Add parallel Print Page Options

Pitong Anghel na may Pitong Salot

15 At nakita ko ang isa pang dakila at kamangha-manghang tanda sa langit. Pitong anghel ang may pitong huling salot. Ang poot ng Diyos ay malulubos sa kanila.

At nakita ko ang isang bagay na katulad ng isang dagat na kristal at ito ay may kahalong apoy. Ang mga nagtagumpay sa mabangis na hayop ay nakatayo sa ibabaw ng dagat na kristal. Taglay nila ang mga kudyapi ng Diyos sa kanilang mga kamay. Sila ang mga nagtagumpay sa larawan ng mabangis na hayop at sa tatak nito at sa bilang ng pangalan nito. Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero. Sinabi nila:

Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang iyong mga gawa ay dakila at kamangha-mangha. Ikaw na Hari ng mga banal, ang iyong mga daan ay matuwid at totoo.

Panginoon, sino ang hindi matatakot sa iyo? Sino ang hindi magbibigay luwalhati sa iyong pangalan? Sapagkat ikaw lamang ang siyang banal, dahil ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo sapagkat ipinakita mo ang iyong tuntunin.

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko. Narito, ang banal na dako ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan. Lumabas mula sa banal na dako ang pitong anghel na may pitong salot. Sila ay nadaramtan ng malinis at maningning na lino. Isang gintong pamigkis ang nakapaikot sa kanilang mga dibdib. Binigyan ng isa sa mga apat na buhay na nilalang ang pitong anghel ng pitong gintong mangkok. Ang mga ito ay puno ng poot ng Diyos na nabubuhay magpakailan pa man. At ang banal na dako ay napuno ng usok na mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kaniyang kapangyarihan. Walang sinumang makakapasok sa banal na dako hanggang hindi nalulubos ang pitong mga salot ng pitong mga anghel.

Ang Pitong Mangkok ng Poot ng Diyos

16 Narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa banal na dako. Sinabi nito sa pitong anghel: Humayo kayo. Ibuhos ninyo ang poot ng Diyos na nasa mangkok sa ibabaw ng lupa.

Ang unang anghel ay lumabas at ibinuhos ang laman ng mangkok sa ibabaw ng lupa. At isang napakasama at napaka­tinding sugat ang dumapo sa mga taong may tatak ng mabangis na hayop at sa mga sumamba sa kaniyang larawan.

Ibinuhos ng pangalawang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dagat. At ito ay naging dugo, katulad ng dugo ng isang taong patay. Namatay ang lahat ng bagay na may buhay sa dagat.

At ibinuhos ng pangatlong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig. Ang mga ito ay naging dugo. At narinig ko ang anghel ng mga tubig. Sinabi niya:

Panginoon, matuwid ka dahil sa paghatol mo sa ganitong paraan. Ikaw ang nakaraan at ang kasalukuyan, at ikaway banal.

Binigyan mo sila ng dugo na maiinom dahil pinadanak nila ang dugo ng iyong mga banal at mga propeta. Karapat-dapat sila para dito.

At ako ay nakarinig ng isa pang tinig na mula sa dambana. Sinabi nito:

Oo, Panginoong Diyos na Makapang­yayari sa lahat, ang iyong mga kahatulan ay totoo at matuwid.

Ibinuhos ng pang-apat na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa araw. Binigyan siya ng kapangyarihan upang sunugin ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. Sinunog nito ang mga tao sa pamamagitan ng matinding init. Nilapastangan nila ang pangalan ng Panginoon na siyang may kapamahalaan sa mga salot na ito. Hindi sila nagsisi upang magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya.

10 Ibinuhos ng panglimang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa ibabaw ng luklukan ng mabangis na hayop. Ang paghahari nito ay naging kadiliman. Kinagat ng mga tao ang kanilang dila dahil sa matinding sakit. 11 Nilapastangan nila ang Diyos sa langit dahil sa sakit at mga sugat nila. Hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga ginawa.

12 Ibinuhos ng pang-anim na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dakilang ilog ng Eufrates. Ang mga tubig nito ay natuyo upang maihanda ang daan ng mga hari na mula sa silangan. 13 At nakita ko ang tatlong karumal-dumal na espiritu na katulad ng mga palaka. Sila ay lumabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng mabangis na hayop at mula sa bibig ng bulaang propeta. 14 Sila ay ang mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda, na lumabas patungo sa mga hari sa lupa at patungo sa mga tao sa buong daigdig. Sila ay nagtungo roon upang tipunin silang sama-sama sa labanan ng dakilang araw na iyon ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

15 Narito, ako ay dumarating na katulad ng isang magna­nakaw. Pinagpala ang mananatiling gising sa pagbabantay at nag-iingat ng kaniyang mga damit. Sa ganitong paraan, siya ay hindi maglalakad ng hubad at hindi makikita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.

16 At tinipon silang sama-sama sa dakong tinatawag ng mga tao na Armagedon sa wikang Hebreo.

17 Ibinuhos ng pangpitong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa hangin. Isang malakas na tinig ang lumabas mula sa banal na dako ng langit, mula sa trono. Sinabi nito: Naganap na. 18 Nagkaroon ng mga sigawan, mga kulog at mga kidlat. Nagkaroon ng napakalakas na lindol. Simula ng magkatao ang daigdig ay hindi pa nagkaroon ng lindol na kasinglaki at kasinglakas nito na nangyari sa lupa. 19 Ang dakilang lungsod ay nahati sa tatlong bahagi. Ang mga lungsod ng mga bansa ay bumagsak. At naala-ala ng Diyos ang dakilang Babilonya upang ibigay ang saro ng alak ng galit ng kaniyang poot. 20 Ang bawat pulo ay nawala. Walang sinumang makakakita ng anumang bundok. 21 Bumagsak ang malalaking graniso sa mga tao na mula sa langit. Ang bawat isang piraso ay tumitimbang ng tatlumpu at limang kilo. Dahil sa napakalaking graniso, nilapastangan ng mga tao ang Diyos sapagkat ang salot ay napakatindi.

Ang Babaing Nakupo sa Mabangis na Hayop

17 Ang isa sa mga pitong anghel na may taglay ng pitong mga mangkok ay lumabas at nagsalita sa akin na sinasabi: Halika rito. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa dakilang patutot na umuupo sa ibabaw ng maraming tubig.

Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing ng alak ng kaniyang pakikiapid.

At dinala niya ako sa ilang sa Espiritu. Nakita ko ang isang babaeng umuupo sa ibabaw ng isang pulang mabangis na hayop. Ito ay puno ng mga pangalan ng pamumusong, at may pitong ulo at sampung sungay. Ang babae ay nakasuot ng ube at pulang mga damit. Siya ay nagayakan ng ginto at mama­haling mga bato at perlas. Siya ay may isang sarong ginto sa kaniyang kamay. Ito ay puno ng mga bagay na karumal-dumal at karumihan ng kaniyang pakikiapid. Sa kaniyang noo ay may nakasulat na isang pangalan: HIWAGA ANG DAKI­LANG BABILONYA. ANG INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KARUMAL-DUMAL SA LUPA. At nakita ko ang babae na nalasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.

Nang makita ko siya, ako ay namangha ng labis na pama­mangha.

