Add parallel Print Page Options

Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay

14 “Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi ito totoo, bakit ko pa sasabihin sa inyo na aalis ako upang ipaghanda kayo ng lugar? At kung aalis ako at ipaghahanda kayo ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako, naroon din kayo. At nalalaman ninyo ang daan tungo sa pupuntahan ko.” Sinabi ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta. Paano po namin malalaman ang daan?” (A)Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makararating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko. Mula ngayon, siya'y kilala na ninyo at siya'y nakita na ninyo.” Sinabi ni Felipe, “Panginoon, ipakita ninyo sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Matagal na tayong magkasama Felipe, at hindi mo pa rin ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Bakit mo sinasabing, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ba kayo naniniwalang ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi galing sa akin; ang Amang nananahan sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawain. 11 Maniwala kayo sa akin na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin; ngunit kung hindi, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. 12 Tinitiyak ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay makagagawa rin ng mga bagay na ginagawa ko, at higit pa sa mga ito ang magagawa niya sapagkat ako'y pupunta sa Ama. 13 Gagawin ko anumang hilingin ninyo sa aking pangalan, upang ang Ama ay maluwalhati sa pamamagitan ng Anak. 14 Anuman ang hilingin ninyo sa aking pangalan, ako ang gagawa nito.

15 (B)“Kung minamahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga utos. 16 At hihiling ako sa Ama, at bibigyan niya kayo ng isa pang Kaagapay na makakasama ninyo magpakailanman. 17 Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala. Kilala ninyo siya, dahil nananatili siya sa inyo, at siya ay sasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwang parang mga ulila. Darating ako sa inyo. 19 Sandaling panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako. Dahil ako ay buháy, kayo rin ay mabubuhay. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. 21 (C)Ang nagtataglay ng mga utos ko at tumutupad sa mga ito ay siyang nagmamahal sa akin. At siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama. Mamahalin ko siya at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Si Judas, hindi si Iscariote, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, bakit po ninyo ihahayag ang inyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?” 23 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sinumang nagmamahal sa akin ay tutupad sa aking salita, at mamahalin siya ng aking Ama. Darating kami sa kanya at maninirahan kaming kasama niya. 24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita, at ang salitang naririnig ninyo ay hindi sa akin, kundi mula sa Ama na nagsugo sa akin.

25 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo habang kasama pa ninyo ako. 26 Subalit ang Kaagapay, ang Banal na Espiritu na isusugo ng Ama sa pangalan ko ay magtuturo sa inyo ng lahat, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng sinabi ko sa inyo. 27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi tulad ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban o kaya'y matakot. 28 Narinig ninyo na sinabi ko sa inyo, ‘Aalis ako, at darating ako sa inyo.’ Kung minamahal ninyo ako, magagalak kayo na pupunta ako sa Ama, sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin. 29 At ngayon, sinabi ko na ito sa inyo, bago pa ito mangyari, upang kapag nangyari na ito, ay maniwala kayo. 30 Kaunti na lang ang masasabi ko sa inyo, dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutan. Ngunit wala siyang karapatan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama, ginagawa ko kung ano ang iniutos niya sa akin. Tumayo na kayo. Umalis na tayo.

