Add parallel Print Page Options

Mula kina (A) Pablo at Timoteo, mga lingkod ni Cristo Jesus, para sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at ang mga tagapaglingkod:[a] Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, lagi akong nananalanging may kagalakan, dahil sa inyong pakikibahagi upang maipalaganap ang ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon. Lubos ang aking pagtitiwala na ang Diyos na nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ang tatapos nito hanggang sa araw ni Cristo Jesus. Tama lamang na ganoon ang isipin ko tungkol sa inyong lahat, dahil kayo'y nasa aking puso.[b] Ang dahilan nito'y kayong lahat ay aking mga katuwang sa biyaya ng Diyos maging sa aking pagkakabilanggo, sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo. Sapagkat saksi ko ang Diyos, kalakip ang pagmamahal ni Cristo Jesus kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat. Idinadalangin ko na lalo pang sumagana ang inyong pag-ibig kalakip ang kaalaman at malalim na pang-unawa; 10 upang matiyak ninyo kung alin ang pinakamahalagang bagay. Sa gayon, kayo'y maging dalisay at sa inyo'y walang maisusumbat pagsapit ng araw ni Cristo, 11 yamang kayo'y napuno ng bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, tungo sa kaluwalhatian at karangalan ng Diyos.

Ang Mithiin ni Pablo

12 Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbigay-daan sa paglaganap ng ebanghelyo, 13 anupa't (B) naging malinaw sa lahat ng mga bantay ng pamahalaang Romano at sa iba pang tao na ang aking pagkabilanggo ay dahil kay Cristo. 14 Kaya karamihan sa mga kapatid sa Panginoon ay nagkaroon ng lakas ng loob na ipahayag nang buong tapang at walang takot ang salita ng Diyos dahil sa aking pagkabilanggo.

15 Totoo nga na ipinangangaral ng iba si Cristo sapagkat sila'y naiinggit at nais lamang makipagpaligsahan, samantalang ang iba naman ay dahil sa mabuting hangarin. 16 Ang mga ito'y nangangaral dahil sa pag-ibig sapagkat alam nila na ako'y itinalaga para ipagtanggol ang ebanghelyo. 17 Ipinangangaral naman ng iba si Cristo dahil sa mga pansariling layunin; wala silang katapatan, at ang hangarin ay lalo pa akong pahirapan sa aking pagkakabilanggo. 18 Ano naman ito sa akin? Ang mahalaga ay naipapahayag si Cristo kahit sa anong paraan, pakunwari man o tunay ang layunin. Dahil dito'y nagagalak ako at ako'y patuloy na magagalak, 19 sapagkat alam kong ang pangyayaring ito ay para sa aking kaligtasan, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Gaya ng aking pinakahihintay at inaasahan, hindi ako mapapahiya sa anumang kadahilanan, kundi sa pagkakaroon ko ng buong katapangan, si Cristo ay dadakilain ngayon, tulad ng dati, sa aking katawan, sa pamamagitan man ng buhay o ng kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Kung ako man ay mabubuhay sa katawan, ito'y mangangahulugan na mas maraming bagay pa ang ibubunga ng aking gawain. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin. 23 Ako'y naiipit sa dalawang ito: Nais ko nang lumisan at makapiling si Cristo, sapagkat ito'y lalong mabuti. 24 Subalit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan para sa inyong kapakanan. 25 At sa paniniwalang ito, alam kong mananatili pa ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong pag-unlad at kagalakan sa pananampalataya. 26 Sa muli kong pagpunta sa inyo ay masagana akong magiging bahagi ng inyong pagmamalaki na nakay Cristo Jesus.

27 Mamuhay lamang kayo sa paraang karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Sa gayon dumating man ako at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang inyong kalagayan, malalaman kong kayo'y matatag na naninindigan sa iisang espiritu, at may isang layunin na sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya ng ebanghelyo, 28 at sa anumang paraan ay hindi kayang takutin ng inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang pagkapahamak, ngunit sa inyo naman ay tanda ng inyong kaligtasan, at ito'y galing sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magdusa rin alang-alang sa kanya, 30 yamang (C) nararanasan ninyo ang pakikipaglaban na nakita ninyong hinarap ko, at ngayo'y nababalitaan ninyong kinakaharap ko pa rin.

Ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Kaya't kung may anumang pampalakas ng loob na nagmumula kay Cristo, kung may anumang pampasiglang dulot ng pag-ibig, kung may anumang pagsasamahang mula sa Espiritu, kung may anumang pagmamalasakit at habag, lubusin ninyo ang aking kagalakan. Magkaisa kayo sa pag-iisip, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa diwa at layunin. Huwag ninyong gawin ang anuman dahil sa pansariling hangarin o dahil sa kayabangan. Sa halip, magpakumbaba kayo at ituring ang iba na mas mahalaga kaysa inyong sarili. Pahalagahan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang kapakanan ng inyong sarili. Taglayin ninyo ang pag-iisip na tulad ng kay Cristo Jesus;

kahit siya'y nasa kalikasan ng Diyos,
    ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
    ang pagiging kapantay ng Diyos,
sa halip ay itinuring niyang walang halaga ang sarili,
    kinuha ang kalikasan ng alipin,
    at naging katulad ng mga tao.
At nang natagpuan sa kaanyuan ng tao,
ibinaba niya ang kanyang sarili,
    at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
    maging kamatayan sa krus.
Kaya naman siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at ginawaran ng pangalang higit na mataas kaysa lahat ng pangalan;
10 upang (D) sa pangalan ni Jesus
    ang bawat tuhod ay lumuhod,
    ang mga nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat bibig
    na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Magsilbing Ilaw sa Sanlibutan

12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang kung ako'y kaharap ninyo, kundi lalo ngayong ako'y wala riyan sa inyo, magpatuloy kayo sa gawain nang may takot at lubos na pag-iingat upang maunawaan ninyo ang kahulugan ng inyong kaligtasan, 13 sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo, upang naisin ninyo at gawin ang kanyang mabuting layunin. 14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang angal at pagtatalo, 15 upang (E) kayo'y maging mga walang kapintasan at dalisay na mga anak ng Diyos. Hindi kayo dapat maparatangan ng anuman sa pamumuhay ninyo sa gitna ng isang salinlahing baluktot at masama. Magningning kayong tulad ng mga tanglaw sa sanlibutan. 16 Patuloy ninyong panghawakan ang salita ng buhay upang sa araw ni Cristo ay maipagmalaki ko na hindi nasayang ang aking pagtakbo at hindi nauwi sa wala ang aking pagpapagal. 17 At kahit ibinubuhos pa ako na parang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikiisa sa kagalakan ninyong lahat. 18 Sa gayunding paraan, dapat kayong matuwa at makiisa sa aking kagalakan.

Sina Timoteo at Epafrodito

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo agad sa inyo si Timoteo, upang mapanatag din ang isip ko kapag nalaman ko na ang kalagayan ninyo. 20 Wala akong ibang maitutulad sa kanya na totoong magmamalasakit sa inyong kapakanan, 21 sapagkat ang hinahanap lamang ng lahat ay ang sarili nilang kapakanan, hindi ang mga nauukol kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam ninyong napatunayan na ni Timoteo[c] ang kanyang sarili; sapagkat gaya ng paglilingkod ng anak sa kanyang ama ay naglingkod siyang kasama ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 23 Kaya umaasa ako na isusugo ko siya kaagad, kapag nalaman ko na kung ano ang mangyayari sa akin. 24 Nagtitiwala rin ako sa Panginoon na malapit na akong makapunta riyan.

