil nang sabihin nilang, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin?’ ang siyang isinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagpalaya sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Ang taong ito (AH) ang humango sa kanila sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang ginawa niya sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37 Ang (AI) Moises na ito ang nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Mula sa inyong mga kapatid, pipili ang Diyos ng propeta para sa inyo, tulad ng pagpili niya sa akin.’ 38 Siya (AJ) ang kasama ng kapulungan sa ilang. Kasama siya ng anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ng ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga salitang nagbibigay-buhay upang ibigay sa atin. 39 Ngunit ayaw siyang sundin ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at sa mga puso nila'y bumalik sila sa Ehipto, 40 nang sabihin nila kay Aaron, (AK) ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat hindi na namin alam ang nangyayari sa Moises na ito na naglabas sa amin sa Ehipto.’ 41 Gumawa (AL) nga sila noon ng diyus-diyosan sa anyo ng isang guya. Naghandog sila sa diyus-diyosang ito at ipinagdiwang ang gawa ng kanilang mga kamay. 42 Ngunit (AM) tinalikuran sila ng Diyos, at pinabayaan silang sumamba sa hukbo ng kalawakan.[q] Nasusulat sa aklat ng mga propeta:

‘O, sambahayan ni Israel, sa akin ba kayo nag-alay ng mga hayop na pinatay
    at mga handog sa loob ng apatnapung taon sa ilang?
43 Dinala ninyo ang tolda ni Moloc,
    at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
    ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’

44 “Nasa (AN)ating mga ninuno sa ilang ang tolda ng patotoo, na ipinagawa ng Diyos na nagsalita kay Moises, ayon sa huwarang kanyang nakita. 45 Dinala (AO) rin ito ng ating mga ninunong kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansang pinalayas ng Diyos sa kanilang harapan. Nanatili ito roon hanggang sa panahon ni David. 46 Kinalugdan ng Diyos si David, (AP) at hiniling niyang makakita ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob.[r] 47 Subalit (AQ) si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya. 48 Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi nananahan sa mga bahay na gawa ng tao. Sabi nga ng propeta,

49 ‘Ang (AR) langit ang aking luklukan,
    at ang lupa ang aking tuntungan.
Sabi ng Panginoon, ‘Sa aki'y anong uri ang itatayo ninyong bahay,
    o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba kamay ko ang gumawa ng lahat ng mga ito?’

51 “Kayong (AS) matitigas ang ulo at mga bingi sa katotohanan![s] Lagi kayong sumasalungat sa Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, gayundin ang ginagawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tinanggap ninyo ang Kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, ngunit hindi ninyo ito tinupad.”

Pinagbabato si Esteban

54 Nang marinig nila ang mga ito, nagalit sila at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.[t] 55 Subalit si Esteban, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumitig sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.” 57 Subalit nagtakip sila ng kanilang mga tainga at nagsigawan nang malakas at sama-samang sumugod sa kanya. 58 Pagkatapos, siya'y kinaladkad nila palabas ng lungsod at doo'y pinagbabato. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang papanagutin sa kasalanang ito.” Pagkasabi nito, siya'y namatay.[u]

Kasang-ayon si Saulo sa pagpaslang kay Esteban.

Ang Pag-usig ni Saulo sa Iglesya

Nang araw na iyon, sumiklab ang isang malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem. Maliban sa mga apostol, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mananampalataya sa buong lupain ng Judea at Samaria. Inilibing si Esteban ng mga lalaking masigasig sa kabanalan. Tumangis sila nang malakas dahil sa kanya. Samantala'y winawasak ni Saulo ang iglesya. (AT) Pinapasok niya ang mga bahay-bahay, kinakaladkad at ibinibilanggo ang mga lalaki't babae.