Ang Tunay na Puno ng Ubas

15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga nito. Tinatanggal niya sa akin ang bawat sangang hindi namumunga. Bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pa itong mamunga. Malilinis na kayo dahil sa salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at ako'y mananatili sa inyo. Hindi makapamumungang mag-isa ang sanga malibang manatili ito sa puno, gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay namumunga nang sagana, sapagkat hindi kayo makagagawa ng anuman kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang sinumang hindi nananatili sa akin ay itinatapon tulad ng sanga. Ito'y natutuyo, at ang gayong mga sanga ay tinitipon at inihahagis sa apoy, at sinusunog. Kung nananatili kayo sa akin, at ang mga salita ko'y nananatili sa inyo, hilingin ninyo anumang ibig ninyo, at ito'y ipagkakaloob sa inyo. Kayo'y mamunga nang sagana at maging mga alagad ko, sa ganitong paraan ay napaparangalan ang aking Ama. Kung paanong minahal ako ng Ama, minamahal ko rin kayo; manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang mga utos ko, mananatili kayo sa pag-ibig ko, kung paanong tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. 11 Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang mapasainyo ang aking kagalakan, at ang kagalakan ninyo ay maging lubos. 12 (D)Ito ang aking utos: kayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang hihigit pa sa pag-ibig ng taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung sumusunod kayo sa ipinag-uutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip itinuturing ko kayong mga kaibigan, sapagkat lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin sa halip ako ang pumili sa inyo. Isinugo ko kayo upang humayo at mamunga ng mga bungang nananatili sa inyo. Sa gayon, anumang hilingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ipagkakaloob sa inyo. 17 Ito ang ipinag-uutos ko sa inyo: mahalin ninyo ang isa't isa. 18 Kung kinapopootan kayo ng sanlibutan, dapat ninyong malaman na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo ay kabilang sa sanlibutan, mamahalin kayo ng sanlibutan bilang kabahagi nito. Dahil hindi kayo kabilang sa sanlibutan, sa halip ay pinili ko kayo mula sa sanlibutan, kaya kinapopootan kayo nito. 20 (E)Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang aliping mas dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako ay pinahirapan nila, pahihirapan din nila kayo. Kung sinunod nila ang salita ko, susunod din sila sa salita ninyo. 21 Subalit gagawin nila ang lahat ng ito sa inyo dahil sa taglay ninyo ang pangalan ko, at hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi mahahayag na sila'y nagkasala, ngunit ngayon, wala na silang maidadahilan para sa kanilang pagkakasala. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa Ama. 24 Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawang wala pang sinumang nakagawa, hindi mahahayag na sila'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nakita na nila ang mga gawa ko, gayunma'y kinapopootan nila ako at ang aking Ama. 25 (F)Ito ay katuparan ng salita na nakasulat sa kanilang kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’ 26 Pagdating ng Kaagapay na aking isusugo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na darating mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At maging kayo ay magpapatotoo sapagkat kayo ay kasama ko mula pa sa simula.

16 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananampalataya. Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. At dumarating na nga ang oras na ang mga papatay sa inyo ay mag-iisip na ginagawa nila ito bilang paglilingkod sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako man. Subalit sinabi ko ang mga ito sa inyo upang pagdating ng oras ay maalala ninyo ang sinabi ko tungkol sa kanila.

Ang Gawain ng Banal na Espiritu

“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga ito noon, sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngayon, pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin, gayunma'y wala sa inyong nagtatanong kung saan ako pupunta? Subalit dahil sinabi ko na sa inyo ang mga ito, napuno na ng kalungkutan ang inyong mga puso. Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, para sa inyong kapakanan na ako’y aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, hindi darating sa inyo ang Kaagapay. At kung ako’y aalis, isusugo ko siya sa inyo. Sa kanyang pagdating, ilalantad niya ang kamalian ng sanlibutan tungkol sa kasalanan at sa katarungan at sa paghatol: tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila sumasampalataya sa akin; 10 tungkol sa katarungan, dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11 tungkol sa paghatol, dahil ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na.

12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo, subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin ngayon. 13 Kapag dumating siya, ang Espiritu ng katotohanan, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan; sapagkat hindi mula sa sarili ang kanyang sasabihin, kundi kung ano ang naririnig niya at ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, sapagkat tatanggapin niya kung ano ang mula sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Lahat ng sa Ama ay sa akin. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko na tatanggapin niya ang mula sa akin at sa inyo'y ipapahayag.