At sinabi ng anghel sa akin: Bakit ka namangha? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga tungkol sa babae at tungkol sa mabangis na hayop na nagdadala sa kaniya. Ang mabangis na hayop ay may pitong mga ulo at sampung mga sungay. Ang mabangis na hayop na iyong nakita ay ang sa nakaraan ngunit hindi ang sa ngayon. Siya ay aahon mula sa walang hanggang kalaliman at patungo sa kapahamakan. Ang mga taong nana­nahan sa lupa, sila na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay simula pa nang itatag ang sanlibutan, ay mama­mangha patungkol sa mabangis na hayop, kapag nakita nila ang mabangis na hayop na ito, na siyang sa nakaraan ngunit hindi ang sa ngayon at siyang darating pa.

Dito ay kailangan ang isang kaisipan na may karu­nungan: Ang pitong ulo ay kumakatawan sa pitong mga bundok na kinauupuan ng babae. 10 May pitong mga hari roon. Lima sa kanila ang bumagsak. Ang isa ay sa ngayon. Ang isa ay hindi pa dumating. At kapag siya ay dumating, siya ay kailangang mananatili sa sandaling panahon. 11 Ang mabangis na hayop na siya ang sa nakaraan at hindi ang sa ngayon, siya rin ang pangwalong hari at mula sa pitong mga hari. Siya ay paroroon sa kapahamakan.

12 Ang sampung sungay na iyong nakita ay ang sampung mga hari. Hindi pa nila natanggap ang kaharian. Subalit sila ay tatanggap ng kapamahalaan mula sa mabangis na hayop upang maghari ng isang oras. 13 Ang mga haring ito ay may iisang kaisipan. Ibibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapama­halaan sa mabangis na hayop. 14 Ang mga haring ito ay makiki­pagdigma laban sa Kordero. At lulupigin sila ng Kordero sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Ang mga tinawag niya at hinirang at ang mga tapat ay yaong makakasama niya.

15 Sinabi ng anghel sa akin: Ang mga tubig na iyong nakita na kinauupuan ng patutot ay mga tao at napakaraming tao at mga bansa at mga wika. 16 Ang sampung sungay na iyong nakita sa mabangis na hayop ay mapopoot sa patutot at siya ay kanilang wawasakin, huhubaran, kakainin ang kaniyang laman at susunugin sa apoy. 17 Ito ay sapagkat ilalagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin nila ang nais niya. Gagawin nila ito na may iisang kaisipan at ibibigay nila ang kanilang mga paghahari sa mabangis na hayop hanggang sa lubos na maganap ang mga sinalita ng Diyos. 18 At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang lungsod na naghahari sa mga hari sa lupa.

Bumagsak ang Babilonya

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na may malaking kapamahalaan. Ang kaniyang kaluwalhatian ay nagliwanag sa lupa.

Siya ay sumigaw sa isang napakalakas na tinig at sinabi niya:

Bumagsak na! Ang dakilang Babilonya ay bumagsak na! Ito ay naging isang dakong tirahan ng mga demonyo. Ito ay naging isang bilangguan ng bawat karumal-dumal na espiritu at bawat karumal-dumal na ibon na kinapopootan ng mga tao.

Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bansa ay uminom ng alak ng poot ng kaniyang pakikiapid. Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya. Ang mga manga­ngalakal sa lupa ay yumaman sa kahalayan ng kaniyang kayamanan.

Pagkatapos, nakarinig ako ng isa pang tinig mula sa langit na sinasabi:

Mga tao ko, lumayo kayo sa kaniya upang hindi kayo madamay sa kaniyang mga kasalanan, at upang hindi ninyo tanggapin ang kaniyang mga salot.

Ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatong-patong hanggang langit at naalala ng Diyos ang kaniyang masasamang gawa. Ibigay ninyo sa kaniya ang anumang naibigay niya sa inyo. At bayaran ninyo siya ng makalawang ulit ayon sa kaniyang mga gawa. Ang saro na kaniyang hinalo ay haluin mo ng makalawang ulit para sa kaniya. Sa halagang ipinangluwalhati niya sa kaniyang sarili at namuhay sa napakalaking kayamanan, sa gayunding halaga ay bigyan ninyo siya ng paghihirap at pananangis. Sapagkat sinasabi niya sa kaniyang puso: Ako ay umuupo bilang isang reyna at hindi bilang isang balo. At kailanman ay hindi ako makakakita ng pananangis. Kaya nga, sa isang araw ang kaniyang mga salot ay darating sa kaniya. Ang mga ito ay kamatayan, kalumbayan at kagutuman. Siya ay susunugin nila sa apoy sapagkat ang Panginoong Diyos ang hahatol sa kaniya.

At kapag makita nila ang usok na pumapailanglang mula sa pinagsusunugan sa kaniya, ang mga hari sa lupa ay tatangis at mananaghoy na para sa kaniya, sila yaong mga nakiapid sa kaniya at namuhay sa napakalaking kayamanan. 10 Dahil natakot sila sa pahirap sa kaniya, sila ay tatayo sa malayo. Sasabihin nila:

Aba! Aba! Ang dakilang lungsod! Ang Babilonya, ang malakas na lungsod! Sapagkat sa loob ng isang oras ang iyong kahatulan ay dumating.

11 At ang mga mangangalakal sa lupa ay tatangis at magluluksa para sa kaniya. Sila ay tatangis sapagkat wala nang bibili ng kanilang mga kalakal. 12 Ang kanilang mga kalakal ay ginto, pilak, mamahaling mga bato at mga perlas. Kabilang dito ay mga kayong linong tela, kulay ubeng tela, sutlang tela, pulang tela at mabangong kahoy. Kabilang din ay mga bagay na ginawa mula sa garing at lahat ng uri ng bagay na ginawa mula sa napakamamahaling kahoy. Kabilang pa rin ay mga bagay na ginawa mula sa tanso, bakal at marmol. 13 Ang kanilang mga kalakal ay kanela, insenso, pamahid, kamangyan, alak, langis at pinong harina, trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo, mga karuwahe, mga katawan at mga kaluluwa ng mga tao.

14 At sasabihin nila: Ang hinog na mga bunga na masidhing ninanasa ng iyong kaluluwa ay nawala sa iyo. Lahat ng matatabang bagay at ang mga maniningning na bagay ay nawala sa iyo. At kailanman ay hindi mo na makikita ang mga ito. 15 Sapagkat natatakot sila sa pahirap sa kaniya, ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito ay tatayo sa malayo. Sila yaong mga yumaman dahil sa kaniya. Sila ay tatangis at magluluksa. 16 At sasabihin nila:

Aba! Aba! Ito ang dakilang lungsod na naramtan ng kayong telang lino, ubeng tela at pulang tela. Ginayakan niya ang kaniyang sarili ng ginto, mamahaling mga bato at mga perlas.

17 Ito ay sapagkat sa loob ng isang oras ang gayon kalaking kayamanan ay mauuwi sa wala.

Ang lahat ng kapitan at lahat ng may mga tungkulin sa mga barko, at ang mga magdaragat at lahat ng mga mangangalakal sa dagat ay nakatayo sa malayo.

18 Nang makita nila ang usok mula sa pagkakasunog sa kaniya, sinabi nila: Anong lungsod ang kasingdakila ng lungsod na ito? 19 At sila ay nagbuhos ng alikabok sa kanilang mga ulo. Sila ay tumatangis at nana­naghoy at sumisigaw na sinasabi:

Aba! Aba! Ito ang dakilang lungsod na nagpayaman sa atin. Tayo na may mga barko sa dagat ay yumaman dahil sa kaniyang kayamanan. Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak.

