Add parallel Print Page Options

Akong si Pablo ay alipin ni Jesucristo. Tinawag ako ng Diyos na maging apostol at ihiniwalay para sa ebanghelyo ng Diyos. Ito ay ang ipinangako niya noong nakaraang panahon, sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, sa banal na kasulatan. Ito ay patungkol sa kaniyang Anak na mula sa lahi ni David ayon sa laman. Itinalaga siya na Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang paraan ayon sa Espiritu ng kabanalan at sa pamamagitan ng pagkabuhay muli mula sa mga patay. Siya ay si Jesucristo na ating Panginoon. Sa pamamagitan niya, kami ay tumanggap ng biyaya at pagiging apostol. Ito ay patungo sa pagsunod sa pananampalataya para sa lahat ng mga bansa alang-alang sa kaniyang pangalan. Kayo rin naman ay tinawag na kasama nila upang mapa­bilang kay Jesucristo.

Sumusulat ako sa inyong lahat, na mga nasa Roma, na mga inibig ng Diyos at tinawag na mga banal.

Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

Nananabik si Pablo na Makadalaw sa Roma

Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos para sa inyong lahat sa pamamagitan ni Jesucristo. Nagpapasalamat ako na ang inyong pananampalataya ay nababalita sa buong sanlibutan.

Ito ay sapagkat ang Diyos ang aking saksi kung paano ko kayo laging binabanggit nang walang patid sa aking mga pananalangin. Ang Diyos ang pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa ebanghelyo patungkol sa kaniyang Anak. 10 Lagi kong hinihiling sa pananalangin, na sa anumang paraan sa isang pagkakataon, ay magkaroon ako ng matagumpay na pagla­lakbay sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta ako sa inyo.

11 Ito ay sapagkat nananabik akong makita kayo upang mabahaginan ko kayo ng ilang espirituwal na kaloob na siyang magpapatatag sa inyo. 12 Ito ay upang kayo at ako ay maaliw sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa isa’t isa, na kapwa nasa inyo at nasaakin. 13 Mga kapatid, ibig kong malaman ninyo na ilang ulit na akong nagbalak pumunta sa inyo. Ngunit hanggang sa ngayon, ito ay nahahadlangan. Binabalak kong pumunta sa inyo upang makapagbunga rin sa inyo, tulad din naman sa ibang mga Gentil.

14 May pagkakautang ako, kapwa sa mga Griyego at sa mga hindi Griyego, kapwa sa mga matatalino at sa mga mangmang. 15 Kaya nga, nananabik na rin akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyo na nasa Roma.

16 Ito ay sapagkat hindi ko ikinakahiya ang ebanghelyo patungkol kay Cristo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat isang sumasampalataya. Ang ebanghelyo ay una, para sa mga Judio at sunod ay para sa mga Gentil. 17 Ito ay sapagkat sa ebanghelyo, ang katuwiran ng Diyos ay nahayag mula sa pananampalataya patungo sa pananam­palataya. Ayon sa nasulat:

Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ang Poot ng Diyos Laban sa Sangkatauhan

18 Ngayon, nahayag mula sa langit ang galit ng Diyos laban sa lahat ng kawalang pagkilala sa Diyos at hindi pagiging matuwid ng mga tao. Kanilang pinipigil ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang hindi pagiging matuwid.

19 Ito ay sapagkat ang maaari nilang malaman patungkol sa Diyos ay maliwanag na sa kanila, dahil inihayag na ito ng Diyos sa kanila. 20 Ito ay sapagkat ang hindi nakikitang mga bagay patungkol sa Diyos, simula pa sa paglikha ng sanlibutan, ay malinaw na nakikita na nauunawaan ng mga bagay na nalikha, kahit ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kaya nga, wala na silang anumang maidadahilan.

21 Ito ay sapagkat kahit kilala na nila ang Diyos, hindi nila siya niluwalhati bilang Diyos, ni nagpasalamat sa kaniya. Sa halip, ang kanilang pag-iisip ay naging walang kabuluhan at ang mga puso nilang hindi nakakaunawa ay napuno ng kadiliman. 22 Sa pagsasabi nilang sila ay matatalino, sila ay naging mga mangmang. 23 Ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kabulukan ay pinalitan nila ng tulad ng anyo ng taong may kabulukan. At ng mga anyo ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga hayop na gumagapang.

24 Kaya nga, hinayaan sila ng Diyos na gumawa ng maruruming mga bagay ayon sa pagnanasa ng kanilang mga puso. Ang idinulot nito ay ang paglapastangan ng kanilang mga katawan sa isa’t isa. 25 Pinalitan nila ng kasinunga­lingan ang katotohanan ng Diyos. Ang nilikhang bagay ay sinamba nila at pinaglingkuran kaysa sa lumikha, na pinupuri magpakailanman. Siya nawa.

26 Sa dahilang ito, hinayaan sila ng Diyos sa pagnanasang walang dangal sapagkat maging ang kababaihan nila ay nagbago ng likas nilang gamit patungo sa taliwas sa kalikasan. 27 Gayundin ang mga lalaki sa pag-iwan nila sa likas na gamit ng mga babae. Sila ay nag-aalab sa pita sa isa’t isa. Ang mga lalaki kasama ang lalaki ay gumagawa ng kahihiyan at tinanggap nila ang kaparusahang karapat-dapat sa mga liko nilang gawa.

28 At ayon sa pinagpasiyahan nilang huwag mapasa­kaalaman nila ang Diyos, hinayaan na sila ng Diyos sa kaisipang taliwas upang gawin nila ang mga bagay na hindi karapat-dapat. 29 Sila ay napuspos ng lahat ng uri ng hindi pagiging matuwid, pakikiapid, kasamaan, kasakiman, masa­mang hangarin, pagka-mainggitin, pagpatay, paglalaban-laban, panlilinlang, hangaring manakit at pagsisitsit.[a] 30 Sila ay mga mapanirang puri, namumuhi sa Diyos, walang galang, mapagmataas, maya­bang, mapaglikha ng masasamang mga bagay at masuwayin sa mga magulang. 31 Sila ay mga walang pang-unawa, sumisira sa usapan, walang likas na paggiliw, hindi nagpapatawad at mga walang habag. 32 Alam nila ang matuwid na kautusan ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay nararapat sa kamatayan. Hindi lang sa kanila na gumagawa ng mga ito, kundi sa kanila rin na sumasang-ayon pa sa mga gumagawa ng mga ito.

Ang Matuwid na Hatol ng Diyos

Kaya nga, wala kang maidadahilan, ikaw na taong humahatol sa iba sapagkat kapag hinatulan mo ang ibang tao, hinahatulan mo rin ang iyong sarili dahil ginagawa mo rin ang gayong mga bagay.

Ngunit alam natin na sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, ang hatol ng Diyos ay ayon sa katotohanan. Iniisip mo bang makakaligtas ka sa hatol ng Diyos, ikaw na taong humahatol sa kanila na gumagawa ng gayong mga bagay at gumagawa rin ng gayon? Minamaliit mo ba ang yaman ng kaniyang kabaitan? Minamaliit mo ba ang kaniyang pagtitiis at pagtitiyaga? Hindi mo ba nalalaman na ang kabutihan ng Diyos ang gumagabay sa iyo sa magsisi.

Ngunit ayon sa katigasan ng iyong puso at hindi pagsisisi, ikaw ay nag-iipon ng galit laban sa iyong sarili. Ito ay sa araw ng galit at paghahayag ng matuwid na hatol ng Diyos. Ang Diyos ang nagbibigay ng hatol sa bawat tao ayon sa gawa niya. Sila na patuloy na gumagawa ng mabuti, na may pagtitiis at naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng walang kasiraan ay bibigyan ng walang hanggang buhay. Ngunit sa kanila na makasarili at masuwayin sa katotohanan at sumu­sunod sa kalikuan ay tatanggap ng poot at galit. Paghihirap at kagipitan ang ibibigay sa bawat kaluluwa ng tao na patuloy na gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego. 10 Ngunit kaluwalhatian, kapurihan at kapayapaan ang ibibigay sa lahat ng gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at saka sa mga Griyego. 11 Ito ay sapagkat hindi nagtatangi ng tao ang Diyos.

12 Ito ay sapagkat ang lahat ng nagkasala na hindi sa ilalim ng kautusan ay lilipulin na hindi sa ilalim ng kautusan. Ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusan. 13 Ito ay sapagkat hindi ang mga nakikinig ng kautusan ang matuwid sa paningin ng Diyos kundi ang mga gumagawa ng kautusan ang siyang pinapaging-matuwid. 14 Ito ay sapagkat ang mga Gentil bagaman walang kautusan, ay likas naman nilang ginagawa ang bagay na nakapaloob sa kautusan. Sa paggawa nila nito, nagiging kautusan ito para sa kanilang sarili. 15 Ipinapakita nila na nakasulat sa kanilang mga puso ang gawa ng kautusan. Nagpapatotoo rin ang kanilang budhi at sa bawat isa ang kanilang isipan ang umuusig o kaya ay nagtatanggol sa kanila. 16 Ito ay mangyayari sa araw na ang lihim ng mga tao ay hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo ayon sa ebanghelyo na ipinangaral ko.

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Narito, ikaw ay tinatawag na Judio, nagtitiwala ka sa kautusan at ipinagmamalaki mo na ikaw ay sa Diyos.

18 Alam mo ang kalooban niya. Dahil naturuan ka sa kautusan, sinasang-ayunan mo ang mga bagay na higit na mabuti. 19 Naka­ka­­tiyak kang ikaw ay tagaakay ng mga bulag at liwanag ng mga nasa kadiliman. 20 Ikaw ay tagapagturo ng mga hangal, isang guro ng mga sanggol. Nasa iyo ang anyo ng kaalaman at sa katotohanan ng kautusan. 21 Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral na huwag magnakaw ang isang tao, nagnanakaw ka ba? 22 Ikaw na nagsasabing huwag mangangalunya ang isang tao, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyos-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo? 23 Ikaw na nagmamalaki patungkol sa kautusan, sa pagsuway mo sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos? 24 Ito ay sapagkat tulad ng nasusulat:

Dahil sa iyo, nagkaroon nga ng pamumusong sa pangalan ng Diyos sa gitna ng mga Gentil.

