Add parallel Print Page Options

59 Naghanap ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ng huwad na katibayan laban kay Jesus upang siya'y kanilang maipapatay. 60 Subalit wala silang natagpuan bagama't maraming mga sinungaling na saksi ang nagdatingan. Sa bandang huli ay may dalawang humarap, 61 at (A)sinabi nila, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.” 62 Tumindig ang Kataas-taasang Pari at sinabi sa kanya, “Hindi ka ba man lamang sasagot? Ano ba itong ipinaparatang ng mga ito laban sa iyo?” 63 Subalit hindi nagsalita si Jesus. Sinabi ng Kataas-taasang Pari sa kanya, “Manumpa ka sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” 64 Sinabi (B) ni Jesus sa kanya, “Kayo na ang nagsabi niyan, ngunit sinasabi ko sa inyo, pagkatapos nito ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap ng himpapawid.” 65 Dahil (C) dito'y pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang mga damit, at sinabi, “Paglapastangan ang sinasabi niya. Ano pang patotoo ang kailangan natin? Ayan, narinig na ninyo ang kanyang paglapastangan. 66 Ano'ng masasabi ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.”

Read full chapter

55 Naghahanap ng katibayan laban kay Jesus ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang matagpuan. 56 Maraming nagbigay ng maling pahayag tungkol sa kanya, ngunit hindi nagkakatugma ang mga ito. 57 May mga tumayo at nagsabi ng ganitong kasinungalingan, 58 “Narinig (A) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng mga kamay.’ ” 59 Ngunit hindi pa rin nagkakatugma ang mga pahayag nila. 60 Tumayo sa harapan ng kapulungan ang Kataas-taasang Pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?” 61 Subalit nanatiling tahimik si Jesus at hindi sumagot. Tinanong siyang muli ng Kataas-taasang Pari, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?” 62 Sumagot (B) si Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, dumarating na nasa ulap ng himpapawid.” 63 Pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang damit at nagsabi, “Kailangan pa ba natin ng saksi? 64 Narinig (C) na ninyo ang paglapastangan! Ano sa palagay ninyo?” At siya'y hinatulan nilang lahat na karapat-dapat siyang mamatay.

Read full chapter

Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(A)

66 Kinaumagahan, nagtipun-tipon ang mga matatandang pinuno ng bayan, mga punong pari at maging ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinala si Jesus sa kanilang Sanhedrin. 67 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Sumagot siya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi naman kayo maniniwala. 68 At kung tatanungin ko kayo, hindi kayo sasagot. 69 Ngunit magmula ngayon, mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos ang Anak ng Tao.” 70 Sinabi nilang lahat, “Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?” At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.” 71 At sinabi nila, “Bakit pa natin kailangan ng patunay? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig.”

Read full chapter