20 O magalak ka langit dahil sa kaniya! At kayong mga banal at mga apostol at mga propeta ay magalak. Siya ay hinatulan ng Diyos para sa inyong kapakanan.

21 Pagkatapos, isang malakas na anghel ang kumuha ng isang bato na katulad ng isang malaking gilingang bato. At inihagis niya ito sa dagat. Sinabi niya:

Sa ganitong kabagsik na paraan, ihahagis ng Diyos ang dakilang lungsod ng Babilonya. At kailanman ay hindi na ito muling makikita.

22 Wala nang sinumang makakarinig mula sa iyo ng tugtog ng mga manunugtog ng kudyapi, o mga musikero, o mga taga-ihip ng plawta o taga-ihip ng trumpeta. Wala nang manggagawa ang gagawa ng anu­mang pangangalakal sa iyo. Wala nang maririnig sa iyo na ingay ng gilingang bato. 23 At ang liwanag ng isang ilawan ay hindi na magliliwanag sa iyo. Wala nang sinu­mang makakarinig sa iyo ng tinig ng lalaking ikakasal o tinig ng babaeng ikakasal. Ang iyong mga mangangalakal ay naging mga dakilang tao sa lupa. Iniligaw mo ang mga tao sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng iyong panggagaway. 24 Sa kaniya ay natagpuan ng mga tao ang dugo ng mga propeta at mga banal. Natagpuan nila sa kaniya ang dugo ng lahat ng mga taong pinatay sa lupa.

Aleluya!

19 Pagkatapos ng mga bagay na ito, narinig ko ang malakas na tinig ng napakaraming bilang ng tao sa langit. Sinabi nila:

Aleluya! At kaligtasan, kaluwalhatian, karangalan at kapangyarihan ay sa ating Panginoong Diyos.

Sapagkat ang kaniyang mga kahatulan ay totoo at matuwid. Hinatulan niya ang dakilang patutot na sumira sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang pakikiapid. Ipinaghiganti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin na ibinuhos ng kamay ng dakilang patutot. Sila ay muling sumigaw: Aleluya! Ang kaniyang usok ay pumailanglang magpakailan pa man.

Ang dalawampu’t apat na mga matanda at ang apat na buhay na nilalang ay nagpatirapa at sinamba ang Diyos na nakaupo sa trono. Sinabi nila:

Siya nawa! Aleluya!

Isang tinig ang lumabas mula sa trono na sinasabi:

Kayo na kaniyang mga alipin, purihin ninyo ang Pangi­noon nating Diyos. Kayong mga dakila at hindi mga dakilang tao na natatakot sa kaniya, purihin ninyo siya.

At aking narinig ang isang tunog na katulad ng tinig ng isang napakaraming bilang ng tao, katulad ng tunog ng maraming tubig at katulad ng tunog ng malalakas na kulog. Sinabi nito:

Aleluya! Ito ay sapagkat ang Panginoon na Makapang­yarihan ay naghari na.

Tayo ay labis na magsaya at magalak at tayo ay magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero. At ang kaniyang kasintahang babae ay nakahanda sa kaniyang sarili. At binigyan siya ng karapatan ng Diyos upang magsuot ng kayong lino na dalisay at makintab.

Ang telang ito ay kumakatawan sa matutuwid na gawa ng mga banal.

At sinabi niya sa akin: Isulat mo ito. Pinagpala silang mga tinawag ng Diyos sa hapunang para sa kasal ng Kordero. At sinabi niya sa akin: Ang mga ito ay totoong mga salita ng Diyos.

10 At ako ay nagpatirapa sa harapan ng kaniyang mg paa upang sambahin siya. At sinabi niya: Huwag mong gawin iyan. Ako ay kapwa mo alipin at kapatid mong lalaki na taglay ang patotoo ni Jesus. Sambahin mo ang Diyos sapagkat ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang espiritu ng paghahayag.

Ang Nakasakay sa Kabayong Puti

11 Nang bumukas ang langit, narito, nakita ko ang isang puting kabayo. At ang nakaupo roon, ay tinawag na Tapat at Totoo. Siya ay humahatol at nakikipagdigma ng matuwid.

12 Ang kaniyang mga mata ay katulad ng alab ng apoy. Sa kaniyang ulo ay nakasuot ang maraming koronang panghari at nakasulat ang kaniyang pangalan na walang sinumang naka­kaalam maliban sa kaniyang sarili. 13 Siya ay nakasuot ng isang kasuotang itinubog sa dugo. Ang kaniyang pangalan ay Salita ng Diyos. 14 At ang mga hukbo sa langit ay sumusunod sa kaniya na nakasakay sa mga puting kabayo. Sila ay nakasuot ng kayong lino na maputi at malinis. 15 At isang matalim na tabak ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Sinugatan niya ang mga bansa sa pamamagitan nito. Siya ay magpapastol sa kanila sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Niyuyurakan niya ang pisaang ubas ng kabagsikan ng poot ng Diyos na Makapang­yarihan sa lahat. 16 At sa kaniyang kasuotan at sa kaniyang hita ay naroon ang kaniyang pangalan na isinulat ng Diyos: HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.

17 At aking nakita ang isang anghel na nakatayo sa araw. Siya ay sumigaw ng isang malakas na tinig. Siya ay nagsalita sa lahat ng mga ibon na lumilipad sa gitna ng langit at sinabi niya: Lumapit kayo at magtipun-tipon sa hapunan ng dakilang Diyos. 18 Ito ay upang kainin ang laman ng mga hari at laman ng mga pinunong-kapitan at laman ng mga malalakas na tao, ang laman ng mga kabayo, laman ng mga nakaupo rito, laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin o mga hindi dakila at mga dakila.

19 At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at kanilang mga hukbo. Sama-sama silang nagtipon upang makipagdigma laban sa kaniya na nakaupo sa kabayo na kasama ang kaniyang hukbo. 20 At nahuli niya ang mabangis na hayop na kasama ang bulaang propeta na siyang gumawa ng mga tanda sa harap niya. Sa pamamagitan nito, nailigaw niya yaong mga tumanggap ng tatak ng mabangis na hayop at yaong mga sumasamba sa kaniyang pangalan. Inihagis niyang buhay ang dalawa sa lawa ng apoy na nagniningas sa asupre. 21 At ang natira ay pinatay ng nakaupo sa kabayo sa pamamagitan ng kaniyang tabak na lumabas mula sa kaniyang bibig. Ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga laman.

Ang Isang Libong Taon

20 At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit. Siya ay may taglay na susi ng walang hanggang kalaliman. Siya ay may hawak na malaking tanikala.

At hinuli niya ang dragon, na ito ay ang ahas noong matagal nang panahon. Siya ang diyablo at Satanas. Siya ay ginapos sa loob ng isang libong taon. Iti­napon siya sa walang hanggang kalaliman upang hindi na siya makapagligaw ng mga bansa. Sinarhan niya siya at nilagyan ng selyo sa ibabaw niya. Siya ay mananatili roon hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito kinakailangang pakawalan siya ng Diyos sa maikling panahon.

At nakita ko ang mga luklukan. Nakaupo rito ang mga tao at binigyan sila ng kapamahalaan upang humatol. Nakita ko ang mga kaluluwa ng mga lalaking pinugutan ng ulo dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at dahil sa salita ng Diyos. At nakita ko ang mga hindi sumamba sa mabangis na hayop o sa kaniyang larawan. Hindi nila tinanggap ang kaniyang tatak sa kanilang mga noo at sa kanilang mga kamay. Ang mga taong ito ay nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon. Ngunit hanggang sa matapos ang isang libong taon, ang mga natira na mga namatay ay hindi muling nabuhay. Ito ang unang pagkabuhay muli. Pinagpala at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay muli. Ang ikalawang kamatayan ay walang kapamahalaan sa mga taong ito. Ngunit sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ni Cristo at sila ay maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

Ang Malagim na Kahihinatnan ni Satanas

At kapag matapos na ang isang libong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kaniyang kulungan.