Ang Pangangaral sa Samaria

Ang mga nagkawatak-watak nama'y naglakbay na ipinapahayag ang salita. Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. Nang marinig ng maraming tao ang mga sinabi ni Felipe at nang makita ang mga himalang ginawa niya, nagkaisa silang bigyan ng pansin ang kanyang sinasabi. Sapagkat lumalabas ang masasamang espiritu na sumisigaw nang malakas mula sa maraming taong sinapian; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon. Ngunit isang taong nagngangalang Simon, ang gumagamit noong una ng salamangka sa lungsod; pinahahanga niya ang mga mamamayan ng Samaria at sinasabi niyang siya'y magaling. 10 Nakinig sa kanya ang lahat, buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sabi nila, “Ang taong ito ang tinatawag na dakilang kapangyarihan ng Diyos.” 11 Nakinig sila sa kanya, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay napahanga niya sila ng kanyang mga salamangka. 12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae. 13 Mismong si Simon ay naniwala, at pagkatapos mabautismuhan ay nanatiling kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga himala at ng mga makapangyarihang gawa.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga taga-Samaria ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon ay ipinanalangin ng dalawa ang mga taga-Samaria upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat hindi pa bumababa ang Espiritu sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan[v] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nang makita ni Simon na ipinagkakaloob ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y kanyang inalok ng salapi, 19 at sinabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Banal na Espiritu.” 20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Mapapahamak ka kasama ng iyong salapi! Akala mo ba'y mabibili mo ang kaloob ng Diyos? 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi naaayon sa Diyos ang iyong puso. 22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling patawarin ka sa masamang hangarin ng iyong kalooban. 23 Sapagkat nakikita kong pinaghaharian ka ng inggit at alipin ka ng kasamaan.” 24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”

25 Matapos silang makapagpatotoo at maipahayag ang salita ng Panginoon, bumalik sina Pedro at Juan[w] sa Jerusalem na ipinangangaral ang magandang balita sa maraming nayon ng Samaria.

Si Felipe at ang Eunukong Taga-Etiopia

26 Matapos ang mga ito, inutusan ng isang anghel ng Panginoon si Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza. Ito'y ilang na daan.” 27 Tumindig nga siya at umalis. Dumating naman ang isang eunukong taga-Etiopia, na tagapamahala ng buong kayamanan ni Candace, ang reyna ng Etiopia. Galing ang eunuko sa Jerusalem upang sumamba. 28 Pauwi na siya noon, nakasakay sa kanyang karwahe at binabasa ang aklat ni propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.” 30 Kaya't tumakbong palapit si Felipe at kanyang narinig na binabasa ng lalaki ang aklat ni propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” 31 Sumagot siya kay Felipe, “Paano ko ito mauunawaan kung walang magpapaliwanag sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na sumakay at maupong kasama niya. 32 Ito (AU) ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:

“Tulad ng tupang dinala sa katayan;
    at ng korderong hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
    gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33 Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
    Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
    Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”

34 Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang kanya bang sarili o iba?” 35 Mula sa talatang ito, ipinangaral ni Felipe sa lalaki ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Sa kanilang paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig. Sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, may tubig! Ano'ng hadlang upang ako'y mabautismuhan?” 37 [At sinabi ni Felipe, “Kung sumasampalataya ka nang buong puso ito'y mangyayari. Sumagot ang eunuko, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos.”][x] 38 Pinahinto ng eunuko ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, biglang inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe, at hindi na siya nakita ng eunuko. Nagagalak itong nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Samantala, natagpuan si Felipe sa Azotus. Mula roon ay ipinangaral niya ang Magandang Balita sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.

