Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapalayas ng Lalaki sa Asawang Babae

19 Nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, nilisan niya ang Galilea at puma­roon siya sa mga hangganan ng Judea sa kabilang ibayo ng Jordan.

Sinundan siya ng napakaraming tao at pinagaling niya sila roon.

Nilapitan din siya ng mga Fariseo upang subukin siya.Sinabi nila sa kaniya: Naaayon ba sa kautusan na palayasin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa anumang dahilan?

Sumagot siya sa kanila: Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila sa pasimula pa ay nilalang sila na lalaki at babae? Sinabi pa niya: Dahil dito, iiwanan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikisama sa kaniyang asawa. Silang dalawa ay magiging isang laman. Kung gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.

Sinabi nila sa kaniya: Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises na magbigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago palayasin ang babae?

Sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong mga puso kaya ipinahintulot ni Moises na palayasin ninyo ang inyong mga asawa. Ngunit hindi gayon sa pasimula. Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magpalayas sa kaniyang asawang babae maliban sa pakikiapid nito at mag-aasawa ng iba ay magkakasala ng pangangalunya. Ang sinumang magpakasal sa babaeng pinalayas ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.

10 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Kung ganyan ang kalalagayan ng lalaki at ng kaniyang asawa, makakabuti pang huwag nang mag-asawa.

11 Ngunit sinabi niya sa kanila: Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito kundi doon lamang sa pinagkalooban. 12 Ito ay sapagkat may mga ipinanganak na bating. Sila ay gayon na mula pa sa sinapupunan ng kanilang ina. May mga bating naman na ginagawang bating ng mga tao. May mga bating din na sinadya nilang maging mga bating alang-alang sa paghahari ng langit. Ang makakatanggap nito ay hayaang tumanggap nito.

Si Jesus at ang Maliliit na Bata

13 Pagkatapos, may dinala sa kaniya na maliliit na mga bata upang ipatong niya ang kaniyang kamay sa kanila at sila ay ipanalangin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad.

14 Ngunit sinabi ni Jesus: Pahintulutan ninyo ang maliliit na bata na lumapit sa akin at huwag ninyo silang hadlangan sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng langit. 15 Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at siya ay umalis doon.

Ang Mayamang Pinuno

16 Narito, may isang lalaking lumapit sa kaniya at sinabi: Mabuting guro, anong mabuting bagay na dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?

17 Sinabi niya sa kaniya: Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi isa lamang at iyon ay ang Diyos. Ngunit yamang ibig mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.

18 Sinabi niya sa kaniya: Alin sa mga kautusan?

Sinabi ni Jesus: Huwag kang papatay. Huwag kang mangalunya. Huwag kang magnakaw at huwag kang sasaksi sa hindi totoo.

19 Igalang mo ang iyong ama at ina. Ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.

20 Sinabi ng binata sa kaniya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay nasunod ko na simula pa sa aking pagkabata. Ano pa ang kulang sa akin?

21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong tinatangkilik, at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, halika at sumunod sa akin.

22 Ngunit nang marinig ng binata ang pananalitang ito, nami­mighati siyang umalis sapagkat napakarami ng kaniyang ari-arian.

23 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Napakahirap sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng langit. 24 Muli kong sinasabi sa inyo: Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.

25 Nang marinig ito ng kaniyang mga alagad, lubha silang nanggilalas na sinabi: Kung gayon, sino ang maliligtas?

26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila: Para sa mga tao, hindi ito maaring mangyayari, ngunit sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.

27 Kaya sumagot sa kaniya si Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano nga ang aming makakamtan?

28 Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa pagbabago ng lahat ng mga bagay kapag umupo na ang Anak ng Tao sa trono ng kaniyang kaluwalhatian, kayong sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono. Uupo kayo upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. 29 Iyan ang mangyayari sa bawat isang nag-iwan ng bahay, o ng mga kapatid na lalaki, o ng mga kapatid na babae, o ng ama, o ng ina, o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan. Siya ay tatanggap ng isangdaang ulit. Magmamana rin siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit maraming nauuna na mahuhuli at nahuhuli na mauuna.