Ito ay upang linlangin ang mga bansa na nasa apat na sulok ng daigdig. Ito ay ang Gog at Magog. Titipunin niya sila sa pakikidigma. Ang bilang nila ay katulad sa bilang ng buhangin sa tabing dagat. Sila ay umahon hanggang sa kabila ng kalaparan ng lupa. Pinalibutan nila ang kampo ng mga banal at ang lungsod na pinaka­mamahal. At ang apoy ay bumaba mula sa langit at tinupok sila. 10 At ang diyablo na nanglinglang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at ng asupre, kung saan naroroon ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta at doon sila ay pahihirapan araw at gabi, magpakailan pa man.

Hinatulan ni Cristo ang Mga Taong Patay

11 At nakita ko ang dakilang maputing trono at ang nakaupo rito. Ang lupa at ang langit ay tumakas mula sa kaniyang harapan. Wala ng lugar doon para sa kanila.

12 At nakita ko ang mga taong patay, hindi dakila at dakila na nakatayo sa harapan ng Diyos. At binuksan ang mga aklat at ang isa pang aklat ang binuksan, ito ay ang aklat ng buhay. Hinatulan niya ang mga patay ayon sa nakasulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. 13 Pinakawalan ng dagat ang mga taong patay na taglay nito. At pinakawalan ng kamatayan at ng hades ang mga taong patay na nasa kanila. At hinatulan ng Diyos ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa. 14 Itinapon ng Diyos ang kamatayan at hades sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan. 15 At ang sinumang hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawang apoy.

Ang Bagong Jerusalem

21 At nakita ko ang isang bagong langit at ang bagong lupa, sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na. Ang dagat ay wala na.

At akong si Juan, nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem na buma­babang mula sa Diyos na buhat sa langit. Ito ay inihanda na katulad ng isang babaeng ikakasal na ginayakan para sa kaniyang magiging asawa. Narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa langit. Sinabi nito: Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya ay mananahang kasama nila. Sila ay magiging mga tao niya. Ang kanilang Diyos mismo ang sumakanila at siya ang kanilang magiging Diyos. Pupunasin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata. Mawawala na ang kamatayan, ang pagtangis, ang pag-iyak o ang kabalisahan. Ang mga bagay sa nakaraan ay lumipas na.

Ang nakaupo sa trono ay nagsabi: Tingnan ninyo, ginawa kong bago ang lahat ng bagay. At sinabi niya sa akin: Isulat mo ito sapagkat ang mga salitang ito ay totoo at tapat.

At sinabi niya sa akin: Ang lahat ay naganap na. Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Ibibigay ko ang tubig ng buhay na walang bayad sa sinumang nauuhaw. Ang magtatagumpay ay magmamana ng lahat ng bagay. Ako ay kaniyang magiging Diyos at siya ay magiging anak ko. Ngunit ang mga natatakot at ang mga hindi sumasam­palataya, ang mga kinamumuhian ng Diyos, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga manggagaway, mga sumasamba sa diyos-diyosan at lahat ng mga sinungaling, ang bahagi nila ay sa lawa na nagniningas sa apoy at asupre. Ito ang ikalawang kamatayan.

Ang isa sa pitong anghel ay nagpakita sa akin. Sila ang mga anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling mga salot at nagsalita sa akin: Halika rito. Ipapakita ko sa iyo ang babaeng ikakasal na asawa ng Kordero. 10 Dinala niya ako sa Espiritu patungo sa isang dakila at mataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang isang dakilang lungsod, ang banal na Jerusalem. Ito ay bumababang buhat sa langit mula sa Diyos. 11 Taglay nito ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang ningning nito ay katulad sa isang napaka­halagang bato, katulad ng isang kristal na batong haspe. 12 Ito ay may isang dakila at mataas na moog at labindalawang tarangkahan. Sa tarangkahan ay may labindalawang mga anghel. May nakaukit na pangalan sa tarangkahan. Ito ay ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak na lalaki ni Israel. 13 Tatlong tarangkahan ang nasa gawing silangan. Tatlong tarangkahan ang nasa gawing hilaga. Tatlong tarangkahan ang nasa gawing timog. Tatlong tarang­kahan ang nasa gawing kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang saligan. Sa kanila ay ang labindalawang pangalan ng mga apostol ng Kordero.

15 Ang nagsalita sa akin ay may isang gintong panukat. Taglay niya ito upang sukatin niya ang lungsod, ang tarangkahan nito at ang pader nito. 16 Ang lungsod ay pari­sukat. Ang haba nito ay katulad din ng luwang nito. Sinukat niya ang lungsod ng panukat. Ang haba, ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat na dalawanglibo at dalawangdaang kilometro. 17 Sinukat niya ang moog at ito ay isangdaan at apatnapu’t apat na siko. Ito ang sukat ng haba ng siko ng isang tao, na siya ring sukat ng anghel. 18 Ang pader ay yari sa haspeng bato. Ang lungsod ay yari sa dalisay na ginto, katulad ng malinaw na salamin. 19 Ang mga saligan ng lungsod ay nagayakan ng lahat ng uri ng mga mahalagang bato. Ang una ay haspeng bato. Ang pangalawa ay sapirang bato. Ang pangatlo ay kalsedonyang bato. Ang pang-apat ay esmeraldang bato. 20 Ang panglima ay batong onise. Ang pang-anim ay batong kornalina. Ang pangpito ay batong krisolito. Ang pangwalo ay batong berilo. Ang pangsiyam ay batong topasyo. Ang pangsampu ay batong krisopraso. Ang panglabing-isa ay batong hasinto. Ang panglabindalawa ay batong amatista. 21 Ang labindalawang tarangkahan ay labindalawang perlas. Ang bawat tarang­kahan ay isang perlas. Ang lansangan ng lungsod ay dalisay na ginto katulad ng salaming malinaw.

22 At wala akong nakitang anumang banal na dako dito. Ang dahilan ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ay ang mga banal na dako nito. 23 Ang lungsod ay hindi nangailangan ng araw o buwan upang magliwanag dito sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbigay-liwanag dito. Ang Kordero ay ang ilawan nito. 24 Ang mga bansa ng mga iniligtas ng Diyos ay maglalakad sa liwanag nito. Ang mga hari sa lupa ay magbibigay ng kanilang kaluwalhatian at karangalan dito. 25 Kailanman ay hindi isasara ang tarangkahan nito sa araw sapagkat wala ng gabi roon. 26 Dadalhin nila ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa dito. 27 Kailanman ay hindi makakapasok doon ang anumang marumi o ang ang sinumang gumagawa ng kinapopootan ng Diyos o ang gumagawa ng kasinunga­lingan. Ang makakapasok lamang doon ay yaong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.

Ang Ilog na Nagbibigay Buhay

22 Ipinakita niya sa akin ang isang ilog na may dalisay na tubig na nagbibigay buhay. Ito ay nagniningning katulad ng kristal. Ito ay lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero.

