Add parallel Print Page Options

Panimula

Ang pahayag ni Jesu-Cristo na ibinigay sa kanya ng Diyos upang ipakita sa kanyang mga lingkod kung ano ang malapit nang maganap. Ipinaalam ito ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng pagsugo ng kanyang anghel sa lingkod niyang si Juan, na nagpatotoo sa salita ng Diyos at sa ipinahayag ni Jesu-Cristo, at maging sa mga bagay na nakita niya. Pinagpala ang bumabasa ng mga salita ng propesiyang ito sa mga tao, at ang mga nakikinig at tumutupad ng mga bagay na nakasulat dito, sapagkat malapit na ang takdang panahon.

Mula (A) kay Juan: Sa pitong iglesya sa Asia:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa kanya na siyang kasalukuyan, nakaraan at siyang darating, at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono, at (B) mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang pangunahin sa mga binuhay mula sa kamatayan, at pinuno ng mga hari sa lupa.

Doon sa umiibig at nagpalaya[a] sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo, at ginawa (C) tayong isang kaharian, mga pari para sa kanyang Diyos at Ama, sa kanya ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailanman. Amen.

Tingnan (D) ninyo! Dumarating siyang nasa mga ulap;
    makikita siya ng bawat mata,
maging ng mga sumaksak sa kanya,
    at tatangis dahil sa kanya ang lahat ng lipi sa daigdig.

Mangyari nawa. Amen.

“Ako (E) ang Alpha at ang Omega,” ang sabi ng Panginoong Diyos, na siyang kasalukuyan, nakaraan at siyang darating, ang Makapangyarihan sa lahat.

Pangitain tungkol kay Cristo

Akong si Juan, ang inyong kapatid na kabahagi ninyo sa pag-uusig, sa kaharian at sa pagtitiis para kay Jesus, ay nasa pulo na tinatawag na Patmos alang-alang sa salita ng Diyos at pagpapatotoo ni Jesus. 10 Sa araw ng Panginoon, ako ay nasa Espiritu, at narinig ko sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang sa trumpeta 11 na nagsasabi, “Isulat mo sa balumbon ang nakikita mo at ipadala mo ito sa pitong iglesya: sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea.”

12 Lumingon ako para tingnan kung kaninong tinig ang nangusap sa akin. Sa aking paglingon nakakita ako ng pitong gintong ilawan, 13 (F) at sa gitna ng mga ilawang ito, nakita ko ang isang gaya ng Anak ng Tao na nakasuot ng mahabang damit at sa kanyang dibdib ay may bumabalot na gintong bigkis. 14 Ang (G) (H) kanyang ulo at buhok ay puti tulad ng balahibo ng tupa, kasimputi ng niebe; ang kanyang mga mata'y tulad ng ningas ng apoy, 15 (I) ang kanyang mga paa'y tulad ng tansong pinakintab na parang dinalisay sa pugon, at ang kanyang tinig ay tulad ng ingay ng rumaragasang tubig. 16 Ang kanang kamay niya'y may hawak na pitong bituin, at mula sa kanyang bibig, lumabas ang isang matalas na tabak na dalawa ang talim, at ang mukha niya'y tulad ng araw na matinding sumisikat.

17 Nang makita (J) ko siya, bumulagta akong parang patay sa kanyang paanan. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa akin at sinabi, “Huwag kang matakot; Ako ang una at ang huli, 18 at ang nabubuhay! Ako'y namatay, ngunit tingnan mo, ako ay buhay magpakailanpaman. Hawak ko ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.[b] 19 Kaya isulat mo ang nakita mo, kung ano ang kasalukuyan, at kung ano ang mangyayari pagkatapos nito. 20 Tungkol naman sa hiwaga ng pitong bituin na nakita mo sa aking kanang kamay, at ang pitong gintong ilawan: ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya, at ang pitong ilawan ay ang pitong iglesya.