Kagalakan Pagkatapos ng Paghihirap

16 “Sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita.” 17 Kaya ilan sa mga alagad ang nagsabi sa isa’t isa, “Ano kaya'ng ibig sabihin ng sinabi niya sa atin na sandali na lang at hindi na natin siya makikita, at sandali pa, muli natin siyang makikita, at sinabi rin niyang pupunta siya sa Ama?” 18 Sinabi nila, “Anong ibig niyang sabihin sa ‘sandali na lang’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.” 19 Alam ni Jesus na ibig nila siyang tanungin, kaya sinabi niya sa kanila, “Pinag-uusapan ba ninyo kung ano ang ibig kong sabihin na sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita? 20 Tinitiyak ko sa inyo na kayo’y iiyak at tatangis, ngunit ang sanlibutan ay magagalak; maghihirap kayo, subalit ang paghihirap ninyo ay magiging kagalakan. 21 Kapag manganganak ang babae, siya’y naghihirap, sapagkat dumating na ang takdang oras. Ngunit pagkatapos niyang manganak, nalilimutan na niya ang hirap dahil sa kagalakan, na isinilang ang isang sanggol sa sanlibutan. 22 Kaya, kayo'y naghihirap ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa kagalakan ang inyong mga puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan. 23 Sa araw na iyon, hindi na kayo hihingi pa sa akin ng anuman. Tinitiyak ko sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman sa aking pangalan, ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon hindi pa kayo humihingi ng anuman sa aking pangalan. Humingi kayo at kayo'y tatanggap upang ang inyong kagalakan ay maging ganap.

Madadaig ang Sanlibutan

25 “Sinabi ko ang lahat ng mga ito sa inyo nang patalinghaga. Darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi malinaw kong ipapahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa aking pangalan. Hindi ko sinasabi na hihingi ako sa Ama para sa inyo, 27 ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, sapagkat minahal ninyo ako at naniwala kayo na ako’y mula sa Diyos. 28 Ako’y galing sa Ama at dumating sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.” 29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon, tuwiran na po kayong nagsasalita, hindi na patalinghaga. 30 Ngayo'y alam na namin na alam ninyo ang lahat ng bagay. Hindi na kailangang magtanong ang sinuman sa inyo. Dahil dito, naniniwala kaming kayo'y nagmula sa Diyos.” 31 Sumagot si Jesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon? 32 Dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na kayo’y magkakawatak-watak at magkakanya-kanya, at iiwan ninyo akong nag-iisa. Subalit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan, haharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, nadaig ko na ang sanlibutan.”

Panalangin ni Jesus para sa mga Alagad

17 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, kung paanong binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. (G)At ito ang buhay na walang hanggan, ang makilala ka nila na tanging tunay na Diyos at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Niluwalhati kita sa lupa sa pagtupad ko sa gawaing ibinigay mo sa akin. Kaya ngayon, Ama, sa iyong harapan ay luwalhatiin mo ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong ako'y kasama mo bago pa man nagkaroon ng sanlibutan. Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. Ngayon, alam na nilang ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa iyo; sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga ito. Nalaman nilang totoo nga na ako'y mula sa iyo, at naniwala silang ako'y isinugo mo. Nakikiusap ako para sa kanila. Hindi ako nakikiusap para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang sa iyo ay sa akin; at ako ay naluluwalhati sa pamamagitan nila. 11 Wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan, at ako ay papunta na sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 12 (H)Habang ako ay kasama pa nila, iningatan ko sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin. Binantayan ko sila, at wala akong naiwala ni isa man sa kanila maliban sa isa na anak ng kapahamakan, upang ang Kasulatan ay matupad. 13 Ngayon, pupunta na ako sa iyo, at sinasabi ko ang mga ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang makamtan nila ang aking lubos na kagalakan. 14 Ibinigay ko pa sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan sapagkat sila ay hindi tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa Masama. 16 Hindi sila tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila ay inilalaan ko ang aking sarili sa iyo upang sila'y mailaan din sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.

20 “Nakikiusap ako hindi lamang para sa mga taong ito, kundi para rin sa mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, 21 upang silang lahat ay maging isa, tulad mo, Ama, na nasa akin at ako'y nasa iyo, na sila rin ay mapasaatin, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako'y isinugo mo. 22 Ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa, at malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at minahal mo sila kung paanong minahal mo ako.

24 “Ama, hinahangad kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa man maitatag ang sanlibutan. 25 Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at alam ng mga taong ito na isinugo mo ako. 26 Ipinakilala ko ang pangalan mo sa kanila, at ipapakilala ko pa, upang ang pagmamahal na iniukol mo sa akin ay mapasakanila, at ako rin ay mapasakanila.”