Sa kalagitnaan ng lansangan at sa magka­bilang panig ng ilog, naroroon ang punong-kahoy na nagbibigay buhay. Ito ay nagbubunga ng labindalawang bunga. Bawat buwan ay magbibigay ng kaniyang bunga. Ang dahon ng punong-kahoy ay para sa pagpapagaling ng mga bansa. Doon ay hindi na magkakaroon ng sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay makikita sa lungsod. Ang kaniyang mga alipin ay maglilingkod sa kaniya. Makikita nila ang kaniyang mukha. Ang kaniyang pangalan ay nasa mga noo nila. Hindi na magkakaroon ng gabi roon. Hindi na nila kailangan ang isang ilawan o ang liwanag ng araw sapagkat ang Panginoong Diyos ang maglili­wanag sa kanila. Sila ay maghahari magpakailan pa man.

Sinabi ng anghel sa akin: Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. Ang Panginoong Diyos ng mga propetang banal ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita ang mga bagay na dapat nang mangyari kaagad.

Si Jesus ay Darating

Narito, malapit na akong dumating. Pinagpala ang tumu­tupad sa mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito.

At akong si Juan na nakakita at nakarinig ng mga bagay na ito ay nagpatirapa sa paanan ng anghel, na siyang nagpa­kita sa akin ng mga bagay na ito, upang sambahin siya. Sinabi niya sa akin: Huwag mong gawin ito sapagkat ako ay iyong kapwa alipin at gayundin ang iyong mga kapatid na lalaki na mga propeta at sa mga tumutupad ng mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.

10 At sinabi niya sa akin: Huwag mong selyohan ang mga pahayag sa aklat na ito sapagkat nalalapit na ang pana­hon. 11 Ang hindi matuwid ay magpapatuloy sa pagiging hindi matuwid. Ang masama ay magpapatuloy sa pagiging masama. Ang matuwid ay magpapatuloy sa pagiging matuwid. Ang banal ay magpapatuloy sa pagpapakabanal.

12 Narito, malapit na Akong dumating. Ang aking gantim­pala ay nasa akin upang igawad sa bawat tao ayon sa kaniyang gawa. 13 Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli.

14 Pinagpala ang mga tumutupad sa kaniyang mga utos. Sila ay magkakaroon ng karapatang kumain mula sa punong-kahoy ng buhay at pumasok sa mga tarangkahan ng lungsod. 15 Ngunit sa labas ng mga ito ay mananatili ang mga aso, ang mga gumagawa ng panggagaway, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga mapagsamba sa diyos-diyosan at bawat gumugusto sa kasinungalingan at ang mga sinungaling.

16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang siya ay magpatotoo sa mga bagay na ito sa inyong mga nasa iglesiya. Ako ang ugat at ang anak ni David, ang maningning na tala sa umaga.

17 Ang Espiritu at dalagang ikakasal ay nagsabi: Halika. At ang nakarinig ay dapat magsabi: Halika. Ang nauuhaw ay dapat lumapit. Ang naghahangad ay dapat uminom ng walang bayad sa tubig na nagbibigay buhay.

18 Ang dahilan nito ay nagpapatotoo rin ako sa lahat ng nakakarinig ng mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito. Sinabi ko: Kapag dinagdagan ng sinuman ang mga bagay na ito, ida­dagdag ng Diyos sa kaniya ang mga salot na aking isinulat sa aklat na ito. 19 Kung binawasan ng sinuman ang mga salita sa aklat ng pahayag na ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa aklat ng buhay. Aalisin din ang kaniyang bahagi sa banal na lungsod at mula sa mga bagay na isinulat sa aklat na ito.

20 Siya na nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsabi: Oo, ako ay malapit nang dumating.

Siya nawa. Oo, Panginoong Jesus, dumating ka na.

21 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay mapa­sainyo nawang lahat. Siya nawa!

Ang mga Anghel na may Huling Salot

15 Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang tanda sa langit, kapansin-pansin at kamangha-mangha: pitong anghel na may pitong salot. Ito ang mga huling salot, sapagkat sa mga ito matatapos ang poot ng Diyos. At nakita ko ang isang tulad ng dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito at sa bilang ng pangalan nito. Sila'y nakatayo sa tabi ng dagat na kristal, at may hawak na mga alpa ng Diyos. Umaawit (A) sila ng awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ng awit ng Kordero:

“Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa,
    Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
O hari ng mga bansa,
    ang mga paraan mo'y totoo at makatarungan,
(B) Panginoon, sinong hindi matatakot
    at magpupuri sa iyong pangalan?
Sapagkat ikaw lamang ang banal.
    Darating lahat ang mga bansa
at sila'y sasamba sa iyo,
    sapagkat nahayag ang matutuwid mong kahatulan.”

Pagkatapos (C) nito'y tumingin ako, at nabuksan sa langit ang templo ng tolda ng patotoo. At lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may pitong salot, na nakabihis ng dalisay at makinang na lino, at may mga gintong bigkis sa kanilang dibdib. Isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong gintong mangkok na puno ng poot ng Diyos, siya na nabubuhay magpakailanpaman. Ang (D) templo ay napuno ng usok mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan, at walang makapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.

Mga Mangkok ng Poot ng Diyos

16 At narinig ko mula sa templo ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa pitong anghel, “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.” Kaya (E) umalis ang unang anghel at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa, at nagkaroon ng nakapandidiri at napakasakit na sugat ang mga may tatak ng halimaw at mga sumasamba sa larawan nito.

Ibinuhos ng ikalawang anghel ang kanyang mangkok sa dagat, at ito'y naging tulad ng dugo ng isang bangkay, at ang bawat nilalang na may buhay sa dagat ay namatay. Ibinuhos (F) ng ikatlong anghel ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig, at naging dugo ang mga ito. At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi,

“O Banal, ikaw na siyang ngayon at noon,
    ikaw ay Makatarungan sa iyong ginawang paghatol;
Sapagkat sila ang nagpadanak ng dugo ng mga banal at ng mga propeta,
    binigyan mo sila ng dugo para inumin.
Dapat lang iyan sa kanila!”

At narinig ko ang dambana na nagsasabi,

“Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang mga hatol mo ay totoo at makatarungan!”

At ibinuhos ng ikaapat na anghel ang kanyang mangkok sa araw, at pinayagan itong pasuin ang mga tao, at sila ay napaso sa matinding init. Ngunit nilait nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito, at hindi sila nagsisi ni lumuwalhati sa kanya.

10 Ibinuhos (G) ng ikalimang anghel ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at ang kanyang kaharian ay nagdilim. Dahil sa kirot, kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila. 11 Nilait nila ang Diyos na nasa langit dahil sa kanilang mga hirap at mga sugat, at hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga gawa.

12 (H) Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang kanyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates, at natuyo ang tubig nito upang ihanda ang daan para sa mga hari mula sa silangan. 13 Pagkatapos, nakita kong lumalabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng halimaw, at mula sa bibig ng huwad na propeta ang tatlong maruruming espiritu na parang mga palaka. 14 Sapagkat ang mga ito'y mga espiritu ng demonyo na gumagawa ng mga tanda. Pumupunta sila sa mga hari ng buong sanlibutan upang tipunin sila para sa digmaan sa dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 15 “Tandaan (I) ninyo, dumarating ako na tulad ng isang magnanakaw! Pinagpala ang laging nakahanda at nakadamit, upang hindi siya lumakad nang hubad at mapahiya sa madla.” 16 At (J) tinipon ng mga espiritu ang mga hari sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.