Ang Mensahe para sa Efeso

“Sa anghel ng iglesya ng Efeso, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay, na naglalakad sa gitna ng pitong gintong ilawan: ‘Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pagpapagal at ang iyong pagtitiis. Alam kong hindi mo kayang palampasin ang masasama. Sinubok mo ang mga nag-aangking sila ay mga apostol, ngunit hindi pala at natuklasan mong sila'y mga huwad. Ikaw rin ay matiyagang nagpapatuloy at nagpapasakit alang-alang sa aking pangalan, at hindi ka nanlupaypay. Subalit mayroon akong isang bagay na laban sa iyo, na iniwan mo ang una mong pag-ibig. Kaya alalahanin mo ang kinalalagyan mo bago ka nahulog. Magsisi ka, at muli mong gawin ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, pupuntahan kita at tatanggalin ko ang iyong ilawan sa kinalalagyan nito, at ito'y kung hindi ka magsisisi. Ngunit ito naman ang mayroon ka: kinamumuhian mo ang mga gawain ng mga Nicolaita, na kinamumuhian ko rin. (K) Makinig ang sinumang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Sa sinumang magtagumpay, ibibigay ko sa kanya ang karapatang kumain mula sa puno ng buhay na nasa paraiso ng Diyos.’

Ang Mensahe para sa Smirna

(L) “At sa anghel ng iglesya sa Smirna, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na una at huli, na namatay at nabuhay: ‘Alam ko ang iyong pagdurusa at ang iyong pagiging dukha, bagaman ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninira sa iyo ng mga nagsasabing sila ay mga Judio ngunit hindi naman, kundi isang sinagoga ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa pagdurusang malapit mo nang maranasan. Mag-ingat kayo dahil malapit nang itapon ng diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang kayo ay subukin. At sa loob ng sampung araw ay magdurusa kayo. Maging tapat ka hanggang kamatayan at igagawad ko sa iyo ang korona ng buhay. 11 Sinumang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay hindi kailanman magdurusa ng ikalawang kamatayan.’

Ang Mensahe para sa Pergamo

12 “At sa anghel ng iglesya sa Pergamo, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na may tabak na may dalawang talim na matalas:

13 “Alam ko kung saan ka naninirahan doon, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa aking pangalan, at hindi mo itinakwil ang pananampalataya sa akin maging noong mga araw ng tapat kong saksi na si Antipas, na pinatay diyan sa inyo na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit (M) mayroon akong ilang bagay laban sa iyo: ikaw ay may ilan na naninindigan sa turo ni Balaam, na nagturo kay Balak na maglagay ng dahilan upang magkasala ang Israel at kumain ng pagkaing inialay sa diyus-diyosan at makiapid. 15 Mayroon din sa iyo na naninindigan sa turo ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi ka. Kung hindi, pupuntahan kita agad at makikipagdigma sa kanila gamit ang tabak ng aking bibig. 17 Ang (N) sinumang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya, ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong manna. Bibigyan ko rin siya ng puting bato na may bagong pangalan na nakasulat dito, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap lamang nito.

Ang Mensahe para sa Tiatira

18 “At sa anghel ng iglesya sa Tiatira, isulat mo: Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang tila nagniningas na apoy, at ang kanyang mga paa ay tila pinakintab na tanso.

19 “Alam ko ang mga gawa mo—ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod, at pagtitiis. Alam kong ang mga huli mong ginawa ay higit kaysa una. 20 Subalit (O) mayroon akong bagay na laban sa iyo: hinahayaan mo ang babaing si Jezebel, na nagsasabing siya'y propeta. Sa pagtuturo ay inililigaw niya ang mga lingkod ko upang makiapid at kumain ng pagkaing inialay sa diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang magsisi, subalit tumanggi siyang magsisi sa kanyang pakikiapid. 22 Tandaan mo, iraratay ko siya sa higaan ng karamdaman, maging ang mga nakiapid sa kanya ay itatapon ko rin sa matinding pagdurusa, maliban kung pagsisihan nila ang kanyang mga gawa. 23 Tiyak na papatayin (P) ko ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga kaisipan at mga puso. Bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng nararapat sa inyong mga gawa. 24 Ngunit sinasabi ko sa iba sa inyo riyan sa Tiatira na hindi naninindigan sa turong ito, at hindi natutuhan ang tinatawag ng ilan na ‘Malalalim na bagay ni Satanas’, hindi ako maglalagay ng iba pang pasanin sa inyo, 25 manindigan ka lang hanggang sa pagdating ko. 26 Sa (Q) sinumang nagtatagumpay at nagpapatuloy sa paggawa ng mga gawain ko hanggang sa katapusan,

Bibigyan ko siya ng kapangyarihan sa mga bansa;
27 upang mamuno sa kanila gamit ang isang pamalong bakal,
    upang duruging parang mga pasô—