Pagkakanulo at Pagdakip kay Jesus

18 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, lumabas siya kasama ang kanyang mga alagad patawid sa Libis ng Kidron sa lugar na may halamanan. Pumasok siya roon at ang kanyang mga alagad. Alam ni Judas, na nagkanulo sa kanya, ang lugar sapagkat madalas makipagkita roon si Jesus sa kanyang mga alagad. Kaya nagsama si Judas ng isang pangkat ng mga kawal at ng mga lingkod mula sa mga punong pari at mula sa mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga ilawan, mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya lumabas siya at nagtanong sa kanila, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus ng Nazareth,” sagot nila. Sinabi ni Jesus, “Ako iyon.” Si Judas, na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila. Nang sabihin ni Jesus sa kanila na siya iyon, napaatras sila at bumagsak sa lupa. Muli siyang nagtanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus ng Nazareth,” sagot muli nila. Tumugon si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.” Naganap ito upang matupad ang salita na kanyang sinabi: “Wala akong naiwala ni isa man sa mga ibinigay mo sa akin.” 10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Malco ang pangalan ng alipin. 11 (I)Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito. Hindi ba't kailangan kong uminom sa kopa na ibinigay ng Ama sa akin?”

Ang Pagharap ni Jesus sa Kataas-taasang Pari

12 Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang pinuno at ng pinuno ng mga Judio. 13 Dinala muna nila si Jesus kay Anas, na biyenan ni Caifas na Kataas-taasang Pari nang taong iyon. 14 (J)Si Caifas ang nagmungkahi sa mga Judio na mas makabubuting mamatay ang isang tao para sa bayan.

Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(K)

15 Sinundan ni Pedro at ng isa pang alagad si Jesus. Kilala ng Kataas-taasang Pari ang alagad na ito kaya pumasok siyang kasama ni Jesus sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. 16 Subalit si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan ng bakuran. Kaya ang alagad na kilala ng Kataas-taasang Pari ay lumabas at kinausap ang babaing bantay-pinto, at pinapasok nito si Pedro. 17 Sinabi ng babae kay Pedro, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” “Hindi,” sagot ni Pedro. 18 Dahil sa maginaw, nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga kawal, at tumayo sila sa paligid nito upang magpainit. Nakatayo rin doon si Pedro, kasama nilang nagpapainit.

Ang Pagtatanong ng Kataas-taasang Pari kay Jesus(L)

19 Tinanong ng Kataas-taasang Pari si Jesus tungkol sa kanyang mga alagad at tungkol sa kanyang turo. 20 Sumagot si Jesus, “Nagsalita ako nang hayagan sa mundo. Madalas akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ang lahat ng Judio. Wala akong inilihim. 21 Bakit ako ang tinatanong mo? Tanungin mo ang mga nakarinig sa aking mga sinabi. Sila ang nakaaalam kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Pagkasabi niya nito, sinampal siya ng kawal na nakatayong malapit sa kanya. Sinabi nito, “Ganyan ka ba sumagot sa Kataas-taasang Pari?” 23 Sumagot si Jesus. “Kung may nasabi akong masama, patunayan mo. Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” 24 Pagkatapos, nakagapos siyang ipinadala ni Anas kay Caifas na Kataas-taasang Pari.

Ang Muling Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(M)

25 Habang nakatayo si Pedro at nagpapainit, siya'y kanilang tinanong, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Ikinaila niya ito. “Hindi!” sagot ni Pedro. 26 Naroon ang isang lingkod ng Kataas-taasang Pari. Kamag-anak iyon ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga. Nagtanong iyon, “Hindi ba nakita kitang kasama mo siya sa hardin?”. 27 Muling nagkaila si Pedro. At nang oras ding iyon, tumilaok ang isang tandang.