17 At ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid, at mula sa templo ay lumabas ang isang malakas na tinig, mula sa trono, na nagsasabi, “Nangyari na!” 18 At (K) gumuhit ang mga kidlat, nagkaingay, dumagundong ang mga kulog, at lumindol ng malakas, na hindi pa nangyayari buhat nang magkatao sa lupa. Napakalakas ng lindol na iyon. 19 Nahati (L) sa tatlo ang malaking lungsod, at ang mga lungsod ng mga bansa ay nagbagsakan. Ibinaling ng Diyos ang kanyang pansin sa tanyag na Babilonia, at pinasaid niya rito ang kopa ng alak ng kanyang matinding poot. 20 Tumakas (M) ang bawat pulo at naglaho ang mga bundok na matagpuan. 21 Mula (N) sa langit ay bumagsak sa mga tao ang malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng halos isandaang libra, at nilait nila ang Diyos dahil doon. Kasindak-sindak ang salot na iyon.

Ang Babae at ang Halimaw

17 Pagkatapos, (O) isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa napakahalay na babaing nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. Nakiapid (P) sa kanya ang mga hari sa daigdig, at nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid ang mga naninirahan sa lupa.” At (Q) habang nasa Espiritu, dinala niya ako sa ilang, at nakita ko ang isang babae na nakaupo sa pulang halimaw na puno ng mga pangalang mapaglapastangan at ito ay may pitong ulo at sampung sungay. Ang (R) (S) babae ay nakadamit ng kulay-ube at pula, at nababalutan ng ginto at mamahaling bato at perlas, hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng mga karumihan at mga kahalayan ng kanyang pakikiapid. Sa kanyang noo ay nakasulat ang isang mahiwagang pangalan: “Tanyag na Babilonia, ina ng mahahalay na babae at ng mga kalaswaan ng daigdig.” At nakita ko ang babae, lasing sa dugo ng mga banal at ng mga nagpatotoo para kay Jesus.

Labis akong nagtaka nang makita ko siya. Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nagtataka? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng kanyang sinasakyang halimaw, na may pitong ulo at sampung sungay. Ang halimaw na nakita mo ay buháy noon, at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa walang hanggang kalaliman patungo sa pagkawasak. Ang mga naninirahan sa lupa na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan ay mamamangha sa sandaling makita nila ang halimaw sapagkat siya'y buháy noon at ngayo'y wala na, at darating pa.

“Nangangailangan ito ng isip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok kung saan nakaupo ang babae. Sila rin ang pitong hari, 10 at lima sa kanila ay bumagsak na, ang isa'y buhay pa, ang isa ay hindi pa dumarating; at sa kanyang pagdating, sandali lang siyang mananatili. 11 At ang halimaw na buhay noon at ngayo'y wala na ang ikawalo, ngunit kabilang din sa pito, at siya'y patungo sa pagkawasak. 12 Ang (T) sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa nakakatanggap ng kaharian, subalit tatanggap sila ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw. 13 Nagkakaisa ang mga ito sa pag-iisip, at ibinigay nila ang kanilang kapangyarihan at pamamahala sa halimaw. 14 Makikipagdigma sila laban sa Kordero, ngunit dadaigin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay yaong mga tinawag, mga hinirang at mga tapat.”

15 At sinabi ng anghel sa akin, “Ang mga tubig na iyong nakitang kinauupuan ng mahalay na babae ay mga bayan at napakaraming tao, mga bansa at mga wika. 16 Ang nakita mo namang sampung sungay, ang mga ito at ang halimaw ay masusuklam sa mahalay na babae. Siya'y kanilang pababayaan at iiwang hubad at kanilang lalamunin ang kanyang laman at siya'y susunugin sa apoy. 17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at pagkaisahin sila na ibigay ang kanilang kaharian sa halimaw, hanggang sa matupad ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na naghahari sa mga hari ng daigdig.”

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos ng mga ito, nakita ko ang isa pang anghel na bumababa mula sa langit. Taglay niya ang dakilang kapangyarihan; at naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian ang daigdig. Sumigaw (U) siya nang napakalakas,

“Bumagsak na, bumagsak na ang tanyag na Babilonia!
    Tirahan na ito ng mga demonyo,
kulungan ng bawat maruming espiritu,
    kulungan ng bawat maruming ibon,
    at kulungan ng bawat marumi't nakapandidiring hayop.
Sapagkat (V) lahat ng bansa ay uminom
    ng alak ng kanyang kahalayan,
at sa kanya'y nakiapid ang mga hari ng daigdig,
    at mula sa kapangyarihan ng kanyang kaluhuan,
    ang mga mangangalakal ng daigdig ay nagpayaman.”

Pagkatapos, (W) mula sa langit ay narinig ko ang isa pang tinig na nagsasabi,

“Lumabas kayo mula sa kanya, bayan ko,
    upang kayo'y hindi makabahagi sa kanyang mga kasalanan,
at upang sa kanyang mga salot ay hindi kayo madamay;
sapagkat (X) abot na sa langit ang kanyang mga kasalanan,
    at binalingan ng Diyos ang kanyang mga kasamaan.
Ibalik (Y) ninyo sa kanya kung ano'ng ibinigay niya,
    at bayaran ninyo siya ng doble sa kanyang mga gawa;
    sa pinaghaluan niyang kopa, ipaghalo ninyo siya ng doble.
Gaya (Z) ng pagpaparangal niya sa kanyang sarili at kaluhuan,
    ganoon din karaming pahirap at pighati ang ibigay ninyo sa kanya.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
    ‘Nakaupo akong isang reyna,
hindi ako isang balo,
    at kailanma'y hindi ko malalasap ang dalamhati.’
Dahil dito ay darating ang mga salot sa kanya sa loob ng isang araw—
    kamatayan, pagluluksa, taggutom—
at siya'y susunugin sa apoy;
    sapagkat ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya ay makapangyarihan.”

At (AA) ang mga hari ng daigdig na nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kaluhuan kasama niya ay tatangisan at pagluluksaan siya kapag nakita na nila ang usok ng pagsunog sa kanya. 10 Tatayo sila sa malayo dahil sa takot sa kanyang paghihirap at sasabihing,

“Kakila-kilabot ang sinapit mo, dakilang lungsod,
    makapangyarihang lungsod ng Babilonia!
Sapagkat sa loob ng isang oras, naigawad ang parusa sa iyo.”

11 At (AB) ang mga mangangalakal ng daigdig ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bumibili ng kanilang paninda— 12 panindang (AC) ginto, pilak, mamahaling bato at perlas, pinong lino; granate, sutla at pulang tela; lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kasangkapang garing, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol; 13 sinamon, pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak, langis, magandang uri ng harina at trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga katawan, samakatuwid ay mga kaluluwa ng tao.

14 “Ang mga bungang ninasa ng kaluluwa mo'y
    wala na sa iyo,
at lahat ng mga marangya at maringal na bagay
    ay naglaho sa iyo,
    at kailanma'y hindi na matatagpuan ang mga ito!”

15 Ang (AD) mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa paghihirap niya, na sila'y nagluluksa, malakas na tumatangis, 16 na nagsasabi,

Kaysaklap, kaysaklap ng sinapit ng tanyag na lungsod,
    siya na nakasuot ng pinong lino at kulay ube at pulang damit,
    at napalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas!
17 Sapagkat (AE) ang lahat ng yamang iyon ay naglaho sa loob ng isang oras!”