Ang Pagtawag kay Saulo(AV)

Samantala, sumisidhi ang pagnanais ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa Kataas-taasang Pari. Humingi siya sa Kataas-taasang Pari ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, maging lalaki o babae, ay dadalhin niyang bihag sa Jerusalem. Sa kanyang paglalakbay papalapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit. Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” Sinabi niya, “Sino po ba kayo, panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig. Tumayo ka at pumasok sa lungsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.” Hindi makapagsalita ang mga taong naglalakbay na kasama niya, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. Tumayo si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata ay wala siyang makita. Kaya't inakay siya ng kanyang mga kasama at ipinasok sa Damasco. Tatlong araw siyang hindi makakita, at hindi rin kumain o uminom. 10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sumagot siya, “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na may pangalang Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya. 12 Nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias. Pumapasok ito at ipinapatong ang mga kamay sa kanya upang muli siyang makakita.” 13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga hinirang na nasa Jerusalem. 14 Mayroon siyang pahintulot mula sa mga punong pari na igapos ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.” 15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Humayo ka. Sapagkat ang lalaking ito ay isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.” 17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18 Agad nalaglag mula sa mga mata ni Saulo ang bagay na parang mga kaliskis, at muli siyang nakakita.Tumayo siya at binautismuhan. 19 Pagkatapos niyang kumain ay nanumbalik ang kanyang lakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.

Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco

20 Agad ipinangaral ni Saulo sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang lalaki na noong nasa Jerusalem ay pumuksa sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito siya upang sila'y dalhing bihag sa harap ng mga punong pari?” 22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo. 23 Pagkalipas (AW) ng maraming araw, may mga Judio na nagbalak na siya'y patayin. 24 Kaya't binantayan nila ang mga pintuang-bayan araw at gabi sa pag-aabang kay Saulo upang patayin siya. Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. 25 Kinagabihan, kinuha siya ng kanyang mga alagad, inilagay siya sa isang tiklis at ibinaba sa kabila ng pader.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, sinikap niyang makisama sa mga alagad. Ngunit silang lahat ay takòt sa kanya sapagkat hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Kaya't iniharap siya ni Bernabe sa mga apostol, at isinalaysay nito sa kanila kung paanong nagpakita at nakipag-usap kay Saulo ang Panginoon noong siya'y nasa daan papuntang Damasco. Sinabi rin nito kung paanong si Saulo ay buong tapang na nangaral sa Damasco sa pangalan ni Jesus. 28 Mula noo'y kasa-kasama na nila si Saulo sa Jerusalem, 29 at buong tapang na nangangaral sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap at nakipagtalo rin siya sa mga Helenista kaya't siya'y pinagsikapan nilang patayin. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinapunta sa Tarso. 31 Sa gayo'y naging mapayapa ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria. Tumatag ito at lumaganap sa patnubay ng Banal na Espiritu, at namuhay na may takot sa Panginoon.

Ang Pagpapagaling kay Aeneas

32 Naglakbay si Pedro sa iba't ibang dako upang dalawin silang lahat, gayundin ang mga banal na naninirahan sa Lidda. 33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking ang pangalan ay Aeneas. Ito ay lumpo at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Bumangon ka at ayusin ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon. 35 Nakita siya ng lahat ng mga mamamayan ng Lidda at Sharon, at sila'y nagbalik-loob sa Panginoon.

Ang Pagbuhay kay Dorcas

36 May isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabitha, na ang katumbas ay Dorcas. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng mabuti at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, siya'y kanilang ibinurol sa isang silid sa itaas. 38 Dahil malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na naroroon si Pedro, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.” 39 Kumilos agad si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, sinamahan siya sa silid sa itaas. Lumapit sa kanya ang mga babaing balo at umiiyak na ipinakita sa kanya ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas noong siya'y kasama pa nila. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabitha, bumangon ka.” Iminulat ni Dorcas ang kanyang mga mata, at naupo nang makita niya si Pedro. 41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy. 42 Napabalita ito sa buong Joppa at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Nanatili si Pedro sa Joppa sa loob ng maraming araw, kasama ni Simon na isang tagapagbilad ng balat ng hayop.

