Add parallel Print Page Options

Akong si Pablo, na apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ay sumusulat sa mga banal na nasa Efeso at sa mga tapat kay Cristo Jesus.

Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo na siyang nagpala sa atin ng bawat pagpapalang espirituwal sa kalangitan sapamamagitan ni Cristo.

Ito ay ayon sa pagpili niya sa atin kay Cristo bago itinatag ang sanlibutan upang tayo maging mga banal at walang kapintasan sa harapan niya sa pag-ibig. Tayo ay tinalaga niya nang una pa upang ampunin sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesucristo ayon sa kaniyang kalooban. Ito ay sa kapurihan ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na kung saan tayo ay ginawa niyang katanggap-tanggap sa kaniyang minamahal. Na sa kaniya, ayon sa kasaganaanng kanyang biyaya, tayo ay mayroong katubusan sa pamama­gitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran sa mga kasalanan. Pinasagana niya ang mga ito para sa atin sa lahat ng karunungan at kaalaman. Ginawa niya ito pagkatapos niyang ipaalam sa atin ang lahat ng hiwaga ng kaniyang kalooban ayon sa kaniyang mabuting kaluguran na nilayon niya sa kaniyang sarili. 10 Ito ay para sa pangangasiwa ng kaganapan ng mga panahon na ang lahat ng mga bagay ay kaniyang pag-isahin kay Cristo, kapwa mga bagay sa kalangitan at mga bagay sa lupa.

11 Sa kaniya rin tayo ay nagkamit ng mana. Itinalaga niya tayo nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa layunin ng kaniyang kalooban. 12 Ito ay upang tayo na mga naunang nagtiwala kay Cristo ay maging sa kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian. 13 Sumampalataya rin kayo kay Cristo, pagkarinig ninyo ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan. Sa kaniya rin naman, pagkatapos ninyong sumampalataya, ay tinatakan kayo ng Banal na Espiritu na ipinangako. 14 Ang Banal na Espiritu ang katiyakan ng ating mana, hanggang sa pagtubos ng biniling pag-aari para sa kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian.

Pasasalamat at Pananalangin

15 Kaya nga, ako ay nagpapasalamat para sa inyo, nang marinig ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal.

16 Dahil dito, patuloy din akong nagpapasalamat para sa inyo at binabanggit ko kayo sa aking mga panalangin. 17 Dumadalangin ako sa Diyos ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng kaluwal­hatian, na ipagkaloob niya sa inyo ang espiritu ng karunungan at kapahayagan sa kaalaman sa kaniya. 18 Idinadalangin kong maliwanagan ang mata ng inyong isipan upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa ng kaniyang pagtawag at kung ano ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal. 19 Idinadalangin kong malaman ninyo kung ano ang nakaka­higit na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan patungkol sa atin na sumasampalataya, ayonsa paggawa ng lawak ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, binuhay niya si Cristo mula sa mga patay at siya ay kaniyang pinaupo sa bahaging kanan ng kaniyang kamay sa kalangitan. 21 Doon siya ay higit na nakakataas sa bawat pamunuan at kapamahalaan at kapang­yarihan at pag­hahari at sa bawat pangalang ipinangalan. Ito ay hindi lamang sa kapanahunang ito kundi sa darating pa. 22 At ang lahat ng mga bagay ay ipinailalim niya sa kaniyang mga paa. At ipinagkaloob sa kaniya na maging ulo ng lahat-lahat ng mga bagay para sa iglesiya. 23 Ang iglesiya ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat lahat.

 

Binuhay kay Cristo

At patungkol sa inyo, kayo ay dating mga patay na sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan.