28 gaya ng pagtanggap ko ng kapangyarihan mula sa aking Ama. Ibibigay ko rin sa kanya ang bituin sa umaga. 29 Makinig ang sinumang may tainga sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe para sa Sardis

“At sa anghel ng iglesya sa Sardis, isulat mo: Ito ang mga sinasabi niya na may pitong espiritu ng Diyos at pitong bituin:

“Alam ko ang iyong mga gawa, kilala ka bilang buháy, subalit ikaw ay patay. Gumising ka, palakasin mo ang natitira sa iyo na malapit nang mamatay, sapagkat natagpuan kong kulang ang iyong mga gawa sa paningin ng aking Diyos. Kaya't (R) alalahanin mo ang iyong tinanggap at narinig; gawin mo ito, at magsisi ka. Kung hindi ka gigising, darating akong parang magnanakaw, at hindi mo alam kung anong oras ako darating. Subalit mayroon pang ilan sa Sardis na ang mga damit ay walang bahid; lalakad silang nakaputi kasama ko, sapagkat sila'y karapat-dapat. Ang (S) nagtatagumpay ay magdadamit ng puti, at kailanma'y hindi ko buburahin ang pangalan niya sa aklat ng buhay. Kikilalanin ko ang pangalan niya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel. Makinig ang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe para sa Filadelfia

(T) “At sa anghel ng iglesya sa Filadelfia, isulat mo:

Ito ang sinasabi ng banal, at ng totoo,
na may hawak ng susi ni David,
na nagbubukas at walang makapagsasara,
    na nagsasara at walang makapagbubukas:

“Alam ko ang mga gawa mo. Tingnan mo, naglagay ako sa harapan mo ng isang bukás na pinto, na walang sinumang makapagsasara nito. Maliit lang ang iyong kapangyarihan, gayon ma'y tinupad mo ang aking salita at hindi mo ikinaila ang aking pangalan. Tingnan (U) mo ang mga kabilang sa sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila'y mga Judio ngunit hindi naman, at nagsisinungaling lamang—papupuntahin ko sila sa inyo at pasasambahin sa inyong paanan, at malalaman nilang ikaw ang aking minahal. 10 Dahil tinupad mo ang sinabi kong ikaw ay magtiis, ilalayo kita sa oras ng pagsubok na paparating sa buong sanlibutan upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa. 11 Darating ako agad; manindigan ka sa anumang nasa iyo, nang sa gayon ay walang makaagaw ng iyong korona. 12 Ang (V) nagtatagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos; at hindi na siya lalabas mula roon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lungsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit ng aking Diyos, at ang bago kong pangalan. 13 Makinig ang sinumang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe para sa Laodicea

14 (W) “At sa anghel ng iglesya sa Laodicea, isulat mo: Ang sinasabi ng Amen, ang tapat at totoong saksi, ang pinagmulan ng mga nilikha ng Diyos:

15 “Alam ko ang mga gawa mo; hindi ka malamig ni mainit. Nais ko sanang ikaw ay malamig o kaya'y mainit. 16 Kaya dahil ikaw ay maligamgam, hindi malamig ni mainit man, iluluwa kita. 17 Sapagkat sinasabi mo, ‘Mayaman ako, masagana, at wala nang kailangan pa.’ Hindi mo alam na ikaw ay aba, kawawa, dukha, bulag, at hubad. 18 Kaya't, pinapayuhan kita na bumili sa akin ng gintong dinalisay sa apoy para yumaman ka, at ng puting kasuotan na maidadamit sa iyo upang hindi malantad ang nakahihiya mong kahubaran, at bumili ka rin ng gamot na pampahid sa iyong mga mata upang makakita ka. 19 Sinasaway (X) ko at dinidisiplina ang mga minamahal ko. Kaya magsikap ka at magsisi. 20 Narito ako! Ako'y nakatayo sa may pintuan at kumakatok; sinumang makinig sa aking tinig at magbukas ng pintuan, papasok ako sa kanya at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko. 21 Ang nagtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang makasama ko sa aking trono, kung paanong nagtagumpay ako at umupo kasama ng aking Ama sa kanyang trono. 22 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.”