Si Pedro at si Cornelio

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio, isang senturyon ng tinatawag na batalyong Italiano. Kasama ang kanyang buong sambahayan, siya ay masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang mag-iikatlo ng hapon,[y] nagkaroon siya ng pangitain. Kitang-kita niyang dumarating ang isang anghel ng Diyos at tinawag siya, “Cornelio.” Natatakot siyang tumingin sa kanya at nagtanong, “Ano po iyon, panginoon?” Sumagot ito sa kanya, “Nakaabot sa pansin ng Diyos ang iyong mga panalangin at ang pagtulong mo sa mga dukha. Ngayon di'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang taong nagngangalang Simon na tinatawag ding Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon, isang tagapagbilad ng balat ng hayop, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.” Pag-alis ng anghel na kumausap sa kanya, tinawag ni Cornelio ang dalawa sa kanyang mga utusan at isang relihiyosong kawal na isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang buong pangyayari, at pagkatapos ay pinapunta sila sa Joppa.

Kinabukasan, nang magtatanghaling tapat,[z] samantalang naglalakbay at malapit na sa lungsod ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin. 10 Siya'y nagutom at nais nang kumain. Samantalang inihahanda ang kanyang pagkain, nawalan siya ng malay at nagkaroon ng pangitain. 11 Nakita niyang nabuksan ang langit, at may isang bagay tulad ng isang malapad na kumot ang ibinababa sa lupa, nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na lumalakad at mga gumagapang sa lupa, maging mga lumilipad sa himpapawid. 13 May tinig na nagsabi sa kanya, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.” 14 Subalit sumagot si Pedro, “Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.” 15 Muling sinabi sa kanya ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Nangyari ito ng tatlong ulit, at pagkatapos ay agad binatak pataas sa langit ang kumot.

17 Samantalang iniisip ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, natagpuan naman ng mga taong inutusan ni Cornelio ang bahay ni Simon. Tumayo sila sa harapan ng pintuan 18 at tumawag upang tanungin kung doon nanunuluyan si Simon, na kilala ring Pedro.

19 Pinag-iisipan pa noon ni Pedro ang tungkol sa pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Bumaba ka at huwag kang mag-atubiling sumama sa kanila sapagkat ako ang nagsugo sa kanila.” 21 Bumaba nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang pakay ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Si Cornelio na isang senturyon ang nagsugo sa amin. Siya'y isang taong matuwid, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Pinagbilinan siya ng isang anghel na papuntahin ka sa kanyang bahay upang marinig ang iyong sasabihin.” 23 Kaya't inanyayahan sila ni Pedro at doon na pinagpalipas ng gabi.

Kinabukasan, sumama siya sa kanila. Sumama din ang ilang mga kapatid mula sa Joppa. 24 Nang sumunod na araw na sila dumating sa Cesarea. Naghihintay sa kanila si Cornelio, na nag-anyaya pa ng kanyang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan. 25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba. 26 Ngunit itinayo siya ni Pedro, habang sinasabi, “Tumayo ka! Tao rin akong katulad mo.” 27 Habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at nakita ang maraming taong nagtitipon. 28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyong ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi o karumal-dumal ang isang tao. 29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Maaari ko bang malaman kung bakit mo ako ipinasundo?” 30 Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakararaan, halos ikatlo rin ng hapon,[aa] habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang lumitaw sa harapan ko ang isang lalaking may maningning na kasuotan. 31 Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong dalangin, at nakaabot sa kanya ang pagtulong mo sa mga dukha. 32 Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag ding Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinasundo agad kita, at mabuti naman na naparito ka. Ngayo'y naririto kaming lahat sa harapan ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”