25 Kapag tinupad mo ang kautusan, may halaga ang iyong pagiging nasa pagtutuli. Ngunit kapag nilabag mo ang kautusan, ang iyong pagiging nasa pagtutuli ay naging hindi nasa pagtutuli. 26 Hindi ba kapag ang hindi gumagawa ng pagtutuli ay tumupad ng hinihingi ng kautusan, ang kaniyang hindi pagiging nasa pagtutuli ay ibibilang na pagtutuli? 27 Hindi ba ang likas na hindi nasa pagtutuli at tumutupad sa kautusan, siya ang hahatol sa iyo, ikaw na sumusuway sa kautusan, kahit na mayroon kang nakasulat na kautusan at ang iyong pagiging nasa pagtutuli?

28 Ito ay sapagkat siya, na sa panlabas na anyo ay Judio, ay hindi tunay na Judio, maging ang pagtutuli sa panlabas na laman ay hindi tunay na pagtutuli? 29 Ang tunay na Judio ay ang Judio sa kalooban at ang tunay na nasa pagtutuli ay sa puso, sa espiritu at hindi ayon sa titik ng kautusan. Ang papuri sa kaniya ay hindi mula sa tao kundi mula sa Diyos.

Ang Katapatan ng Diyos

Ano nga ang kalamangan ng pagiging Judio? Ano ang kapakinabangan ng pagiging nasa pagtutuli?

Marami sa lahat ng paraan. Una sa lahat, sa kanila ipinagkatiwala ang mga salita ng Diyos.

Paano kung may ilang hindi nanampalataya? Mapapawalang-bisa ba ng kanilang hindi pagsampalataya ang katapatan ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sa halip, ang Diyos ay totoo at ang bawat tao ay sinungaling. Ayon sa nasusulat:

Na sa iyong mga pagsasalita ay pinapaging-matuwid ka at sa paghatol sa iyo ay makaka­panaig ka.

Ngunit kung ang ating kalikuan ay magpapakita ng katuwiran ng Diyos, ano ang sasabihin natin? Ang Diyos ba ay hindi matuwid na nagdadala ng galit? Nagsasalita ako na tulad ng tao. Huwag nawang mangyari. Papaano ngang hahatulan ng Diyos ang sangkatauhan? Kung sa aking kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos ay sumagana sa kaniyang kaluwal­hatian, bakit pa ako hahatulan bilang makasalanan? At bakit hindi na lang nating sabihin: Gumawa tayo ng masama upang mangyari ang mabuti. Sa katunayan, ibini­bintang sa atin ng iba na sinasabi natin ito. Kaya marapat lamang na sila ay hatulan sa pagbibintang na ito.

Walang Isa mang Tao na Matuwid

Ano ngayon? Kami ba ay nakakahigit? Hindi! Ito ay sapagkat napatunayan na namin noong una pa man, na kapwa ang mga Judio at mga Griyego ay nasa ilalim ng kasalanan.

10 Ito ay ayon sa nasusulat:

Walang sinumang matuwid, wala kahit isa.

11 Walang sinumang nakakaunawa, walang sinu­mang humahanap sa Diyos. 12 Ang lahat ay lumihis ng daan, sama-sama silang naging walang pakinabang. Walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa. 13 Ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan. Sa kanilang mga dila ay ginagamit nila ang pandaraya. Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa mga labi nila. 14 Ang mga bibig nila ay puno ng pag­sumpa at mapait na mananalita. 15 Ang mga paa nila ay mabilis sa pagbuhos ng dugo. 16 Pagkawasak at paghihirap ang nasa kanilang mga landas. 17 Hindi nila alam ang landas ng kapayapaan. 18 Ang pagkatakot sa Diyos ay wala sa kanila.

19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan ay sinasabi sa kanila na nasa ilalim ng kautusan upang patigilin ang bawat bibig at ang buong sanlibutan ay mananagot sa Diyos. 20 Kaya nga, sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan walang taong mapapaging-matuwid sa harapan niya sapagkat ang lubos na pagkaalam sa kasalanan ay sa pamamagitan ng kautusan.

Pagiging Matuwid sa Pamamagitan ng Pananampalataya

21 Subalit ngayon, ang katuwiran ng Diyos ay inihayag nang hiwalay sa kautusan. Ito ay pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta.

22 Ang katuwirang ito ng Diyos ay sa pamama­gitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ito ay para sa lahat at sa kanilang lahat na sumampalataya dahil walang pagkakaiba. 23 Ito ay sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ang lahat ay pinapaging-matuwid ng Diyos nangwalang bayad sa pamama­gitan ng kaniyang biyaya, sa pamamagitan ng katubusan na na kay Cristo Jesus. 25 Siya ang itinalaga ng Diyos na maging kasiya-siyang handog sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kaniyangdugo, upang ipakita ng Diyos ang kaniyang katu­wiran ay ipinagpaliban niya ang kahatulan sa mga nakalipas na kasa­lanan sa pamamagitan ng kaniyang kahinahunan. 26 Ginawa niya ito upang ipakita ang kaniyang katuwiran sa kasalukuyang panahon sapagkat siya ay matuwid at tagapagpaging-matuwid sa kanila na sumasampalataya kay Jesus.

27 Saan pa makapagmamalaki? Wala na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Sa pamamagitan ba ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananam­palataya. 28 Kaya, kinikilala natin na ang tao aypinapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, hiwalay sa mga gawa ng kautusan. 29 Hindi ba ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba Diyos din siya ng mga Gentil? Oo, Diyos din siya ng mga Gentil. 30 Ito ay sapagkat iisa ang Diyos na magpapaging-matuwid sa mga nasa pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya at sa mga nasa hindi pagtutuli ay sa gayunding pananampalataya. 31 Ginagawa ba nating walang bisa ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari. Sa halip ay pinalalakas natin angkautusan.

Pinaging-matuwid si Abraham sa Pamamagitan ng Pananampalataya

Ano nga ngayon ang sasabihin natin sa natagpuan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?

Ito ay sapagkat kung si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamama­gitan ng mga gawa, mayroon siyang dahilang magmalaki, ngunit hindi sa Diyos. Ano ang sinasabi ng kasulatan? Sinasabi:

Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at iyon ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.

Ngayon kapag gumawa ang isang tao, ang sahod niyaay hindi ibinibilang na biyaya kundi ibinibilang na utang. Ngunit sa kaniya na hindi gumagawa ngunit sumasam­palataya sa kaniya na nagpapaging-matuwid sa mga hindi kumikilala sa Diyos, ang kaniyang pananampalataya ay ibinibilang na katuwiran. Gayundin ang sinabi ni David. Sinabi niya na pinagpala ang isang tao kapag ibinibilang ng Diyos ang katuwiran na hiwalay sa mga gawa:

Pinagpala sila na mga pinatawad sa hindi nila pagkilala sakautusan ng Diyos, sila na ang mga kasalanan ay tinakpan. Pinagpala ang taong ang kasalanan ay hindi ibibilang ng Panginoon sa kaniya sa anumang kaparaan.

Ito bang pagiging pinagpala ay para sa mga nasa pagtutuli lamang o para rin sa mga hindi nasa pagtutuli? Ito ay sapagkat sinasabi nating ang pananampalataya ay ibinilang na katuwiran kay Abraham. 10 Papaano nga ito ibinilang? Ito ba ay nang tinuli na siya o nang bago pa siya tinuli? Hindi nang tinuli na siya kundi nang bago pa siya tuliin. 11 Siya ay tumanggap ng tanda ng pagiging nasa pagtutuli. Ito ay tatak ngkatuwiran na mula sa pananampalatayang nasa kaniya bago pa man siya tinuli. Ito ang tanda na siya ay magiging ama ng lahat na mga hindi nasa pagtutuli na sumampalataya upang ang katuwiran ay maibilang din sa kanila. 12 Si Abraham ay hindi lamang ama ng mga nasa pagtutuli. Siya ay ama rin ng nasa pagtutuli na mga lumalakad sa mga bakas ng pananampalataya ng ating amang si Abraham na nasa kaniya nang hindi pa siya tuli.

13 Ito ay sapagkat si Abraham at ang kaniyang lahi ay tumanggap ng pangako na siya ay magiging tagapagmana ng sanlibutan. Ito ay hindi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya. 14 Ito ay sapagkat kung ang mga tagapagmana nga ay ang mga gumaganap ng kautusan, ang pananampalataya ay walang kabuluhan. Ang pangako ay walang bisa. 15 Ito ay sapagkat ang kautusan ay nagbubunga ng galit, dahil kung walang kautusan, walang pagsalangsang.

16 Kaya nga, ang pangako ay sa pamamagitan ng pananampalataya upang ito ay maging ayon sa biyaya at upang ito ay maging tiyak sa lahat ng lahi. Ito ay hindi lamang sa mga nasa kautusan kundi sa mga nasa pananampalataya ni Abraham na siyang ama nating lahat. 17 Ayon sa nasusulat:

Itinalaga kitang ama ng maraming bansa.

Ito ay sa harap ng Diyos na kaniyang sinampalatayanan, na bumubuhay ng mga patay at tumatawag na magkaroon ng mga bagay na wala pa.

18 Sa kawalang pag-asa, sumampalataya si Abraham na umaasa at sa gayon siya ay naging ama ng maraming bansa. Ito ay ayon sa sinabi:

Magiging gayon ang iyong lahi.

19 Sa kaniyang pananampalatayang hindi nanghihina, hindi niya itinuring na parang patay na ang kaniyang sariling katawan. Siya ay halos isandaang taon na noon. Hindi rin niya itinuring na patay ang bahay-bata ni Sara. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng hindi pagsampalataya. Sa halip, siya ay lumakas sa pananampalataya na nagbibigay nang kaluwalhatian sa Diyos. 21 Lubos siyang nakakatiyak na magagawa ng Diyos ang kaniyang ipinangako. 22 Kaya nga, ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran. 23 Gayunman, ito ay hindi lamang isinulat para sa kaniya, na ito ay ibinilang sa kaniya. 24 Ito ay para sa atin din. Ibibilang din ito na katuwiran sa mga sumampalataya sa Diyos na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay. 25 Si Jesus ang ibinigay para sa ating mga pagsalangsang at ibinangon para sa pagpapaging-matuwid sa atin.

