Add parallel Print Page Options

Ang Bagong Buhay kay Cristo

Kaya't (A) yamang kayo'y muling binuhay na kasama ni Cristo, pakanasain ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Pag-ukulan ninyo ng pansin ang mga bagay na makalangit at hindi ang mga bagay na makalupa, sapagkat kayo'y namatay na, at ang buhay ninyo kay Cristo ay itinatago ng Diyos. Kapag si Cristo na inyong[a] buhay ay nahayag na, kayo ay mahahayag ding kasama niya sa kaluwalhatian.

Kaya't patayin ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa lupa: ang pakikiapid, kahalayan, kapusukan, masamang pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga suwail na anak.[b] Ganitong mga landas ang tinatahak ninyo noon, nang kayo'y namumuhay pa sa mga ito. Ngunit ngayon ay talikuran ninyo ang mga bagay tulad ng poot, galit, maruruming pag-iisip, paninirang-puri, at mahalay na pananalita mula sa inyong bibig. Huwag (B) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga gawain nito, 10 at (C) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na patuloy na ginagawang bago tungo sa kaalaman ayon sa larawan ng lumikha sa bagong pagkatao. 11 Dito'y wala nang pagkakaiba ang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scita, alipin, at malaya. Sa halip, si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat at nasa lahat!

12 Kaya't bilang (D) mga pinili ng Diyos, mga banal at minamahal, isuot ninyo sa inyong pagkatao ang pagkamahabagin, kabaitan, kababaang-loob, kaamuan, at tiyaga. 13 Magparaya kayo (E) sa isa't isa, at kung ang sinuman ay may sama ng loob sa kanino man, magpatawad kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pag-ibig na siyang nagbubuklod sa lahat sa lubos na pagkakaisa. 15 At hayaan ninyong maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na siyang dahilan kaya't tinawag kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat. 16 Manirahan (F) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo. Kalakip ang buong karunungan ay turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal, habang umaawit kayo na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. 17 At anuman ang inyong gagawin, sa salita man o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, kalakip ang pasasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

Mga Tagubilin sa mga Pamilyang Cristiano

18 Mga (G) babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawa, na siya namang nararapat sa Panginoon. 19 Mga (H) lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila. 20 Mga (I) anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y kasiya-siya sa Panginoon. 21 Mga ama, (J) huwag ninyong itulak sa galit ang inyong mga anak upang hindi sila panghinaan ng loob. 22 Mga (K) alipin, sa lahat ng bagay ay sumunod kayo sa inyong mga panginoon dito sa lupa. Buong puso kayong maglingkod; hindi lamang kapag sila'y nakatingin. Gawin ninyo ito nang may takot sa Panginoon upang magbigay-kasiyahan sa tao. 23 Anuman ang inyong gagawin ay buong puso ninyong gawin, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao; 24 yamang alam ninyo na tatanggap kayo mula sa Panginoon ng pamana bilang gantimpala. Sa Panginoong Jesu-Cristo kayo naglilingkod. 25 Sapagkat (L) ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng kaukulang ganti sa kasamaang ginawa niya; pantay-pantay ang lahat sa bagay na ito.

Kayong mga (M) panginoon, ipagkaloob ninyo sa inyong mga alipin kung ano ang makatarungan at nararapat, sapagkat alam ninyo na kayo ay mayroon ding Panginoon sa langit.

Iba Pang Tagubilin

Magpatuloy kayo at laging maging handa sa pananalangin, na may pagpapasalamat. Kasabay nito'y ipanalangin din ninyo kami upang magbukas ng pintuan para sa amin ang Diyos, upang aming maipangaral ang salita ni Cristo, na dahil dito'y nabilanggo ako. Ipanalangin ninyo na sa pagsasalita ko ay maipahayag ko ito nang malinaw. Makitungo (N) kayo nang may katalinuhan sa mga tagalabas, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. Maging maingat kayo palagi sa inyong pananalita na para bang may timplang asin, upang inyong malaman ang nararapat na pagsagot sa bawat tao.

Mga Pagbati at Basbas

Si Tiquico (O) ang magbabalita sa inyo ng lahat ng tungkol sa akin. Siya'y isang minamahal na kapatid, tapat na lingkod, at kapwa manggagawa sa Panginoon. Isinugo ko (P) siya diyan sa inyo dahil dito upang malaman ninyo ang aming kalagayan at upang pasiglahin niya ang inyong mga puso. Kasama (Q) niyang darating si Onesimo, isang tapat at minamahal na kapatid, na kasamahan din ninyo. Ibabalita nila sa inyo ang buong pangyayari dito. 10 Binabati (R) kayo ni Aristarco na kasama kong bilanggo, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol sa kanya'y nakatanggap kayo ng mga tagubilin—siya'y inyong tanggapin kung magpupunta siya sa inyo. 11 Binabati rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justo. Ang mga ito lamang ang Judiong kasama[c] ko sa gawain sa kaharian ng Diyos at pinalalakas nila ang aking loob. 12 Binabati (S) kayo ni Epafras, na kasamahan ninyo, at alipin ni Cristo Jesus. Palagi siyang nagsisikap na kayo'y ipanalangin upang kayo'y makatayo bilang nasa hustong gulang at lubos na panatag sa buong kalooban ng Diyos. 13 Ako mismo'y makapagpapatunay na matindi ang pagmamalasakit niya para sa inyo, gayundin sa mga nasa Laodicea, at sa Hierapolis. 14 Binabati (T) kayo ng minamahal nating manggagamot na si Lucas, at gayundin ni Demas. 15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, pati si Nimfa, at ang iglesyang nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa ninyo sa sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya ng mga taga-Laodicea; at basahin din naman ninyo ang sulat ko galing sa Laodicea. 17 At (U) sabihin ninyo kay Arquipo, “Pagsikapan mong gampanan ang katungkulan na iyong tinanggap mula sa Panginoon.”

18 Akong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito gamit ang sarili kong kamay. Alalahanin ninyong ako'y nakatanikala. Sumainyo nawa ang biyaya.[d]

Footnotes

  1. Colosas 3:4 Sa ibang mga manuskrito ating.
  2. Colosas 3:6 Sa ibang mga kasulatan walang mga suwail na anak.
  3. Colosas 4:11 kabilang sa pagtutuli.
  4. Colosas 4:18 Sa ibang mga manuskrito mayroong Amen.