25 Bukod dito, iniisip kong kailangang papuntahin diyan si Epafrodito, na aking kapatid, kamanggagawa, at kapwa kawal, na isinugo ninyo upang maglingkod para sa aking pangangailangan. 26 Sabik na sabik na siyang makita kayo. Nalulungkot siya sapagkat nabalitaan ninyo na siya'y nagkasakit. 27 Totoo ngang siya'y nagkasakit at halos mamatay na. Ngunit naawa sa kanya ang Diyos; at hindi lamang sa kanya kundi pati sa akin, kung hindi'y nagkapatung-patong sana ang aking kalungkutan. 28 Kaya't lalo kong sinikap na isugo siya, upang kapag makita ninyo siyang muli, matutuwa kayo at ako naman ay mababawasan ng pangamba. 29 Kaya't buong kagalakan ninyo siyang tanggapin bilang lingkod ng Panginoon. Parangalan ninyo ang mga taong katulad niya. 30 Nabingit siya sa kamatayan dahil sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay upang punan ang kakulangan ng inyong paglilingkod sa akin.

Ang Tunay na Katuwiran

Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kalabisan para sa akin ang muli kong isulat sa inyo ang dati ko nang naisulat, sa halip, ito'y upang kayo'y ingatan.

Mag-ingat kayo sa mga aso, sa mga gumagawa ng masasama, at sa mga sumusugat sa kanilang katawan. Sapagkat tayo ang mga tunay na tuli, na naglilingkod sa tulong ng Espiritu ng Diyos at ang ating pagmamalaki ay nakay Cristo Jesus, at hindi sa anumang ginagawa sa ating katawan. Bagaman maaari kong gawin iyon. Kung sa palagay ng iba may dahilan silang magmalaki, lalo na ako: tinuli ako (F) nang ikawalong araw, akong mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang tunay na Hebreo, at tungkol sa kautusan, ako'y isang Fariseo. Kung ang pag-uusapan (G) ay sigasig, ako ay naging tagausig ng iglesya; at tungkol naman sa katuwirang ayon sa kautusan, ako ay walang kapintasan. Subalit ang mga bagay na maaari ko sanang pakinabangan ay itinuring kong kalugihan dahil kay Cristo. Sa katunayan, ang lahat ng bagay ay itinuring kong kalugihan dahil sa hindi matatawarang halaga ng pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kanya'y pinawalang-halaga ko ang lahat ng bagay, at itinuring kong basura, upang makamtan ko si Cristo, at ako'y matagpuan na nasa kanya. Wala akong sariling katuwiran batay sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na nakabatay sa pananampalataya. 10 Ang naisin ko'y makilala siya at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at makibahagi sa kanyang mga pagdurusa, at matulad ako sa kanya maging sa kanyang kamatayan, 11 upang hangga't maaari ay makamtan ko ang muling pagkabuhay mula sa kamatayan.

Pagpapatuloy sa Mithiin

12 Hindi sa ito'y nakamit ko na, o ako'y nakarating na sa hangganan; sa halip ay nagpapatuloy ako upang makamit ko ang bagay na ito, yamang ako ay nakamit na ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko itinuturing na iyon ay nakamit ko na; ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang mga bagay na nakaraan, at sinisikap kong abutin ang mga bagay na hinaharap. 14 Patuloy akong tumatakbo patungo sa hangganan para sa gantimpala ng makalangit[d] na pagtawag ng Diyos bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Kaya't tayong mga nasa hustong gulang ay dapat magkaroon ng gayunding pananaw. At kung hindi ganito ang inyong pananaw, ito man ay ipahahayag sa inyo ng Diyos. 16 Gayunman, magpatuloy tayong mamuhay ayon sa pamantayang naabot na natin.

17 Mga (H) kapatid, sama-sama ninyong tularan ang aking halimbawa, at bigyan ninyo ng pansin ang mga lumalakad nang ayon sa huwarang ibinigay namin sa inyo. 18 Sapagkat maraming namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo gaya ng madalas kong sabihin sa inyo noon, at ngayo'y muli kong sinasabi na may kasama pang luha. 19 Ang wakas nila ay kapahamakan; ang diyos nila ay ang sarili nilang tiyan; ang ipinagmamalaki nila ay mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at ang tanging iniisip nila ay ang mga bagay na makalupa. 20 Ngunit tayo'y mamamayan ng langit at naghihintay tayo ng Tagapagligtas mula roon, ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang kalagayan ng ating mga hamak na katawan upang maging katulad ng kanyang maluwalhating katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang kumikilos sa kanya upang maipailalim niya sa kanyang sarili ang lahat ng bagay.