Kapayapaan at Kagalakan

Kaya nga, yamang tayo ay pinaging-matuwid sa pama­magitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapa­yapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.

Sa pamamagitan din niya tayo ay nagkaroon ng daan patungo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa biyayang ito tayo ay naninindigan at nagmamalaki sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. Hindi lang ito, kundi sa paghihirap ay nagmamalaki rin tayo dahil alam nating ang paghihirap ay nagbubunga ng pagtitiis. Ang pagtitiis ay nagbubunga ng magandang ugali at ang magandang ugali ay nagbubunga ng pag-asa. Hindi tayo pinapahiya ng pag-asa sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.

Ito ay sapagkat nang tayo ay mahina pa si Jesus ay namatay sa takdang panahon para sa mga hindi kumikilala sa Diyos. Hindi pangkaraniwan na ang isang tao ay mamatay para sa isang matuwid na tao. Maaaring alang-alang sa isang mabuting tao, ang isang tao ang maglakas-loob na mamatay. Ngunit ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

Higit pa riyan, tayo ngayon ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng kaniyang dugo. Kaya nga, tayo ay maliligtas sa poot sa pamamagitan niya. 10 Ito ay sapagkat nang tayo ay kaaway ng Diyos, ipinagkasundo tayo sa kaniya sa pamama­gitan ng kamatayan ng kaniyang anak. Higit pa riyan, ngayong tayo ay ipinagkasundo, tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng buhay ng kaniyang anak. 11 Hindi lang gayon, kundi tayo ay nagagalak sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo na sa pamamagitan niya, tayo ay nagtamo ng pakikipagkasundo.

Kamatayan sa Pamamagitan ni Adan, Buhay sa Pamamagitan ni Cristo

12 Sa kadahilanang ito, sa pamamagitan ng isang tao, pumasok ang kasalanan sa sanlibutan. Dahil sa kasalanan nagkaroon ng kamatayan at ang kamatayan ay dumating sa lahat ng tao sapagkat nagkasala ang lahat.

13 Ito ay sapagkat ang kasalanan ay nasa sanlibutan na bago pa ibinigay ang kautusan. Ngunit nang wala pa ang kautusan ang kasalanan ay hindi ibinibilang. 14 Subalit ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises. Ito ay naghari maging sa kanila na ang kasalanan ay hindi tulad ng pagsalangsang ni Adan na siyang larawan ng paparating na.

15 Subalit ang kaloob ay hindi tulad ng pagsalangsang sapagkat kung sa pagsalangsang ng isa, marami ang namatay, lalong higit ang biyaya ng Diyos. At sa pamamagitan ng isang tao, si Jesucristo, ang kaloob sa pamamagitan ng biyaya ay sumagana sa marami. 16 Ang kaloob ay hindi tulad ng isang nagkasala sapagkat sa kasalanan ng isa, ang hatol ay nagdala ng kaparusahan. Ngunit sa kabila ng maraming pagsalangsang, ang walang bayad na kaloob ay nagbunga ng pagpapaging-matuwid. 17 Ito ay sapagkat sa pagsalangsang ng isang tao, naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng taong iyon. At lalong higit sa kanila na tumanggap ng kasaganaan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran. Maghahari sila sa buhay sa pamama­gitan ng isang iyon, si Jesucristo.

18 Kaya nga, sa pagsalangsang ng isang tao, napasalahat ng tao ang kaparusahan. Sa gayunding paraan, sa gawa ng katuwiran ng isang tao, napasalahat ng tao ang pagpapaging-matuwid ng buhay. 19 Ito ay sapagkat sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging mga makasalanan. Sa gayunding paraan, sa pagsunod ng isang tao, marami ang magagawang matuwid.

20 Upang dumami ang pagsalangsang, nagkaroon ng kau­tusan, ngunit sa pagdami ng kasalanan lalong sumagana ang biyaya. 21 Kaya kung papaano ngang naghahari ang kasalanan patungo sa kamatayan, gayundin ang biyaya ay maghahari sa pamamagitan ng katuwiran patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ay sa pamamagitan ni Jesucristo, ang ating Panginoon.

Patay sa Kasalanan, Buhay kay Cristo

Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan upang ang biyaya ay sumagana.

Huwag nawang mangyari. Papaano nga na tayong mga namatay sa kasalanan ay patuloy na mamumuhay pa roon? Hindi ba ninyo nalalaman na tayong mga nabawtismuhan kay Cristo Jesus ay nabawtismuhan sa kaniyang kamatayan? Kaya nga, tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo sa kamatayan. Sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Sa gayunding paraan dapat tayong lumakad sa panibagong buhay.

Ito ay sapagkat yamang tayo ay nakasama sa wangis ng kaniyang kamatayan, magiging gayundin tayo sa kaniyang pagkabuhay muli. Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang napako sa krus upang mapawalang-bisa ang katawan ngkasalanan. Dahil diyan hindi na tayo magiging alipin ng kasalanan. Ito ay sapagkat siya na namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.

Kaya nga, yamang tayo ay kasamang namatay ni Cristo, tayo ay sumasampalatayang mabubuhay na kasama niya. Alam nating sa pagkabuhay ni Jesucristo mula sa mga patay ay hindi na siya mamamatay. Ang kamatayan ay hindi na maghahari sa kaniya. 10 Ito ay sapagkat sa kaniyang kamatayan namatay siya sa kasalanan nang minsan lang. At sa kaniyangpagkabuhay, nabuhay siya sa Diyos.

11 Ituring din nga ninyo ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan ngunit buhay sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na ating Panginoon. 12 Huwag nga ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayanupang sundin ito sa kaniyang mga pagnanasa. 13 Kahit ang mga bahagi ng inyong katawan ay huwag ninyong ipaubayang maging kagamitan ng kalikuan sa kasalanan. Sa halip, ipaubaya ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos tulad ng mga nabuhay mula sa mga patay. Ang bahagi ng inyong katawan ay ipaubaya sa Diyos bilang mga kagamitan ng katuwiran. 14 Ang kasalanan ay hindi dapat maghari sa inyo dahil hindi kayo nasa ilalim ng kautusan. Kayo ay nasa ilalim ng biyaya.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano na ngayon? Tayo ba ay magpapatuloy sa kasalanan dahil hindi tayo nasa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi ba ninyo alam na kung kanino ninyo ipinaubaya ang inyong sarili bilang alipin, kayo ay mga alipin niya na inyong sinusunod? Ito man ay sa kasalanan patungong kamatayan o sa pagsunod patungong katuwiran. 17 Kayo ay mga dating alipin ng kasalanan. Ngunit salamat sa Diyos, dahil mula sa puso ay sinunod ninyo ang katuruang ibinigay sa inyo. 18 Sa inyong paglaya mula sa kasalanan kayo ay naging mga alipin ng katuwiran.

19 Dahil sa kahinaan ng inyong katawan ako ay nagsasalita bilang tao sapagkat ipinaubaya ninyo ang mga bahagi ng inyong mga katawan na mapaalipin sa karumihan at walang pagkakilala sa kautusan patungo sa walang pagkakilala sa kautusan ng Diyos. Sa gayunding paraan ipaubaya ninyo ngayon ang mga bahagi ng inyong katawan na mga alipin ng katuwiran patungo sa kabanalan. 20 Nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran. 21 Anong bunga nga ang nakuha ninyo sa mga bagay na ikinakahiya ninyo ngayon? Ito ay sapagkat ang wakas ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22 Ngunit ngayong nakalaya na kayo mula sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, nagkabunga kayo na patungo sa kabanalan. Ang wakas nito ay walang hanggang buhay. 23 Ito ay sapagkat ang kabayaran nga ng kasalanan ay kamatayan ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Isang Paglalarawan Mula sa Pag-aasawa

Mga kapatid, hindi ba ninyo alam na ang kautusan ay naghahari sa tao habang siya ay nabubuhay? Ako ay nagsasalita sa mga taong nakakaalam ng kautusan.

Ang babaeng may asawa ay nakatali sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng kautusan habang nabubuhay ang lalaki. Kapag ang lalaki ay namatay, ang asawang babae ay malaya na sa kautusan na patungkol sa asawang lalaki. Kaya nga, ang babae ay tatawaging mangangalunya kung magpapakasal siya sa ibang lalaki. Ito ay kung buhay pa ang kaniyang asawang lalaki. Ngunit kapag ang kaniyang asawa ay namatay na, siya ay malaya na sakautusan. Hindi siya tatawaging manganga­lunya kahit na magpakasal siya sa ibang lalaki.

Kaya nga, mga kapatid, kayo rin ay ginawa nang mga patay sa kautusan upang kayo ay mapakasal sa iba. Ito ay sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, na ibinangon mula sa mga patay upang tayo ay magbunga para sa Diyos. Ito ay sapagkat nang tayo ay likas pang makalaman, ang makasalanang hangarinna galing sa kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan. Gumagawa ito upang tayo ay magbunga patungo sa kamatayan. Ngunit ngayon, tayo ay patay na sa dating gumagapos sa atin. Tayo nga ay pinalaya sa kautusan upang tayo ay maglingkod sa pagbabago saespiritu at hindi sa lumang titik ng kautusan.

Pakikipagtunggali sa Kasalanan

Ano ngayon ang sasabihin natin? Kasalanan ba ang kautusan? Huwag nawang mangyari. Hindi ko nalaman ang kasalanan kundi dahil sa kautusan. Hindi ko rin nakilala ang masamang pagnanasa kundi sinabi ng kautusan: Huwag kang mag-iimbot.

Ngunit ang kasalanan ay nagbunga sa akin ng maraming uri ng pag-iimbot nang kunin ng kasalanan ang pagkakataong inalok ng mga utos. Ito ay sapagkat ang kasalanan ay patay kung wala ang kautusan. Ngunit minsan ako ay buhay nang walang kautusan ngunit nang dumating ang utos, nabuhay muli ang kasalanan at ako ay namatay. 10 Ang utos na dapat magbigay buhay ay nasumpungan kong nagdala ng kamatayan. 11 Ito ay sapagkat sa pagsasamantala sa utos, dinaya ako ng kasalanan at pinatay ako sa pamamagitan ng mga utos. 12 Kaya nga, ang kautusan at ang utos ay banal, matuwid at mabuti.