Sa mga ito dati kayong namuhay ayon sa takbuhin ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapamahalaan ng hangin, ang espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. Tayo noon ay nag-asal na kasama nila ayon sa mga nasa ng ating laman. Ginagawa natin ang nasa ng laman at ng mga kaisipan. Tayo rin ay likas na mga anak na kinapopootan tulad ng iba. Ngunit, ang Diyos ay sagana sa kahabagan. Sa pamamagitan ng kaniyang dakilang pag-ibig, tayo ay inibig niya. Kahit noong tayo ay patay sa ating mga pagsalangsang ay binuhay niya tayong kasama ni Cristo. Sa pamamagitan ng biyaya kayo ay naligtas. Tayo ay kasamang binuhay at kasamang pinaupo sa kalangitan kay Cristo Jesus. Ito ay upang maipakita niya sa darating na mga kapanahunan ang nakakahigit na yaman ng kaniyang biyaya, sa kaniyang kabutihan sa atin sa pamama­gitan ni Cristo Jesus. Ito ay sapagkat sa biyaya kayo naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito ay hindi sa inyong sarili, ito ay kaloob ng Diyos. Ito ay hindi dahil sa gawa upang hindi magmalaki ang sinuman. 10 Ito ay sapagkat tayo ay kaniyang mga likha na nilikha ng Diyos kay Cristo Jesus para sa mga mabuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una na dapat nating ipamuhay.

Nagkakaisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyo na kayo ay dating mga Gentil sa laman. Mga tinawag na hindi nasa pagtutuli niyaong mga nasa pagtutuli sa laman na gawa ng kamay.

12 Sa panahong iyon, kayo ay hiwalay kay Cristo, mga ihiniwalay sa pagkamamamayan ng Israel at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako. Wala kayong pag-asa at wala kayong Diyos sa sanli­butan. 13 Sa ngayon, kay Cristo Jesus, kayo na dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

14 Ito ay sapagkat siya ang ating kapayapaan. Pinag-isa niya ang dalawa. Kaniyang giniba ang gitnang dinding na humahati. 15 Sa pamamagitan ng kaniyang katawan, pinawalang-bisa niya ang pag-aalitan, ang batas ng kautusan na nasa mga utos. Ginawa niya ito upang magawa niya sa kaniyang sarili na ang dalawa ay maging isang bagong tao, sa gayon siya ay gumawa ng kapayapaan. 16 At upang kaniyang pagkasunduin ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na dito ang pag-aalitan ay pinatay niya. 17 Sa kaniyang pagdating, inihayag niya ang ebanghelyo ng kapayapaan sa inyo na malayo at sa kanila na malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay kapwa may daan patungo sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu.

19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, subalit mga mamamayang kasama ng mga banal at ng sambahayan ng Diyos. 20 Kayo ay naitayo sa saligan ng mga apostol at mga propeta. Si Jesucristo ang siya mismong batong-panulok. 21 Sa kaniya ang lahat ng bahagi ng gusali na sama-samang pinaghugpong ay lumalago sa isang banal na dako sa Panginoon. 22 Sa kaniya rin kayo ay sama-samang itinayo upang maging tirahan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Si Pablo, Ang Mangangaral sa mga Gentil

Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus para sa inyo na mga Gentil.

Tunay na narinig ninyo na ibinigay sa akin ang panganga­siwa sa biyaya ng Diyos para sa inyo. Sumulat ako sa inyo ng maikling sulat noon na nagsasaad na sa pamamagitan ng paghahayag, ipinaalam niya sa akin ang hiwaga. Sa inyong pagbasa nito ay mauunawaan ninyo ang aking kaalaman sa hiwaga ni Cristo. Sa ibang kapanahunan, ito ay hindi ipinaalam sa sangkatauhan na tulad ngayon. Ito ngayon ay inihayag sa mga banal niyang apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Espiritu. Ito ay upang sa pamamagitan ng ebanghelyo, ang mga Gentil ay magiging kasamang tagapag­mana at kaisang katawan at kasamang kabahagi sa kaniyang pangako na na kay Cristo.

