Add parallel Print Page Options

Pagbati

Mula kay (A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, para sa mga banal na nasa Efeso,[a] at mga tapat kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan. Bago pa itinatag ang sanlibutan, pinili na niya tayo kay Cristo upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa kanyang harapan. Dahil sa pag-ibig, itinakda niya noong una pa man ang pagkupkop sa atin bilang kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa mabuting hangarin ng kanyang kalooban. Ito'y upang papurihan siya dahil sa kanyang kahanga-hangang biyaya, na walang bayad niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak. Sa (B) kanya'y nakamtan natin ang katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya, na masagana niyang ipinagkaloob sa atin. Sa buong karunungan at pagkaunawa, ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo. 10 Ang layuning ito, na kanyang tutuparin pagdating ng takdang panahon, ay upang tipunin kay Cristo ang lahat ng mga bagay na nasa kalangitan at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa. 11 Kay Cristo ay tumanggap din tayo ng pamana, na itinakda na noong una pa man ayon sa layunin niya na nagsasakatuparan ng lahat ng mga bagay ayon sa hangarin ng kanyang kalooban; 12 upang tayo, na unang nagkaroon ng pag-asa kay Cristo, ay maging karangalan ng kanyang kaluwalhatian. 13 Ito ay nangyari, nang inyong marinig ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at nang kayo'y sumampalataya kay Jesus, at kayo rin naman ay tinatakan ng ipinangakong Banal na Espiritu. 14 Ibinigay ito bilang katibayan ng ating mamanahin, hanggang sa lubusang matubos ng Diyos ang mga sa kanya, para sa karangalan ng kanyang kaluwalhatian.

Panalangin ni Pablo

15 Dahil dito, nang mabalitaan ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko para sa inyo, at inaalala kayo sa aking mga panalangin. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, na bigyan kayo ng Espiritu ng karunungan at ng pahayag upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nang sa gayon ay maliwanagan ang inyong puso,[b] upang maunawaan ninyo ang pag-asa ng kanyang pagtawag sa inyo, ang kayamanan ng kanyang maluwalhating pamana sa mga banal, 19 at ang walang kapantay na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan para sa ating mga sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kanyang makapangyarihang lakas. 20 Isinagawa (C) niya ito kay Cristo, nang siya'y kanyang muling buhayin mula sa kamatayan, at iluklok sa kanyang kanan sa kalangitan, 21 na mas mataas kaysa lahat ng mga pamunuan, mga awtoridad, kapangyarihan, at pamamahala, at mas dakila sa bawat pangalan na maaaring ibigay kaninuman, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating. 22 (D) At ipinasakop ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat para sa iglesya. 23 (E) Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuspos ng lahat sa lahat.

Mula Kamatayan Tungo sa Buhay

Kayo (F) noon ay mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at mga pagkakasala. Namuhay[c] kayo noon ayon sa takbo ng sanlibutang ito at sumunod sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ang espiritung kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway. Tayong lahat ay kasama nila noon na namuhay sa mga pagnanasa ng laman at pinagbibigyan natin ang mga hilig ng laman at ng pag-iisip. Tayo noon ayon sa kalikasan ay katulad ng iba na kabilang sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Ngunit ang Diyos, na mayaman sa awa, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig sa atin, kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating mga pagsuway, ay binuhay niyang kasama ni Cristo. Dahil sa biyaya tayo'y iniligtas. At dahil kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya, at iniluklok na kasama niya sa kalangitan, upang sa mga panahong darating ay kanyang maipakita ang walang kapantay na kayamanan ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng kanyang kabutihan sa atin na matatagpuan kay Cristo Jesus. Dahil sa biyaya kayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; ito'y kaloob ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang makapagmalaki. 10 Sapagkat tayo ang kanyang gawa, na nilikha kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una pa man upang ating ipamuhay.

Iisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyong noon kayo ay mga Hentil nang kayo'y ipinanganak.[d] Tinatawag kayong “di-tuli” ng mga tinatawag na “tuli”. Ang pagtutuli sa laman ay ginagawa ng mga kamay ng tao. 12 Nang panahong iyon, kayo'y hiwalay kay Cristo, hindi kabilang sa sambayanang Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, at sa mundo ay walang pag-asa at hiwalay sa Diyos. 13 Subalit ngayon kayo ay nakay Cristo Jesus; kayong dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan; sa pamamagitan ng kanyang laman, ang dalawa ay kanyang pinag-isa at giniba ang pader ng alitan na naghihiwalay sa pagitan natin. 15 Kanyang (G) pinawalang-bisa ang kautusang may mga batas at tuntunin upang mula sa dalawa ay lumikha siya sa kanyang sarili ng isang bagong katauhan. Sa ganitong paraan ay nakakamit ang kapayapaan, 16 at (H) upang ipagkasundo sila sa Diyos sa isang katawan sa pamamagitan ng krus. Sa pamamagitan nito'y tinapos na ang alitan. 17 Dumating (I) nga si Cristo at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong mga nasa malayo, at kapayapaan din sa mga nasa malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan niya, tayo'y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu. 19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, kundi kayo'y kabilang sa sambayanan ng mga banal at mga kaanib sa sambahayan ng Diyos. 20 Tulad sa gusali, kayo'y itinayo na ang saligan ay ang mga apostol at ang mga propeta, at ang batong-panulukan ay mismong si Cristo Jesus. 21 Dahil sa kanya, ang lahat ng mga bahagi ng gusaling nakalapat nang mabuti ay lumalaki upang maging isang banal na templo sa Panginoon. 22 At sa kanya, kayo rin naman ay sama-samang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil

Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo dahil kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil. Yamang nabalitaan ninyo na ipinagkatiwala sa akin ang biyaya ng Diyos para sa inyo, at gaya ng nabanggit ko sa aking maikling liham, ay ipinaalam sa akin ang hiwaga sa pamamagitan ng pahayag. Sa inyong (J) pagbasa nito ay mababatid ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo. Hindi ito ipinaalam sa sangkatauhan noong mga nakaraang salinlahi, ngunit ngayon ay ipinahayag sa pamamagitan ng Espiritu sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. Ito ang hiwaga: na ang mga Hentil ay magiging kapwa tagapagmana, mga kaanib ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangakong nakay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. Para dito, ako'y naging isang lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin ayon sa pagkilos ng kanyang kapangyarihan. Bagaman ako ang pinakahamak kung ihahambing sa lahat ng mga banal, ibinigay sa akin ang biyayang ito upang ipahayag sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa walang kapantay na kayamanan ni Cristo; at upang malinaw na makita ng lahat ng tao ang pagtupad bilang katiwala ng hiwagang ito, na sa napakatagal na panahon ay inilihim ng Diyos, na siyang lumikha ng lahat ng bagay. 10 Sapagkat layunin niya na sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pamunuan at mga maykapangyarihan sa kalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos, 11 alinsunod sa walang hanggang panukala ng Diyos na kanyang isinagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa kanya, may lakas ng loob at pagtitiwala tayong makalalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya. 13 Kaya't huwag sana kayong manlupaypay dahil sa mga pagdurusa ko alang-alang sa inyo; ito'y para sa inyong kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Kaya't nakaluhod akong nananalangin sa Ama,[e] 15 na siyang pinagmumulan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Dalangin ko ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, 17 at upang manirahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, habang kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig. 18 Dalangin ko na makaya ninyong arukin, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, 19 at lubos na maunawaan ang pag-ibig ni Cristo, nang higit sa kayang abutin ng kaalaman, upang kayo'y mapuno ng lubos na kapuspusan ng Diyos. 20 Ngayon, sa kanya na may kapangyarihang gumawa ng higit pa at lalong sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang kumikilos sa atin, 21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi, magpakailanpaman. Amen.

Footnotes

  1. Efeso 1:1 Sa mga naunang manuskrito wala ang salitang na nasa Efeso.
  2. Efeso 1:18 inyong puso, sa Griyego, mga mata ng inyong puso.
  3. Efeso 2:2 Namuhay, sa Griyego, lumakad
  4. Efeso 2:11 Sa Griyego,sa laman.
  5. Efeso 3:14 Sa ibang mga kasulatan may karugtong na ng ating Panginoong Jesu-Cristo.