13 Ang mabuti ba ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Ngunit upang malaman kong ang kasalanan ay kasalanan, nagbunga ito ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti. Ito ay upang sa pamamagitan ng utos ang kasalanan.

14 Alam nating ang kautusan ay espirituwal. Ako ay likas na makalaman dahil sa naipagbili ako bilang alipin sa ilalim ng kasalanan. 15 Ito ay sapagkat ang ginagawa ko ay hindi ko nauunawaan sapagkat ang hindi ko nais gawin ay siya kong ginagawa. Ang kinapopootan ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, sumasangayon ako na ang kautusan ay mabuti. 17 Sa ngayon hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nananahan sa akin. 18 Ito ay sapagkat alam kong walang nananahang mabuti sa aking makalamang kalikasan sapagkat ang magnais ng mabuti ay nasa akin ngunit hindi ko masumpungan kung papaano ko ito gagawin. 19 Ito ay sapagkat ang mabuti na ninanais kong gawin ay hindi ko nagagawa. Ang kasamaan na hindi ko hinahangad gawin ay siya kong nagagawa. 20 Ngunit kung patuloy kong ginagawa ang hindi ko nais, hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nabubuhay sa akin.

21 Nasumpungan ko nga ang isang kautusan sa akin, na kapag nais kong patuloy na gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay nasa akin. 22 Ito ay sapagkat sa aking kalooban, ako ay lubos na nalulugod sa kautusan ng Diyos. 23 Ngunit nakakakita ako ng ibang kautusan sa mga bahagi ng katawan ko na nakikipaglaban sa kautusan ng aking isipan. Ginagawa nito akong bilanggo ng kautusan ng kasalanan na nasa mga bahagi ng katawan ko. 24 O, ako ay taong abang-aba. Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na gumagawa patungong kamatayan? 25 Nagpapasalamat ako saDiyos sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon.

Kaya nga, ako sa aking sarili ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan, ngunit sa aking makalamang kalikasan naglilingkod ako sa kautusan ng kasalanan.

Buhay sa Pamamagitan ng Espiritu

Ngayon nga ay wala nang kahatulan sa kanila na na kay Cristo Jesus. Sila ang mga lumalakad na hindi ayon sa makalamang kalikasan kundi ayon sa Espiritu.

Ito ay sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhayna nasa kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa akin mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ito ay sapagkat ang kautusan ay mahina sa pamamagitan ng makalamang kalikasan, kaya ito ay walang kapangyarihan. Isinugo ng Diyos ang sarili niyang anak na nasa anyo ng taong makasalanan upang maging hain para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, sa laman ay hinatulan na niya ang kasalanan. Upang matupad ang matuwid na hinihiling ng kautusan sa atin na mga lumalakad nang hindi ayon sa makalamang kalikasan kundi ayon sa Espiritu.

Ito ay sapagkat sila na mga ayon sa makalamang kalikasan ay nag-iisip ng mga bagay ukol sa laman. Ngunit sila na mga ayon sa Espiritu ay nag-iisip ng mga bagay ukol sa Espiritu. Ang mag-isip sa makalamang kalikasan ay kamatayan. Ang mag-isip sa Espiritu ay buhay at kapayapaan. Ang mag-isip sa makalamang kalikasan ay pagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindiito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos ni hindi rin ito maaaring magpasakop. Sila na nasa makalamang kalikasan ay hindi makapagbibigay lugod sa Diyos.

Kayo ay wala sa makalamang kalikasan. Kayo ay nasa Espiritu kung ang Espiritu ng Diyos ay tunay na nananahan sa inyo. Ang sinumang walangEspiritu ni Cristo, siya ay hindi sakaniya. 10 Yamang si Cristo nga ay nasa inyo, tunay ngang ang katawan ay patay dahil sa kasalanan. Ngunit dahil sa katuwiran, ang Espiritu ay buhay. 11 Ngunit kung ang Espiritu na nagbangon kay Jesus mula sa mga patay ay nananahan sa inyo, siya na nagbangon kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay din ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nananahan sa inyo.

12 Kaya nga, mga kapatid, tayo ay may pagkakautang hindi sa makalamang kalikasan upang tayo ay mamuhay ayon sa makalamang kalikasan. 13 Ito ay sapagkat namamatay na kayo kung mamumuhay kayo sa makalamang kalikasan. Ngunit kayo ay mabubuhay kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng inyong katawan. 14 Ito ay sapagkat sila na inaakay ng Espiritu ng Diyos, sila ang mga anak ng Diyos. 15 Ito ay sapagkat hindi kayo tumanggap ng Espiritu na magdadala sa inyo sa muling pagkaalipin sa takot. Subalit ang tinanggap ninyo ay ang Espiritu ng pag-ampon, kaya nga, tayo ay tumatawag ng: Abba, Ama. 16 Ang Espiritu ang siyang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo ay mga anak ng Diyos. 17 Yamang tayo nga ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana. Tagapagmana tayo ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Yamang tunay na naghirap tayo nakasama niya, tayo ay luluwalhatiin ding kasama niya.

Kaluwalhatian sa Hinaharap

18 Ito ay sapagkat itinuturing ko na ang mga paghihirap sa kasalukuyan ay hindi karapat-dapat ihalintulad sa kaluwal­hatiang ihahayag na sa atin.

19 Ito ay sapagkat ang matamang pag-asam ng nilikha ay naghihintay sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20 Ang nilikha ay ipinasakop sa paggawa ng mga bagay na walang kabuluhan. Hindi nang kusang loob, subalit sa pamamagitan niya na nagpasakop nito sa pag-asa. 21 Upang ang nilikha din naman ay mapalaya mula sa pagkaalipin ng kabulukan patungo sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.

22 Ito ay sapagkat alam natin na hanggang ngayon ang buong nilikha ay sama-samang dumadaing at naghihirap tulad ng babaeng nanganganak. 23 Hindi lang iyan, maging tayo na may unang-bunga ng Espiritu ay dumadaing din. Tayo sa ating sarili ay dumadaing sa ating kalooban na naghihintay ng pag-ampon na walang iba kundi ang katubusan ng ating katawan. 24 Ito ay sapagkat sa pag-asa tayo ay naligtas, ngunit ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa sapagkat bakit aasa pa ang tao sa nakikita na niya? 25 Ngunit kung tayo ay umaasa sa hindi natin nakikita, naghihintay tayo na may pagtitiis.

26 Sa gayong paraan, ang Espiritu rin ay kasamang tumutulong sa ating mga kahinaan sapagkat hindi natin alam kung ano ang kinakailangan nating ipanalangin. Subalit ang Espiritu mismo ang siyang namamagitan para sa atin na may pagdaing na hindi kayang ipahayag ng salita. 27 Siya na sumusuri sa mga puso ang siyang nakakaalam ng kaisipan ng Espiritu sapagkat ang Espiritu ay namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.

Higit pa sa Mananakop

28 Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip-lakip na gumagawa para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin.

29 Ito ay sapagkat ang mga kilala na ng Diyos nang una pa ay itinalaga rin niya nang una pa na magingkawangis ng kaniyang Anak, upang siya ay maging panganay sa maraming kapatiran. 30 At sila na itinalaga niya nang una pa ay tinawag din niya. Sila na tinawag niya ay pinaging-matuwid din niya at sila na pinaging-matuwid niya ay niluwalhati din niya.

31 Ano nga ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Yamang ang Diyos ay kakampi natin, sino ang tatayong laban sa atin? 32 Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak, kundi ipinagkaloob niya siya para sa ating lahat. Papaano ngang hindi niya ipagkaloob nang walang bayad sa atin ang lahat ng mga bagay? 33 Sino ang magsasakdal laban sa pinili ng Diyos?Ang Diyos na siyang nagpapaging-matuwid. 34 Sino ang magbibigay hatol? Si Cristo nga na namatay, ngunit higit dito, siya ay bumangong muli na ngayon ay nasa dakong kanan ng Diyos at namamagitan para sa atin. 35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang paghihirap ba, o kagipitan, o pag-uusig, o kagutuman, o kahubaran, o panganib o tabak? 36 Ayon sa nasusulat:

Alang-alang sa inyo, pinapatay nila kami buong araw. Itinuturing kaming mga tupang kakatayin.

37 Subalit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo ay higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niya na umiibig sa atin. 38 Ito ay sapagkat nakakatiyak ako na walang makakapaghi­walay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ang kamatayan, o buhay, o mga anghel, o mga pamunuan, o mga kapang­yarihan, o mga bagay sa kasalukuyan o mga bagay na darating. 39 Hindi ang matataas na bagay, o mga kalaliman o kahit anumang bagay na nilikha. Walang anumang makakapaghi­walay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pumipili ang Diyos Ayon sa Kaniyang Kaluguran

Sinasabi ko ang katotohanan na kay Cristo. Hindi ako nagsisinungaling. Kasama kong nagpapatotoo ang aking budhi na nasa Banal na Espiritu.

Ito ang nagpapatotoo naako ay may malaking kalungkutan at walang tigil na pagdadalamhati sa aking puso. Ito ay sapagkat hinangad ko pa na ako ay sumpain at ihiwalay mula kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, sa aking mga kamag-anak ayon sa laman. Sila ay ang mga taga-Israel. Sa kanila ang pag-ampon, ang kaluwalhatian at mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan. Sa kanila rin ang paglilingkod at mga pangako. Sa kanila nagmula ang mga ninuno at si Cristo, sa pamamagitan ng laman, ay nagmula sa kanila. Siya ang pinakadakila sa lahat, ang Diyos na pinupuri magpakailanman. Siya nawa.