Ako ay ginawang tagapaglinkod ng ebanghelyong ito ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan. Ako na higit na mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal ay pinag­kalooban ng biyayang ito upang ipangaral ko sa mga Gentil ang ebanghelyo, ang hindi malirip na kayamanan ni Cristo. Ito ay upang malinaw na makita ng lahat kung ano ang pakikipag-isa ng hiwaga, na sa panahong nakalipas, ay dating nakatago sa Diyos na lumikha ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesucristo. 10 Ang layunin niya ay upang ipaalam, sa pamamagitan ng iglesiya, ang malawak na karunungan ng Diyos sa mga pamunuan at mga kapamahalaan sa kalangitan. 11 Dapat nilang malaman ang kaniyang karu­nungan ayon sa walang hanggang layunin na kaniyang ginawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Sa kaniya, tayo ay mayroong katapangan at tayo ay tuwirang makakalapit sa Diyos na may katiyakan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. 13 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na huwag kayong manghina sa mga paghihirap ko para sa inyo, na siya ninyong kaluwalhatian.

Panalangin para sa mga Taga-Efeso

14 Dahil dito, iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama ng ating Panginoong Jesucristo.

15 Sa kaniya ay pinangalanan ang bawat angkan sa langit at sa lupa. 16 Ito ay upang ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian ay palakasin niya kayong may kapangyarihan sa inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu. 17 Ito ay upang si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananam­palataya. 18 Upang kayo na nag-ugat at natatag sa pag-ibig, ay lubos na makaunawa, kasama ng mga banal, kung ano ang lawak, ang haba, ang lalim at ang taas ng pag-ibig ni Cristo. 19 Nang sa gayon kayo ay lubos na makaunawa ng pag-ibig ni Cristo na nakakahigit sa kaalaman at upang kayo ay mapuspos ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

20 Siya ay makakagawa ng pinakahigit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin. 21 Sumakaniya ang kaluwalhatian sa iglesiya sa pamamagitan ni Cristo Jesus sa lahat ng salit-saling lahi magpakailanman. Siya nawa.

Pagbati

Mula kay (A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, para sa mga banal na nasa Efeso,[a] at mga tapat kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan. Bago pa itinatag ang sanlibutan, pinili na niya tayo kay Cristo upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa kanyang harapan. Dahil sa pag-ibig, itinakda niya noong una pa man ang pagkupkop sa atin bilang kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa mabuting hangarin ng kanyang kalooban. Ito'y upang papurihan siya dahil sa kanyang kahanga-hangang biyaya, na walang bayad niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak. Sa (B) kanya'y nakamtan natin ang katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya, na masagana niyang ipinagkaloob sa atin. Sa buong karunungan at pagkaunawa, ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo. 10 Ang layuning ito, na kanyang tutuparin pagdating ng takdang panahon, ay upang tipunin kay Cristo ang lahat ng mga bagay na nasa kalangitan at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa. 11 Kay Cristo ay tumanggap din tayo ng pamana, na itinakda na noong una pa man ayon sa layunin niya na nagsasakatuparan ng lahat ng mga bagay ayon sa hangarin ng kanyang kalooban; 12 upang tayo, na unang nagkaroon ng pag-asa kay Cristo, ay maging karangalan ng kanyang kaluwalhatian. 13 Ito ay nangyari, nang inyong marinig ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at nang kayo'y sumampalataya kay Jesus, at kayo rin naman ay tinatakan ng ipinangakong Banal na Espiritu. 14 Ibinigay ito bilang katibayan ng ating mamanahin, hanggang sa lubusang matubos ng Diyos ang mga sa kanya, para sa karangalan ng kanyang kaluwalhatian.

Panalangin ni Pablo

15 Dahil dito, nang mabalitaan ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko para sa inyo, at inaalala kayo sa aking mga panalangin. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, na bigyan kayo ng Espiritu ng karunungan at ng pahayag upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nang sa gayon ay maliwanagan ang inyong puso,[b] upang maunawaan ninyo ang pag-asa ng kanyang pagtawag sa inyo, ang kayamanan ng kanyang maluwalhating pamana sa mga banal, 19 at ang walang kapantay na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan para sa ating mga sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kanyang makapangyarihang lakas. 20 Isinagawa (C) niya ito kay Cristo, nang siya'y kanyang muling buhayin mula sa kamatayan, at iluklok sa kanyang kanan sa kalangitan, 21 na mas mataas kaysa lahat ng mga pamunuan, mga awtoridad, kapangyarihan, at pamamahala, at mas dakila sa bawat pangalan na maaaring ibigay kaninuman, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating. 22 (D) At ipinasakop ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat para sa iglesya. 23 (E) Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuspos ng lahat sa lahat.