Si Jesus sa Harap ni Pilato(N)

28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa punong-himpilan ni Pilato. Madaling araw noon at hindi sila pumasok sa punong-himpilan upang maiwasang maging marumi ayon sa kautusan at hindi maituring na di karapat-dapat kumain ng kordero ng Paskuwa. 29 Lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Ano'ng paratang ninyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung walang ginagawang masama ang taong ito, hindi na sana namin siya dinala sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang humatol sa kanya ayon sa inyong batas.” Sumagot ang mga Judio, “Hindi kami pinapayagan ng batas na hatulan ng kamatayan ang sinuman.” 32 (O)(Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung paano siya mamamatay.) 33 Kaya pumasok muli si Pilato sa punong-himpilan. Ipinatawag niya si Jesus at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba galing ang tanong na iyan, o may nagsabi lamang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Ang mga kababayan mo mismo at mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung mula sa sanlibutang ito ang kaharian ko, ipaglalaban ako ng mga alagad ko upang hindi ako mapasakamay ng mga pinuno ng mga Judio. Ngunit ang kaharian ko ay hindi mula rito.” 37 Tinanong siya ni Pilato, “Isa kang hari kung gayon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ito nga ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at pumarito sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”

Hatol na Kamatayan kay Jesus

Matapos niyang sabihin ito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang anumang dahilan laban sa kanya. 39 Ngunit mayroon kayong kaugalian na magpalaya ako ng isang tao kapag araw ng Paskuwa. Nais ba ninyong palayain ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 Muli silang sumigaw, “Huwag siya kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang tulisan.

Ang Paglibak ng mga Kawal kay Jesus

19 Pagkatapos ay ipinakuha niya si Jesus at ipinahagupit. Gumawa ng koronang tinik ang mga kawal at inilagay ito sa kanyang ulo, at isinuot sa kanya ang isang balabal na kulay ube. Lumapit sila sa kanya at nagsabing, “Mabuhay ang hari ng mga Judio!” at siya'y kanilang pinagsasampal. Muling lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang anumang dahilan laban sa kanya.” Kaya lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at kulay ubeng balabal. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Masdan ninyo ang taong ito!” Nang makita siya ng mga punong pari at ng mga kawal, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang magpako sa kanya; wala akong nakitang anuman laban sa kanya.” Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Mayroon kaming batas, at ayon sa batas na iyon kailangan siyang mamatay sapagkat inaangkin niyang siya ay Anak ng Diyos.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo siyang natakot. Pumasok muli siya ng punong-himpilan at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mo ba akong kausapin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang palayain ka at ipapako sa krus?” 11 (P)Sumagot si Jesus, “Hindi ako saklaw ng iyong kapangyarihan malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito, mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin sa iyo.” 12 Mula noon, humanap ng paraan si Pilato na palayain siya, ngunit nagsisigaw ang mga Judio, “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kakampi ng Emperador.[a] Sinumang nag-aangking siya'y hari ay kumakalaban sa Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, dinala niya si Jesus sa labas at naupo siya sa upuan ng hukom, sa lugar na tinatawag na Platapormang Bato, na sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Araw noon ng Paghahanda para sa Paskuwa, at magtatanghaling tapat na. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Masdan ninyo ang inyong hari!” 15 Kaya sumigaw sila, “Alisin! Alisin ang taong iyan! Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador.” 16 Kaya ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.

Ang Pagpako kay Jesus sa Krus

Kinuha nga nila si Jesus. 17 Habang pasan ni Jesus ang krus, lumabas siya tungo sa Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgotha. 18 Ipinako nila roon si Jesus, kasama ang dalawa pa, ang isa ay nasa kanan niya, at ang isa ay sa kaliwa. 19 Sumulat si Pilato ng ganitong pahayag at inilagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazareth, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin at Griyego. Maraming Judio ang nakabasa sa pahayag na ito sapagkat malapit sa lungsod ang lugar na pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinabi ng taong ito, “Ako ang Hari ng mga Judio.” ’ ” 22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.” 23 Pagkatapos ipako ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang damit niya at hinati ito sa apat na bahagi, isa para sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang damit-panloob; wala itong tahi at hinabi nang buo mula sa itaas. 24 (Q)Kaya sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin; magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Naganap ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”

Gayon nga ang ginawa ng mga kawal. 25 Samantala, nakatayong malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid nitong si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal na nakatayo sa tabi nito, sinabi niya sa kanyang ina, “Ginang, narito ang iyong anak.” 27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula noon, kinupkop na ng alagad si Maria sa kanyang tahanan.