At lahat ng kapitan ng barko at mga naglalayag, ang mga mandaragat at lahat ng mangangalakal sa dagat ay tumayo sa malayo. 18 Sumigaw (AF) (AG) sila habang pinagmamasdan ang usok ng kanyang pagkasunog na nagsasabi,

“Saan mo ihahambing ang tanyag na lungsod?”

19 Nagsaboy sila ng alikabok sa kanilang mga ulo habang tumatangis at nagluluksa na sumisigaw,

“Kaysaklap, kaysaklap ng sinapit ng tanyag na lungsod,
    na nagpayaman sa lahat ng may barko sa dagat, mula sa kanyang kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak.
20 O (AH) langit, magalak ka dahil sa kanya,
    kayong mga banal at mga apostol at mga propeta!
Sapagkat alang-alang sa inyo ay iginawad ng Diyos ang parusang hatol sa kanya.”

21 Pagkatapos, (AI) isang malakas na anghel ang dumampot ng isang batong tulad ng isang malaking gilingan at itinapon iyon sa dagat. Ang sabi ng anghel,

“Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod na Babilonia,
    at hindi na siya muling makikita;
22 at (AJ) (AK) ang himig ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng trumpeta
    kailanma'y hindi na maririnig mula sa iyo;
at bawat manggagawa ng anumang kalakal
    kailanma'y hindi na matatagpuan sa iyo;
ang tunog ng gilingang bato
    kailanma'y hindi na maririnig sa iyo.
23 Ang liwanag ng ilawan
    kailanma'y hindi na tatanglaw sa iyo;
at ang tinig ng lalaki at babaing ikakasal
    kailanma'y hindi na maririnig sa iyo;
sapagkat ang iyong mga mangangalakal ay dating mga kilalang tao sa daigdig,
    at sapagkat sa pangkukulam mo ay nadaya ang lahat ng mga bansa.
24 Sa (AL) kanya natagpuan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal,
    at lahat ng mga pinaslang sa ibabaw ng lupa.”

Ang Kasiyahan sa Langit

19 Pagkatapos ng mga ito, narinig ko ang tila malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit na nagsasabi,

“Aleluia!
Ang pagliligtas, kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa ating Diyos,
    sapagkat (AM) ang hatol niya ay tunay at makatarungan;
hinatulan niya ang tanyag na babaing mahalay
    na sumira ng daigdig sa pamamagitan ng kanyang imoralidad
at ipinagbayad siya ng Diyos sa dugo ng kanyang mga lingkod.”

At (AN) nagsalita silang muli,

“Aleluia!
Ang usok mula sa tanyag na lungsod ay pumapailanlang magpakailanpaman.”

At ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na buháy na nilalang ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. At sila'y nagsabi,

“Amen. Aleluia!”

Mula (AO) sa trono ay lumabas ang isang tinig,

“Purihin ninyo ang ating Diyos,
    kayong lahat na mga lingkod niya,
kayong mga natatakot sa kanya,
    mga hamak man o dakila.”

At (AP) narinig ko ang parang tinig ng napakaraming tao, tulad ng lagaslas ng maraming tubig at tulad ng malalakas na dagundong ng kulog, na nagsasabi,

“Aleluia!
Sapagkat ang Panginoon nating Diyos
    na Makapangyarihan sa lahat ay naghahari.
Magalak tayo at magdiwang,
    luwalhatiin natin siya,
sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero,
    at inihanda ng kanyang kasintahan ang kanyang sarili.
Binigyan siya ng pinong lino
    makintab at malinis upang isuot niya”—

sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.

At (AQ) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa handaan ng kasal ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.” 10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sumamba sa kanya, subalit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapwa mo lingkod na kasama mo at ng iyong mga kapatid na naninindigan sa patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba! Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.”

Ang Nakasakay sa Puting Kabayo

11 Pagkatapos, (AR) nakita kong bumukas ang langit, at doon ay lumitaw ang isang puting kabayo. Tapat at Totoo ang tawag sa nakasakay dito, at makatarungan siyang humahatol at nakikipagdigma. 12 Ang (AS) mga mata niya ay parang ningas ng apoy, at sa ulo niya ay maraming korona. Mayroon sa kanyang nakasulat na pangalan na siya lamang ang nakakaalam. 13 Ang (AT) suot niyang damit ay itinubog sa dugo, at siya'y tinatawag sa pangalang Ang Salita ng Diyos. 14 At ang mga hukbo ng langit na nakasuot ng pinong lino, puti at dalisay ay sumusunod sa kanya; sila'y nakasakay sa mga puting kabayo. 15 Mula (AU) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang matalas na tabak na pantaga sa mga bansa, at siya ay maghahari sa kanila gamit ang tungkod na bakal. Tatapak-tapakan niya ang mga ubas sa pisaan upang lumabas ang katas ng bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Sa kanyang damit at hita ay may nakasulat na pangalan, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”

17 Pagkatapos, nakita (AV) ko ang isang anghel na nakatayo sa araw, at siya'y sumigaw ng malakas na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo, magsama-sama kayo upang dumalo sa malaking piging na inihanda ng Diyos. 18 Halikayo at kainin ninyo ang karne ng mga hari, ang karne ng mga kapitan, ang karne ng mga taong makapangyarihan, ang karne ng mga kabayo at ng mga nakasakay sa kanila—ang karne ng lahat ng tao, malaya man o alipin, hamak man o dakila.” 19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa daigdig kasama ang kanilang mga hukbo na nagsama-sama upang makidigma sa nakasakay sa kabayo at sa kanyang hukbo. 20 Hinuli (AW) ang halimaw, kasama ang kanyang huwad na propeta na sa kanyang harapan ay gumawa ng tanda na ginamit niya upang linlangin ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan niya. Ang dalawang ito ay itinapon nang buháy sa lawa ng nagliliyab na asupre. 21 At ang mga iba naman ay pinatay sa pamamagitan ng tabak ng nakasakay sa kabayo, ang tabak na lumabas mula sa kanyang bibig; at lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga laman.

Ang Sanlibong Taon

20 Pagkatapos ay nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, dala ang susi ng walang hanggang kalaliman at ang isang malaking tanikala. Sinunggaban (AX) niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos niya ito ng sanlibong taon. Itinapon niya ito sa walang hanggang kalaliman, isinara niya ito at tinatakan sa ibabaw, upang hindi na ito makapanlinlang ng mga bansa, hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Pagkalipas nito ay pakakawalan siya sa maikling panahon.

Pagkatapos, (AY) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa kanilang patotoo para kay Jesus at paghahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o kaya'y sa larawan nito at hindi sila tumanggap ng tatak nito sa kanilang mga noo o mga kamay. Nabuhay sila at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. Ang ibang mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Ito ang unang muling pagkabuhay. Pinagpala at banal ang mga nakasama sa unang muling pagkabuhay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.

Ang Pagkagapi ni Satanas

Kapag natapos ang sanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan, at lalabas (AZ) siya upang linlangin ang mga bansa sa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa pakikipaglaban; sila'y kasindami ng mga buhangin sa dagat. Sila'y umahon sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lungsod. Ngunit may apoy na bumaba mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang diyablong luminlang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroon ang halimaw at ang huwad na propeta at doon ay pahihirapan sila araw at gabi magpakailanpaman.