Mula Kamatayan Tungo sa Buhay

Kayo (F) noon ay mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at mga pagkakasala. Namuhay[c] kayo noon ayon sa takbo ng sanlibutang ito at sumunod sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ang espiritung kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway. Tayong lahat ay kasama nila noon na namuhay sa mga pagnanasa ng laman at pinagbibigyan natin ang mga hilig ng laman at ng pag-iisip. Tayo noon ayon sa kalikasan ay katulad ng iba na kabilang sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Ngunit ang Diyos, na mayaman sa awa, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig sa atin, kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating mga pagsuway, ay binuhay niyang kasama ni Cristo. Dahil sa biyaya tayo'y iniligtas. At dahil kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya, at iniluklok na kasama niya sa kalangitan, upang sa mga panahong darating ay kanyang maipakita ang walang kapantay na kayamanan ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng kanyang kabutihan sa atin na matatagpuan kay Cristo Jesus. Dahil sa biyaya kayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; ito'y kaloob ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang makapagmalaki. 10 Sapagkat tayo ang kanyang gawa, na nilikha kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una pa man upang ating ipamuhay.

Iisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyong noon kayo ay mga Hentil nang kayo'y ipinanganak.[d] Tinatawag kayong “di-tuli” ng mga tinatawag na “tuli”. Ang pagtutuli sa laman ay ginagawa ng mga kamay ng tao. 12 Nang panahong iyon, kayo'y hiwalay kay Cristo, hindi kabilang sa sambayanang Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, at sa mundo ay walang pag-asa at hiwalay sa Diyos. 13 Subalit ngayon kayo ay nakay Cristo Jesus; kayong dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan; sa pamamagitan ng kanyang laman, ang dalawa ay kanyang pinag-isa at giniba ang pader ng alitan na naghihiwalay sa pagitan natin. 15 Kanyang (G) pinawalang-bisa ang kautusang may mga batas at tuntunin upang mula sa dalawa ay lumikha siya sa kanyang sarili ng isang bagong katauhan. Sa ganitong paraan ay nakakamit ang kapayapaan, 16 at (H) upang ipagkasundo sila sa Diyos sa isang katawan sa pamamagitan ng krus. Sa pamamagitan nito'y tinapos na ang alitan. 17 Dumating (I) nga si Cristo at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong mga nasa malayo, at kapayapaan din sa mga nasa malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan niya, tayo'y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu. 19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, kundi kayo'y kabilang sa sambayanan ng mga banal at mga kaanib sa sambahayan ng Diyos. 20 Tulad sa gusali, kayo'y itinayo na ang saligan ay ang mga apostol at ang mga propeta, at ang batong-panulukan ay mismong si Cristo Jesus. 21 Dahil sa kanya, ang lahat ng mga bahagi ng gusaling nakalapat nang mabuti ay lumalaki upang maging isang banal na templo sa Panginoon. 22 At sa kanya, kayo rin naman ay sama-samang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil

Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo dahil kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil. Yamang nabalitaan ninyo na ipinagkatiwala sa akin ang biyaya ng Diyos para sa inyo, at gaya ng nabanggit ko sa aking maikling liham, ay ipinaalam sa akin ang hiwaga sa pamamagitan ng pahayag. Sa inyong (J) pagbasa nito ay mababatid ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo. Hindi ito ipinaalam sa sangkatauhan noong mga nakaraang salinlahi, ngunit ngayon ay ipinahayag sa pamamagitan ng Espiritu sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. Ito ang hiwaga: na ang mga Hentil ay magiging kapwa tagapagmana, mga kaanib ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangakong nakay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. Para dito, ako'y naging isang lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin ayon sa pagkilos ng kanyang kapangyarihan. Bagaman ako ang pinakahamak kung ihahambing sa lahat ng mga banal, ibinigay sa akin ang biyayang ito upang ipahayag sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa walang kapantay na kayamanan ni Cristo; at upang malinaw na makita ng lahat ng tao ang pagtupad bilang katiwala ng hiwagang ito, na sa napakatagal na panahon ay inilihim ng Diyos, na siyang lumikha ng lahat ng bagay. 10 Sapagkat layunin niya na sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pamunuan at mga maykapangyarihan sa kalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos, 11 alinsunod sa walang hanggang panukala ng Diyos na kanyang isinagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa kanya, may lakas ng loob at pagtitiwala tayong makalalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya. 13 Kaya't huwag sana kayong manlupaypay dahil sa mga pagdurusa ko alang-alang sa inyo; ito'y para sa inyong kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Kaya't nakaluhod akong nananalangin sa Ama,[e] 15 na siyang pinagmumulan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Dalangin ko ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, 17 at upang manirahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, habang kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig. 18 Dalangin ko na makaya ninyong arukin, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, 19 at lubos na maunawaan ang pag-ibig ni Cristo, nang higit sa kayang abutin ng kaalaman, upang kayo'y mapuno ng lubos na kapuspusan ng Diyos. 20 Ngayon, sa kanya na may kapangyarihang gumawa ng higit pa at lalong sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang kumikilos sa atin, 21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi, magpakailanpaman. Amen.

Footnotes

  1. Efeso 1:1 Sa mga naunang manuskrito wala ang salitang na nasa Efeso.
  2. Efeso 1:18 inyong puso, sa Griyego, mga mata ng inyong puso.
  3. Efeso 2:2 Namuhay, sa Griyego, lumakad
  4. Efeso 2:11 Sa Griyego,sa laman.
  5. Efeso 3:14 Sa ibang mga kasulatan may karugtong na ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Si (A)Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, sa mga banal na nangasa Efeso, (B)at sa mga tapat kay Cristo Jesus:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.

(C)Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang (D)ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo:

Ayon sa pagkapili niya sa atin (E)sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis (F)sa harapan niya sa pagibig:

Na tayo'y itinalaga niya nang una pa (G)sa pagkukupkop na tulad sa mga anak (H)sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, (I)ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban,

Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa (J)Minamahal:

Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, (K)na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,

Na pinasagana niya sa atin, sa buong (L)karunungan at katalinuhan,

Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga (M)ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin.

10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, (N)upang tipunin ang (O)lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko,

11 Tayo rin naman sa kaniya ay (P)ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa (Q)ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban;

12 (R)Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo:

13 Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan,—na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan (S)ng Espiritu Santo, na ipinangako,

14 Na siyang patotoo (T)sa ating mana, hanggang sa ikatutubos (U)ng sariling pagaari ng Dios, (V)sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.

15 Dahil dito ako rin naman, (W)pagkarinig ng pananampalataya sa Panginoong Jesus na nasa inyo, at ng pagibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal,

16 Ay (X)hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo, na aking binabanggit kayo sa aking mga panalangin;

17 Upang ipagkaloob sa inyo ng Dios ng ating Panginoong Jesucristo, (Y)ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag sa pagkakilala sa kaniya;

18 Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano (Z)ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang (AA)pamana sa mga banal,

19 At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, (AB)ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas,

20 Na kaniyang ginawa kay Cristo, (AC)nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at (AD)pinaupo sa kaniyang kanan (AE)sa sangkalangitan,

21 Sa kaibaibabawan ng (AF)lahat na (AG)pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa (AH)bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating:

22 At ang lahat ng mga bagay ay (AI)pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang (AJ)maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,

23 (AK)Na siyang katawan niya, (AL)na kapuspusan niyaong (AM)pumupuspos ng lahat sa lahat.