Ang Pagkamatay ni Jesus

28 (R)Pagkatapos nito, nang malaman ni Jesus na ang lahat ay naganap na, sinabi niya, upang matupad ang Kasulatan, “Nauuhaw ako.” 29 Isang sisidlang puno ng maasim na alak ang naroon. Kaya isinawsaw nila sa maasim na alak ang isang espongha at inilagay ito sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Matapos tanggapin ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na.” Pagkatapos, yumuko siya at isinuko ang kanyang espiritu.

Ang Pagtusok sa Tagiliran ni Jesus

31 Dahil araw noon ng Paghahanda, ayaw ng mga Judio na manatili ang mga bangkay sa krus sa araw ng Sabbath, lalo na't ang Sabbath na iyon ay dakila. Kaya hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Kaya dumating ang mga kawal at binali ang mga binti ng una at ng isa pang lalaki na kasama ni Jesus na ipinako. 33 Subalit nang dumating sila kay Jesus at nakitang siya ay patay na, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Tinusok na lang ng sibat ang kanyang tagiliran ng isang kawal, at kaagad na lumabas ang dugo at tubig. 35 (Siya na nakakita nito ay nagpapatotoo upang kayo ay maniwala. Ang kanyang pagpapatunay ay totoo, at alam niya na totoo ang kanyang sinasabi.) 36 (S)Nangyari ang mga ito upang maganap ang Kasulatan, “Wala ni isa man sa kanyang mga buto ang babaliin.” 37 (T)At muli, sinasabi rin ng isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang tinusok nila ng sibat.”

Ang Paglilibing kay Jesus

38 Pagkatapos ng mga ito, hiniling ni Jose na taga-Arimatea na payagan siyang kunin ang katawan ni Jesus. Siya ay isang lihim na alagad ni Jesus dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Pumayag si Pilato, kaya pumunta si Jose at tinanggal ang katawan ni Jesus sa krus. 39 (U)Dumating din si Nicodemo, na nagpunta noon kay Jesus isang gabi. May dala siyang mga pabango, na pinaghalong mira at mga aloe na may isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang may pabango ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 May halamanan sa lugar na pinagpakuan kay Jesus. Doon ay may isang libingang kailanman ay hindi pa nagagamit. 42 Dahil ang libingan ay di-kalayuan, at noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio, doon nila inilibing si Jesus.

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus

20 Umaga ng unang araw ng sanlinggo, habang madilim pa, nagpunta si Maria Magdalena sa libingan at nakita niyang naalis na ang batong pantakip sa libingan. Kaya't siya'y tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan at hindi namin alam kung saan siya inilagay.” Kaya't umalis si Pedro at ang alagad na iyon at nagpunta sila sa libingan. Kapwa tumakbo ang dalawa, subalit naunahan ng alagad na iyon si Pedro kaya una siyang nakarating sa libingan. Yumuko siya upang sumilip sa loob at nakita niya ang mga telang pangbalot na nakalatag doon, ngunit hindi siya pumasok. Dumating na kasunod niya si Simon Pedro at pumasok ito sa libingan. Nakita ni Pedro na nakalatag doon ang mga telang panlibing, at ang ibinalot sa ulo ni Jesus na hindi nakalagay kasama ng mga telang panlibing, kundi nakabalumbong mag-isa sa isang lugar. Pagkatapos, ang alagad na unang nakarating sa libingan ay pumasok din, at nakita niya, at siya'y naniwala; sapagkat hanggang sa panahong iyon, hindi pa nila nauunawaan ang sinasabi ng Kasulatan, na kailangan munang muling mabuhay si Jesus mula sa kamatayan. 10 Pagkatapos, umuwi na ang mga alagad.

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena

11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan at umiiyak. Habang umiiyak, yumuko siya upang sumilip sa loob ng libingan. 12 Nakakita siya ng dalawang anghel na nakaputi, nakaupo sa pinaglagyan ng katawan ni Jesus, ang isa sa ulunan at ang isa naman ay sa paanan. 13 Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot si Maria, “Kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” 14 Matapos niyang sabihin ito, lumingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, subalit hindi niya alam na ito ay si Jesus. 15 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Napagkamalan niyang hardinero si Jesus at sinabi niya rito, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya, sabihin mo kung saan mo siya inilagay, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” na ang ibig sabihin ay Guro. 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’ ” 18 Umalis si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon!”, at sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.

