Add parallel Print Page Options

Ang Pagdating ng mga Pantas

Pagkatapos na maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Juda, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may dumating sa Jerusalem mula sa silangan, na mga lalaking pantas sa pag-aaral ng mga bituin.

Sinabi nila: Saan naroroon ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Ito ay sapagkat nakita namin ang kaniyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.

Nang marinig ni haring Herodes ang mga bagay na ito, naligalig siya at ang lahat ng mga tao sa Jerusalem. Tinipon niya ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ng mga tao. Tinanong niya sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. Sinabi nila sa kaniya: Sa Bethlehem ng Judea sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:

Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga gobernador ng Juda sapagkat mula sa iyo ay lalabas ang isang pinuno na siyang mamumuno sa aking bayang Israel.

Nang magkagayon, tinawag ni Herodes nang palihim ang mga pantas na lalaki. Itinanong niyang mabuti sa kanila kung kailan nagpakita ang bituin. At pinapunta niya sila sa Bethlehem. Sinabi niya: Pumaroon kayo at matiyaga ninyong ipagtanong ang patungkol sa bata. Kapag natagpuan ninyo siya, balitaan ninyo ako upang makapunta rin ako at sambahin siya.

Pagkarinig nila sa hari ay tumuloy na sila sa kanilang lakad. Narito, ang bituin na kanilang nakita sa silanganan ay nanguna sa kanila. Nanguna ito sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng maliit na bata. 10 Nang makita nila ang bituin, lubos silang nagalak. 11 Nang sila ay nasa loob na ng bahay, nakita nila ang bata, kasama ang kaniyang inang si Maria. Sila ay nagpatirapa at sinamba ang bata. Nang mabuksan na nila ang kanilang mga kayamanan, naghandog sila sa kaniya ng mga kaloob. Ang mga ito ay ginto, kamangyan at mira. 12 At nagbabala ang Diyos sa kanila sa isang panaginip na huwag na silang bumalik kay Herodes. Kaya sila ay nag-iba ng daan pauwi sa kanilang sariling lupain.

Tumakas Sila Papuntang Egipto

13 Nang sila ay nakauwi na, nangyari na ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina. Tumakas kayo papuntang Egipto sapagkat ipahahanap na ni Herodes ang bata upang patayin. Manatili kayo roon hanggang sa sabihin ko sa iyo.

14 Bumangon siya at sa kinagabihan, dinala niya ang bata at ang ina nito papuntang Egipto. 15 Nanatili sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi: Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.

16 Nang magkagayon, nakita ni Herodes na nalinlang siya ng mga lalaking pantas. Labis siyang nagalit at nag-utos siya na patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa buong palibot nito. Ang mga batang ipinapatay ay mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahon na maingat niyang tinanong sa mga lalaking pantas. 17 Nang magkagayon, natupad ang sinabi ng propetang Jeremias, na sinasabi:

18 Isang tinig ang narinig sa Rama. Panaghoy, pananangis at pagdadalamhati. Tinatangisan ni Rachel ang kaniyang mga anak. Hindi niya ibig na maaliw sapagkat sila ay wala na.

Bumalik Sila Mula sa Egipto

19 Ngunit nang patay na si Herodes, narito, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa Egipto sa isang panaginip.

20 Sinabi niya: Bumangon ka at dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumaroon kayo sa lupain ng Israel sapagkat patay na silang naghahangad sa buhay ng bata.

21 Bumangon siya at dinala ang bata at ang ina nito at dumating sa lupain ng Israel. 22 Si Arquelao ang naghahari sa Judea bilang kapalit ng kaniyang amang si Herodes. Nang mabalitaan ito ni Jose, natakot siyang pumunta roon. Sa isang panaginip binigyan siya ng Diyos ng babala. Umalis siya patungo sa mga dako ng Galilea. 23 Siya ay dumating at tumira sa isang lungsod na tinatawag na Nazaret. Sa ganito natupad ang sinabi ng mga propeta:

Siya ay tatawaging taga-Nazaret.

Dumalaw ang mga Pantas

Nang isilang si Jesus sa Bethlehem ng Judea, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may mga pantas na dumating sa Jerusalem mula sa silangan. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang isinilang na Hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.” Nang marinig ito ni Haring Herodes, labis siyang nag-alala, at gayundin ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Pinulong niya ang lahat ng mga pinunong pari at ang mga tagapagturo ng kautusan sa sambayanan at itinanong sa kanila kung saan isisilang ang Cristo. At sumagot sila, “Doon po sa Bethlehem ng Judea, tulad ng isinulat ng propeta:

‘At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
    ay hindi páhuhulí sa mga pinuno ng Juda;
sapagkat manggagaling sa iyo ang isang pinuno
    na siyang magpapastol ng aking bayang Israel.’ ”

Pagkatapos ay lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at tiniyak mula sa kanila ang panahon ng paglitaw ng bituin. Sila'y kanyang pinapunta sa Bethlehem at pinagbilinan ng ganito, “Pumunta kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag siya'y nakita na ninyo, balitaan ninyo ako, upang makapunta rin ako at sumamba sa kanya.” Pagkatapos marinig ang hari ay umalis na sila. At biglang lumitaw ang bituing nakita nila sa silangan at nanguna ito sa kanila hanggang sa huminto sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Labis ang kagalakan nila nang makita nila ang bituin. 11 At pagpasok nila sa bahay ay nakita nila ang bata, kasama ang ina nitong si Maria. Sila'y yumukod at sumamba sa bata. Binuksan nila ang mga sisidlan ng kanilang kayamanan at naghandog sa kanya ng mga regalong ginto, kamanyang, at mira. 12 At dahil binalaan sila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes, dumaan sila sa ibang daan pauwi sa kanilang sariling bayan.

Ang Pagtakas Patungo sa Ehipto

13 Nang makaalis ang mga pantas, nagpakita kay Jose sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. “Bumangon ka,” sabi nito sa kanya. “Dalhin mo ang bata at ang kanyang ina. Tumakas kayo at pumunta sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat ipahahanap na ni Herodes ang bata upang patayin.” 14 Bumangon nga siya at nang gabi ring iyon ay dinala ang bata at ang ina nito papuntang Ehipto. 15 Sila'y nanatili roon hanggang sa mamatay si Herodes. Naganap ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.”

Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang mabatid niyang nalinlang siya ng mga pantas. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng mga batang lalaki may dalawang taong gulang pababa na nasa Bethlehem at sa mga karatig-pook, batay sa panahong tiniyak niya mula sa mga pantas. 17 Kaya't natupad ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias:

18 “May tinig na narinig sa Rama,
    pananangis at matinding panaghoy.
Tumatangis si Raquel dahil sa kanyang mga anak;
    magpaaliw ay ayaw niya, sapagkat sila ay wala na.”

19 Pagkamatay ni Herodes, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa isang panaginip doon sa Ehipto, na nagsasabi, 20 “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kanyang ina at umuwi na kayo sa Israel. Namatay na ang mga nagnanais pumatay sa bata.” 21 Bumangon nga siya at iniuwi ang bata at ang ina nito sa Israel. 22 Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari si Arquelao sa Judea, kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil binalaan siya ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip, pumunta sila sa lalawigan ng Galilea. 23 Nanirahan sila sa Nazareth upang matupad ang sinabi ng mga propeta tungkol sa bata: “Siya'y tatawaging isang taga-Nazareth.”