Add parallel Print Page Options

19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sa pamilihan upang iharap sa mga pinuno. 20 Pinaratangan sila ng ganito sa harap ng mga hukom, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang bilang mga Romano'y hindi natin nararapat gawin at tanggapin.” 22 Sinunggaban sila ng maraming tao, pinunit ang kanilang mga damit at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hagupitin nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinabantayang mabuti. 24 Nang matanggap ng bantay ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy. 25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng mga himno sa Diyos, habang nakikinig naman ang ibang bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, at nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. Agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nalagot ang mga tanikala ng lahat ng mga bilanggo. 27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at nagtangkang magpakamatay. 28 Ngunit sumigaw nang malakas si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Naririto kaming lahat!” 29 Humingi ng ilaw ang bantay at tumakbo paloob, at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Nang sila'y dalhin sa labas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” 31 At kanilang sinabi, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang tahanan. 33 Nang oras ding iyon ng gabi, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, kasama ang kanyang buong sambahayan. 34 Matapos na patuluyin sa kanyang tahanan, sila'y ipinaghanda niya ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya sa Diyos. 35 Kinaumagahan, nagsugo ng mga kawal ang mga hukom upang sabihin sa bantay, “Pakawalan mo ang mga taong iyan.” 36 Sinabi ng bantay kay Pablo, “Ipinag-utos ng mga hukom na pakawalan na kayo. Kaya maaari na kayong umalis at humayo nang payapa.” 37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Hinampas nila kami sa harap ng madla at ipinabilanggo nang walang anumang paglilitis, gayong kami'y mamamayang Romano. At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin!” 38 Iniulat ito ng mga kawal sa mga hukom at nang malamang sila'y mga mamamayang Romano, sila'y natakot. 39 Kaya pumunta sila sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos ay pinalaya nila ang mga ito at pinakiusapang umalis ng lungsod. 40 Pagkalabas sa bilangguan, nagtuloy sila sa bahay ni Lydia. Doon ay dinatnan nilang nagtitipon ang mga kapatid. Bago sila umalis, pinagbilinan nilang magpakatatag ang mga ito sa pananampalataya.

Read full chapter