Ito ay sapagkat hindi ang salita ng Diyos ay waring nagkulang sapagkat hindi lahat ng nagmula sa Israel ay tunay na mga taga-Israel. Gayundin naman ang mga nanggaling sa lahi ni Abraham ay hindi lahat tunay na mga anak ni Abraham. Subalit sinasabi: Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi. Ito ay hindi ang mga anak na ayon sa laman ang siyang mga anak ng Diyos. Ngunit ang mga anak ng pangako ang ibinilang na binhi. Ito ay sapagkat ganito ang sinasabi ng pangako:

Sa takdang panahon ako ay darating at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki.

10 Hindi lang iyan, kundi si Rebecca ay naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki. Siya ay ang ating ninunong si Isaac. 11 Ito ay sapagkat bago pa ipinanganak ang mga bata, bago pa sila nakagawa ng mabuti o ng masama, nangusap na ang Diyos kay Rebecca upang ang layunin ng Diyos na kaniyang pinili ay manatili. Ito ay hindi mula sa gawa kundi mula sa kaniya na tumatawag. 12 Sinabi ng Diyos kay Rebecca: Ang matandang kapatid ay maglilingkod sa batang kapatid. 13 Ayon sa nasusulat:

Inibig ko si Jacob, kinapootan ko si Esau.

14 Ano ang sasabihin natin? May kalikuan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari. 15 Sinabi ng Diyos kay Moises:

Mahahabag ako sa sinumang kahahabagan ko. Maaawa ako sa sinumang kaaawaan ko.

16 Kaya nga, ito ay hindi sa kaniya na nagnanais o sa kaniya na tumatakbo. Subalit ito ay sa Diyos na siyang may kahabagan. 17 Ito ay sapagkat sinabi ng kasulatan kay Faraon:

Upang maipakita ko sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, inilagay kita sa kina­lalagyan mo ngayon. Ginawa ko ito upang maihayag ang aking pangalan sa buong lupa.

18 Kaya nga, mahahabag ang Diyos sa sinumang ibig niyang kahabagan. Patitigasin niya ang puso ng sinumang ibig niyang patigasin ang puso.

19 Kaya nga, sinasabi: Bakit pa niya tayo pinagbibin­tangan? Sino ang tumanggi sa kaniyang kalooban? 20 Oo, at higit pa dito, tao, sino ka upang makipagtalo laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinubog sa humubog sa kaniya: Bakit mo ako ginawang ganito? 21 Hindi ba ang magpapalayok ang may kapamahalaan sa putik? Mula sa putik ding iyon siya ay maaaring gumawa rin ng sisidlang pangmarangal ang gamit at ang ibang sisidlang hindi pangmarangal ang gamit.

22 Yamang ibig ng Diyos na ipahayag ang kaniyang galit, at upang maipaalam niya sa kaniyang mga tao ang kaniyang kapangyarihan, nagtitiis siyang may pagtitiyaga sa mga sisidlang tatanggap ng galit. Inihanda na niya sila sa kapahamakan. 23 Ginawa niya ito upang ipaalam niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlang kaniyang kinahabagan. Sila ay inihanda niya sa nakaraang kaluwalhatian. 24 Iyan nga tayo, na kaniyang tinatawag, hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula sa mga Gentil din naman. 25 Sa aklat ni Hosea ay sinabi rin niya:

Tatawagin kong mga tao ko sila na hindi ko mga tao. Tatawagin ko na aking iniibig ang mga hindi ko iniibig.

26 At mangyayari, na sa dako na kung saan ay sinabi sa kanila: Hindi ko kayo mga tao. Sa dako ring iyon ay tatawagin ko sila: Kayo ay mga anak ng buhay na Diyos.

27 Ngunit sumigaw si Isaias patungkol sa Israel:

Ang bilang ng mga anak ni Israel ay tulad sa bilang ng buhangin sa dagat. Kahit ganito ang bilang nila, maliit na pangkat lamang ang maliligtas.

28 Ito ay sapagkat tatapusin niya ang bagay na iyon. Kaniyang iiklian iyon ayon sa katuwiran sapagkat pinaiklian ng Panginoon ang kaniyang gawain sa ibabaw ng lupa.

29 Ayon din sa sinabi ni Isaias noong una:

Kung hindi nagtira ng binhi sa atin ang Pangi­noon ng mga hukbo, magiging tulad tayo ng mga tao ng Sodoma at tulad ng mga tao ng Gomora.

Hindi Sumampalataya ang mga Taga-Israel

30 Ano nga ang sasabihin natin? Sasabihin ba natin: Ang mga Gentil na hindi nagsikap sumunod sa katuwiran ay tumanggap ng katuwiran. Ang katuwirang ito ay sa pamama­gitan ng pananampalataya.

31 Ang Israel ay nagsikap sumunod sa kautusan ng katuwiran ngunit hindi sila nakaabot sa katuwiran ng kautusan. 32 Bakit? Ito ay sapagkat hindi sila nagsikap sa pamamgitan ng pananampalataya kundi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan. Sila ay natisod sa batong katitisuran. 33 Ayon sa nasusulat:

Narito, naglagay ako sa Zion ng batong katiti­suran at batong ikabubuwal nila. At ang bawat isang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.

Footnotes

  1. Roma 1:29 Walang pigil na pagdadala ng mga usapin.

Mula kay Pablo, na lingkod ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang para mangaral ng ebanghelyo ng Diyos. Ang ebanghelyong ito ay ipinangako ng Diyos noong una pa na isinasaad sa mga Banal na Kasulatan, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. Tungkol ito sa kanyang Anak, na si Cristo Jesus na ating Panginoon, na sa kanyang pagiging tao ay nagmula sa binhi ni David. Dahil sa Espiritu ng kabanalan ay makapangyarihan siyang ipinahayag na Anak ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang muling pagkabuhay—ito'y si Jesu-Cristo na ating Panginoon. Sa pamamagitan niya ay tumanggap kami ng kaloob na maging apostol, upang ang lahat ng mga bansa ay akayin sa pagsunod na nagmumula sa pananampalataya, alang-alang sa kanyang pangalan. Kabilang kayo sa mga ito, sapagkat kayo ay mga tinawag din ni Jesu-Cristo. Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag na maging banal: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama, at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma

Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng ebanghelyo ng kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. 10 Sa mga dalangin ko'y laging kasama ang aking hiling na loobin ngayon, sa wakas, na makapunta ako sa inyo. 11 Sapagkat nasasabik ako na kayo'y makita upang mabahaginan kayo ng ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo. 12 Sa gayon ay magkatulungan tayo sa pagpapatatag ng pananampalataya ng isa't isa, na inyo at akin. 13 Nais (A) kong malaman ninyo, mga kapatid, na ilang ulit ko nang binalak na pumunta diyan sa inyo, ngunit laging may humahadlang. Nais kong magkaroon din ako ng bunga mula sa inyo, kung paanong nagkaroon ako ng bunga sa ibang mga Hentil. 14 May pananagutan ako sa mga Griyego at sa mga hindi Griyego, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang. 15 Ito ang dahilan kaya masidhi ang aking pananabik na maipahayag ko rin ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma.

Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo

16 Hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; (B) sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego. 17 Sapagkat (C) sa ebanghelyo ipinapahayag ang katuwiran ng Diyos, kung paano maging matuwid sa kanyang harapan. At ito, buhat sa simula hanggang sa wakas, ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Gaya ng nasusulat, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, mabubuhay ang matuwid.[a]

Nagkasala ang Sangkatauhan

18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kasamaan at kalikuan ng mga taong sumisikil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag sa kanila, yamang iyon ay ipinahayag na sa kanila ng Diyos. 20 Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang hindi nakikitang kalikasan—ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos—ay maliwanag na nakikita at nauunawaan dahil sa mga bagay na kanyang ginawa. Kaya't ang mga gayong tao'y wala nang maidadahilan pa. 21 Sapagkat (D) kahit na kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati o pinasalamatan man lang bilang Diyos. Sa halip, naging walang kabuluhan ang kanilang mga pag-iisip at naging madilim ang hangal nilang mga puso. 22 Sa kanilang pagmamarunong ay lumabas silang mga mangmang. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, at ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad at gumagapang.

24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa maruruming pagnanasa ng kanilang mga puso, hanggang sa sila'y masadlak sa paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa mga bagay na nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen. 26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng kanilang kababaihan sa mga lalaki sa likas na paraan kundi mas nais nilang makipagtalik sa kapwa babae.[b] 27 Ganoon din ang mga lalaki: iniwan nila ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, at sa kapwa lalaki nag-alab ang kanilang pagnanasa. Gumagawa sila ng kahalayan sa isa't isa, kaya't sila'y tumatanggap ng parusang nararapat sa kanilang masasamang gawa. 28 At palibhasa'y nagpasya na silang hindi kilalanin ang Diyos, hinayaan na ng Diyos na pagharian sila ng mahalay na pag-iisip at ng mga gawang kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, at kahalayan. Naghari sa kanila ang pagkainggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, at masasamang hangarin. Sila'y naging mahihilig sa tsismis, 30 mapanirang-puri, namumuhi sa Diyos, walang-pakundangan, mapagmataas, at mayayabang. Nasanay na sila sa pagkatha ng kasamaan, at naging suwail sa mga magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang malasakit, mga walang awa. 32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito. Gayunman, nagpatuloy sila sa paggawa ng mga bagay na ito at natutuwa pang makita ang iba na gumagawa rin ng gayon.