Ang Paghuhukom sa Harap ng Puting Trono

11 At (BA) nakita ko ang isang malaking puting trono at ang nakaupo roon; mula sa kanyang harapan ay tumakas ang lupa at ang langit, at wala nang matagpuang lugar para sa kanila. 12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Isa pang aklat ang binuksan, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang mga gawa, batay sa nakasulat sa mga balumbon. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kanya, ibinigay rin ng Kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at silang lahat ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa. 14 At ang Kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. 15 At ang sinuman na ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos, (BB) nakakita ako ng bagong langit at ng bagong lupa; sapagkat lumipas na ang unang langit at ang unang lupa, at wala na ang dagat. Nakita (BC) ko ring bumababa mula sa langit, galing sa Diyos, ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, inihandang tulad ng isang babaing ikakasal na inayusan para sa kanyang asawa. At (BD) mula sa trono, isang malakas na tinig ang aking narinig,

“Masdan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay kasama na ng mga tao.
Maninirahan siya sa kanila bilang Diyos nila;
sila'y magiging bayan niya,
at ang Diyos mismo ay makakasama nila at magiging Diyos nila;[a]
papahirin (BE) niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Hindi na magkakaroon ng kamatayan;
ni magkakaroon ng pagluluksa at pagtangis, at kahit kirot ay di na rin mararanasan,
sapagkat lumipas na ang mga unang bagay.”

At nagsalita ang nakaupo sa trono, “Ngayon, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Pagkatapos (BF) ay sinabi niya sa akin, “Nangyari na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Sa nauuhaw ay ibibigay ko nang walang bayad ang tubig mula sa bukal ng tubig ng buhay. Ang (BG) nagtatagumpay ay magmamana ng mga ito, at ako ang magiging Diyos niya, at siya'y magiging anak ko. Ngunit para sa mga duwag, sa mga hindi sumasampalataya, sa mga karumal-dumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kalalagyan nila ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre; ito ang ikalawang kamatayan.”

Ang Bagong Jerusalem

Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.” 10 Habang (BH) nasa Espiritu, dinala niya ako sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita niya sa akin ang banal na lungsod ng Jerusalem na bumababa mula sa langit, galing sa Diyos. 11 Taglay nito ang kaluwalhatian ng Diyos at ang ningning nito ay tulad sa isang mamahaling bato, gaya ng haspe, na kasinlinaw ng kristal. 12 Mayroon (BI) itong malaki at mataas na pader na may labindalawang pintuan. Sa mga pintuan ay may labindalawang anghel, at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel. 13 Sa silangan ay may tatlong pintuan, sa hilaga ay may tatlong pintuan, sa timog ay may tatlong pintuan, at tatlo rin sa kanluran. 14 Ang mga pader ng lungsod ay may labindalawang saligan, at sa kanila ay nakasulat ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.

15 Ang (BJ) anghel na nakipag-usap sa akin ay may panukat na ginto, upang sukatin ang lungsod at ang mga pintuan at pader nito. 16 Parisukat ang pagkagawa sa lungsod; ang haba nito ay katulad ng luwang nito. Sinukat ng anghel ang lungsod gamit ang kanyang panukat, labindalawang estadia;[b] ang haba, luwang at taas nito ay magkakapareho. 17 Sinukat din niya ang pader nito, isandaan apatnapu't apat na siko ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginamit ng anghel. 18 Ang (BK) (BL) malaking bahagi ng pader ay haspe at dalisay na ginto naman ang lungsod, na kasinlinaw ng kristal. 19 Ang mga saligan ng pader ng lungsod ay napapalamutian ng iba't ibang mamahaling bato. Haspe ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonya ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topasyo ang ikasiyam, krisoprasio ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, amatista naman ang ikalabindalawa. 21 Ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, ang bawat pintuan ay yari sa isang perlas. Ang lansangan ng lungsod, ay dalisay na ginto, kasinlinaw ng salamin.

22 At wala akong nakitang templo sa lungsod, sapagkat ang templo nito'y ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi (BM) na kailangan pa ng lungsod ang araw o buwan upang tumanglaw doon, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang liwanag nito, at ang Kordero ang ilaw nito. 24 Sa pamamagitan ng liwanag nito ay lalakad ang mga bansa, at ang mga hari sa daigdig ay magdadala ng kanilang kaluwalhatian sa lungsod. 25 Ang (BN) mga pintuan nito ay hindi isasara kailanman, sapagkat wala nang gabi doon. 26 Sa loob nito ay dadalhin ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa. 27 Subalit (BO) hindi makapapasok doon ang anumang maruming bagay, ang sinumang may gawaing karumal-dumal o sinungaling, kundi yaon lamang may mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.

22 Pagkatapos ay ipinakita (BP) sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay na kasinlinaw ng kristal. Bumubukal iyon mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa (BQ) gitna ng lansangan ng lungsod.Naroon sa magkabilang pampang ng ilog ang puno ng buhay na namumunga ng labindalawang uri ng prutas, namumunga ito bawat buwan; at ang mga dahon ng puno ay nakapagpapagaling sa mga bansa. Hindi na (BR) magkakaroon doon ng anumang isinumpa, sapagkat ang trono ng Diyos at ng Kordero ay naroon, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at ang pangalan niya ay masusulat sa kanilang mga noo. Wala (BS) nang gabi; hindi na nila kakailanganin pa ng liwanag o ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila, at maghahari sila magpakailanpaman.

Ang Pagdating ni Cristo

At sinabi niya sa akin, “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. Ang Panginoon, na siyang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga lingkod kung ano ang malapit nang mangyari.”

“Tingnan mo, ako'y malapit nang dumating! Pinagpala ang nag-iingat ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito.”

Akong si Juan ay nakarinig at nakakita sa mga bagay na ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na siyang nagpakita ng mga bagay na ito sa akin. Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo lingkod at ng mga kapatid mong propeta, at ng mga sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Sa Diyos ka sumamba!”

10 At sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong takpan ng tatak ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat ang panahon ay malapit na. 11 Hayaang (BT) magpakasama pa ang gumagawa ng masama, at ang marumi ay magpakarumi pa, ang matuwid ay magpakatuwid pa, at ang banal ay manatiling banal.”

12 “Tingnan (BU) mo, ako'y malapit nang dumating; dala ko ang aking gantimpala, upang gantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. 13 Ako (BV) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”

14 Pinagpala (BW) ang mga naghuhugas ng kanilang mga damit, upang magkaroon sila ng karapatan sa puno ng buhay at makapasok sa mga pintuan ng lungsod. 15 Sa labas naman ay ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang bawat mahilig gumawa ng kasinungalingan.

16 “Akong (BX) si Jesus ang nagsugo ng aking anghel sa inyo upang magpatotoo sa mga bagay na ito sa harap ng mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”

17 Sinasabi (BY) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halika.”
Magsabi ang bawat nakikinig, “Halika.”
Lumapit ang nauuhaw.
Ang sinumang may nais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.

18 Binabalaan (BZ) ko ang sinumang nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: sinumang magdagdag sa mga ito, idadagdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito; 19 at sinumang magbawas mula sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, babawasin ng Diyos ang kanyang bahagi sa puno ng buhay at sa banal na lungsod, na nakasulat sa aklat na ito.

20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, malapit na akong dumating.”[c]

Amen. Dumating ka nawa, Panginoong Jesus! 21 Pagpalain nawa ng Panginoong Jesus ang lahat. Amen.

Footnotes

  1. Pahayag 21:3 Sa ibang manuskrito, walangmagiging Diyos nila.
  2. Pahayag 21:16 humigit kumulang na 2,400 na kilometro.
  3. Pahayag 22:20 o mabilis akong dumarating.