Ang Pangangaral ni Pedro sa Sambahayan ni Cornelio

34 Nagsimulang magsalita (AX) si Pedro at kanyang sinabi, “Nauunawaan ko na ngayong wala talagang kinikilingan ang Diyos. 35 Kinalulugdan niya ang sinuman mula sa bawat bansa na may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid. 36 Ito ang salitang kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Siya ang Panginoon ng lahat. 37 Alam ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan: 38 kung paanong si Jesus na taga-Nazareth ay binuhusan ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos. 39 Saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila sa pamamagitan ng pagbitay sa kanya sa isang punongkahoy. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Nakita siya, 41 hindi ng buong bayan, kundi ng mga saksing hinirang ng Diyos. Kami ang mga saksing kumain at uminom na kasalo niya matapos ang kanyang muling pagkabuhay. 42 Itinagubilin niya sa amin na mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay. 43 Nagpatotoo tungkol sa kanya ang lahat ng mga propeta na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ang Pagdating ng Banal na Espiritu sa mga Hentil

44 Habang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio,[ab] na dumating kasama ni Pedro ay nagtaka sapagkat ibinuhos din ang kaloob ng Banal na Espiritu sa mga Hentil. 46 Sapagkat narinig nilang ang mga ito'y nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos. Dahil dito'y sinabi ni Pedro, 47 “Sino ang makahahadlang upang mabautismuhan ang mga ito na tulad natin ay tumanggap din ng Banal na Espiritu?” 48 At nag-utos siya na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, sila'y nakiusap sa kanyang manatili pa roon ng mga ilang araw.

Footnotes

  1. Mga Gawa 2:1 Pentecostes: Limampung Araw ito matapos ang Paskuwa, isang panahon kung saan ipinagdiriwang ng mga Judio ang Pista ng Mga Ani. Tingnan ang Ex. 23:16; 34:22; Lev. 23:15-21; Deut. 16:9-12.
  2. Mga Gawa 2:15 Sa Griyego, ikatlong oras.
  3. Mga Gawa 2:25 Sa Griyego, nasa kanan ko.
  4. Mga Gawa 2:27 Sa Griyego, sa Hades, lugar ng kamatayan.
  5. Mga Gawa 3:1 Sa Griyego, ikasiyam na oras.
  6. Mga Gawa 3:1 Sa orihinal ay ikasiyam na oras, ngunit alas tres sa makabagong pagbilang ng oras (tingnan sa 2:15). Sinasabi ni Josephus na dalawang ulit nagkakaroon ng paghahandog sa Templo: tuwing umaga at tuwing alas tres ng hapon.
  7. Mga Gawa 3:13 o anak.
  8. Mga Gawa 3:23 Sa Griyego, tao.
  9. Mga Gawa 4:1 Sa Griyego sila.
  10. Mga Gawa 4:25 o anak.
  11. Mga Gawa 4:27 o Anak.
  12. Mga Gawa 5:3 Sa Griyego, pinuspos ni Satanas ang iyong puso.
  13. Mga Gawa 5:28 Sa Griyego, dugo.
  14. Mga Gawa 7:23 Sa Griyego, dumating sa kanyang puso na.
  15. Mga Gawa 7:25 Sa Griyego, kapatid.
  16. Mga Gawa 7:25 Sa Griyego, ng kamay niya.
  17. Mga Gawa 7:42 Sa Griyego, hukbo ng langit.
  18. Mga Gawa 7:46 Sa ibang manuskrito bahay ni Jacob.
  19. Mga Gawa 7:51 Sa Griyego hindi tuli ang puso't mga tainga.
  20. Mga Gawa 7:54 Sa Griyego, sa kanya.
  21. Mga Gawa 7:60 Sa Griyego, natulog siya.
  22. Mga Gawa 8:17 Sa Griyego, nila.
  23. Mga Gawa 8:25 Sa Griyego sila.
  24. Mga Gawa 8:37 Wala ang talatang ito sa mga mas naunang manuskrito.
  25. Mga Gawa 10:3 Sa Griyego, ikasiyam na oras.
  26. Mga Gawa 10:9 Sa Griyego, ikaanim na oras.
  27. Mga Gawa 10:30 Sa Griyego, ikasiyam na oras.
  28. Mga Gawa 10:45 Sa Griyego mula sa pagtutuli.