At kayo'y binuhay niya, (AN)nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,

Na inyong nilakaran (AO)noong una ayon sa (AP)lakad ng sanglibutang ito, ayon (AQ)sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa (AR)mga anak ng pagsuway;

Sa gitna ng mga yaon, tayo rin naman, ng ibang panahon ay nangabubuhay sa (AS)mga kahalayan ng ating laman, na ating ginagawa ang mga pita ng laman at ng pagiisip, at (AT)tayo noo'y katutubong mga anak ng kagalitan, gaya naman ng mga iba:—

Nguni't ang Dios, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kaniyang malaking pagibig na kaniyang iniibig sa atin,

Bagama't (AU)tayo'y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, (AV)tayo'y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo'y nangaligtas),

At tayo'y ibinangong kalakip niya, at pinaupong kasama niya (AW)sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus:

Upang sa mga panahong darating ay maihayag niya ang dakilang kayamanan ng kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin kay Cristo Jesus:

Sapagka't sa biyaya (AX)kayo'y nangaligtas (AY)sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, (AZ)ito'y kaloob ng Dios;

Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, (BA)upang ang sinoman ay huwag magmapuri.

10 Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, (BB)na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.

11 Kaya nga (BC)alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman, tinatawag na Di-pagtutuli niyaong tinatawag na (BD)Pagtutuli sa laman, na ginawa ng mga kamay:

12 Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa (BE)mga tipan ng pangako, na (BF)walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.

13 Datapuwa't ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo (BG)ay inilapit sa dugo ni Cristo.

14 Sapagka't siya ang ating kapayapaan, (BH)na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay,

15 Na inalis (BI)ang pagkakaalit (BJ)sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang (BK)taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan;

16 At (BL)upang papagkasunduin silang dalawa sa (BM)isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, (BN)na sa kaniya'y pinatay ang pagkakaalit.

17 At siya'y naparito (BO)at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong nalalayo, at ang kapayapaan sa nangalalapit:

18 Sapagka't (BP)sa pamamagitan niya (BQ)tayo'y may pagpasok sa (BR)isang Espiritu rin sa Ama.

19 Kaya nga hindi na kayo mga (BS)taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo'y mga (BT)kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios,

20 (BU)Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga (BV)apostol at ng mga (BW)propeta, na si Cristo Jesus din (BX)ang pangulong bato sa panulok;

21 Na sa kaniya'y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging (BY)isang templong banal sa Panginoon;

22 Na sa kaniya'y itinayo naman (BZ)kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.

Dahil dito, akong si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus dahil sa inyong mga Gentil,—

Kung tunay na inyong narinig (CA)yaong pagiging katiwala sa biyaya ng Dios na sa akin ay ibinigay sa ikagagaling ninyo;

(CB)Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala (CC)sa akin ang hiwaga, (CD)gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita.

Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala (CE)sa hiwaga ni Cristo;

Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na (CF)gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu;

Na ang mga Gentil (CG)ay mga tagapagmana, at mga (CH)kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio,

(CI)Na dito'y ginawa akong ministro, ayon sa kaloob ng biyayang yaon ng Dios na sa akin ay ibinigay (CJ)ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan.

Sa akin, na ako (CK)ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga (CL)kayamanan ni Cristo;

At (CM)maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios (CN)na lumalang ng lahat ng mga bagay;

10 Upang ngayo'y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa (CO)mga kapangyarihan (CP)sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios,

11 (CQ)Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin:

12 Na sa kaniya'y mayroon tayong lakas ng loob at (CR)pagpasok (CS)na may pagasa sa pamamagitan (CT)ng ating pananampalataya sa kaniya.

13 Kaya nga ipinamamanhik ko (CU)na huwag kayong manglupaypay sa mga kapighatian ko dahil sa inyo, (CV)na pawang kapurihan ninyo.

14 (CW)Dahil dito (CX)ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,

15 Na sa kaniya'y kumukuha ng pangalan (CY)ang bawa't sangbahayan sa langit at sa lupa,

16 Upang sa inyo'y ipagkaloob niya, ayon sa mga (CZ)kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, (DA)na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob;

17 Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso (DB)sa pamamagitan ng pananampalataya; upang (DC)kung kayo'y magugat at magtumibay sa pagibig.

18 Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim,

19 At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y (DD)mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios.

20 Ngayon sa makapangyarihang (DE)gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, (DF)ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

21 Ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa buong panahon magpakailan man. Siya nawa.