Ang Makatarungang Hatol ng Diyos

Kaya't (E) wala kang maidadahilan, sino ka mang humahatol sa iba. Sapagkat sa paghatol mo sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayon. Nalalaman nating batay sa katotohanan ang hatol ng Diyos sa mga taong gumagawa ng gayon. Kaya ikaw, tao, akala mo ba'y makatatakas ka sa hatol ng Diyos kung humahatol ka sa iba ngunit gumagawa ka rin ng masasamang gawaing hinahatulan mo? O baka naman sinasamantala mo ang yaman ng kabutihan, pagtitiis at pagtitiyaga ng Diyos? Hindi mo ba naunawaan na ang kabutihan ng Diyos ang nag-aakay sa iyo tungo sa pagsisisi? Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ang puso mo'y ayaw magsisi, lalo mong pinabibigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw ng poot ng Diyos, kung kailan ihahayag niya ang kanyang makatarungang paghatol. Igagawad (F) niya sa mga tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Ipagkakaloob naman ng Diyos ang buhay na walang hanggan sa mga taong nagtitiyaga sa paggawa ng mabuti, naghahanap ng karangalan, kadakilaan at ng kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga makasarili at sumusunod sa kasamaan sa halip na sa katotohanan. Pagdurusa at pighati ang daranasin ng bawat taong gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego. 10 Subalit karangalan, kapurihan, at kapayapaan naman sa bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego. 11 Sapagkat (G) ang Diyos ay walang kinikilingan. 12 Ang lahat ng nagkasala na hindi saklaw ng Kautusan ay hahatulan nang hindi ayon sa Kautusan. At ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng Kautusan ay hahatulan ayon sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig kundi ang tumutupad sa Kautusan ang ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos. 14 Kapag ang mga Hentil, na walang Kautusan, ay nakagagawa ng mga bagay na itinatakda ng Kautusan, dahil sa likas nilang kaalaman, ang mga ito'y nagiging Kautusan na para sa kanila bagama't wala silang Kautusan. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang mga puso ang mga itinatakda ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, na sa kanila'y manunumbat at magtatanggol. 16 Magaganap ito sa araw ng paghatol ng Diyos sa lihim ng mga tao sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ito'y naaayon sa ebanghelyong aking ipinapangaral.

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Ngayon, kung sinasabi mong ikaw ay isang Judio at nananalig sa Kautusan, at ipinagmamalaki mo ang kaugnayan mo sa Diyos, 18 ikaw na palibhasa'y naturuan sa Kautusan ay nagsasabing nakaaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mabubuting bagay, 19 ang palagay mo'y tagaakay ka ng mga bulag at tanglaw ka ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natutuhan mo sa Kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan, 21 ikaw na nagtuturo sa iba, bakit hindi mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang huwag magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, bakit ka nangangalunya? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, bakit mo ninanakawan ang mga templo? 23 Ipinagmamalaki mo ang Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng pagsuway mo sa Kautusan. 24 Gaya ng nasusulat, (H) “Nilalapastangan ng mga Hentil ang pangalan ng Diyos dahil sa inyo.” 25 Totoong mahalaga ang pagiging tuli kung tinutupad mo ang Kautusan. Ngunit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tuli. 26 Kaya't kung ang mga hindi tuli ay tumutupad sa mga itinatakda ng Kautusan, hindi ba maibibilang na rin silang parang mga tuli? 27 Kaya't siya na hindi tuli, subalit namumuhay ayon sa Kautusan, ang hahatol sa iyo, na tuli at mayroong Kautusang nakasulat, subalit sinusuway naman ito. 28 Sapagkat ang pagiging tunay na Judio ay hindi sa panlabas lamang, at ang tunay na pagtutuli ay hindi dahil tinuli ka sa laman. 29 Ang (I) pagiging tunay na Judio ay nasa kalooban. At ang tunay na pagtutuli nama'y pagtutuli sa puso, sa pamamagitan ng Espiritu at hindi ng nakasulat na Kautusan. Ang karangalan ng taong iyon ay hindi mula sa mga tao kundi mula sa Diyos.

Kung ganoon, ano ang kalamangan ng pagiging Judio? Ano ang pakinabang sa pagiging tuli? Napakarami! Una sa lahat, sa mga Judio ipinagkatiwala ang mga aral ng Diyos. Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig bang sabihin noo'y hindi na rin tapat ang Diyos? Huwag nawang mangyari! (J) Mananatiling tapat ang Diyos, maging sinungaling man ang lahat ng tao. Gaya ng nasusulat:

“Sa Iyong mga salita'y kikilalanin kang matuwid,
    kapag hinatulan ka, ika'y mananaig.”

Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katuwiran ng Diyos, masasabi ba nating ang Diyos ay di-makatarungan dahil sa pagbubuhos niya ng poot? Nangangatwiran ako ayon sa pananaw ng tao. Huwag nawang mangyari! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan? Subalit maaaring may magsabi, “Kung dahil sa aking pagsisinungaling ay sumagana ang katotohanan ng Diyos at higit pa siyang niluluwalhati, bakit hinahatulan pa rin ako bilang isang makasalanan?” Bakit hindi na lang natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama upang magbunga ng mabuti?” Iyan daw ang sinasabi natin, ayon sa paninirang-puri sa atin ng iba. Nararapat lang ang parusa sa kanila.

Walang Matuwid

Ano ngayon ang ibig nitong sabihin? Tayo bang mga Judio ay nakahihigit sa iba? Hindi! Sapagkat isinakdal na namin ang lahat ng tao, Judio man o Griyego, na sila ay pawang nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. 10 Gaya (K) ng nasusulat,

“Walang matuwid, wala, kahit isa.
11     Wala ni isang nakauunawa,
    walang humahanap sa Diyos.
12 Lahat sila ay lumihis ng daan, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
    walang gumagawa ng mabuti,
    wala, kahit isa.”
13 “Tulad (L) ng libingang bukás ang kanilang lalamunan;
    sa pandaraya ang kanilang mga dila ay nag-uumapaw.”
“Kamandag ng mga ulupong ang nasa ilalim ng kanilang labi.”
14     “Pagmumura at pait ang namumutawi (M) sa kanilang bibig.”
15 (N) “Sa pagpapadanak ng dugo mga paa nila'y matutulin,
16     pagkawasak at kalungkutan ang nababakas sa kanilang landasin,
17 hindi nila nalalaman ang daan ng kapayapaan.”
18     (O) “Ang takot sa Diyos, sa mga mata nila'y hindi masilayan.”

19 Nalalaman natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasa ilalim nito, upang walang maidahilan ang sinuman, at upang ang buong sanlibutan ay pananagutin sa harapan ng Diyos. 20 Sapagkat (P) walang sinumang[c] ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawang batay sa Kautusan, sapagkat sa pamamagitan ng Kautusan ay nagkaroon ng kamalayan sa kasalanan.

Ang Pagiging Matuwid

21 Subalit ngayon ay nahayag na ang pagiging matuwid mula sa Diyos, at ito ay walang kinalaman sa Kautusan. Pinatunayan ito mismo ng Kautusan at ng Mga Propeta. 22 Ang (Q) pagiging matuwid mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Ito ay para sa lahat ng mga sumasampalataya yamang sa lahat ay walang pagkakaiba. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Subalit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, sila ngayon ay itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagpapalaya na ginawa ni Cristo Jesus. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog na makapapayapa sa kanyang galit dahil sa kasalanan ng sanlibutan, upang sa pamamagitan ng pananampalataya sa bisa ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sasampalataya sa kanya. Ginawa niya ito upang ipakita ang kanyang katarungan. Dahil sa kanyang banal na pagtitiis, pinalampas niya ang mga kasalanang ginawa noon ng tao. 26 Ginawa niya ito upang patunayan sa kasalukuyang panahon ang kanyang katarungan, na siya'y matuwid at siya ang nagtuturing na matuwid sa may pananampalataya kay Jesus.[d]

27 May lugar ba ngayon ang pagmamalaki? Wala! Sa anong batayan? Sa pagsunod ba sa Kautusan? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya. 28 Sapagkat pinanghahawakan natin na ang tao ay itinuturing na matuwid dahil sa pananampalataya at walang kinalaman dito ang mga gawang batay sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat (R) iisa lamang ang Diyos. Siya ang magtuturing na matuwid sa mga tuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ituturing din niya na matuwid ang mga hindi tuli sa pamamagitan din ng pananampalataya. 31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalataya? Huwag nawang mangyari! Sa halip ay itinataguyod pa nga namin ang Kautusan.

Ang Halimbawa ni Abraham

Ano naman ang ating masasabi tungkol sa natuklasan ni Abraham na ating ninuno sa laman? Kung itinuring siyang matuwid dahil sa mga gawa, mayroon siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa harapan ng Diyos. Ano ba (S) ang sinasabi ng Kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at ito ang pinagbatayan ng kanyang pagiging matuwid.” Sa taong nagtatrabaho, ang kanyang tinatanggap ay hindi itinuturing na kaloob kundi sahod. Sa kanya namang walang kalakip na gawa ngunit sumasampalataya sa Diyos at nagtuturing na matuwid sa masama, ang kanyang pananampalataya ang batayan ng kanyang pagiging matuwid. Ganoon din ang sinasabi ni David, na pinagpala ng Diyos ang taong itinuturing na matuwid hindi batay sa anumang gawa:

“Pinagpala (T) ang mga taong pinatawad ang mga pagsuway,
    at silang pinawi na ang mga kasalanan.
Pinagpala ang taong hindi na kailanman sisingilin ng Panginoon sa kanyang kasalanan.”

Ang pagpapala bang ito ay para lamang sa mga tuli, o para din sa mga hindi tuli? Sapagkat sinasabi natin ayon sa kasulatan, “Ang pananampalataya ay pinagbatayan ng pagiging matuwid ni Abraham.” 10 Kailan ito nangyari? Bago o pagkatapos siyang tuliin? Hindi pagkatapos kundi bago siya tinuli. 11 Tinanggap (U) niya ang tanda ng pagtutuli, ang tatak na dahil sa kanyang pananampalataya ay itinuring siyang matuwid sa harapan ng Diyos. Taglay na niya ang pananampalatayang ito bago pa siya tinuli. Sa gayon, siya'y naging ama ng mga sumasampalataya, bagama't hindi mga tuli, ay itinuring na matuwid. 12 Siya rin ang ama ng mga tuli, hindi lamang dahil sila ay tuli, kundi dahil sila ay sumunod din sa mga hakbang ng pananampalataya ng ating amang si Abraham noong hindi pa siya tuli.

Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Sapagkat (V) ang pangako kay Abraham at sa kanyang mga supling na mamanahin nila ang sanlibutan ay dumating hindi dahil sa pamamagitan ng Kautusan, kundi ng pagiging matuwid mula sa pananampalataya. 14 Sapagkat (W) kung silang nasa ilalim ng Kautusan ang magiging mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at wala na ring saysay ang pangako. 15 Sapagkat ang Kautusan ay may dalang poot sa mga lumalabag, at kung walang Kautusan, wala ring paglabag. 16 Ang pangako, (X) kung gayon, ay batay sa pananampalataya, upang ito'y maging isang kaloob na makakamit ng buong lahi ni Abraham, hindi lamang ng mga nasa ilalim ng Kautusan, kundi pati naman ng mga nanampalataya tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Tulad (Y) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Tinanggap niya ang pangako sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay, at lumilikha ng mga bagay na dati ay wala. 18 Sa kabila (Z) ng kawalan ng pag-asa, umasa si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa sapagkat sinabi sa kanya, “Magiging gayon karami ang iyong lahi.” 19 Hindi (AA) nanghina ang kanyang pananampalataya, sa kabila ng katotohanang maituturing na patay na noon ang kanyang katawan, palibhasa'y halos isandaang taon na siya, at baog pa ang kanyang asawang si Sarah. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang pinatatag ng kanyang pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos. 21 Lubos na nagtiwala si Abraham na kayang tuparin ng Diyos ang kanyang ipinangako. 22 Sa pagtitiwalang ito ibinatay ng Diyos ang pagiging matuwid ni Abraham.[e] 23 Ang salitang “ibinatay ang kanyang pagiging matuwid” ay isinulat hindi lamang para sa kanya, 24 kundi para rin sa atin. Ituturing tayong matuwid ng Diyos, tayong sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. 25 Ibinigay (AB) siya upang mamatay dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ituring na matuwid.

Mga Bunga ng Pagiging Matuwid

Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[f] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Bihira ang taong mag-aalay ng buhay alang-alang sa isang taong matuwid, bagama't maaaring may mangahas mamatay dahil sa isang mabuting tao. Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo na tayong maliligtas sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung noon ngang kaaway tayo ng Diyos ay ipinagkasundo tayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo na ngayong ipinagkasundo na tayo sa Diyos! Tiyak na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. 11 At hindi lamang iyan! Nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya'y nakamtan natin ang pakikipagkasundo sa Diyos.

12 Sa (AC) pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito'y naranasan ng lahat ng tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa dumating ang Kautusan, ngunit hindi itinuturing na kasalanan ang kasalanan kung walang Kautusan. 14 Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala gaya ng paglabag ni Adan, na siyang larawan ng isang paparating.

15 Subalit ang biyaya ng Diyos ay hindi gaya ng pagsuway. Dumating nga ang kamatayan sa marami dahil sa pagsuway ng isang tao; subalit sa pamamagitan din ng isang tao—si Jesu-Cristo—dumating at sumagana sa marami ang handog ng kagandahang-loob ng Diyos! 16 Hindi katulad ng bunga ng pagkakasala ng isang tao ang bunga ng biyaya ng Diyos. Nagbunga ng hatol na parusa ang pagkakasala ng isa, subalit ang biyaya ay nagdulot ng pagiging matuwid ng tao sa kabila ng maraming pagsuway. 17 Sapagkat kung naghari ang kamatayan dahil sa pagsuway ng isang tao, lalong higit ang nakamtan ng mga taong kinahabagan nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos! Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang tao, si Jesu-Cristo. 18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagbunga ng parusa para sa lahat, sa gayon ding paraan, ang pagiging matuwid ng isang tao ay nagbunga ng pagiging matuwid at buhay para sa lahat. 19 Sapagkat kung marami ang naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, sa pamamagitan din ng pagsunod ng isang tao maraming ituturing na matuwid. 20 Ang pagdating ng Kautusan ay nagbunga ng maraming pagsuway. Ngunit habang dumarami ang kasalanan ay lalong sumasagana ang kagandahang-loob ng Diyos. 21 Kaya nga, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin namang ang kagandahang-loob ng Diyos ay maghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid. Magbubunga ito ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo

Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumagana? Huwag nawang mangyari! Paanong mangyayari na tayong namatay na sa kasalanan ay mabubuhay pa sa kasalanan? Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan? Kung gayon, (AD) sa pamamagitan ng bautismo ay namatay na tayo at inilibing na kasama niya upang kung paanong si Cristo ay muling binuhay sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo naman ay lumakad sa panibagong buhay. Sapagkat kung nakiisa tayo kay Cristo sa kamatayan tulad ng sa kanya, tiyak na tayo ay makakasama niya sa muling pagkabuhay na tulad ng sa kanya. Dapat nating malaman ito: na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya sa krus, upang ang makasalanang pagkatao ay mamatay, at nang hindi na tayo pagharian pa ng kasalanan. Sapagkat ang sinumang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan. At kung tayo'y namatay kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na mamamatay; hindi na siya paghaharian pa ng kamatayan. 10 Nang siya'y namatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ito'y para sa lahat ng panahon. Ngunit nabubuhay siya ngayon at ang buhay niya ay para sa Diyos. 11 Gayundin naman kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan, subalit nabubuhay dahil sa inyong kaugnayan kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang huwag na ninyong sundin ang mga hilig nito. 13 Huwag na rin ninyong ialay sa kasalanan ang anumang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos, bilang namatay na at muling binuhay, at ialay sa kanya ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid. 14 Hindi na kayo dapat pang pagharian ng kasalanan, yamang wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano ngayon? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala dahil hindi na tayo sakop ng Kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na kaninuman ninyo ialay ang inyong sarili bilang alipin, kayo'y alipin ng inyong sinusunod, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o pagsunod na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating alipin ng kasalanan ay buong-pusong sumunod sa aral na doo'y ipinagkatiwala kayo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayon ay mga alipin na kayo sa pagiging matuwid. 19 Nagsasalita ako ayon sa pananaw ng tao dahil sa kahinaan ng inyong pagkatao. Kung paanong inialay ninyo bilang alipin ang mga bahagi ng inyong pagkatao sa karumihan at sa kasamaang nagdudulot pa ng lalong kasamaan, ngayon naman ay ialay ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng pagiging matuwid na humahantong sa kabanalan. 20 Sapagkat nang alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo sakop ng pagiging matuwid. 21 Ano naman ang naging bunga ng mga bagay na iyon na nasa inyo noon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang kinahinatnan ng mga iyon! 22 Subalit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang bunga nito'y kabanalan, at ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang walang-bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Paglalarawan mula sa Pag-aasawa

Hindi ba ninyo alam, mga kapatid—sinasabi ko ito sa inyong nakauunawa ng Kautusan—na ang Kautusan ay may kapangyarihan lamang sa isang tao habang siya ay nabubuhay? Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang asawang babae ay nakatali sa kanyang asawang lalaki habang ito ay nabubuhay. Kung mamatay na ang lalaki, napalaya na ang babae sa Kautusang nagtatali sa kanya sa lalaki. Kaya nga, kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buháy pa ang kanyang asawa, ituturing siyang isang mangangalunya. Ngunit kung mamatay ang kanyang asawa, malaya na siya sa Kautusan, at hindi mangangalunya kahit mag-asawa ng ibang lalaki. Gayundin naman, mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, upang kayo'y maging pag-aari ng iba, sa kanya na muling binuhay, mula sa kamatayan upang tayo'y magbunga para sa Diyos. Noong tayo'y nabubuhay pa sa laman, ang mga makasalanang pagnanasa, sa pamamagitan ng Kautusan, ay nag-uudyok sa ating mga bahagi upang magbunga tungo sa kamatayan. Ngunit ngayon ay pinalaya na tayo mula sa Kautusan, matapos tayong mamatay sa dating umaalipin sa atin, upang maging alipin tayo sa bagong buhay sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi sa pamamagitan ng lumang nakasulat na tuntunin.

Ang Pagkaalipin sa Kasalanan

Ano ngayon ang (AE) ibig nating sabihin? Kasalanan ba ang Kautusan? Huwag nawang mangyari! Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan. Hindi ko sana nakilala ang kasakiman kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag kang maging sakim.” Sinamantala ng kasalanan ang pagkakataon upang sa pamamagitan ng Kautusan ay gumawa sa aking kalooban ng lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, patay ang kasalanan. Noong una, nabubuhay akong hiwalay sa Kautusan. Ngunit nang dumating ang utos, muling nabuhay ang kasalanan, 10 at ako'y namatay. Ang Kautusan na dapat sanang magbigay sa akin ng buhay ang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat (AF) sinamantala ng kasalanan ang pagkakataong nakita nito sa Kautusan upang ako ay dayain, at sa pamamagitan ng Kautusan ay pinatay ako. 12 Kaya ang Kautusan ay banal at ang tuntunin ay banal, matuwid, at mabuti.

13 Nangangahulugan bang ang mabuting bagay ang nagdulot sa akin ng kamatayan? Huwag nawang mangyari! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting Kautusan. Nangyari ito upang ipakita ang kasalanan bilang kasalanan, at upang sa pamamagitan ng Kautusan ay mapatunayan na ang kasalanan ay napakasama.

14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, at aliping ipinagbili sa kasalanan. 15 Hindi (AG) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat kung ano ang nais kong gawin ay hindi ko ginagawa, at kung ano ang kinamumuhian kong gawin ay siya namang aking ginagawa. 16 At kung ginagawa ko ang hindi ko nais, sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang anumang mabuting naninirahan sa aking likas na pagkatao. Sapagkat ang pagnanais na gumawa ng mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito maisagawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuti na nais kong gawin, kundi ang masama na ayaw kong gawin ang aking ginagawa. 20 At kung ang ayaw kong gawin ang aking ginagawa, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 21 Kaya nga natuklasan ko ang isang tuntunin: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit sa akin. 22 Sa kaloob-looban ng aking pagkatao ay nasisiyahan ako sa Kautusan ng Diyos. 23 Subalit may nakikita akong ibang kautusan sa mga bahagi ng aking pagkatao na nakikipaglaban sa kautusan ng aking pag-iisip, at binibihag ako sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking pagkatao. 24 Napakalungkot kong tao! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya nga, sa aking isip ako ay alipin sa Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking laman ako'y alipin sa kautusan ng kasalanan.