Nagpakita si Jesus sa mga Alagad(V)

19 Kinagabihan ng araw na iyon, unang araw ng linggo, habang ang mga pinto ng bahay na pinagtitipunan ng mga alagad ay nakasara dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, sinusugo ko rin kayo.” 22 Nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya at kanyang sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 (W)Kung pinatatawad ninyo ang mga kasalanan ninuman, pinatatawad na sila sa mga ito; kung hindi ninyo pinatatawad ang mga kasalanan ninuman, hindi nga pinatatawad ang mga ito.”

24 Ngunit si Tomas na tinatawag na Kambal, isa sa labindalawa, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita na namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at maisuot ang daliri ko sa butas ng mga pako, at ang kamay ko sa kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala.”

26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ng bahay ang mga alagad, at kasama na nila si Tomas. Kahit na nakasara ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Pagkatapos ay sinabi niya kay Tomas, “Isuot mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Iabot mo rito iyong kamay at ipasok mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan, sa halip, maniwala ka.” 28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Mapapalad ang mga hindi nakakita subalit sumasampalataya.”

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang ibang himala na ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad na hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Subalit ang mga ito ay isinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa inyong pagsampalataya, kayo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kanyang pangalan.[b]

Ang Pagpapakita ni Jesus sa Pitong Alagad

21 Pagkatapos ng mga ito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa Lawa ng Tiberias. Sa gayong paraan nagpakita siya. Naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael ng Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad. (X)Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” “Sasamahan ka namin,” sabi nila. Umalis sila at sumakay ng bangka. Subalit nang gabing iyon, wala silang nahuli.

Pagsapit ng bukang-liwayway, tumayo si Jesus sa tabing lawa; ngunit hindi alam ng mga alagad na siya ay si Jesus. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, may nahuli ba kayong isda?” Sumagot sila, “Wala.” (Y)Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan, at makahuhuli kayo.” Kaya ihinagis nga nila ito, at halos hindi na nila mahila ang lambat dahil sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Siya ang Panginoon!” Nang marinig ni Pedro na iyon ay ang Panginoon, nagdamit siya, dahil siya'y hubad, at tumalon siya sa lawa. Ngunit ang ibang mga alagad ay dumating sakay ng bangka, hila-hila ang lambat na punung-puno ng isda, dahil hindi naman sila kalayuan sa lupa, na halos siyamnapung metro ang layo.

Nang makarating sila sa pampang, nakakita sila ng uling na nagbabaga, may isda sa ibabaw nito, at mayroon ding tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo ng isda na bagong huli ninyo.” 11 Kaya pumunta si Simon Pedro sa bangka at hinila papuntang pampang ang lambat na puno ng isda: isandaan at limampu't tatlong lahat. Kahit napakarami ng mga ito, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-agahan.” Sinuman sa kanila ay hindi nagtangkang magtanong kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumakad si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, at ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa kamatayan.

15 Matapos mag-agahan, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa.” 16 Muling nagtanong si Jesus sa ikalawang pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Muling nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil tatlong ulit na siyang tinanong ni Jesus, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo: noong bata ka pa, binibihisan mo ang iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay, at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo nais pumunta.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay sa paraang maluluwalhati niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

Si Jesus at ang Minamahal na Alagad

20 (Z)Lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod sa kanila ang alagad na minamahal ni Jesus. Siya ang nakaupo sa tabi ni Jesus noong hapunan at nagsabing, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa iyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, paano naman siya?” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kaya kumalat ang balita sa kapatiran na ang alagad na ito ay hindi mamamatay. Bagama't hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo?”

24 Ito ang alagad na nagpapatunay sa mga bagay na ito at isinulat niya ang mga ito, at alam natin na tunay ang kanyang patotoo. 25 Marami pang ibang ginawa si Jesus at kung ang lahat ng ito ay isusulat, sa palagay ko'y hindi magkakasya sa mundong ito ang mga aklat na maisusulat.

Footnotes

  1. Juan 19:12 Emperador, Sa Griyego, Cesar.
  2. Juan 20:31 o kaya, sa inyong pagsampalataya sa kanyang pangalan, kayo ay magkaroon ng buhay.