Kaya nga, mga minamahal at pinananabikan kong kapatid, kayo ang aking tuwa at karangalan. Magpakatatag kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.

Mga Pangaral

Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip bilang bunga ng kanilang pagiging isa sa Panginoon. Hinihiling ko rin sa iyo, tapat kong kasama, na alalayan mo ang mga babaing ito. Kasama ko silang nakipaglaban para sa ebanghelyo, kasama rin si Clemente, at iba ko pang mga kamanggagawa. Ang mga pangalan nila ay nasa aklat ng buhay. Magalak kayong lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin: Magalak kayo. Makilala sana ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit nang dumating. Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, sa halip ay idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan tungkol sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamong may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos, na higit pa sa kaya nating maunawaan, ang magbabantay sa inyong mga puso at mga pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kanais-nais, anumang bagay na kahanga-hanga, kung may anumang kahusayan, at kung may karapat-dapat parangalan, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo. Ang mga bagay na inyong natutuhan o tinanggap at narinig o nakita sa akin ay patuloy ninyong isagawa; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.

Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos

10 Ako'y galak na galak sa Panginoon, na ngayon, pagkalipas ng mahabang panahon, ay muli ninyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin. Sa katunayan, lagi kayong may pagmamalasakit sa akin. Wala nga lamang kayong pagkakataon. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil may pangangailangan ako, sapagkat natutuhan ko na ang masiyahan kahit anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko kung paano maghikahos, alam ko rin kung paano managana. Sa lahat ng bagay at anumang kalagayan ay natutuhan ko ang lihim sa pagkabusog, at sa pagkagutom, at maging sa kasaganaan at sa kasalatan. 13 Ang lahat ay magagawa ko sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay-lakas sa akin. 14 Gayunma'y napakabuti ng ginawa ninyong pagdamay sa aking paghihirap.

15 Alam ninyong mga taga-Filipos na noong mga unang araw ng pangangaral ko ng ebanghelyo, pag-alis ko sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakibahagi sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang. 16 Sapagkat (I) (J) kahit noong ako'y nasa Tesalonica ay makailang ulit na nagpadala kayo ng tulong para sa aking mga pangangailangan. 17 Hindi dahil nais kong makatanggap ng kaloob, kundi nais kong makakita ng bunga na sumasagana para sa inyong pakinabang. 18 Ngunit (K) sulit na sulit ang natanggap ko ngayon at labis pa. Lubos akong nasisiyahan, ngayong natanggap ko mula kay Epafrodito ang mga ipinadala ninyo. Ang mga ito'y masarap na samyo at kaaya-ayang alay na nagbibigay-kasiyahan sa Diyos. 19 At pupunuan ng aking Diyos ang lahat ng inyong mga pangangailangan ayon sa kanyang maluwalhating kayamanan na matatagpuan kay Cristo Jesus. 20 Luwalhati sa ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.

Huling Pagbati

21 Batiin ninyo ang lahat ng banal na nakay Cristo Jesus. Bumabati sa inyo ang mga kapatid na kasama ko. 22 Bumabati sa inyo ang lahat ng mga banal, lalung-lalo na ang mga nasa sambahayan ni Emperador Cesar. 23 Nawa'y sumainyong espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.[e]

Footnotes

  1. Filipos 1:1 o mga obispo at mga diakono.
  2. Filipos 1:7 o sapagkat ako'y nasa inyong puso.
  3. Filipos 2:22 Sa Griyego, siya.
  4. Filipos 3:14 Sa Griyego, paitaas.
  5. Filipos 4:23 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.