Pamumuhay ayon sa Espiritu

Ngayon nga'y wala nang hatol na parusa sa mga nakipag-isa kay Cristo Jesus.[g] Sapagkat pinalaya na tayo[h] ng Kautusan ng Espiritu na nagbibigay-buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. Ang hindi magawa ng Kautusan, na pinahihina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang pagkatao upang hatulan niya ang kasalanan. Sa gayon, sa kanya iginawad ang hatol sa kasalanan. Ginawa ito ng Diyos upang ang makatarungang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin, na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa laman. Ang mga namumuhay ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa masasamang hilig nito. Subalit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nakatuon sa mga nais ng Espiritu. Ang pag-iisip ng laman ay naghahatid sa kamatayan, subalit ang pag-iisip ng Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Ang pag-iisip ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa Kautusan ng Diyos, at talaga namang hindi niya ito magagawa. At ang mga namumuhay ayon sa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu, kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit sinumang walang Espiritu ni Cristo ay hindi kay Cristo. 10 Ngunit kung nasa inyo si Cristo, ang katawan ninyo ay patay dahil sa kasalanan, ngunit ang Espiritu ay buháy dahil sa katuwiran. 11 Kung (AH) naninirahan sa inyo ang Espiritu niya na muling bumuhay kay Jesus mula sa kamatayan, siya na muling bumuhay kay Cristo Jesus mula sa kamatayan[i] ay magbibigay rin ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo. 12 Kaya nga, mga kapatid, may pananagutan tayo, ngunit hindi sa laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman, subalit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay. 14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat (AI) (AJ) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muli kayong matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkupkop, bilang mga anak na sa pamamagitan nito'y tumawag tayo, “Abba! Ama!” 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At dahil tayo'y mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo, kung tunay ngang tayo'y nagtitiis kasama niya, nang sa gayon, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin

18 Ipinalalagay kong hindi kayang ihambing ang pagtitiis sa kasalukuyang panahon sa kaluwalhatiang ihahayag sa atin. 19 Masidhi ang pananabik ng sangnilikha sa inaasahang paghahayag ng Diyos sa kanyang mga anak. 20 Sapagkat (AK) ang sangnilikha ay nasakop ng kabiguan, hindi dahil sa kanyang kagustuhan, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa 21 na ang sangnilikha ay mapalalaya mula sa pagkaalipin sa pagkabulok at tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayon, ang buong sangnilikha ay dumaraing at naghihirap sa tindi ng kirot tulad ng babaing nanganganak. 23 At (AL) hindi lamang ang sangnilikha, kundi pati tayo na mga tumanggap ng mga unang bunga ng Espiritu. Naghihirap din ang ating mga kalooban at dumaraing habang hinihintay ang ganap na pagkupkop sa atin bilang mga anak, ang paglaya ng ating katawan. 24 Iniligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi na matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sinong tao ang aasa pa sa bagay na nakikita na? 25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi pa natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong pagtitiyaga.

26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, ngunit ang Espiritu mismo ang dumaraing[j] sa paraang hindi kayang bigkasin sa salita. 27 At ang Diyos na nakasisiyasat ng ating mga puso ang nakaaalam sa kaisipan ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos. 28 At alam nating ang Diyos ay gumagawa ng lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, sa kanilang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat ang mga kinilala niya noong una pa man ay itinalaga rin niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 At ang mga itinalaga niya ay kanya ring tinawag, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid; at ang mga itinuring niyang matuwid ay niluwalhati rin niya.

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano ngayon ang ating sasabihin tungkol sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang makalalaban sa atin? 32 Kung hindi niya ipinagkait ang sariling Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat, hindi kaya kasama rin niyang ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ngayon ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos? Ang Diyos ang nagtuturing na matuwid. 34 Sino ang hahatol upang ang tao'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay ngunit muling binuhay, na ngayon ay nasa kanan ng Diyos at siya ring namamagitan para sa atin? 35 Mayroon bang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, kapighatian, pag-uusig, taggutom, kahubaran, panganib, o ang tabak? 36 Gaya (AM) ng nasusulat,

“Dahil sa iyo'y maghapon kaming nabibingit sa kamatayan;
    itinuring kaming mga tupa sa katayan.”

37 Subalit sa lahat ng mga ito tayo'y lubos na nagtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat lubos akong naniniwala na kahit kamatayan o buhay, mga anghel, mga pamunuan, mga bagay na kasalukuyan, mga bagay na darating, maging mga kapangyarihan, 39 kataasan, o kalaliman, o kahit anumang bagay na nilikha ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel

Yamang ako'y kay Cristo, katotohanan ang sinasabi ko; sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagpapatotoo ang aking budhi at hindi ako nagsisinungaling. Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa aking mga kababayan at kalahi. Nanaisin ko pang ako'y sumpain at mahiwalay kay Cristo alang-alang sa kanila. Sila'y (AN) mga Israelita, sila'y kinupkop bilang mga anak. Ipinakita sa kanila ang kaluwalhatian ng Diyos; ibinigay sa kanila ang pakikipagtipan at ang Kautusan, ang tungkol sa pagsamba, at ang mga pangako. Sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Cristo ayon sa laman, Diyos na Kataas-taasan at Maluwalhati magpakailanpaman. Amen.[k]

Hindi nangangahulugang nawalan ng saysay ang salita ng Diyos. Sapagkat hindi naman lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel. At (AO) hindi rin lahat ng nagmula kay Abraham ay mga anak ni Abraham, sa halip—nasusulat, “Sa pamamagitan ni Isaac, ang iyong mga anak ay kikilalanin.” Ang ibig sabihin nito, hindi lahat ng anak ayon sa laman ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyong mga ipinanganak ayon sa pangako ng Diyos. Sapagkat (AP) ganito ang isinasaad ng pangako, “Sa ganito ring panahon ay babalik ako at magkakaanak si Sarah ng isang lalaki.” 10 At hindi lamang iyon, si Rebecca rin nang siya'y nagdalang-tao sa pamamagitan ng isang lalaki, si Isaac, na ating ninuno, 11 bagaman ang mga bata ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakagagawa ng anumang mabuti o masama, ipinakita ng Diyos ang kanyang pagpili. 12 At ito'y (AQ) hindi batay sa mga gawa, kundi ayon sa layunin ng tumatawag. Sinabihan si Rebecca ng ganito, “Ang mas matanda ay maglilingkod sa mas bata.” 13 Gaya (AR) ng nasusulat,

“Si Jacob ay aking minahal,
    ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”

14 Ano ngayon ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay hindi makatarungan? Huwag nawang mangyari! 15 Sapagkat (AS) ganito ang sinabi niya kay Moises,

“Maaawa ako sa nais kong kaawaan,
    at kahahabagan ko ang nais kong kahabagan.”

16 Samakatuwid ang pagpili ay hindi ayon sa kagustuhan o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa awa ng Diyos. 17 Sapagkat (AT) sinasabi ng Kasulatan kay Faraon, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo ay maipakita ko ang aking kapangyarihan, at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya kinaawaan ng Diyos ang nais niyang kaawaan, at pinatitigas ang puso ng sinumang nais niyang pagmatigasin.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Maaaring sabihin ninyo sa akin, “Kung gayo'y bakit sinisisi pa tayo ng Diyos? Sino ba ang maaaring sumalungat sa kanyang kagustuhan?” 20 Ngunit, (AU) sino ka ba, O tao, na sasagot nang laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?” 21 Wala bang karapatan ang magpapalayok na bumuo mula sa isang tumpok ng putik ng isang sisidlan para sa mahalagang gamit at ng isa pang sisidlan para sa pangkaraniwang gamit? 22 Kung nais ipakita ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin ba niyang pagtitiisan ang mga sisidlan ng poot na inihanda para sa pagkawasak? 23 Hindi ba't ginawa niya ito upang ipakilala ang yaman ng kanyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na noong una pa ay inihanda na niya para sa kaluwalhatian? 24 Hindi ba kabilang tayo sa kanyang mga tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil? 25 Gaya (AV) ng sinasabi niya sa aklat ni Hosea,

“Tatawagin kong ‘Bayan ko’ ang dating hindi ko bayan;
    at ‘Minamahal’ ang dating hindi ko mahal.”
26 “At (AW) sa mismong lugar kung saan sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’ ”

27 Ito (AX) naman ang isinisigaw ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, ang kaunting nalabi lamang sa kanila ang maliligtas. 28 Sapagkat mabilis at tiyak na igagawad ng Panginoon ang kanyang hatol sa daigdig.” 29 Gaya ng sinabi (AY) ni Isaias noong una,

“Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng mga anak,[l]
    tayo sana'y naging tulad ng Sodoma,
    at naging gaya ng Gomorra.”

Ang Israel at ang Ebanghelyo

30 Ano ngayon ang sasabihin natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid ay naging matuwid, at ito'y mula sa pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel na nagsikap maging matuwid batay sa Kautusan ay nabigo. 32 Bakit? Sapagkat sinikap nilang maging matuwid batay sa mga gawa, at hindi batay sa pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 gaya ng nasusulat,

“Tingnan ninyo, (AZ) maglalagay ako sa Zion ng isang katitisurang bato,
    isang malaking batong ikabubuwal ng mga tao,
ngunit ang sinumang sa kanya'y magtitiwala,
    kailanman ay hindi mapapahiya.”

Footnotes

  1. Roma 1:17 Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
  2. Roma 1:26 Ayaw...kapwa babae, sa Griyego,, ipinagpalit ang likas na pakikipagtalik sa di-likas.
  3. Roma 3:20 Sa Griyego, laman.
  4. Roma 3:26 o pananampalataya ni Jesus.
  5. Roma 4:22 Sa Griyego, ito.
  6. Roma 5:2 Sa ibang manuskrito wala ang sa pamamagitan ng pananampalataya.
  7. Roma 8:1 Sa ibang manuskrito may karugtong, na lumalakad di-ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.
  8. Roma 8:2 Sa ibang manuskrito ako at sa iba'y ikaw.
  9. Roma 8:11 Sa ibang manuskrito Cristo Jesus.
  10. Roma 8:26 Sa ibang manuskrito mayroong para sa atin.
  11. Roma 9:5 O kaya'y Purihin ang Kataas-taasang Diyos na naghahari sa lahat magpakailanman. Amen.
  12. Roma 9:29 Sa Griyego, binhi.