Pagkatapos nito ay tumingin ako, at doon sa langit ay may isang pintong nakabukas! Ang unang tinig na narinig kong nagsasalita sa akin ay parang isang trumpeta, na nagsasabi, “Umakyat ka rito at ipakikita ko sa iyo kung ano ang kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.” At (Y) agad akong kinasihan ng espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong may nakaupo! At ang nakaupo doon ay nagniningning tulad ng batong jasper at sardio, at sa paligid ng trono ay may bahagharing parang esmeralda. Sa paligid ng trono ay may dalawampu't apat pang trono at sa mga ito ay may nakaupong dalawampu't apat na matatanda na nakaputing damit, at sa kanilang mga ulo ay nakaputong ang mga gintong korona. Mula (Z) sa trono ay may nanggagaling na mga siklab ng kidlat, mga ingay at mga dagundong ng kulog. At sa harapan ng trono ay may pitong nag-aapoy na sulo. Ang mga ito'y ang pitong espiritu ng Diyos; at sa (AA) (AB) harapan ng trono ay may tila dagat na salamin tulad ng kristal.

Sa paligid ng trono, sa bawat gilid nito ay may apat na buháy na nilalang, na puno ng mga mata sa harap at sa likod. Parang leon ang unang buhay na nilalang, isang baka ang katulad ng ikalawa, ang ikatlong nilalang ay may mukhang tulad ng sa tao, at ang ikaapat ay parang isang lumilipad na agila. Ang (AC) bawat isa sa apat na nilalang ay may anim na pakpak, sa paligid at loob ay puno ng mga mata. Araw at gabi'y hindi sila tumitigil sa pagsasabi,

“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang noon, ngayon, at darating.”

At tuwing magbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat ang mga buháy na nilalang sa kanyang nakaupo sa trono, siyang nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod ang dalawampu't apat na matatanda sa harap ng nakaupo sa trono at sumasamba sa kanyang nabubuhay magpakailanman; at inihahagis nila sa harap ng trono ang kanilang mga korona, na nagsasabi,

11 “Karapat-dapat ka, Panginoon naming Diyos,
    na tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng iyong kalooban,
    sila'y nalikha at pinaiiral.”

Ang Aklat at ang Kordero

At nakita (AD) ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang balumbon na may sulat sa harap at likod at sarado ng pitong tatak. Nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na pasigaw na nagpapahayag, “Sino ang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at magtanggal ng mga tatak nito?” Ngunit walang sinuman sa langit, sa lupa o sa ilalim man ng lupa ang makapagbukas ng balumbon o kaya'y makatingin sa loob nito. Umiyak ako nang umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas ng balumbon o tumingin sa loob nito. (AE) Isa sa matatanda ay nagsabi sa akin, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon ng lipi ni Juda, na ugat ni David, ay nagtagumpay at kaya niyang buksan ang balumbon at tanggalin ang pitong tatak nito.”

At (AF) nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na buháy na nilalang at ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad ng isang pinatay na may pitong sungay at pitong mata. Ang mga ito'y ang pitong[c] espiritu ng Diyos na isinugo sa buong daigdig. Lumapit ang Kordero at kinuha ang balumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. At nang (AG) makuha niya ang balumbon, nagpatirapa sa harap ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat na matatanda. Ang bawat isa ay may hawak na alpa at mga gintong mangkok na puno ng insenso, na ang mga ito'y mga panalangin ng mga banal. At umaawit (AH) sila ng isang bagong awit:

“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa balumbon
    at magbukas sa mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinaslang at sa pamamagitan ng iyong dugo, tinubos mo para sa Diyos
    ang tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa;
10 at ginawa (AI) mo silang isang kaharian at mga paring naglilingkod sa aming Diyos,
    at sila'y maghahari sa daigdig.”

11 (AJ) Ako'y muling tumingin at narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel na nakapaligid sa trono, at ng mga buháy na nilalang, at ng mga matatanda; milyun-milyon at libu-libo ang bilang nila, 12 na malakas na umaawit,

“Ang pinaslang na kordero ay karapat-dapat
na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan!”

13 At narinig ko ang bawat nilalang sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa at sa dagat, at maging ang lahat ng bagay na nasa mga ito, na nagsasabi,

“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan
magpakailanpaman!”

14 Sinabi ng apat na buháy na nilalang, “Amen!” At nagpatirapa ang matatanda at sila'y sumamba.

Footnotes

  1. Pahayag 1:5 Sa ibang manuskrito naghugas.
  2. Pahayag 1:18 o daigdig ng mga patay.
  3. Pahayag 5:6 Sa ibang manuskrito wala ang salitang ito.