Add parallel Print Page Options

Pagpapaamo ng Dila

Mga kapatid ko, nalalaman ninyo na tayong mga guro ay tatanggap ng lalong higit na kahatulan. Kaya nga, huwag maging guro ang marami sa inyo.

Ito ay sapagkat tayong lahat sa maraming paraan ay natitisod. Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa kaniyang pananalita, siya ay taong ganap at napipigil niya ang kaniyang buong katawan.

Narito, nilalagyan natin ng bokado ang bibig ng mga kabayo upang tayo ay sundin nila. Sa pamamagitan ng bokado ay naililiko natin ang buong katawan nila. Tingnan din ninyo ang mga barko. Ang mga ito ay malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin. Gayunman, bagamat malalaki, ang mga ito ay inililiko ng napakaliit na timon saan man naisin ng taga-timon. Gayundin naman ang dila. Ito ay isang maliit na bahagi ng katawan ngunit nagyayabang ng mga dakilang bagay. Narito, ang maliit na apoy ay nagpapaliyab ng malalaking kahoy. Ang dila ay tulad ng apoy, sanlibutan ng kalikuan. Ang dila ay bahagi ng ating katawan na dumudungis sa kabuuan nito. Sinusunog nito ang mga pamamaraan kung paano tayo nabubuhay at ito ay pinag-aapoy ng impiyerno.

Ito ay sapagkat napaamo na ang lahat ng uri ng mga hayop at mga ibon at mga gumagapang na hayop at mga bagay sa dagat. At ito ay paaamuin ng tao. Ngunit walang nakapag­paamo sa dila. Ito ay masamang bagay na hindi mapipigil at puno ng kamandag na nakakamatay.

Sa pamamagitan ng dila ay pinupuri natin ang Diyos Ama. Ginagamit din natin ito sa pagsumpa sa mga taong ginawa ng Diyos ayon sa kaniyang wangis. 10 Sa pamamagitan ng gayunding bibig ay lumalabas ang pagpuri at pagsumpa. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito ang mga bagay na ito. 11 Ang bukal ba ay naglalabas ng matamis at ng mapait na tubig sa iisang butas? 12 Mga kapatid ko, makakapagbunga ba ng olivo ang puno ng igos? O ang puno ba ng ubas ay makakapagbunga ng igos? Gayundin, ang bukal ay hindi makakapaglabas ng maalat at matamis na tubig.

Dalawang Uri ng Karunungan

13 Sino sa inyo ang matalino at nakakaunawa? Hayaang ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kaniyang mga gawa na may mapagpakumbabang karunungan.

14 Maaaring magkaroon ng mapait na pag-iinggitan at makasariling pagnanasa sa inyong mga puso. Kung mayroon man, huwag kayong magmapuri at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Ang karunungang ito ay hindi nagmumula sa itaas, subalit ito ay mula sa lupa, makalaman at mula sa mga demonyo. 16 Kung saan may pag-iinggitan at makasariling pagnanasa, naroroon ang kaguluhan at lahat ng masamang bagay.

17 Ang karunungang nagmumula sa itaas una, sa lahat, ay dalisay, pagkatapos ay mapayapa, maamo, nagpapasakop, puno ng kahabagan at may mabubuting bunga. Ito ay hindi nagta­tangi at walang pagpapakunwari. 18 Ngunit ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan para doon sa mga gumagawa ng kapayapaan.

Ang Dila

Mga kapatid ko, huwag magnais maging guro ang marami sa inyo sapagkat alam ninyo na mas mahigpit ang gagawing paghatol sa ating mga nagtuturo. Sapagkat tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pagsasalita ay taong ganap at kayang rendahan ang kanyang sarili. Kapag nilagyan ng renda[a] ang bibig ng kabayo, ito'y napasusunod natin at napababaling saanman natin ibigin. Tingnan ninyo ang mga barko, bagama't malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, ito'y naibabaling sa pamamagitan ng napakaliit na timon saanman ibigin ng piloto. Ganyan din ang dila ng tao; napakaliit na bahagi ng katawan ngunit napakalaki ng nagagawang kayabangan. Isipin na lang ninyo na “gaano kalaking mga gubat ang napaglalagablab ng isang maliit na apoy!” Ang dila'y parang apoy, isang daigdig ng kasamaan na kasama ng ibang bahagi ng ating katawan. Pinarurumi nito ang ating buong pagkatao at tinutupok ang landas na tinatahak ng tao sa pamamagitan ng apoy mula sa impiyerno. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad o gumagapang, at ng mga nilalang sa dagat ay napaaamo at napaamo na ng tao. Ngunit walang taong nakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng lasong nakakamatay. Dila (A) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at dila din ang ginagamit natin sa panlalait sa ating kapwa na nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Hindi dapat mangyari ito, mga kapatid. 11 Maaari bang magmula sa iisang bukal ang tubig na matamis at ang tubig na mapait? 12 Mga kapatid, namumunga ba ng olibo ang puno ng igos? Mamumunga ba ng igos ang puno ng ubas? Bumubukal ba ng tubig-tabang ang balon ng maalat na tubig?

Karunungan Mula sa Itaas

13 Sino sa inyo ang marunong at may pang-unawa? Ipakita niya sa pamamagitan ng wastong pamumuhay ang mga gawa na bunga ng kaamuan at karunungan. 14 Ngunit kung nasa inyong puso ang inggit at makasariling hangarin, huwag ninyong ipagmalaki iyan at huwag ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi buhat sa langit kundi makasanlibutan, makalaman at mula sa diyablo. 16 Sapagkat saanman naroon ang inggit at makasariling hangarin, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. 17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, maunawain, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng mga nagtataguyod ng kapayapaan.

Footnotes

  1. Santiago 3:3 pakagat: Isang bakal na inilalagay sa bibig ng kabayo na karugtong ng renda.