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

19 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, nilisan niya ang Galilea at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at doon, sila'y kanyang pinagaling. May mga Fariseong lumapit sa kanya at upang subukin siya, sila'y nagtanong, “Naaayon ba sa batas na paalisin ng isang tao ang kanyang asawa at hiwalayan ito sa anumang kadahilanan?” Sumagot (B) siya, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila noong pasimula ay ‘lumikha sa kanilang lalaki at babae,’ at (C) sinabi rin, ‘Kaya nga iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina at ibubuklod sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman’? Sa gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya't ang pinagbuklod na ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.” Nagtanong (D) sila sa kanya, “Kung gayon, bakit ipinag-utos sa amin ni Moises na magbigay ng kasulatan ng pagpapaalis at hiwalayan ang babae?” Sumagot siya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan kayo ni Moises na hiwalayan ang inyong mga asawang babae; subalit noong pasimula ay hindi ganoon. Sinasabi (E) ko sa inyo: sinumang magpaalis at makipaghiwalay sa kanyang asawa, liban na lamang kung pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya. At sinumang nakipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.”[a] 10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng isang taong may asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.” 11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi ito kayang tanggapin ng lahat maliban sa kanila na pinagkalooban nito. 12 Sapagkat may mga taong hindi makapag-asawa[b] dahil sa kanilang kapansanan buhat pa nang sila'y isilang. May mga tao namang hindi makapag-asawa dahil sa kagagawan ng ibang tao. At may mga taong nagpasyang hindi na mag-asawa alang-alang sa kaharian ng langit. Ang may kayang tumanggap nito ay hayaang tumanggap nito.”

Ang Pagbasbas ni Jesus sa Maliliit na Bata(F)

13 Pagkatapos nito ay inilapit sa kanya ang maliliit na bata, upang kanyang ipatong sa kanila ang mga kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga taong nagdala ng mga bata. 14 Subalit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila nakalaan ang kaharian ng langit.” 15 Pagkatapos niyang ipatong sa kanila ang kanyang mga kamay ay umalis na siya roon.

Ang Kabataang Mayaman(G)

16 May isang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po bang mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Subalit kung nais mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.” 18 Sumagot (H) ito sa kanya, “Alin po sa mga iyon?” Sinabi ni Jesus, “Huwag kang papaslang; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; 19 Igalang (I) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Nasunod ko po ang lahat ng ito;[c] ano pa kaya ang kulang sa akin?” 21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod sa akin.” 22 Subalit nang marinig ng kabataang lalaki ang salitang ito, umalis siyang napakalungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian. 23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tinitiyak ko sa inyo, napakahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit. 24 At inuulit ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom, kaysa pumasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng Diyos.” 25 Labis na nagtataka ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya't sila'y nagtanong, “Sino, kung gayon, ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng mga tao, ngunit ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 27 Sumagot si Pedro sa kanya, “Tingnan ninyo, tinalikuran namin ang lahat upang sumunod sa inyo. Ano naman po ang makukuha namin?” 28 Sumagot (J) si Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, sa panahon ng pagpapanibago ng lahat ng bagay, sa pag-upo ng Anak ng Tao sa trono ng kanyang kaluwalhatian, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel. 29 At sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, ng ama, o ina, ng mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng makaisandaang ulit ng mga bagay na ito at magkakamit ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit (K) maraming mga nauna ang máhuhulí, at mga náhulí ang mauuna.

Footnotes

  1. Mateo 19:9 Sa ibang mga manuskrito wala ang huling pangungusap ng talatang ito.
  2. Mateo 19:12 Sa Griyego, eunuko.
  3. Mateo 19:20 Sa ibang mga manuskrito may ganitong karugtong, mula sa pagkabata.